Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w24 Abril p. 8-13
  • Patibayin ang Tiwala Mo sa Organisasyon ni Jehova

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Patibayin ang Tiwala Mo sa Organisasyon ni Jehova
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2024
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • TINUTULARAN NG ORGANISASYON ANG HALIMBAWA NI JESUS
  • PATULOY NA IPAKITA ANG TIWALA SA ORGANISASYON
  • HUWAG HAYAAN ANG IBA NA SIRAIN ANG TIWALA MO SA ORGANISASYON
  • Kaya Mo Bang Malaman Kung Ano ang Totoo?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2024
  • Magtiwala kay Jehova Kapag Gumagawa ng mga Desisyon
    Ating Buhay at Ministeryong Kristiyano—Workbook Para sa Pulong—2023
  • Tanggapin na May mga Bagay na Hindi Natin Alam
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2025
  • Talagang Mas Masaya ang Nagbibigay!
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2024
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2024
w24 Abril p. 8-13

ARALING ARTIKULO 15

AWIT BLG. 124 Ipakita ang Katapatan

Patibayin ang Tiwala Mo sa Organisasyon ni Jehova

“Alalahanin ninyo ang mga nangunguna sa inyo, na nagsabi sa inyo ng salita ng Diyos.”​—HEB. 13:7.

MATUTUTUHAN

Kung paano mo mapapatibay at mapapanatili ang tiwala mo sa organisasyon ni Jehova.

1. Paano naging organisado ang bayan ni Jehova noong unang siglo?

KAPAG may ibinibigay si Jehova na atas sa mga lingkod niya, inaasahan niyang gagawin nila iyon nang organisado. (1 Cor. 14:33) Halimbawa, kalooban ng Diyos na maipangaral ang mabuting balita sa buong lupa. (Mat. 24:14) Si Jesus ang inatasan ni Jehova na manguna sa gawaing ito, at sinigurado niyang magiging organisado ito. Noong unang siglo, habang nagkakaroon ng mga kongregasyon sa iba’t ibang lugar, nag-aatas din ng matatandang lalaki, o mga elder, para magbigay ng tagubilin at manguna sa mga iyon. (Gawa 14:23) Sa Jerusalem, may isang grupo ng mga elder, na binubuo ng mga apostol at matatandang lalaki. Sila ang gumagawa ng mga desisyon na dapat sundin ng lahat ng kongregasyon. (Gawa 15:2; 16:4) Dahil sinunod ng mga kapatid ang mga tagubiling iyon, “patuloy na tumitibay ang pananampalataya ng mga kongregasyon at nadaragdagan sila araw-araw.”​—Gawa 16:5.

2. Simula 1919, paano ginabayan at pinaglaanan ni Jehova ng espirituwal na pagkain ang bayan niya?

2 Hanggang ngayon, organisado pa rin ang bayan ni Jehova. Simula 1919, gumamit si Jesus ng maliit na grupo ng mga pinahiran para organisahin ang gawaing pangangaral at maglaan ng espirituwal na pagkain sa mga tagasunod niya.a (Luc. 12:42) At kitang-kitang pinagpapala ni Jehova ang pagsisikap ng maliit na grupong ito.​—Isa. 60:22; 65:​13, 14.

3-4. (a) Magbigay ng halimbawa kung bakit mahalagang maging organisado. (b) Ano ang tatalakayin sa artikulong ito?

3 Kung hindi tayo organisado, hindi natin magagawa ang gawaing iniatas ni Jesus sa atin. (Mat. 28:​19, 20) Halimbawa, kung walang mga nakaatas na teritoryo, baka mangaral lang tayo kung saan natin gusto. Kaya baka paulit-ulit na magawa ng magkakaibang mamamahayag ang isang teritoryo, pero hindi naman nagagawa ang ibang teritoryo. May naiisip ka pa bang dahilan kung bakit mahalagang maging organisado?

