Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w25 Agosto p. 14-19
  • Maniwalang Pinatawad Ka Na ni Jehova

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Maniwalang Pinatawad Ka Na ni Jehova
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2025
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • BAKIT DAPAT TAYONG MANIWALA NA PINATAWAD NA TAYO NI JEHOVA?
  • PAANO TAYO MAGIGING MAS KUMBINSIDO NA PINATAWAD NA TAYO NI JEHOVA?
  • HUWAG KALIMUTAN ANG INAALAALA NI JEHOVA
  • PATULOY NA MANIWALA SA PAG-IBIG AT PAGPAPATAWAD NI JEHOVA
  • Kung Paano Ka Nakikinabang sa Pagpapatawad ni Jehova
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2025
  • Si Jehova, Isang Diyos na “Handang Magpatawad”
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1997
  • Isang Diyos na “Handang Magpatawad”
    Maging Malapít kay Jehova
  • Si Jehova—Ang Pinakamahusay Magpatawad
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2022
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2025
w25 Agosto p. 14-19

ARALING ARTIKULO 34

AWIT BLG. 3 Ikaw ang Aming Pag-asa at Lakas

Maniwalang Pinatawad Ka Na ni Jehova

“Pinatawad mo ang mga pagkakamali ko.”—AWIT 32:5.

MATUTUTUHAN

Kung bakit dapat tayong maniwalang pinatawad na tayo ni Jehova at kung paano tinitiyak sa atin ng Bibliya na talagang pinapatawad niya ang mga nagsisisi.

1-2. Ano ang nararamdaman natin kapag kumbinsido tayong pinatawad na tayo ni Jehova? (Tingnan din ang larawan.)

NAKAGAWA si Haring David ng malulubhang pagkakamali sa buhay niya, kaya alam niya ang pakiramdam ng isang taong nakokonsensiya. (Awit 40:12; 51:3; superskripsiyon) Pero nang talagang magsisi siya, pinatawad siya ni Jehova. (2 Sam. 12:13) Kaya alam din ni David kung gaano kasarap sa pakiramdam ang mapatawad.—Awit 32:1.

2 Puwede rin nating maramdaman iyan. Siguradong napakagaan sa pakiramdam kapag iniisip nating pinagpakitaan tayo ni Jehova ng awa. Kahit malubha ang pagkakamaling nagawa natin, alam nating papatawarin niya tayo kapag talagang nagsisisi tayo, ipinagtapat natin ang kasalanan natin, at sinisikap nating hindi na iyon maulit. (Kaw. 28:13; Gawa 26:20; 1 Juan 1:9) At talagang gumagaan ang loob natin dahil alam nating kapag nagpatawad si Jehova, para bang hindi nangyari ang kasalanan natin.—Ezek. 33:16.

Si Haring David na nakaupo sa balkonahe habang tumutugtog ng alpa at kumakanta.

Sumulat si Haring David ng maraming awit tungkol sa pagpapatawad ni Jehova (Tingnan ang parapo 1-2)


3-4. Ano ang naramdaman ng isang sister kahit bautisado na siya, at ano ang tatalakayin sa artikulong ito?

3 Pero minsan, baka mahirapan tayong maniwala na pinatawad na tayo ni Jehova. Iyan ang naramdaman ni Jennifer kahit noong bautisado na siya. Lumaki siya sa pamilyang Saksi. Pero noong teenager na siya, may mga ginawa siyang kasalanan at itinago iyon sa mga magulang niya. Paglipas ng ilang taon, nagsisi siya, inialay ang sarili niya kay Jehova, at nagpabautismo. Sinabi niya: “Pera ang pinakamahalaga sa ’kin noon. Imoral din ang buhay ko, madalas akong maglasing, at sobra akong magagalitin. Sa isip ko, alam ko namang dahil nagsisi na ako, napatawad na ako dahil sa pantubos. Pero sa totoo lang, nahirapan pa rin akong maniwalang napatawad na talaga ako ni Jehova.”

4 Nahihirapan ka rin ba kung minsan na maniwalang napatawad ka na ni Jehova sa mga pagkakamali mo? Makakatulong sa iyo ang halimbawa ni David. Kumbinsido si David na maawain si Jehova, kaya naging kumbinsido rin siya na napatawad na siya ni Jehova. At gusto ni Jehova na maging ganiyan din tayo. Sa artikulong ito, tatalakayin natin kung bakit dapat tayong maniwalang pinatawad na tayo ni Jehova at kung paano tayo magiging kumbinsido diyan.

