ARALING ARTIKULO 24
Si Jehova—Ang Pinakamahusay Magpatawad
“Ikaw, O Jehova, ay mabuti at handang magpatawad; sagana ang iyong tapat na pag-ibig sa lahat ng tumatawag sa iyo.”—AWIT 86:5.
AWIT 42 Ang Panalangin ng Lingkod ng Diyos
NILALAMANa
1. Ano ang matututuhan natin sa sinabi ni Haring Solomon sa Eclesiastes 7:20?
SINABI ni Haring Solomon: “Walang taong matuwid sa lupa na laging tama ang ginagawa at hindi nagkakasala.” (Ecles. 7:20) Totoong-totoo iyan! Lahat tayo ay makasalanan. (1 Juan 1:8) Kaya lahat tayo ay nangangailangan ng kapatawaran ng Diyos at ng kapuwa natin.
2. Ano ang pakiramdam kapag pinatawad ka ng kaibigan mo?
2 Naalala mo pa siguro nang sumama ang loob sa iyo ng kaibigan mo. Ayaw mong masira ang pagkakaibigan ninyo, kaya humingi ka ng tawad sa kaniya. Ano ang naramdaman mo nang patawarin ka niya? Gumaan ba ang loob mo? Oo, at tiyak na ang saya-saya mo!
3. Ano ang tatalakayin sa artikulong ito?
3 Gusto nating maging pinakamalapít na Kaibigan si Jehova. Pero paminsan-minsan, nakakapagsalita tayo o nakakagawa ng mga bagay na nakakasakit sa kaniya. Paano tayo makakatiyak na gusto tayong patawarin ni Jehova? Paano naiiba ang pagpapatawad ni Jehova sa pagpapatawad ng mga tao? At sino ang pinapatawad ng Diyos?
HANDANG MAGPATAWAD SI JEHOVA
4. Bakit tayo makakatiyak na handang magpatawad si Jehova?
4 Sinasabi sa atin ng Salita ng Diyos na si Jehova ay handang magpatawad. Nang ipakilala ni Jehova ang sarili niya kay Moises sa Bundok Sinai, nagpadala Siya ng isang anghel para sabihin: “Si Jehova, si Jehova, isang Diyos na maawain at mapagmalasakit, hindi madaling magalit at sagana sa tapat na pag-ibig at katotohanan, nagpapakita ng tapat na pag-ibig sa libo-libo, nagpapatawad sa pagkakamali at pagsuway at kasalanan.” (Ex. 34:6, 7) Mabait at maawaing Diyos si Jehova at handa siyang magpatawad sa mga nagsisising nagkasala.—Neh. 9:17; Awit 86:15.
Alam na alam ni Jehova ang nangyayari sa atin na humuhubog sa pagkatao natin (Tingnan ang parapo 5)
5. Dahil kilalang-kilala ni Jehova ang mga tao, ano ang ginagawa niya ayon sa Awit 103:13, 14?
5 Alam ni Jehova ang lahat tungkol sa atin dahil nilalang niya tayo. Alam pa nga niya ang lahat ng detalye tungkol sa bawat tao sa lupang ito. (Awit 139:15-17) Kaya nakikita niya ang lahat ng di-kasakdalan na minana natin sa mga magulang natin. Bukod diyan, alam din niya ang lahat ng naranasan natin sa buhay na humubog sa ating pagkatao. Dahil kilalang-kilala ni Jehova ang mga tao, ano ang ginagawa niya? Nagpapakita siya ng awa sa atin.—Awit 78:39; basahin ang Awit 103:13, 14.
6. Paano pinatunayan ni Jehova na gustong-gusto niya tayong patawarin?
6 Pinatunayan ni Jehova na gustong-gusto niya tayong patawarin. Alam niya na dahil sa unang taong si Adan, lahat tayo ay naging makasalanan at namamatay. (Roma 5:12) Wala tayong magagawa para palayain ang sarili natin o ang ibang tao mula sa kasalanan at kamatayan. (Awit 49:7-9) Pero nagpakita ng awa ang ating mapagmahal na Diyos at gumawa siya ng paraan para mapalaya tayo. Ano ang ginawa niya? Ayon sa Juan 3:16, ibinigay ni Jehova ang kaisa-isa niyang Anak para mamatay alang-alang sa atin. (Mat. 20:28; Roma 5:19) Nagdusa at namatay si Jesus para mapalaya ang mga mananampalataya sa kaniya. (Heb. 2:9) Tiyak na napakasakit para kay Jehova na makita ang kaniyang pinakamamahal na Anak na dumanas ng napakahirap at kahiya-hiyang kamatayan! Siguradong hindi hahayaan ni Jehova na mamatay ang Anak niya kung hindi niya tayo gustong patawarin.
