ARALING ARTIKULO 32
AWIT BLG. 44 Panalangin ng Nanghihina
Gusto ni Jehova na ang Lahat ay Magsisi
‘Hindi gusto ni Jehova na mapuksa ang sinuman kundi gusto niya na ang lahat ay magsisi.’—2 PED. 3:9.
MATUTUTUHAN
Kung ano ang ibig sabihin ng pagsisisi, kung bakit ito kailangan, at kung paano tinutulungan ni Jehova ang lahat ng uri ng tao na magsisi.
1. Ano ang ginagawa ng isang taong nagsisisi?
KAPAG may nagawa tayong mali, napakahalagang magsisi tayo. Sa Bibliya, kapag nagsisisi ang isang tao, nalulungkot siya at nakikita na niyang maling-mali ang ginawa niya. Itinitigil na rin niya ang paggawa nito, at determinado siyang huwag nang maulit ito.—Tingnan sa Glosari, “Pagsisisi.”
2. Bakit dapat maintindihan ng lahat kung gaano kahalaga ang pagsisisi? (Nehemias 8:9-11)
2 Bakit dapat maintindihan ng lahat ng tao kung gaano kahalaga ang pagsisisi? Kasi nagkakasala tayong lahat araw-araw. Dahil lahat tayo, nanggaling kina Adan at Eva, walang isa man sa atin ang perpekto. Lahat tayo, nagmana ng kasalanan at kamatayan. (Roma 3:23; 5:12) Kahit ang mga taong may matibay na pananampalataya, gaya ni apostol Pablo, nahihirapan ding labanan ang kasalanan. (Roma 7:21-24) Pero ibig bang sabihin nito, dapat lagi na lang tayong malungkot dahil sa mga kasalanan natin? Hindi. Napakamaawain ni Jehova, at gusto niya tayong maging masaya. Pansinin ang isang ulat tungkol sa mga Judio noong panahon ni Nehemias. (Basahin ang Nehemias 8:9-11.) Ayaw ni Jehova na sobra silang malungkot dahil sa mga kasalanang nagawa nila noon. Gusto niya na maging masaya sila sa pagsamba sa kaniya. Alam ni Jehova na magiging masaya tayo kapag nagsisi tayo. Kaya ipinapaliwanag niya kung bakit mahalagang magsisi. Kapag pinagsisihan natin ang mga kasalanan natin, makakaasa tayong papatawarin tayo ng maawain nating Ama.
3. Ano ang tatalakayin sa artikulong ito?
3 Ano pa ang kailangan nating malaman tungkol sa pagsisisi? Sa artikulong ito, pag-uusapan natin ang tatlong bagay. Una, titingnan natin kung ano ang itinuro ni Jehova sa Israel tungkol sa pagsisisi. Pagkatapos, aalamin natin kung paano inaakay ni Jehova ang mga makasalanan na magsisi. At panghuli, tatalakayin natin kung ano ang natutuhan ng mga tagasunod ni Jesus tungkol sa pagsisisi.
KUNG ANO ANG ITINURO NI JEHOVA SA ISRAEL TUNGKOL SA PAGSISISI
4. Ano ang itinuro ni Jehova sa bansang Israel tungkol sa pagsisisi?
4 Nang organisahin ni Jehova ang mga Israelita na maging bayan niya, nakipagtipan siya sa kanila at tinanggap nila iyon. Kung susundin nila ang mga utos niya, poprotektahan niya sila at pagpapalain. Sinabi ni Jehova: “Ang utos na ito na ibinibigay ko sa inyo ngayon ay hindi naman napakahirap sundin o napakalayo sa inyo.” (Deut. 30:11, 16) Kung magrerebelde sila—halimbawa, kung sasamba sila sa ibang diyos—aalisin niya ang proteksiyon niya at magdurusa sila. Pero kahit mangyari iyon, posible ulit nilang makuha ang pagsang-ayon ng Diyos. Puwede silang ‘manumbalik sa Diyos nilang si Jehova at makinig sa tinig niya.’ (Deut. 30:1-3, 17-20) Ibig sabihin, puwede silang magsisi. Kung gagawin nila iyan, lalapit si Jehova sa kanila at pagpapalain ulit sila.