BAKIT DAPAT TAYONG MANIWALA NA PINATAWAD NA TAYO NI JEHOVA?

5. Anong kasinungalingan ang gusto ni Satanas na paniwalaan natin, at paano niya ginamit noon ang pakanang iyan?

5 Kapag naniniwala tayo na pinatawad na tayo ni Jehova, hindi tayo maniniwala kay Satanas. Tandaan na gagawin ni Satanas ang lahat para mapahinto tayo sa paglilingkod kay Jehova. Kaya gusto niyang maniwala tayo na hindi na mapapatawad ang mga kasalanan natin. Tingnan ang nangyari sa lalaki sa Corinto na inalis sa kongregasyon dahil sa seksuwal na imoralidad. (1 Cor. 5:1, 5, 13) Nagsisi siya. Pero gusto ni Satanas na hindi siya patawarin ng kongregasyon at tanggapin ulit bilang kapatid. Gusto rin ni Satanas na maramdaman ng lalaki na hindi na siya mapapatawad para “madaig [siya] ng sobrang kalungkutan” at huminto na sa paglilingkod kay Jehova. Ganiyan pa rin si Satanas hanggang ngayon. Pero hindi niya tayo maloloko dahil “alam naman natin ang mga pakana niya.”—2 Cor. 2:5-11.

6. Ano ang puwede nating gawin para hindi na tayo makonsensiya sa mga nagawa natin noon?

6 Kapag naniniwala tayo na pinatawad na tayo ni Jehova, hindi na tayo makokonsensiya sa mga nagawa natin noon. Kapag nakagawa tayo ng kasalanan, normal lang na makonsensiya tayo. (Awit 51:17) Maganda iyan kasi mapapakilos tayo niyan na itama ang mga pagkakamali natin. (2 Cor. 7:10, 11) Pero kung makokonsensiya pa rin tayo kahit matagal na nating pinagsisihan ang kasalanan natin, baka huminto na tayo sa paglilingkod kay Jehova. Kaya ano ang dapat nating gawin? Maniwala tayo na talagang pinatawad na tayo ni Jehova. Kapag ginawa natin iyan, makakapaglingkod tayo sa kaniya nang masaya at may malinis na konsensiya. At iyan ang gusto ni Jehova para sa atin. (Col. 1:10, 11; 2 Tim. 1:3) Pero paano tayo magiging mas kumbinsido na pinatawad na tayo ni Jehova?

PAANO TAYO MAGIGING MAS KUMBINSIDO NA PINATAWAD NA TAYO NI JEHOVA?

7-8. Paano inilarawan ni Jehova ang sarili niya kay Moises, at ano ang tinitiyak niyan sa atin? (Exodo 34:6, 7)

7 Pag-isipan kung paano inilarawan ni Jehova ang sarili niya. Tingnan kung ano ang sinabi ni Jehova kay Moises sa Bundok Sinai.a (Basahin ang Exodo 34:6, 7.) Inilarawan ni Jehova ang sarili niya bilang “isang Diyos na maawain at mapagmalasakit.” Iyan ang sinabi niya kay Moises kahit marami pa siyang ibang magagandang katangian na puwedeng sabihin. Magagawa ba ng ganiyang Diyos na hindi patawarin ang isang mananamba niya na talagang nagsisisi? Kung hindi siya magpapatawad, magmumukhang napakalupit niya at walang awa. At alam nating hindi ganiyan si Jehova.

8 Diyos ng katotohanan si Jehova, kaya sigurado tayong hindi siya magsasabi ng isang bagay tungkol sa sarili niya na di-totoo. (Awit 31:5) Talagang makakapagtiwala tayo sa mga sinasabi niya. Kaya kung nahihirapan kang maniwala na pinatawad ka na ni Jehova, tanungin ang sarili: ‘Talaga bang naniniwala ako na maawain si Jehova, at na papatawarin niya ang lahat ng nagsisisi? Kaya bakit hindi ako maniniwala na pinatawad na niya ako?’