7. Sa Bibliya, sino ang ilan sa mga taong lubusang pinatawad ni Jehova?
7 Sa Bibliya, maraming halimbawa ng mga tao na lubusang pinatawad ni Jehova. (Efe. 4:32) Sino ang naiisip mo? Pumasok siguro sa isip mo si Haring Manases. Grabe ang naging kasalanan kay Jehova ng napakasamang taong ito. Sumamba siya sa huwad na mga diyos at inimpluwensiyahan pa nga ang iba na gawin din iyon. Inihandog niya ang sarili niyang mga anak bilang hain sa huwad na mga diyos. At mas masama pa, naglagay siya ng diyos-diyusan sa banal na templo ni Jehova. Ganito ang sinabi ng Bibliya tungkol sa kaniya: “Napakarami niyang ginawang masama sa paningin ni Jehova para galitin siya.” (2 Cro. 33:2-7) Pero nang taos-pusong magsisi si Manases, lubusan siyang pinatawad ni Jehova. Ibinalik pa nga siya ng Diyos sa kaniyang posisyon bilang hari. (2 Cro. 33:12, 13) Siguro naisip mo rin si Haring David. Nagkasala siya nang malubha kay Jehova kasi nangalunya siya at pumatay. Pero nang talagang magsisi si David at inamin ang pagkakamali niya, pinatawad din siya ni Jehova. (2 Sam. 12:9, 10, 13, 14) Kaya talagang gustong-gusto ni Jehova na magpatawad. At gaya ng makikita natin, naiiba ang pagpapatawad ni Jehova sa pagpapatawad ng mga tao.
NAIIBA ANG PAGPAPATAWAD NI JEHOVA
8. Paano nakakaapekto ang naiibang posisyon ni Jehova bilang Hukom sa pagpapatawad niya?
8 Si Jehova ang “Hukom ng buong lupa.” (Gen. 18:25) Alam na alam ng isang mahusay na hukom ang batas. Totoong-totoo iyan kay Jehova kasi hindi lang siya Hukom, siya rin ang Tagapagbigay-Batas. (Isa. 33:22) Walang iba maliban kay Jehova ang talagang nakakaalam ng tama at mali. Ano pa ang kailangan para maging mahusay na hukom? Kailangang alam niya ang lahat ng detalye ng isang kaso bago siya humatol. Kaya si Jehova ang pinakamahusay na Hukom dahil alam niya ang lahat ng bagay.
9. Ano ang kayang alamin ni Jehova bago siya magpasiya kung magpapatawad siya o hindi?
9 Di-gaya ng mga hukom na tao, alam na alam ni Jehova ang lahat ng detalye sa anumang kaso. (Gen. 18:20, 21; Awit 90:8) Hindi siya kagaya ng mga tao na limitado lang ang nakikita o naririnig. Lubusan niyang naiintindihan na ang ikinikilos ng isang tao ay apektado ng minanang mga ugali nito, kinalakhan, at pinag-aralan, pati na ng emosyonal at mental na kalusugan nito. Nababasa rin ni Jehova ang puso natin. Alam na alam niya kung ano ang nagtulak sa isang tao na gawin ang isang bagay. Walang maitatago kay Jehova. (Heb. 4:13) Kaya kapag nagpatawad si Jehova, tiyak na alam niya ang buong pangyayari.
Si Jehova ay makatarungan, patas, at hindi nagtatangi. Hindi siya nasusuhulan (Tingnan ang parapo 10)
10. Bakit natin masasabi na ang mga hatol ni Jehova ay laging makatarungan at patas? (Deuteronomio 32:4)
10 Laging makatarungan at patas ang hatol ni Jehova. Hindi siya nagtatangi. Kapag nagpapatawad siya, hindi siya naiimpluwensiyahan ng hitsura, kayamanan, abilidad, o pagiging tanyag ng isang tao. (1 Sam. 16:7; Sant. 2:1-4) Hindi siya puwedeng pilitin o suhulan. (2 Cro. 19:7) Ang mga desisyon niya ay hindi naaapektuhan ng pagkainis o dahil lang sa emosyon. (Ex. 34:7) Kaya si Jehova ang pinakamahusay na Hukom dahil alam na alam niya ang lahat tungkol sa atin at sa ating kalagayan.—Basahin ang Deuteronomio 32:4.
