Mga Bagong Awit sa Pagsamba!
1 Nitong nakaraang Oktubre 4, 2014, sa taunang miting ng Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania, ipinatalastas ang planong rebisahin ang ating kasalukuyang songbook. Magandang balita nga iyon! Ipinaalala sa lahat ng dumalo kung gaano kahalaga sa ating pagsamba ang mga Kingdom song.—Awit 96:2.
2 Baka maitanong mo, ‘Bakit kailangan pang rebisahin ang songbook?’ Maraming dahilan. Una sa lahat, ang pagkaunawa natin sa Kasulatan ay patuloy na dinadalisay, at maaari nitong maapektuhan ang liriko ng ating mga awit. (Kaw. 4:18) Isa pa, sa maraming wika, may mga termino at parirala sa ating kasalukuyang songbook na halaw sa dating edisyon ng New World Translation. Dapat nang baguhin ang mga lirikong iyon para iayon sa nirebisang edisyon. Yamang malaking trabaho ang gagawin para maging up-to-date ang mga liriko, napagpasiyahan na magdagdag ng mga bagong awit sa songbook.
3 Kailangan ba nating hintaying maimprenta ang bagong songbook para magamit ang mga bagong awit? Hindi. Natutuwa kaming ipaalam sa inyo na sa susunod na mga buwan, may ilang bagong awit na ire-release sa ating website na jw.org. Kapag may bagong awit na ini-release, makikita ito bilang huling awit sa iskedyul ng Pulong sa Paglilingkod, na may pananalitang “bagong awit.”
4 Kung Paano Matututuhan ang mga Bagong Awit: Hindi madaling mag-aral ng bagong kanta. Pero gaya ng salmista, gusto nating umawit sa ating mga pulong sa kongregasyon at “hindi manatiling tahimik.” (Awit 30:12) Para matutuhan ang bagong awit, sundan ang simpleng mga hakbang na ito.
Paulit-ulit na pakinggan ang piano recording ng awit, na ilalagay sa ating website. Miyentras naririnig mo ang himig, mas madali mo itong matatandaan.
Pag-aralan ang liriko, at sikaping sauluhin ito.
Kantahin ang liriko kasabay ng himig. Gawin ito nang ilang beses hanggang sa makabisa mo ang awit.
Praktisin ang bagong awit sa inyong sesyon ng Pampamilyang Pagsamba hanggang sa makuha ninyo ang tono.
5 Sa susunod na mga buwan, kapag may nakaiskedyul na bagong awit sa pagtatapos ng Pulong sa Paglilingkod, patutugtugin muna sa kongregasyon ang piano recording. Pagkatapos pakinggan, kakantahin ito ng kongregasyon sa saliw ng rekording, gaya ng ginagawa natin sa ibang awit.
6 Kung iisipin, ang pag-awit sa ating mga pulong ay nagdudulot ng kagalakan habang pinagkakaisa natin ang ating mga tinig para papurihan si Jehova. Kaya huwag nating ugaliing lumabas o umalis kung hindi naman kailangan kapag umaawit sa ating mga Kristiyanong pagpupulong.
7 May isa pang paraan para pahalagahan ang ating sagradong musika. Sa ating mga asamblea at kombensiyon, may pinatutugtog na musika bago magsimula ang bawat sesyon. Dalawang beses sa isang taon, may mga kapatid mula sa iba’t ibang bansa na nagbibiyahe papunta sa Patterson, New York, para lumikha ng musikang ginagamit sa ating pagsamba. Sila ang sumasagot ng sarili nilang pamasahe. Kaya kapag inanyayahan tayo ng chairman na maupo na para makinig sa musikang inihanda ng orkestra, magandang sumunod tayo. Makakatulong ito na maihanda ang ating puso sa mga impormasyong matatanggap natin.—Ezra 7:10.
8 Magtatapos ang pulong natin ngayon sa pag-awit muli ng bagong awit na pinamagatang “Kaharian, Itinatag—Nawa’y Dumating Na Ito!” Ang awit na ito, na itinampok sa katatapos na taunang miting, ay kinatha para sa ika-100 anibersaryo ng pagkakatatag ng Kaharian.
9 Ang mga bagong awit ay talagang “mabubuting bagay” mula kay Jehova. (Mat. 12:35a) Sikapin nating pag-aralan at buong-pusong awitin ang mga bagong awit at ibigay sa Diyos ang marapat na papuri at karangalan!—Awit 147:1.