4 Inoorganisa tayo ni Jesus sa ngayon kung paanong inorganisa niya ang mga tagasunod niya noong nasa lupa siya. Sa artikulong ito, tatalakayin natin ang magandang halimbawa ni Jesus at kung paano iyan sinusunod ng organisasyon. Tatalakayin din natin kung paano natin maipapakitang nagtitiwala tayo sa organisasyon ni Jehova.

TINUTULARAN NG ORGANISASYON ANG HALIMBAWA NI JESUS

5. Magbigay ng isang paraan kung paano tinutularan ng organisasyon si Jesus. (Juan 8:28)

5 Ang mga sinabi at ginawa ni Jesus ay galing sa Ama niya sa langit. Galing din sa Salita ng Diyos ang mga itinuturo at ibinibigay na tagubilin ng organisasyon. (Basahin ang Juan 8:28; 2 Tim. 3:​16, 17) Lagi tayong pinapaalalahanan na basahin at isabuhay ang Salita ng Diyos. Paano tayo nakikinabang kapag sinusunod natin iyan?

6. Ano ang isang magandang paraan ng pag-aaral ng Bibliya, at paano tayo nakikinabang sa paggawa nito?

6 Malaki ang naitutulong sa atin ng pag-aaral ng Bibliya gamit ang mga publikasyon natin. Naikukumpara kasi natin ang mga itinuturo ng Bibliya sa mga tagubiling tinatanggap natin sa organisasyon. At kapag nakikita nating nakabase sa Kasulatan ang mga tagubiling tinatanggap natin, lalong tumitibay ang tiwala natin sa organisasyon ni Jehova.​—Roma 12:2.

7. Ano ang ipinangaral ni Jesus, at paano tinutularan ng organisasyon ni Jehova ang halimbawang ipinakita niya?

7 Ipinangaral ni Jesus ang “mabuting balita ng Kaharian ng Diyos.” (Luc. 4:​43, 44) Iniutos din ni Jesus sa mga alagad niya na ipangaral ang Kaharian. (Luc. 9:​1, 2; 10:​8, 9) Sa ngayon, ipinapangaral din ng lahat ng kabilang sa organisasyon ni Jehova ang mensahe ng Kaharian saanman sila nakatira o anuman ang responsibilidad nila sa organisasyon.

8. Anong pribilehiyo ang mayroon tayo?

8 Isang pribilehiyo para sa atin na maipangaral ang katotohanan tungkol sa Kaharian ng Diyos! Hindi bukás ang pribilehiyong iyan para sa lahat. Halimbawa, noong nandito si Jesus sa lupa, hindi niya pinahintulutan ang masasamang espiritu na magpatotoo tungkol sa kaniya. (Luc. 4:41) Sa ngayon, bago makapangaral ang isang tao kasama ng mga Saksi ni Jehova, may mga kuwalipikasyon siyang dapat abutin. Maipapakita nating pinapahalagahan natin ang pribilehiyong mangaral kung magpapatotoo tayo saanman at kailanman puwede. Gaya ni Jesus, ginagawa natin ang buong makakaya natin sa pagtatanim at pagdidilig ng binhi ng katotohanan sa puso ng mga tao.​—Mat. 13:​3, 23; 1 Cor. 3:6.

9. Paano ipinaalam ng organisasyon ang pangalan ng Diyos sa mga tao?

9 Ipinaalam ni Jesus ang pangalan ng Diyos sa mga tao. Sa panalangin ni Jesus, sinabi niya: “Ipinakilala ko sa kanila ang pangalan mo.” (Juan 17:26) Gaya ni Jesus, ginagawa rin ng organisasyon ni Jehova ang lahat para tulungan ang mga tao na malaman ang pangalan ng Diyos. Inilathala nito ang Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan kung saan ibinalik ang pangalan ng Diyos sa orihinal na mga puwesto nito. Ang buong Bibliyang ito o ang ilang bahagi nito ay available na sa mahigit 270 wika. Sa Apendise A4 at A5 ng saling ito, makikita ang ilang detalye tungkol sa pagbabalik ng pangalan ng Diyos sa Bibliya. Sa Apendise C naman ng Bibliya Para sa Pag-aaral, makikita ang maraming ebidensiya na lumitaw sa Kristiyanong Griegong Kasulatan ang pangalan ng Diyos nang 237 beses.