5. Paano ipinakita ni Jehova na hindi niya sinukuan ang bayan niya? (2 Hari 17:13, 14)
5 Paulit-ulit na nagrebelde kay Jehova ang piniling bayan niya. Bukod sa pagsamba sa mga idolo, gumawa rin sila ng iba pang masasamang bagay. Nagdusa sila dahil dito. Pero hindi sila sinukuan ni Jehova. Paulit-ulit siyang nagpadala ng mga propeta sa masuwaying bayan niya para akayin sila sa pagsisisi at manumbalik sa kaniya.—Basahin ang 2 Hari 17:13, 14.
6. Paano ginamit ni Jehova ang mga propeta niya para ituro sa bayan niya kung gaano kahalaga ang pagsisisi? (Tingnan din ang larawan.)
6 Laging nagpapadala si Jehova ng mga propeta para babalaan at ituwid ang bayan niya. Halimbawa, inutusan ng Diyos si Jeremias na sabihin sa mga Israelita: “Manumbalik ka, O suwail na Israel . . . Hindi na ako magagalit sa iyo, dahil tapat ako . . . Hindi ako maghihinanakit magpakailanman. Pero aminin mo ang kasalanan mo, dahil nagrebelde ka kay Jehova.” (Jer. 3:12, 13) Ipinasabi naman ni Jehova kay Joel: “Manumbalik kayo ngayon sa akin nang buong puso.” (Joel 2:12, 13) Inutusan niya rin si Isaias na sabihin: “Linisin ninyo ang inyong sarili; alisin ninyo sa paningin ko ang masasama ninyong gawain; tigilan na ninyo ang paggawa ng masama.” (Isa. 1:16-19) At ganito naman ang ipinasabi niya kay Ezekiel: “Natutuwa ba ako kapag namatay ang masama? . . . Hindi ba mas gusto kong talikuran niya ang kaniyang landasin at patuloy siyang mabuhay? Hindi ako natutuwa sa kamatayan ng sinuman, . . . kaya manumbalik kayo at patuloy na mabuhay.” (Ezek. 18:23, 32) Tuwang-tuwa si Jehova kapag nagsisisi ang mga tao, kasi gusto niya silang mabuhay nang walang hanggan. Maliwanag, hindi niya hinihintay na magsisi muna ang mga tao bago siya tumulong. Tingnan natin ang ilan pang halimbawa nito.
Laging gumagamit si Jehova ng mga propeta noon para akayin sa pagsisisi ang masuwaying bayan niya (Tingnan ang parapo 6-7)
7. Ano ang itinuro ni Jehova sa bayan niya gamit ang ulat tungkol kay propeta Oseas at sa asawa nito?
7 Tingnan kung ano ang itinuro ni Jehova sa bayan niya sa pamamagitan ni propeta Oseas at ng asawa nitong si Gomer. Nangalunya si Gomer. Pagkatapos, iniwan niya si Oseas at sumama sa ibang lalaki. Imposible na bang magsisi si Gomer? Nakakabasa ng puso si Jehova, at ganito ang ipinagawa niya kay Oseas: “Mahalin mong muli ang babaeng iniibig ng ibang lalaki at nangangalunya, kung paanong iniibig ni Jehova ang bayang Israel kahit bumabaling sila sa ibang mga diyos.” (Os. 3:1; Kaw. 16:2) Pansinin na kasalukuyan pang nangangalunya ang asawa ni Oseas. Pero inutusan ni Jehova si Oseas na maunang lumapit kay Gomer, patawarin ito, at tanggapin ulit bilang asawa.a Ginamit ni Jehova ang halimbawang ito para ipaalam sa bayan ang nararamdaman niya para sa kanila. Kahit na gumagawa pa sila ng malulubhang kasalanan, mahal niya pa rin sila at patuloy siyang gumagawa ng paraan para tulungan silang magsisi at magbago. Ibig sabihin ba nito, kahit kasalukuyang gumagawa ng malubhang kasalanan ang isang tao, tinutulungan na siyang magsisi ni Jehova, “ang tagasuri ng mga puso”? (Kaw. 17:3) Tingnan natin.