9. Ano ang matututuhan natin sa Awit 32:5 tungkol sa pagpapatawad ni Jehova sa mga kasalanan natin?

9 Pag-isipan ang mga ipinasulat ni Jehova sa Bibliya tungkol sa pagpapatawad niya. Halimbawa, tingnan ang sinasabi sa Awit 32:5. (Basahin.) “Pinatawad mo ang mga pagkakamali ko,” ang sabi ni David. Ang salitang Hebreo na isinaling “pinatawad” ay puwedeng mangahulugang “binuhat,” “kinuha,” o “dinala.” Nang patawarin ni Jehova si David, para bang kinuha niya ang mga kasalanan nito at dinala palayo. Dahil diyan, gumaan ang pakiramdam ni David. (Awit 32:2-4) Puwede rin nating maramdaman iyan. Kapag talagang nagsisisi tayo, hindi na tayo kailangang mabigatan pa sa mga kasalanang kinuha na ni Jehova at dinala palayo sa atin.

10-11. Ano ang matututuhan natin tungkol kay Jehova sa mga salitang “handang magpatawad”? (Awit 86:5)

10 Basahin ang Awit 86:5. Sinabi ni David na “handang magpatawad” si Jehova. Tungkol sa mga salitang ito, sinabi ng isang reperensiya sa Bibliya na likas kay Jehova na magpatawad. Makikita natin sa teksto ring iyon kung bakit: “Sagana ang iyong tapat na pag-ibig sa lahat ng tumatawag sa iyo.” Gaya ng nalaman natin sa naunang artikulo, wala nang mas lalalim pa sa pag-ibig na iyan ni Jehova para sa tapat na mga mananamba niya, at hinding-hindi iyan mawawala. Dahil sa pag-ibig na iyan, ‘handa niyang patawarin’ ang lahat ng nagsisisi. (Isa. 55:7, tlb.) Kaya kung nahihirapan kang maniwala na pinatawad ka na ni Jehova, tanungin ang sarili: ‘Talaga bang naniniwala ako na handang magpatawad si Jehova sa lahat ng nagsisisi at humihingi ng awa sa kaniya? Kaya bakit hindi ako maniniwala na pinatawad na niya ako noong humingi ako ng awa sa kaniya?’

11 Mapapatibay rin tayo kung tatandaan natin na talagang naiintindihan ni Jehova na hindi tayo perpekto. (Awit 139:1, 2) Idinidiin iyan ng isa pang awit ni David. Makakatulong din ang awit na iyan para maniwala tayong gusto tayong patawarin ni Jehova.

HUWAG KALIMUTAN ANG INAALAALA NI JEHOVA

12-13. Ano ang inaalaala ni Jehova tungkol sa atin, at ano ang ginagawa niya dahil doon? (Awit 103:14)

12 Basahin ang Awit 103:14. Sinabi ni David na “inaalaala [ni Jehova na] tayo ay alabok.” Ibig sabihin, hindi kinakalimutan ni Jehova na makasalanan tayo. Isa iyan sa mga dahilan kung bakit handang patawarin ni Jehova ang mga nagsisisi niyang mananamba. Tingnan pa nating mabuti ang mga sinabing iyan ni David.

13 Sinabi ni David na “alam na alam [ni Jehova] ang pagkakagawa sa atin.” Nilalang ni Jehova si Adan “mula sa alabok ng lupa,” kaya alam niyang may mga limitasyon ang mga tao. (Gen. 2:7) Halimbawa, kailangan nilang kumain, matulog, at huminga. Kahit perpekto ang isang tao, kailangan pa rin niyang gawin ang mga iyan. Pero nang magkasala sina Adan at Eva, nagkaroon ng isa pang kahulugan ang mga salitang “tayo ay alabok.” Nangangahulugan na rin ito na may tendensiya tayong magkasala dahil namana natin ang pagiging di-perpekto nina Adan at Eva. Hindi lang iyan basta alam ni Jehova; sinabi sa awit na “inaalaala” niya iyan. Ipinapakita ng salitang Hebreo para dito na may gagawing positibo si Jehova. Para bang sinasabi ni David: Naiintindihan ni Jehova na may mga pagkakataong magkakamali tayo; pero kapag talagang nagsisisi tayo, magpapakita siya sa atin ng awa at papatawarin tayo.—Awit 78:38, 39.

