Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w22 Hulyo p. 8-13
  • Suportahan ang Pangangasiwa ni Jesus

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Suportahan ang Pangangasiwa ni Jesus
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2022
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • PINANGANGASIWAAN NI JESUS ANG GAWAING PANGANGARAL
  • NAG-ATAS SI JESUS NG ISANG ALIPIN
  • INOORGANISA NI JESUS ANG MGA TAGASUNOD NIYA
  • “Alalahanin Ninyo ang mga Nangunguna sa Inyo”
    Organisado Upang Gawin ang Kalooban ni Jehova
  • Sino ang Tapat at Matalinong Alipin?
    Sino ang Gumagawa ng Kalooban ni Jehova Ngayon?
  • ‘Patuloy Silang Sumusunod sa Kordero’
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2009
  • Isang “Alipin” na Kapuwa Tapat at Maingat
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2004
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2022
w22 Hulyo p. 8-13

ARALING ARTIKULO 29

Suportahan ang Pangangasiwa ni Jesus

“Ang lahat ng awtoridad ay ibinigay na sa akin sa langit at sa lupa.”​—MAT. 28:18.

AWIT 13 Si Kristo ang Ating Huwaran

NILALAMANa

1. Ano ang kalooban ni Jehova ngayon?

KALOOBAN ng Diyos ngayon na maipangaral sa buong lupa ang mabuting balita tungkol sa Kaharian. (Mar. 13:10; 1 Tim. 2:3, 4) Kay Jehova ang gawaing ito, at napakahalaga nito. Kaya ang minamahal niyang Anak ang inilagay niya para manguna sa gawaing ito. Dahil mahusay mangasiwa si Jesus, makakatiyak tayo na matatapos ang gawaing pangangaral ayon sa kalooban ni Jehova bago dumating ang wakas.​—Mat. 24:14.

2. Ano ang tatalakayin sa artikulong ito?

2 Sa artikulong ito, tatalakayin natin kung paano ginagamit ni Jesus ang “tapat at matalinong alipin” para maglaan ng espirituwal na pagkain at organisahin ang mga tagasunod niya para sa pinakamalawak na gawaing pangangaral sa buong kasaysayan. (Mat. 24:45) Makikita rin natin kung ano ang magagawa ng bawat isa sa atin para suportahan si Jesus at ang tapat na alipin.

PINANGANGASIWAAN NI JESUS ANG GAWAING PANGANGARAL

3. Anong awtoridad ang ibinigay kay Jesus?

3 Si Jesus ang nangangasiwa sa gawaing pangangaral. Bakit natin nasabi iyan? Bago umakyat si Jesus sa langit, kinausap niya ang ilang tapat na tagasunod niya sa isang bundok sa Galilea. Sinabi niya sa kanila: “Ang lahat ng awtoridad ay ibinigay na sa akin sa langit at sa lupa.” Pagkatapos, sinabi niya: “Humayo kayo at gumawa ng mga alagad mula sa mga tao ng lahat ng bansa.” (Mat. 28:18, 19) Kaya kasama sa ibinigay na awtoridad kay Jesus ang pangangasiwa sa gawaing pangangaral.

4. Paano tayo makakatiyak na pinapangasiwaan pa rin ni Jesus ang gawaing pangangaral hanggang sa ngayon?

4 Sinabi ni Jesus na ang pangangaral at paggawa ng alagad ay isasagawa sa “lahat ng bansa” at na makakasama siya ng mga tagasunod niya “sa lahat ng araw hanggang sa katapusan ng sistemang ito.” (Mat. 28:20) Ipinapakita ng mga sinabi ni Jesus na patuloy niyang pangangasiwaan ang gawaing pangangaral hanggang sa ngayon.

5. Paano natin tinutupad ang hula sa Awit 110:3?

5 Hindi nag-aalala si Jesus na magkukulang ng manggagawa sa katapusan ng sistemang ito. Alam niya na matutupad ang inihula ng salmista: “Kusang-loob na ihahandog ng bayan mo ang kanilang sarili sa araw na pangunahan mo ang iyong hukbo.” (Awit 110:3) Kung nangangaral ka ng mabuting balita, sinusuportahan mo si Jesus at ang tapat na alipin, at isa ka sa tumutupad sa hulang iyon. Nagpapatuloy ang gawain, pero may mga hamon.