KUNG PAANO INAAKAY NI JEHOVA SA PAGSISISI ANG MGA MAKASALANAN
8. Paano inakay ni Jehova si Cain sa pagsisisi? (Genesis 4:3-7) (Tingnan din ang larawan.)
8 Si Cain ang panganay na anak nina Adan at Eva. At minana niya ang pagiging makasalanan ng mga magulang niya. Sinabi pa ng Bibliya tungkol sa kaniya: “Masama ang mga ginagawa niya.” (1 Juan 3:12) Posibleng iyan ang dahilan kung bakit ‘hindi sinang-ayunan ni Jehova si Cain at ang handog nito.’ Imbes na magbago, “galit na galit si Cain at ang sama-sama ng loob niya.” Ano ang ginawa ni Jehova? Kinausap niya si Cain. (Basahin ang Genesis 4:3-7.) Mabait na ipinaliwanag ni Jehova sa kaniya na kung magbabago siya, pagpapalain siya. At binabalaan niya rin ito na may masamang mangyayari kapag nagpadala ito sa galit. Nakakalungkot, hindi nakinig si Cain. Hindi siya nagpaakay kay Jehova sa pagsisisi. Nang mangyari ito, tumigil na ba si Jehova na akayin ang ibang makasalanan sa pagsisisi? Hindi!
Mabait na ipinaliwanag ni Jehova kay Cain na kung magbabago siya, pagpapalain siya, at binabalaan niya rin ito na may masamang mangyayari kapag nagpadala ito sa galit (Tingnan ang parapo 8)
9. Paano inakay ni Jehova si David sa pagsisisi?
9 Mahal na mahal ni Jehova si Haring David. Tinawag pa nga niya itong “isang lalaking kalugod-lugod sa puso” niya. (Gawa 13:22) Pero nakagawa ng malulubhang kasalanan si David, kasama na dito ang pangangalunya at pagpatay. Ayon sa Kautusang Mosaiko, dapat siyang mamatay. (Lev. 20:10; Bil. 35:31) Pero hindi hinayaan ni Jehova na mangyari ito, kasi gusto niyang tulungan si David na magsisi.b Kahit hindi pa nagpapakita ng pagsisisi si David, pinapunta na ni Jehova si propeta Natan sa kaniya. Gumamit si Natan ng isang ilustrasyon na talagang magpapaunawa kay David kung gaano kasama ang ginawa niya. Tumagos ito sa puso ni David, at nagsisi siya. (2 Sam. 12:1-14) Sumulat siya ng isang awit na nagpapakita na talagang nagsisisi siya. (Awit 51, superskripsiyon) Nakatulong ang awit na iyon para mapakilos ang maraming makasalanan na magsisi. Hindi ba nakakatuwang malaman na tinulungan ni Jehova si David na magsisi dahil mahal niya ito?
10. Ano ang naging epekto sa iyo nang malaman mo ang pagtitiis at pagpapatawad ni Jehova sa makasalanang mga tao?
10 Galit si Jehova sa kasalanan, at hindi niya kinukunsinti ang paggawa nito. (Awit 5:4, 5) Pero alam ni Jehova na ipinanganak tayong lahat na makasalanan, at dahil mahal niya tayo, gusto niya tayong tulungan na labanan ang kasalanan. Lagi niyang sinisikap na tulungan, kahit pa nga ang pinakamasasamang tao, na magsisi at mapalapit sa kaniya. Talagang nakakatuwang malaman iyan! Kapag pinag-iisipan natin ang pagtitiis at pagpapatawad ni Jehova, nagiging determinado tayong manatiling tapat sa kaniya at magsisi agad kapag nakagawa ng kasalanan. Tingnan naman natin ngayon kung ano ang itinuro ni Jesus sa mga alagad niya tungkol sa pagsisisi.
