Pasulungin ang Kakayahan sa Ministeryo—Pagpapakita ng Personal na Interes
Kung Bakit Mahalaga: Pinakitunguhan ni Jesus ang mga tao bilang mga indibiduwal, at nagpakita siya sa kanila ng maibiging personal na interes. Halimbawa, baka napansin ni Jesus ang pagkaasiwa ng isang lalaking bingi, kaya inilayo niya muna ito sa mga tao bago niya ito pagalingin nang sarilinan. (Mar. 7:31-35) Nagpakita siya ng konsiderasyon sa kaniyang mga alagad sa pamamagitan ng pagkilala sa kanilang mga limitasyon at hindi pagpapaulan sa kanila ng napakaraming impormasyon. (Juan 16:12) Kahit sa kaniyang posisyon sa langit, nagpapakita si Jesus ng personal na interes. (2 Tim. 4:17) Bilang mga tagasunod ni Kristo, gusto natin siyang tularan. (1 Ped. 2:21; 1 Juan 3:16, 18) At magiging mas epektibo tayo sa ating ministeryo kung magpapakita tayo ng konsiderasyon sa may-bahay at isasaalang-alang natin ang kaniyang kalagayan, mga hilig, at álalahanín. Mas malamang na makinig siya kung makikita niyang hindi lang tayo basta nagdadala ng mensahe o nag-iiwan ng literatura, kundi talagang interesado tayo sa kapakanan niya.
Subukan Ito Ngayong Buwan:
Magkaroon ng mga praktis sesyon sa inyong pampamilyang pagsamba. O marahil habang nasa ministeryo, huminto sandali at pag-usapan ninyong magkapartner kung paano maibabagay ang inyong presentasyon sa sinabi ng may-bahay na nakausap ninyo.
Sa mga pagtitipon para sa paglilingkod sa larangan, maaaring talakayin o ipakita ng brother na nangangasiwa ang mga paraan ng pagpapakita ng personal na interes.