14. (a) Ano pa ang sinabi ni David tungkol sa pagpapatawad ni Jehova? (Awit 103:12) (b) Ano ang matututuhan natin sa pagpapatawad ni Jehova kay David? (Tingnan ang kahong “Kinalimutan Na ni Jehova ang mga Kasalanang Pinatawad Na Niya.”)

14 May matututuhan din tayo tungkol sa pagpapatawad ni Jehova sa Awit 103:12. (Basahin.) Sinabi ni David na kapag nagpapatawad si Jehova, inilalayo niya sa atin ang mga kasalanan natin “kung gaano kalayo ang sikatan ng araw [na nasa silangan] sa lubugan ng araw [na nasa kanluran].” Silangan ang pinakamalayong lugar mula sa kanluran; hinding-hindi magtatagpo ang dalawang lugar na ito. Ano ang matututuhan natin dito tungkol sa mga kasalanang pinatawad na ni Jehova? Sinasabi ng isang reperensiya na kung ganiyan na kalayo inilagay ni Jehova ang kasalanan natin mula sa atin, “makakatiyak tayo na walang-wala na kahit ang amoy, bakas, o alaala nito.” Hindi ba minsan may bigla tayong naaalala dahil sa isang amoy? Kapag nagpatawad si Jehova, wala na kahit ang “amoy” ng kasalanan natin. Kaya wala nang makakapagpaalala sa kaniya sa kasalanan natin at na dapat tayong sisihin o parusahan dahil doon.—Ezek. 18:21, 22; Gawa 3:19.

Collage: 1. Si Haring David na nasa bubungan. Nakatingin siya kay Bat-sheba habang naliligo ito. 2. Nagsusumamo siya sa panalangin niya. 3. Pinag-iisipan niya ang mga karanasan niya habang nagsusulat.

Kinalimutan Na ni Jehova ang mga Kasalanang Pinatawad Na Niya

Kapag pinatawad na tayo ni Jehova, kinakalimutan na niya ang kasalanan natin. Ibig sabihin, hindi na niya tayo paparusahan o sisisihin dahil doon. (Isa. 43:25) Ganiyan ang nangyari kay Haring David. Makikita natin sa karanasan niya na puwede pa rin tayong maging malapít kay Jehova kahit nakagawa tayo ng malulubhang kasalanan.

Seryoso ang mga kasalanang nagawa ni David, gaya ng pangangalunya kay Bat-sheba at pagpatay kay Uria. Pero dahil talagang nagsisi si David, pinatawad siya ni Jehova. Tinanggap niya ang pagtutuwid sa kaniya at gumawa ng mga pagbabago. Pagkatapos, hindi na niya inulit ang mga pagkakamaling iyon at nanatili siyang tapat kay Jehova.—2 Sam. 11:1-27; 12:13.

Sinabi ni Jehova kay Solomon: “[Lumakad] ka sa harap ko, gaya ng paglakad ni David na iyong ama nang matuwid at may katapatan ng puso.” (1 Hari 9:4, 5) Hindi binanggit ni Jehova ang mga kasalanang nagawa ni David. Para kay Jehova, naging tapat at matuwid si David sa buong buhay nito. At dahil diyan, ‘sagana niyang pinagpala’ si David.—Awit 13:6.

Ano ang matututuhan natin dito? Kapag nagpatawad si Jehova, hindi na niya iniisip ang nagawa nating kasalanan. Nagpopokus siya sa mabubuti nating ginagawa, at gagantimpalaan niya tayo dahil doon. (Heb. 11:6) Kaya hindi na natin kailangang alalahanin pa ang mga kasalanang kinalimutan na ni Jehova.

15. Ano ang puwede nating gawin kung nakokonsensiya pa rin tayo sa mga nagawa natin noon?

15 Paano makakatulong sa iyo ang Awit 103 para maniwalang pinatawad ka na ni Jehova? Kung nakokonsensiya ka pa rin sa mga nagawa mo noon, tanungin ang sarili: ‘Nakakalimutan ko bang inaalala ni Jehova na makasalanan ako at papatawarin niya ako dahil talagang nagsisi na ako? Inaalala ko pa ba ang mga kasalanang pinatawad at kinalimutan na ni Jehova?’ Hindi na iniisip ni Jehova ang mga kasalanang nagawa mo noon, kaya huwag mo na ring isipin ang mga iyon. (Awit 130:3) Kapag naniniwala kang pinatawad ka na ni Jehova, mapapatawad mo na rin ang sarili mo at patuloy kang makakapaglingkod sa kaniya nang masaya.