KUNG ANO ANG NATUTUHAN NG MGA TAGASUNOD NI JESUS TUNGKOL SA PAGSISISI
11-12. Anong ilustrasyon ang ginamit ni Jesus para ituro sa mga tagapakinig niya na gustong-gustong magpatawad ng Ama niya? (Tingnan ang larawan.)
11 Noong unang siglo C.E., dumating ang ipinangakong Mesiyas. Gaya ng binanggit sa naunang artikulo, ginamit ni Jehova si Juan Bautista at si Jesu-Kristo para ituro sa mga tao kung gaano kahalaga ang pagsisisi.—Mat. 3:1, 2; 4:17.
12 Noong nasa lupa si Jesus, itinuro niya sa mga tagapakinig niya na gustong-gusto ng Ama niya na magpatawad. Ginamit niya ang napakagandang ilustrasyon tungkol sa nawalang anak. Pinili ng kabataang lalaking iyon na lumayas sa bahay nila at magpakasasa sa kasalanan. Pero “nang makapag-isip-isip siya,” umuwi siya sa kanila. Ano ang reaksiyon ng tatay niya? Sinabi ni Jesus na habang “malayo pa [ang anak], natanaw na siya ng kaniyang ama at naawa ito sa kaniya; tumakbo ito at niyakap at hinalikan siya.” Hindi na inaasahan ng anak na papatawarin siya ng ama niya, kaya gusto na lang niyang hilingin na maging trabahador sa bahay nito. Pero pinatawad agad siya ng ama niya, tinanggap siyang muli sa bahay nito, at tinawag pa ngang ‘anak ko.’ Sinabi ng ama: “Siya ay nawala at natagpuan.” (Luc. 15:11-32) Noong nasa langit pa si Jesus, siguradong paulit-ulit niyang nakita kung paano naging maawain ang Ama niya sa mga nagsisising makasalanan. Sa tulong ng ilustrasyong ito ni Jesus, hindi ba lalo nating minahal ang maawain nating Ama, si Jehova?
Nang makita ng ama sa ilustrasyon ni Jesus ang masuwayin niyang anak na papauwi sa kanila, tumakbo siya para salubungin ito at yakapin (Tingnan ang parapo 11-12)
13-14. Ano ang natutuhan ni apostol Pedro tungkol sa pagsisisi, at ano ang itinuro niya sa iba tungkol dito? (Tingnan din ang larawan.)
13 Maraming natutuhan si apostol Pedro kay Jesus tungkol sa pagsisisi at pagpapatawad. Maraming naging pagkakamali si Pedro, at paulit-ulit siyang pinatawad ni Jesus. Halimbawa, nang ikaila ni Pedro ang Panginoon niya nang tatlong beses, binagabag siya ng konsensiya niya at lungkot na lungkot. (Mat. 26:34, 35, 69-75) Pero nang buhaying muli si Jesus, nagpakita siya kay Pedro para kausapin ito nang sila lang. (Luc. 24:33, 34; 1 Cor. 15:3-5) Alam ni Jesus na nagsisisi si Pedro sa nagawa nito, at gusto niyang ipaalam dito na napatawad niya na ito.—Tingnan ang Marcos 16:7 at ang study note na “at kay Pedro.”