6. Ano ang isa sa mga hamon na napapaharap sa mga mángangarál ng Kaharian ngayon?

6 Pagsalansang ang isa sa mga hamon na napapaharap sa mga mángangarál ng Kaharian. Maraming sinasabing kasinungalingan ang mga apostata, lider ng relihiyon, at politiko tungkol sa gawain natin. Kaya kapag naniniwala ang mga kamag-anak natin, kakilala, at katrabaho sa mga kasinungalingang ito, baka pilitin nila tayong huminto sa paglilingkod kay Jehova at sa pangangaral. Sa ilang bansa, tinatakot, pinagbabantaan, inaaresto, at ibinibilanggo pa nga ang mga kapatid. Hindi na tayo nagugulat diyan. Inihula ni Jesus: “Kapopootan kayo ng lahat ng bansa dahil sa pangalan ko.” (Mat. 24:9) Ang totoo, kapag kinapopootan tayo ng mga tao, patunay iyan na sinasang-ayunan tayo ni Jehova. (Mat. 5:11, 12) Si Satanas ang nasa likod ng mga pagsalansang na ito. Pero walang-wala siya kung ikukumpara kay Jesus! Sa tulong ni Jesus, naririnig ng mga tao sa lahat ng bansa ang mabuting balita. Tingnan natin ang ebidensiya.

7. Ano ang ebidensiya na natutupad na ang Apocalipsis 14:6, 7?

7 May isa pang hamon na napapaharap sa mga mángangarál ng Kaharian—ang pagkakaiba-iba ng wika. Sa pangitain na ibinigay kay apostol Juan, inihula ni Jesus na sa panahon natin, maipapangaral pa rin ang mabuting balita sa kabila ng hadlang na iyan. (Basahin ang Apocalipsis 14:6, 7.) Paano? Binibigyan natin ang maraming tao hangga’t posible ng pagkakataon na tumugon sa mensahe ng Kaharian. Ngayon, nababasa ng mga tao sa buong mundo ang mga impormasyon mula sa Bibliya sa jw.org sa mahigit 1,000 wika! Inaprobahan ng Lupong Tagapamahala na isalin sa mahigit 700 wika ang Masayang Buhay Magpakailanman, ang aklat na ginagamit natin sa paggawa ng alagad. May makukuha ring espirituwal na pagkain ang mga bingi at bulag. Available para sa mga bingi ang mga video recording at may mga publikasyon naman sa braille para sa mga bulag. Nakikita nating natutupad ang mga hula sa Bibliya. Ang mga tao “mula sa lahat ng wika ng mga bansa” ay natututong magsalita ng “dalisay na wika,” ang mga katotohanan sa Bibliya. (Zac. 8:23; Zef. 3:9) Naging posible ang lahat ng iyan dahil sa mahusay na pangangasiwa ni Jesu-Kristo.

8. Ano na ang mga resulta ng gawaing pangangaral?

8 Sa ngayon, mayroon nang mahigit 8,000,000 tao mula sa 240 lupain ang kasama sa organisasyon ni Jehova. At taon-taon, libo-libo ang nababautismuhan! Pero ang mas mahalaga ay ang pagkakaroon ng espirituwal na mga katangian, ang “bagong personalidad,” ng bagong mga alagad. (Col. 3:8-10) Marami ang huminto na sa pagiging imoral, marahas, at pagiging makabayan. Hindi na rin sila nagtatangi ng lahi. Natutupad ang Isaias 2:4: ‘Hindi na sila nag-aaral ng pakikipagdigma.’ Dahil sinisikap nating isuot ang bagong personalidad, nailalapit natin ang mga tao sa organisasyon ng Diyos, at pinapatunayan natin na sinusunod natin ang ating tagapangasiwa, si Kristo Jesus. (Juan 13:35; 1 Ped. 2:12) Hindi iyan nagkataon lang. Ibinibigay ni Jesus ang tulong na kailangan natin.