11. Paano naiiba ang pagpapatawad ni Jehova?
11 Alam ng mga manunulat ng Hebreong Kasulatan na naiiba ang pagpapatawad ni Jehova. Sa ilang sitwasyon, gumamit sila ng Hebreong salita na ayon sa isang reperensiya ay “ginagamit lang para ilarawan ang paraan ng pagpapatawad ng Diyos sa mga makasalanan. Hindi kailanman ginamit ang salitang iyon para ilarawan ang limitadong paraan ng pagpapatawad ng isang tao sa kaniyang kapuwa.” Tanging si Jehova lang ang makapagpapatawad nang lubusan sa isang nagsisising nagkasala. Ano ang resulta kapag pinatawad tayo ni Jehova?
12-13. (a) Ano ang nararanasan ng isang tao kapag pinatawad siya ni Jehova? (b) Nawawala ba ang bisa ng pagpapatawad ni Jehova? Ipaliwanag.
12 Kapag tinanggap natin na pinatawad na tayo ni Jehova, nararanasan natin ang “mga panahon ng pagpapaginhawa,” kasama na ang pagkakaroon ng kapayapaan ng isip at malinis na konsensiya. Hindi puwedeng manggaling sa tao ang gayong uri ng pagpapatawad kundi mula “mismo kay Jehova.” (Gawa 3:19) Kapag pinatawad tayo ni Jehova, nagiging kaibigan niya tayo ulit na para bang hindi tayo nagkasala.
13 Kapag pinatawad na tayo ni Jehova, hindi na niya iyon isusumbat sa atin o hindi na niya tayo paparusahan ulit dahil sa kasalanang iyon. (Isa. 43:25; Jer. 31:34) Inilalayo ni Jehova ang mga kasalanan natin na ‘kasinlayo ng sikatan ng araw sa lubugan ng araw.’b (Awit 103:12) Kapag pinag-iisipan natin kung gaano kalaki ang pagpapatawad ni Jehova, talagang humahanga tayo at nagpapasalamat. (Awit 130:4) Pero sino ang pinapatawad ni Jehova?
SINO ANG PINAPATAWAD NI JEHOVA?
14. Ano na ang mga natutuhan natin tungkol sa pagpapatawad ni Jehova?
14 Natutuhan natin na hindi nakadepende sa laki o liit ng kasalanan ang pagpapatawad ni Jehova. Natutuhan din natin na kapag nagpapatawad si Jehova, ginagamit niya ang kaalaman niya bilang Maylalang, Tagapagbigay-Batas, at Hukom. Ano ang mga tinitingnan ni Jehova bago siya magpatawad?
15. Ayon sa Lucas 12:47, 48, ano ang isang tinitingnan ni Jehova kapag nagpapatawad siya?
15 Ang isa sa tinitingnan ni Jehova ay kung alam ng nagkasala na mali ang ginawa niya. Malinaw na sinabi iyan ni Jesus sa Lucas 12:47, 48. (Basahin.) Kapag sinasadya ng isa na gumawa ng masama kahit alam na alam niya na masasaktan si Jehova, nagkakasala siya nang malubha. Posibleng hindi siya patawarin ni Jehova. (Mar. 3:29; Juan 9:41) Pero aminado tayo na kung minsan, alam nating mali ang nagagawa natin. Papatawarin kaya tayo? Oo! Dahil may isa pang tinitingnan si Jehova kapag nagpapatawad siya.
Makakapagtiwala tayo na papatawarin tayo ni Jehova kung talagang nagsisisi tayo (Tingnan ang parapo 16-17)
16. Ano ang pagsisisi, at bakit mahalaga ito para mapatawad tayo ni Jehova?
16 Ang isa pang tinitingnan ni Jehova ay kung talagang nagsisisi ang nagkasala. Pero ano ba ang ibig sabihin ng pagsisisi? Ito ay “pagbabago ng isip, saloobin, o layunin.” Nangangahulugan ito na ang isang tao ay nakakadama ng panghihinayang at matinding kalungkutan dahil sa masamang bagay na nagawa niya o sa mabubuting bagay na dapat sana ay ginawa niya. Nalulungkot siya, hindi lang dahil sa nagawa niyang mali, kundi dahil hinayaan din niyang humina ang espirituwalidad niya na naging dahilan kaya nakagawa siya ng kasalanan. Tandaan na mabigat ang naging kasalanan nina Haring Manases at David pero pinatawad sila ni Jehova dahil talagang nagsisi sila. (1 Hari 14:8) Oo, papatawarin tayo ni Jehova kung talagang may ebidensiya na nagsisisi tayo. Pero hindi sapat na malungkot lang tayo sa nagawa nating kasalanan. May dapat tayong gawin.c At iyan ang isa pang bagay na tinitingnan ni Jehova.