16. Bakit makakasamâ sa atin kung makokonsensiya pa rin tayo dahil sa mga nagawa natin noon? Magbigay ng ilustrasyon. (Tingnan din ang larawan.)

16 Pag-isipan ang ilustrasyong ito. Kapag nagmamaneho ang isang driver papunta sa isang lugar, kailangan niyang tumingin paminsan-minsan sa rearview mirror para makita ang mga nasa likuran niya. Pero napakadelikado kung doon na lang siya laging nakatingin. Para makarating siya nang ligtas sa pupuntahan niya, kailangan niyang magpokus sa nasa harap niya. Ganiyan din sa atin ngayon. May mga matututuhan naman tayo sa mga nagawa nating pagkakamali noon na makakatulong para hindi na natin maulit ang mga iyon. Pero kung doon tayo magpopokus, baka hindi na tayo maging masaya sa paglilingkod kay Jehova at hindi natin maibigay ang best natin sa kaniya. Nasa daan tayo papunta sa bagong sanlibutan, kaya kailangan nating magpokus sa nasa harap natin. At kapag nakarating na tayo doon, “hindi na [natin] maaalaala pa” ang mga nagawa nating pagkakamali.—Isa. 65:17; Kaw. 4:25.

Isang lalaking tumingin sa rearview mirror habang nagmamaneho sa isang paliko-likong daan.

Kailangang magpokus ng isang driver sa daang nasa harap niya imbes na sa rearview mirror; kailangan din nating magpokus sa mga pagpapala sa hinaharap imbes na sa mga pagkakamali natin noon (Tingnan ang parapo 16)


PATULOY NA MANIWALA SA PAG-IBIG AT PAGPAPATAWAD NI JEHOVA

17. Bakit dapat tayong patuloy na maniwala sa pag-ibig at pagpapatawad ni Jehova?

17 Dapat tayong patuloy na maniwala na mahal tayo ni Jehova at lagi siyang handang magpatawad. (1 Juan 3:19) Hindi kasi titigil si Satanas hanggang sa maniwala tayong hindi tayo karapat-dapat mahalin at patawarin ni Jehova. Tandaan na gusto niyang huminto tayo sa paglilingkod. At gagawin niyang mas matindi pa ang pag-atake sa atin kasi alam niyang kaunti na lang ang panahon niya. (Apoc. 12:12) Huwag na huwag tayong magpapabiktima sa kaniya!

18. Ano ang mga puwede mong gawin para patuloy kang maniwala sa pag-ibig at pagpapatawad ni Jehova?

18 Para maging mas kumbinsido kang mahal ka ni Jehova, gawin ang mga binanggit sa naunang artikulo. At para maging mas kumbinsido kang pinatawad ka na ni Jehova, pag-isipan kung paano inilarawan ni Jehova ang sarili niya. Pag-isipan din ang mga ipinasulat ni Jehova sa Bibliya tungkol sa pagpapatawad niya. Huwag ring kalimutang inaalala ni Jehova na makasalanan tayo at na magpapakita siya ng awa sa atin. At tandaan na noong pinatawad na niya ang mga kasalanan natin, kinalimutan na niya ang mga iyon. Kapag ginawa natin ang mga iyan, magiging gaya tayo ni David—magiging kumbinsido rin tayo na magpapakita ng awa si Jehova sa atin. Masasabi natin, “Maraming salamat, Diyos na Jehova, kasi ‘pinatawad mo ang mga pagkakamali ko.’”—Awit 32:5.

ANO ANG SAGOT MO?

  • Bakit dapat tayong maniwala na pinatawad na tayo ni Jehova?

  • Paano tayo magiging mas kumbinsido na pinatawad na tayo ni Jehova?

  • Bakit dapat tayong patuloy na maniwala sa pagpapatawad ni Jehova?

AWIT BLG. 1 Ang mga Katangian ni Jehova

a Tingnan ang artikulong “Maging Malapít sa Diyos—Nang Ilarawan ni Jehova ang Kaniyang Sarili” sa Bantayan, isyu ng Mayo 1, 2009.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share