Gamiting Mabuti ang mga Lumang Magasin
Walang makikinabang kapag itinago o itinapon natin ang mga lumang magasin kaya dapat nating sikaping maipamahagi ang mga iyon. Dahil sa isang magasin, maaaring mapukaw ang interes ng isa sa katotohanan at magsimulang tumawag sa pangalan ni Jehova. (Roma 10:13, 14) Narito ang ilang mungkahi kung paano gagamiting mabuti ang mga lumang magasin.
Kapag nangangaral sa mga teritoryong bihirang gawin, maaaring mag-iwan ng isang magasin sa mga bahay na walang tao, pero ilagay ito sa lugar na hindi makikita ng mga dumaraan.
Kapag nakikibahagi sa pampublikong pagpapatotoo sa mga sakayan ng bus, istasyon ng tren, o sa iba pang lugar na gaya nito, tanungin ang mga tao kung gusto nila ng mababasa. Ipakita ang ilang lumang isyu ng magasin at papiliin sila.
Kapag pumupunta sa mga opisina, ospital, klinik, o iba pang katulad na mga lugar sa inyong teritoryo, mag-iwan sa mga waiting area ng ilang lumang isyu ng magasin. Makabubuti kung hihingi muna ng pahintulot sa nangangasiwa roon bago mag-iwan ng magasin. Kung may nakita ka nang mga magasin, huwag ka nang mag-iwan.
Kapag naghahanda sa mga pagdalaw-muli, isipin kung saan interesado ang plano mong dalawin. May pamilya ba siya? Madalas ba siyang magbiyahe? Mahilig ba siya sa halaman? Tingnan sa mga kopya mo ng lumang magasin kung may artikulong magugustuhan niya, at ipakita iyon sa kaniya.
Kapag natagpuan mo uli ang isang interesado na paulit-ulit mong pinupuntahan pero hindi mo nakakausap, bigyan siya ng ilan sa mga lumang isyu na wala pa siya.