17. Ano ang pagkakumberte, at bakit ito mahalaga para hindi na natin maulit ang mga kasalanan natin? (Isaias 55:7)
17 Ano pa ang isang mahalagang bagay na tinitingnan ni Jehova? Ang pagkakumberte o pagtalikod sa maling landasin. Ibig sabihin, dapat na gumawa ng pagbabago ang isang tao. Iiwan niya ang masamang gawain at mamumuhay ayon sa pamantayan ni Jehova. (Basahin ang Isaias 55:7.) Dapat niyang baguhin ang kaniyang pag-iisip at magpagabay sa pag-iisip ni Jehova. (Roma 12:2; Efe. 4:23) Dapat na determinado siyang iwan ang masasamang gawain at kaisipan. (Col. 3:7-10) Siyempre, kailangan nating manampalataya sa sakripisyo ni Kristo dahil iyon ang basehan ni Jehova para patawarin tayo at linisin mula sa mga kasalanan natin. At kapag nakikita ni Jehova na nagsisikap tayong magbago, papatawarin niya tayo salig sa sakripisyo ni Kristo.—1 Juan 1:7.
MAGTIWALANG PAPATAWARIN KA NI JEHOVA
18. Ano ang mga natutuhan natin tungkol sa pagpapatawad ni Jehova?
18 Balikan natin ang ilang mahahalagang punto na tinalakay natin. Si Jehova ang pinakamahusay magpatawad sa buong uniberso. Bakit natin nasabi iyan? Una, lagi siyang handang magpatawad. Ikalawa, kilalang-kilala niya tayo kaya nakikita niya kung talagang nagsisisi tayo. At ikatlo, kapag nagpapatawad si Jehova, binubura niya ang mga kasalanan natin na para bang hindi natin ito ginawa. Dahil dito, nagkakaroon tayo ng malinis na konsensiya at natatanggap natin ang pagsang-ayon niya.
19. Kahit hindi tayo perpekto at patuloy na nagkakasala, bakit puwede tayong maging masaya?
19 Siyempre, dahil hindi tayo perpekto, patuloy tayong nagkakasala. Pero mapapatibay tayo ng mga salita na nasa Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2, pahina 712: “Yamang maawaing isinasaalang-alang ni Jehova ang kahinaan ng laman ng kaniyang mga lingkod, hindi nila kailangang palagiang magdalamhati nang matindi dahil sa kanilang mga kamalian na bunga ng kanilang likas na di-kasakdalan. (Aw 103:8-14; 130:3) Kung buong-katapatan silang lumalakad sa mga daan ng Diyos, maaari silang magalak. (Fil 4:4-6; 1Ju 3:19-22).” Nakakapagpatibay nga iyan!
20. Ano ang tatalakayin natin sa susunod na artikulo?
20 Nagpapasalamat tayo na handang patawarin ni Jehova ang mga kasalanan natin kung talagang nagsisisi tayo. Pero paano natin matutularan ang pagpapatawad ni Jehova? Sa anong mga paraan nagkakapareho ang pagpapatawad natin at ang pagpapatawad ni Jehova, pero sa anong mga paraan din ito nagkakaiba? Bakit mahalagang maunawaan natin iyan? Tatalakayin ang sagot sa mga tanong na iyan sa susunod na artikulo.
AWIT 45 “Ang Pagbubulay-bulay ng Aking Puso”
a Tinitiyak sa atin ng Bibliya na handa si Jehova na patawarin ang mga nagsisising nagkasala. Pero kung minsan, baka nadarama nating hindi tayo karapat-dapat sa pagpapatawad niya. Tatalakayin sa artikulong ito kung bakit tayo makakatiyak na laging handang magpatawad ang Diyos kapag talagang nagsisisi tayo sa mga kasalanan natin.
b Tingnan ang aklat na Maging Malapít kay Jehova, kab. 26, par. 9.
c KARAGDAGANG PALIWANAG: Ang “pagsisisi” ay tumutukoy sa pagbabago ng isip na may matinding kalungkutan dahil sa dating paraan ng pamumuhay, dahil sa pagkakamali, o dahil hindi nagawa ng isa ang dapat niyang gawin. Ang tunay na pagsisisi ay may kasamang pagkilos, ang pagbabago ng landasin.