NAG-ATAS SI JESUS NG ISANG ALIPIN

9. Ayon sa Mateo 24:45-47, ano ang inihula ni Jesus tungkol sa panahon ng wakas?

9 Basahin ang Mateo 24:45-47. Inihula ni Jesus na sa panahon ng wakas, mag-aatas siya ng “tapat at matalinong alipin” na maglalaan ng espirituwal na pagkain. Kaya maaasahan natin na magsisikap ang aliping iyon na gawin ang atas nila sa panahon natin. At ganiyan nga ang nangyayari. Ginagamit ni Jesus ang maliit na grupo ng mga pinahiran para maglaan ng espirituwal na “pagkain sa tamang panahon” sa bayan ng Diyos at sa mga interesado. Hindi itinuturing ng grupong ito ang kanilang sarili na panginoon ng pananampalataya ng iba. (2 Cor. 1:24) Sa halip, kinikilala nila si Jesu-Kristo bilang “lider at kumandante” ng bayan niya.​—Isa. 55:4.

Collage: Iba’t ibang publikasyon na ginamit sa nakalipas na mga dekada para turuan sa Bibliya ang mga interesado. 1. 1958: “Hayaang ang Diyos ang Maging Tapat.” Sister na nagbibigay ng aklat na ito sa isang mag-asawa sa ministeryo. 2. 1969: “Ang Katotohanan na Umaakay Patungo sa Buhay na Walang-Hanggan.” Lalaking nagbabasa ng aklat na ito sa kaniyang bahay. 3. 1983: “Maaari Kayong Mabuhay Magpakailanman sa Paraiso sa Lupa.” Brother na nagba-Bible study sa isang lalaki. 4. 1995: “Ang Kaalaman na Umaakay sa Buhay na Walang-Hanggan.” Brother na nagba-Bible study sa katrabaho niya sa break time nila. 5. 2005 at 2019: Mga aklat na “Ano Ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya?” at “Ano ang Itinuturo sa Atin ng Bibliya?” Sister na nagba-Bible study sa isang babae. 6. 2021: “Masayang Buhay Magpakailanman.” Sister na nagba-Bible study sa isang babae gamit ang videoconferencing.

10. Alin sa mga publikasyon sa larawan ang nakatulong sa iyo na maglingkod kay Jehova?

10 Mula noong 1919, naghahanda na ang tapat na alipin ng iba’t ibang publikasyon para maging katakam-takam sa mga baguhan ang masustansiyang espirituwal na pagkain. Noong 1921, inihanda ng aliping iyon ang aklat na The Harp of God para malaman ng mga interesado ang mga pangunahing turo ng Bibliya. Sa paglipas ng mga taon, naglaan sila ng iba pang publikasyon. Aling publikasyon ang nakatulong sa iyo na makilala at mahalin ang ating Ama sa langit? Ang aklat ba na “Hayaang ang Diyos ang Maging Tapat,” Ang Katotohanan na Umaakay Patungo sa Buhay na Walang-Hanggan, Maaari Kayong Mabuhay Magpakailanman sa Paraiso sa Lupa, Ang Kaalaman na Umaakay sa Buhay na Walang-Hanggan, Ano Ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya?, Ano ang Itinuturo sa Atin ng Bibliya?, o ang pinakabagong aklat na Masayang Buhay Magpakailanman? Dinisenyo ang lahat ng publikasyong ito ayon sa pangangailangan noong panahong ilabas ito.

11. Bakit napakahalaga na tumanggap tayong lahat ng espirituwal na pagkain?

11 Hindi lang ang mga interesadong tao ang nangangailangan ng matigas na espirituwal na pagkain, kundi lahat tayo. Isinulat ni apostol Pablo: “Ang matigas na pagkain ay para sa mga maygulang.” Idinagdag pa ni Pablo na kung susundin natin ang mga natututuhan natin mula sa Bibliya, tutulong ito sa atin na “makilala ang tama at mali.” (Heb. 5:14) Sa panahong ito na napakababa ng moral ng mga tao, napakahirap sundin ng mga pamantayan ni Jehova. Pero tinitiyak ni Jesus na may makukuha tayong espirituwal na pagkain na magpapatibay ng ating pananampalataya. Ang pinagmumulan ng espirituwal na pagkain na ito ay ang Salita ng Diyos, ang Bibliya. Inihahanda at ipinamamahagi ng tapat na alipin ang pagkaing ito sa ilalim ng pangunguna ni Jesus.