14 Alam na alam ni Pedro ang pakiramdam ng nagsisi at napatawad, kaya maituturo niya iyon sa iba. Pagkatapos ng kapistahan ng Pentecostes, nagsalita si Pedro sa harap ng isang grupo ng mga di-sumasampalatayang Judio at sinabing may kasalanan sila sa pagkamatay ng Mesiyas. Pero mabait niyang sinabi sa kanila: “Magsisi kayo at manumbalik para mapatawad [o, “mapawi,” tlb.] ang inyong mga kasalanan, para dumating ang mga panahon ng pagpapaginhawa mula mismo kay Jehova.” (Gawa 3:14, 15, 17, 19) Ipinakita ni Pedro na kung talagang nagsisisi ang isang makasalanan, manunumbalik siya—babaguhin niya ang kaisipan at mga ginagawa niya—at gagawin na ang mga bagay na nagpapasaya sa Diyos. Ipinakita rin ng apostol na papawiin ni Jehova ang mga kasalanan nila at lubusang papatawarin, na para bang binubura ito. At pagkalipas ng maraming taon, sinabi ni Pedro sa mga Kristiyano: “Matiisin [si Jehova] sa inyo dahil hindi niya gustong mapuksa ang sinuman kundi gusto niya na ang lahat ay magsisi.” (2 Ped. 3:9) Nakakapagpatibay malaman na kapag nakagawa tayo ng kasalanan, puwede tayong mapatawad ni Jehova kahit pa nga malubha ito!
Pinatawad ni Jesus ang nagsisisi niyang apostol at tiniyak ito sa kaniya (Tingnan ang parapo 13-14)
15-16. (a) Paano natuto si apostol Pablo tungkol sa pagpapatawad? (1 Timoteo 1:12-15) (b) Ano ang tatalakayin sa susunod na artikulo?
15 Napakaraming ginawang masama ni Saul ng Tarso, kaya kailangang-kailangan niyang magsisi at mapatawad. Malupit niyang pinag-usig ang minamahal na mga tagasunod ni Kristo. Posibleng iniisip ng karamihan sa mga Kristiyano noon na wala nang pag-asang magbago si Saul. Pero ibang-iba ang tingin sa kaniya ng binuhay-muling si Jesus. Nakita niya at ng Ama niya ang magagandang katangian ni Saul. Sinabi ni Jesus: “Ang taong ito ay pinili ko.” (Gawa 9:15) Gumamit pa nga si Jesus ng himala para akayin si Saul sa pagsisisi. (Gawa 7:58–8:3; 9:1-9, 17-20) Nang maging Kristiyano na si Saul at makilala bilang si apostol Pablo, madalas niyang sabihin na talagang nagpapasalamat siya sa ipinakitang kabaitan at awa sa kaniya. (Basahin ang 1 Timoteo 1:12-15.) Sinabi ni apostol Pablo: “Sinisikap kang akayin ng Diyos sa pagsisisi dahil sa kabaitan niya.”—Roma 2:4.
16 Nang mabalitaan ni Pablo na nagkaroon ng problema tungkol sa imoralidad ang kongregasyon sa Corinto, paano niya ito inasikaso? Kapag pinag-aralan natin ang ulat na ito, marami tayong matututuhan tungkol sa pag-ibig at pagdidisiplina ni Jehova. Matututuhan din natin kung paano tayo magiging maawain gaya ni Jehova. Tatalakayin natin iyan nang detalyado sa susunod na artikulo.
AWIT BLG. 33 Ihagis Mo kay Jehova ang Iyong Pasanin
a Naiiba ang kasong ito. Sa ngayon, hindi hinihiling ni Jehova sa asawang pinagkasalahan ng pangangalunya na manatiling asawa ng nagkasala. Ang totoo, ipinasabi ni Jehova sa Anak niya na puwedeng magpasiya ang biktima ng pangangalunya kung didiborsiyuhin niya ang asawa niya.—Mat. 5:32; 19:9.
b Tingnan ang artikulong “Ano ang Kahulugan sa Iyo ng Pagpapatawad ni Jehova?” sa Bantayan, isyu ng Nobyembre 15, 2012, p. 21-23, par. 3-10.