10. Ano ang matututuhan mo sa sinabi ng isang babae na taga-Myanmar?

10 Gaya ni Jesus, gusto nating tulungan ang marami na malaman ang pangalan ng Diyos. Nalaman ng isang babaeng taga-Myanmar, na 67 taóng gulang, ang pangalan ng Diyos. Naiyak siya at sinabi sa nagba-Bible study sa kaniya: “Sa buong buhay ko, ngayon ko lang nalaman na Jehova pala ang pangalan ng Diyos. . . . Naituro mo sa akin ang pinakamahalagang bagay na dapat kong malaman.” Ipinapakita ng karanasang ito na puwedeng magkaroon ng malaking epekto sa mga tapat-puso ang pangalan ng Diyos.

PATULOY NA IPAKITA ANG TIWALA SA ORGANISASYON

11. Paano maipapakita ng mga elder na nagtitiwala sila sa organisasyon ni Jehova? (Tingnan din ang larawan.)

11 Ano ang isang paraan kung paano maipapakita ng mga elder na nagtitiwala sila sa organisasyon ng Diyos? Kapag nakatanggap ng tagubilin ang mga elder, kailangan nila itong basahing mabuti at sikaping masunod ito. Halimbawa, bukod sa mga tagubiling natatanggap nila kung paano gagampanan ang mga bahagi sa pulong at kung paano mananalangin para sa kongregasyon, nakakatanggap din sila ng tagubilin kung paano aalagaan ang mga tupa ni Kristo. Kapag sinusunod ng mga elder ang lahat ng tagubilin mula sa organisasyon, nararamdaman ng mga kapatid na mahal at inaalagaan sila ni Jehova.

Collage: 1. Nagmi-meeting ang tatlong elder sa Kingdom Hall; pinag-uusapan nila ang teritoryo ng kongregasyon. 2. Pagkatapos, sinabi ng isa sa mga elder na iyon sa dalawang sister kung paano nila ipupuwesto ang mga cart sa mas ligtas na lugar.

Tinutulungan tayo ng mga elder na magtiwala sa mga tagubiling ibinibigay ng organisasyon ni Jehova (Tingnan ang parapo 11)b


12. (a) Bakit dapat tayong makipagtulungan sa mga nangunguna? (Hebreo 13:​7, 17) (b) Bakit dapat tayong magpokus sa magagandang katangian ng mga nangunguna?

12 Dapat na handa tayong sumunod sa mga tagubilin ng mga elder. Kung ganiyan tayo, magiging mas madali sa kanila na gawin ang atas nila. Pinapasigla tayo ng Bibliya na maging masunurin at mapagpasakop sa mga nangunguna. (Basahin ang Hebreo 13:​7, 17.) Hindi iyan laging madali, kasi hindi sila perpekto. Kung magpopokus tayo sa pangit na mga ugali nila imbes na sa magagandang katangian nila, para na rin nating tinutulungan ang mga kaaway natin. Bakit? Gusto kasi ng mga kaaway natin na mawalan tayo ng tiwala sa organisasyon. At puwedeng mangyari iyan kung negatibo ang tingin natin sa mga nangunguna. Ano ang puwede nating gawin para makita at maiwasan ang mga propaganda ng mga kaaway natin?

HUWAG HAYAAN ANG IBA NA SIRAIN ANG TIWALA MO SA ORGANISASYON

13. Paano sinisiraan ng mga kaaway ng Diyos ang organisasyon?

13 Gusto ng mga kaaway na palabasing masama ang ilan sa magagandang ginagawa ng organisasyon. Halimbawa, natutuhan natin sa Bibliya na gusto ni Jehova na manatiling malinis sa pisikal, moral, at espirituwal ang mga mananamba niya. Nagbigay siya ng tagubilin sa kongregasyon na itiwalag ang sinumang patuloy na gumagawa ng karumihan at hindi nagsisisi. (1 Cor. 5:​11-13; 6:​9, 10) Sinusunod natin ang utos na iyan. Pero dahil diyan, inaakusahan tayo ng mga kaaway natin na masyado tayong mahigpit, mapanghusga, at malupit.