12. Gaya ni Jesus, paano natin pinaparangalan ang pangalan ng Diyos?

12 Gaya ni Jesus, ibinibigay natin sa Diyos ang karangalang karapat-dapat sa pangalan niya. (Juan 17:6, 26) Halimbawa, noong 1931, tinanggap natin ang pangalang Saksi ni Jehova, na nakasalig sa Bibliya. Dahil diyan, ipinapakita natin na napakahalaga sa atin ng pangalan ng Diyos at na gusto nating makilala sa pangalan niya. (Isa. 43:10-12) At mula noong Oktubre ng taóng iyon, makikita na ang banal na pangalan ng Diyos sa pabalat ng bawat isyu ng magasing ito. Ibinalik din ng Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan ang pangalan ng Diyos sa tamang lugar nito sa Bibliya. Kabaligtaran iyan ng ginagawa ng mga relihiyon sa Sangkakristiyanuhan dahil inaalis nila ang pangalan ni Jehova sa maraming salin ng Bibliya!

INOORGANISA NI JESUS ANG MGA TAGASUNOD NIYA

13. Ano ang nakakakumbinsi sa iyo na ginagamit ngayon ni Jesus ang “tapat at matalinong alipin”? (Juan 6:68)

13 Ginamit ni Jesus ang “tapat at matalinong alipin” para itatag ang natatanging organisasyon sa lupa. Itinataguyod nito ang dalisay na pagsamba. Ano ang masasabi mo sa organisasyong ito? Baka masabi mo rin ang sinabi ni apostol Pedro kay Jesus: “Kanino kami pupunta? Nasa iyo ang mga salitang nagbibigay ng buhay na walang hanggan.” (Juan 6:68) Nasaan na kaya tayo ngayon kung wala tayo sa organisasyon ni Jehova? Sa tulong ng organisasyong ito, tinitiyak ni Kristo na nasasapatan ang pangangailangan natin sa espirituwal. Sinasanay rin niya tayo para maisagawa natin nang mahusay ang ministeryo natin. Tinutulungan din niya tayong maisuot ang “bagong personalidad” para mapasaya si Jehova.​—Efe. 4:24.

14. Ano ang naitulong sa iyo ng pagiging nasa organisasyon ni Jehova sa panahon ng COVID-19 pandemic?

14 Nagbibigay ng mga tagubilin si Jesus sa mahihirap na panahon. Kitang-kita ang malaking tulong ng mga tagubiling iyan nang magsimula ang COVID-19 pandemic. Litong-lito ang maraming tao kung ano ang gagawin nila, pero tiniyak ni Jesus na makakatanggap tayo ng malilinaw na tagubilin para maging ligtas tayo. Pinayuhan tayong magsuot ng mask kapag nasa mataong lugar at sundin ang physical distancing. Pinaalalahanan din ang mga elder na laging kontakin ang lahat sa kongregasyon at alamin ang pangangailangan nila sa pisikal at espirituwal. (Isa. 32:1, 2) Tumatanggap din tayo ng mga update ng Lupong Tagapamahala na nagbibigay ng karagdagang tagubilin at pampatibay.

15. Anong mga tagubilin ang tinanggap natin tungkol sa mga pulong at pangangaral sa panahon ng pandemic, at ano ang mga resulta nito?

