Hindi kayang pahintuin ng mga tao ang digmaan
Kung Paano Magwawakas ang Digmaan at Kaguluhan
Sinasabi ng Bibliya na hindi mga tao, kundi ang Diyos ang may kakayahang ‘patigilin ang mga digmaan sa buong lupa.’—Awit 46:9.
AALISIN NG DIYOS ANG MGA GOBYERNO NG TAO
Wawakasan ng Diyos ang lahat ng gobyerno ng tao sa tinatawag ng Bibliya na digmaan ng Armagedon.a (Apocalipsis 16:16) Sa panahong iyon, ang “mga hari ng buong lupa” ay titipunin sa “digmaan ng dakilang araw ng Diyos na Makapangyarihan-sa-Lahat.” (Apocalipsis 16:14) Ang Armagedon ay digmaan ng Diyos para wakasan ang lahat ng digmaan.
Papalitan ng Kaharian, o gobyerno, ng Diyos ang mga gobyerno ng tao. Mamamahala ang Kaharian niya mula sa langit at hindi ito kailanman mawawasak. (Daniel 2:44) Pinili ng Diyos ang Anak niya, si Jesu-Kristo, para maging Hari. (Isaias 9:6, 7; Mateo 28:18) Ang gobyernong ito ang tinutukoy ni Jesus na Kaharianb na dapat ipanalangin ng mga tagasunod niya. (Mateo 6:9, 10) Magkakaisa ang lahat ng tao sa buong lupa sa ilalim ng pamamahala ni Jesus.
Di-gaya ng mga tagapamahalang tao, hindi gagamitin ni Jesus ang awtoridad niya para sa sariling pakinabang. Dahil patas siya at hindi nagtatangi, walang mag-aalala na mapapabayaan sila dahil sa pinagmulan nila, lahi, o nasyonalidad. (Isaias 11:3, 4) Hindi na kailangang ipaglaban ng mga tao ang karapatan nila. Bakit? Dahil interesado si Jesus sa kapakanan ng bawat tao. “Ililigtas niya ang dukha na humihingi ng tulong, at ang hamak at ang sinumang walang katulong. . . . Sasagipin niya sila mula sa pang-aapi at karahasan.”—Awit 72:12-14.
Aalisin ng Kaharian ng Diyos ang lahat ng armas sa buong mundo. (Mikas 4:3) Aalisin din nito ang masasamang tao na sumisira sa kapayapaan o ayaw tumigil sa pakikipaglaban. (Awit 37:9, 10) Magiging ligtas at panatag ang lahat ng tao—lalaki, babae, at mga bata—nasaan mang bahagi sila ng mundo.—Ezekiel 34:28.
Kapag namahala na ang gobyerno ng Diyos, magiging perpekto na ang buhay ng lahat ng tao. Mawawala na ang mga problemang dahilan ng mga labanan, gaya ng kahirapan, at kakulangan sa pagkain at tirahan. Magkakaroon ang lahat ng sagana at masusustansiyang pagkain. Masisiyahan din sila sa kanilang komportableng tirahan.—Awit 72:16; Isaias 65:21-23.
Aalisin ng Kaharian ng Diyos ang lahat ng naging epekto ng mga digmaan. Kasama dito ang lahat ng naging pinsala nito sa mga tao sa pisikal, mental, at emosyonal. At kahit ang mga namatay, bubuhayin silang muli sa lupa. (Isaias 25:8; 26:19; 35:5, 6) Magkakasama-sama ulit ang mga pamilya. Makakalimutan na ng mga tao ang masasamang alaala ng digmaan dahil kasama ito sa ‘dating mga bagay na lilipas.’—Apocalipsis 21:4.
AALISIN NG DIYOS ANG KASALANAN
Kapag namahala na ang Kaharian ng Diyos sa lupa, sasambahin ng lahat ng tao ang tanging tunay na Diyos, si Jehovac, “ang Diyos ng pag-ibig at kapayapaan.” (2 Corinto 13:11) Matututuhan ng mga tao na payapang mamuhay nang sama-sama. (Isaias 2:3, 4; 11:9) Mawawala na ang kasalanan at magiging perpekto na ang lahat ng sumusunod sa Diyos.—Roma 8:20, 21.
PUPUKSAIN NG DIYOS SI SATANAS AT ANG MGA DEMONYO
Pupuksain ng Kaharian ng Diyos si Satanas at ang mga demonyo, ang umiimpluwensiya sa mga tao na magpasimula ng digmaan. (Apocalipsis 20:1-3, 10) Kapag wala na sila, “mamamayani ang kapayapaan.”—Awit 72:7.
Makakasigurado ka na tutuparin ng Diyos ang pangako niyang wakasan ang digmaan at kaguluhan. Kaya niyang gawin iyon, at gusto niyang gawin iyon.
May karunungan at kapangyarihan ang Diyos na wakasan ang digmaan at karahasan. (Job 9:4) Walang imposible sa kaniya.—Job 42:2.
Ayaw na ayaw ng Diyos na makitang nagdurusa ang mga tao. (Isaias 63:9) “Napopoot [din] siya sa sinumang mahilig sa karahasan.”—Awit 11:5.
Laging tinutupad ng Diyos ang salita niya; hindi siya makakapagsinungaling.—Isaias 55:10, 11; Tito 1:2.
Sa hinaharap, ibibigay ng Diyos ang tunay at permanenteng kapayapaan.
Aalisin ng Diyos ang digmaan
a Basahin ang artikulong “Ano ang Digmaan ng Armagedon?” sa jw.org.
b Panoorin ang video na Ano ang Kaharian ng Diyos? na nasa jw.org.
c Jehova ang personal na pangalan ng Diyos.—Awit 83:18.