14. Sino ang nasa likod ng lahat ng kasinungalingan tungkol sa organisasyon?

14 Kilalanin kung sino talaga ang kaaway. Kay Satanas na Diyablo galing ang lahat ng kasinungalingan tungkol sa organisasyon. Siya ang “ama ng kasinungalingan.” (Juan 8:44; Gen. 3:​1-5) Kaya hindi na tayo magtataka kung gagamit siya ng mga tao para magkalat ng maling impormasyon tungkol sa organisasyon ni Jehova. Nangyari na iyan noong unang siglo.

15. Ano ang ginawa noon ng mga lider ng relihiyon kay Jesus at sa mga tagasunod niya?

15 Perpekto si Jesus at gumawa siya ng maraming himala. Pero nakapagkalat pa rin si Satanas ng kasinungalingan tungkol sa Kaniya. Gumamit siya ng mga tao. Halimbawa, sinabi ng mga lider ng relihiyon na galing sa “pinuno ng mga demonyo” ang kapangyarihan ni Jesus na magpalayas ng mga demonyo. (Mar. 3:22) Noong nililitis si Jesus, inakusahan din siya ng pamumusong ng mga lider ng relihiyon at sinulsulan nila ang mga tao na hilinging patayin siya. (Mat. 27:20) Di-nagtagal, habang nangangaral ng mabuting balita ang mga tagasunod ni Kristo, siniraan sila ng mga kaaway at ‘sinulsulan ang mga tao’ na pag-usigin ang mga Kristiyanong iyon. (Gawa 14:​2, 19) Ganito ang sinabi ng Bantayan, isyu ng Disyembre 1, 1998, tungkol sa Gawa 14:2: “Hindi pa nakontento sa pagtanggi sa mensahe, inilunsad ng mga Judiong mananalansang ang isang kampanya ng paninira, anupat sinikap na sulsulan ang mga mamamayang Gentil laban sa mga Kristiyano.”

16. Ano ang dapat nating tandaan kapag nakarinig tayo ng mga kasinungalingan tungkol sa organisasyon?

16 Hindi huminto si Satanas sa pagsisinungaling. Hanggang ngayon, ‘inililigaw pa rin niya ang buong mundo.’ (Apoc. 12:9) Kaya kung may marinig kang masamang bagay tungkol sa organisasyon o sa mga nangunguna, alalahanin mo kung ano ang ginawa ng mga kaaway ng Diyos kay Jesus at sa unang-siglong mga Kristiyano. Sa ngayon, gaya ng inihula ng Bibliya, sinisiraan at pinag-uusig ang bayan ni Jehova. (Mat. 5:​11, 12) Hindi tayo mapapaniwala ng mga kasinungalingang iyon kung tatandaan natin kung kanino iyon galing at kung kikilos tayo agad para maprotektahan ang sarili natin. Paano natin ito magagawa?

17. Paano natin maiiwasang mapaniwala ng mga kuwentong di-totoo? (2 Timoteo 1:13) (Tingnan din ang kahong “Ang Dapat Gawin Kapag Nakatanggap ng mga Kuwentong Di-totoo.”)

17 Tanggihan ang mga kuwentong di-totoo. Malinaw na sinabi ni apostol Pablo kung ano ang dapat gawin kapag nakarinig tayo ng mga kuwentong di-totoo. Sinabi niya kay Timoteo na “iwasan . . . ang mga kuwentong di-totoo” at na ‘sabihan ang ilan na huwag magbigay-pansin dito.’ (1 Tim. 1:​3, 4; 4:7) Basta na lang isinusubo ng bata ang anumang mapulot niya sa sahig, pero hinding-hindi iyan gagawin ng isang adulto kasi alam niyang makakasama ito sa kaniya. Kaya tinatanggihan din natin ang mga kuwentong di-totoo kasi alam natin kung saan galing iyon. At nanghahawakan tayo sa “kapaki-pakinabang na mga salita” ng katotohanan.​—Basahin ang 2 Timoteo 1:13.