15 Sa panahon ng pandemic, tumatanggap din tayo ng malilinaw na tagubilin kung paano magpupulong at mangangaral. Sa tulong ng mga videoconferencing tool, nakapagdaos tayo agad ng mga pulong, asamblea, at kombensiyon. Nakakapangaral din tayo sa pamamagitan ng letter writing, telephone witnessing, at iba pa. Pinagpapala ni Jehova ang mga pagsisikap natin. Iniulat ng maraming sangay na dumami ang kanilang mamamahayag. Marami pa ngang nakakapagpatibay na karanasan sa panahong ito ng pandemic.​—Tingnan ang kahong “Pinagpapala ni Jehova ang Pangangaral Natin.”

Pinagpapala ni Jehova ang Pangangaral Natin

  • Isang mag-asawa mula sa Central America ang mahigit 15 taon nang nakatira sa Europe. Nang magkaroon ng pandemic, nagpasiya sila na mangaral sa lahat ng kamag-anak nila at kakilala sa Central America. Gamit ang Internet, nagpadala sila ng mahigit 200 sulat. Kinontak nila ulit sila, at pinadalhan ng link ng mga publikasyon at video ang mga nagpakita ng interes. Pinagpala ni Jehova ang mga pagsisikap nila. Sa loob lang ng walong buwan, nakapagdaos sila ng 14 na Bible study!

  • Sa kampanya noong Nobyembre 2020, ipinamahagi natin ang Bantayan na may pamagat na “Ano ang Kaharian ng Diyos?” Kinontak ng isang brother ang dati niyang kaklase sa elementarya. Tinanggap ng lalaki ang magasin at pumayag na pag-usapan nila iyon sa susunod na linggo. Sa pag-uusap nila, sinabi ng lalaki: “Bago mo ako tawagan, nanalangin ako sa Diyos. Tinanong ko siya kung ano’ng gusto niyang gawin ko.” Pumayag ang lalaki na mag-aral sila ng Bibliya at dumadalo na siya sa mga pulong. Isinasabuhay na rin niya ang mga natututuhan niya. Di-nagtagal, sinabi niya sa brother: “Noon, parang may kulang sa buhay ko. Si Jehova pala ’yon. Maraming salamat at tinulungan mo akong mapalapít sa kaniya.”

16. Sa ano tayo makakatiyak?

16 Baka nadarama ng ilan na masyadong mahigpit ang organisasyon pagdating sa pandemic. Pero kitang-kita natin na laging matalinong sundin ang mga tagubilin na tinatanggap natin. (Mat. 11:19) Habang pinag-iisipan natin ang maibiging pangunguna ni Jesus sa bayan niya, makakatiyak tayo na anuman ang mangyari sa hinaharap, kasama natin si Jehova at ang minamahal niyang Anak.​—Basahin ang Hebreo 13:5, 6.

17. Ano ang nadarama mo na si Jesus ang tagapangasiwa natin?

17 Masaya tayo dahil si Jesus ang ating tagapangasiwa! Kabilang tayo sa organisasyon na hindi nababahagi ng kultura, bansa, at wika. Sagana tayo sa espirituwal na pagkain at sinasanay tayo para maisagawa ang pangangaral. Tinutulungan din tayong isuot ang bagong personalidad, at mahalin ang isa’t isa. Talagang marami tayong dahilan para ipagmalaking si Jesus ang tagapangasiwa natin!

ANO ANG NAKAKAKUMBINSI SA IYO NA SI JESUS ANG . . .

  • nangangasiwa sa pangangaral sa buong mundo?

  • pumapatnubay sa “tapat at matalinong alipin” para maglaan ng espirituwal na pagkain?

  • pumapatnubay sa mga tagasunod niya sa mahihirap na panahon?

AWIT 16 Purihin si Jehova Dahil sa Kaniyang Pinahiran

a Milyon-milyong lalaki, babae, at bata ang masisigasig na nangangaral ng mabuting balita ngayon. Kasama ka ba roon? Kung oo, gumagawa ka sa ilalim ng pangangasiwa ng ating Panginoong Jesu-Kristo. Sa artikulong ito, tatalakayin natin ang mga ebidensiya na si Jesus ang nangangasiwa sa pangangaral ngayon. Matutulungan tayo ng pagtalakay na ito na maging determinadong patuloy na maglingkod kay Jehova sa ilalim ng pangunguna ni Kristo.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share