Collage: Mga paraan kung paano kumakalat ang mga kuwentong di-totoo. 1. Isang lalaking nagpo-podcast. 2. Isang babaeng bumubulong. 3. Di-inaasahang mga email. 4. Leaflet na nasa mailbox. Pinunit ng isang sister ang leaflet.

Ang Dapat Gawin Kapag Nakatanggap ng mga Kuwentong Di-totoo

Iba-iba ang puwedeng panggalingan ng mga kuwentong di-totoo, o fake news. Halimbawa, baka mag-share ang mga kapatid ng isang nakakapagpatibay na kuwento pero hindi muna nila tiniyak kung totoo ito. Baka may mabasa ka rin sa email mo na mga ganitong kuwento. O sa ministeryo, baka may makausap kang apostata na nagkukunwaring interesado sa Bibliya.

1. Mga kuwentong galing sa mga kapatid:

Tanungin ang kapatid kung nakumpirma na niyang totoo ang kuwentong iyon. Kung hindi pa, huwag mo na itong pakinggan o basahin at huwag mo rin itong ipasa sa iba.​—Kaw. 14:15.

2. Mga email na naglalaman ng exciting na mga kuwento tungkol sa mga Saksi ni Jehova:

Minsan, baka manggaling iyon sa email address ng kaibigan mo. Tanungin mo siya kung galing ba talaga ito sa kaniya at kung nakumpirma na niyang totoo ang kuwentong ito. Kung hindi siya ang nagpadala nito at hindi pa niya nakumpirma kung totoo ito, i-delete ang email.​—Kaw. 27:12.

3. Mga apostatang nagkukunwaring interesado sa mensahe natin:

Kung nagiging masyado nang mapanira sa organisasyon ang mga sinasabi nila o kung nagse-share sila ng impormasyon galing sa ibang apostata, magalang na tapusin ang pag-uusap.​—2 Juan 10.

18. Paano natin maipapakita na nagtitiwala tayo sa organisasyon ni Jehova?

18 Tinalakay natin ang tatlo sa maraming paraan kung paano tinutularan ng organisasyon ng Diyos si Jesus. Habang pinag-aaralan mo ang Bibliya, tingnan ang iba pang paraan kung paano tinutularan ng organisasyon ang halimbawa ni Jesus. Tulungan ang iba sa kongregasyon mo na lalo pang magtiwala sa organisasyon. Patuloy mo ring ipakita ang tiwala mo sa organisasyon sa pamamagitan ng pananatiling tapat kay Jehova at malapít sa organisasyong ginagamit niya para matupad ang kalooban niya. (Awit 37:28) Patuloy sana nating pahalagahan ang pribilehiyong maging bahagi ng mapagmahal at tapat na bayan ni Jehova.

ANO ANG SAGOT MO?

  • Paano tinutularan ng bayan ng Diyos si Jesus?

  • Paano natin patuloy na maipapakita ang tiwala natin sa organisasyon ni Jehova?

  • Ano ang dapat nating gawin kapag nakarinig tayo ng mga kuwentong di-totoo?

AWIT BLG. 103 Mga Pastol—Regalo ng Diyos

a Tingnan ang kahong “Bakit 1919?” sa aklat na Ibinalik ang Dalisay na Pagsamba kay Jehova, p. 102-103.

b LARAWAN: Pinag-uusapan ng mga elder ang mga kaayusan para sa pampublikong pagpapatotoo. Sinasabi naman ng isang group overseer sa mga mamamahayag ang napag-usapang tagubilin na dapat nakatalikod sila sa pader kapag nagka-cart witnessing para sa safety.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share