ARALING ARTIKULO 22
AWIT BLG. 15 Purihin ang Panganay ni Jehova!
Napakahalaga ng Pangalan ni Jehova kay Jesus
“Ipinakilala ko sa kanila ang pangalan mo at patuloy itong ipapakilala.”—JUAN 17:26.
MATUTUTUHAN
Kung paano ipinakilala ni Jesus ang pangalan ni Jehova, at kung paano niya ito pinabanal at ipinagbangong-puri.
1-2. (a) Ano ang ginawa ni Jesus noong gabi bago siya mamatay? (b) Anong mga tanong ang sasagutin sa artikulong ito?
NOONG gabi ng Huwebes, Nisan 14, 33 C.E., kasama ni Jesus ang mga tapat na apostol niya pagkatapos ng isang espesyal na hapunan. Malapit na siyang traidurin, hatulan, pahirapan, at patayin. Pero bago mangyari ang lahat ng iyan, pinatibay niya muna sila. At bago sila umalis, nanalangin si Jesus. Mababasa natin ang mahalagang panalanging iyan sa Juan kabanata 17.
2 Sa artikulong ito, tatalakayin natin ang mga matututuhan natin sa panalanging iyan ni Jesus. Ano ang mga iniisip niya noong malapit na siyang mamatay? Paano makikita sa panalangin niya kung ano ang pinakamahalaga sa kaniya noong nandito siya sa lupa? Alamin natin.
“IPINAKILALA KO SA KANILA ANG PANGALAN MO”
3. Ano ang ibig sabihin ni Jesus nang sabihin niya, “Ipinakilala ko sa kanila ang pangalan mo”? (Juan 17:6, 26)
3 Sinabi ni Jesus sa panalangin niya: “Ipinakilala ko sa kanila ang pangalan mo.” Dalawang beses niya itong sinabi sa panalangin niya. (Basahin ang Juan 17:6, 26.) Ano ang ibig niyang sabihin? Noon lang ba nalaman ng mga alagad niya ang pangalan ng Diyos? Judio ang mga alagad ni Jesus, kaya alam na nila ang pangalang Jehova. Libo-libong beses lumitaw ang pangalang ito sa Hebreong Kasulatan. Kaya hindi ang mismong pangalan ng Diyos ang tinutukoy ni Jesus. Ang itinuro niya sa kanila ay kung sino talaga si Jehova. Kasama na diyan ang mga layunin, ginawa, at katangian ng Diyos. Nagawa niya iyan kasi wala nang ibang mas nakakakilala kay Jehova kaysa sa kaniya.
4-5. (a) Paano puwedeng maging mas espesyal sa atin ang pangalan ng isang tao? (b) Paano mas nakilala ng mga alagad ni Jesus si Jehova?
4 Pag-isipan ito: Si David ay isang elder sa kongregasyon ninyo na matagal mo nang kakilala. Isa rin siyang doktor. Isang araw, kinailangan kang dalhin sa ospital kasi nag-aagaw buhay ka na. Mabuti na lang, inoperahan ka niya kaya naligtas ang buhay mo. Ano na ngayon ang maiisip mo kapag narinig mo ang pangalan niya? Siguradong hindi mo lang maiisip na elder siya. Maiisip mo rin na si David ang doktor na nagligtas ng buhay mo. Mas espesyal na sa iyo ngayon ang pangalan niya.
5 Matagal na ring alam ng mga alagad ni Jesus ang pangalan ni Jehova. Pero mas nakilala pa nila si Jehova at mas napahalagahan ang pangalan niya. Ano ang nakatulong sa kanila? Perpekto kasing tinularan ni Jesus ang Ama niya. Kaya sa paraan ng pagtuturo at pakikitungo ni Jesus sa mga tao, mas nakita ng mga alagad kung sino talaga si Jehova.—Juan 14:9; 17:3.
ANG “IYONG SARILING PANGALAN, NA IBINIGAY MO SA AKIN”
6. Bakit sinabi ni Jesus na ibinigay sa kaniya ni Jehova ang pangalan Niya? (Juan 17:11, 12)
6 Sa panalangin ni Jesus, sinabi niya: “Bantayan mo [ang mga alagad ko] alang-alang sa iyong sariling pangalan, na ibinigay mo sa akin.” (Basahin ang Juan 17:11, 12.) Ibig bang sabihin nito, magiging Jehova na ang pangalan ni Jesus? Hindi. Tinukoy niya ang pangalang Jehova na “sariling pangalan” ng Ama niya, kaya hindi niya ito magiging pangalan. Kaya bakit ito nasabi ni Jesus? Una, si Jesus ang kinatawan at Tagapagsalita ni Jehova. Gumawa siya ng mga himala sa pangalan ni Jehova. (Juan 5:43; 10:25) Ikalawa, ang pangalang Jesus ay nangangahulugang “Si Jehova ay Kaligtasan.” Kaya kasama ang pangalang Jehova sa kahulugan ng pangalan ni Jesus.
7. Bakit makakapagsalita si Jesus sa pangalan ni Jehova? Ilarawan.
7 Pag-isipan ito: Kumakatawan ang isang ambassador sa presidente ng bansa nila. Kaya puwede siyang magsalita para sa presidente, at maituturing itong galing mismo sa presidente. Ganiyan din si Jesus. Siya ang kinatawan ni Jehova kaya puwede siyang magsalita sa pangalan ni Jehova.—Mat. 21:9; Luc. 13:35.
8. Bakit masasabing na kay Jesus ang pangalan ni Jehova bago pa siya bumaba sa lupa? (Exodo 23:20, 21)
8 Tinawag si Jesus na “ang Salita” dahil ginamit siya ni Jehova para iparating ang mensahe Niya sa mga anghel at tao. (Juan 1:1-3) Malamang na si Jesus ang anghel na ipinadala ni Jehova para tulungan ang mga Israelita noong lumabas sila ng Ehipto. Sinabi ni Jehova kung bakit dapat nilang sundin ang anghel na iyon: “Dahil nasa kaniya ang pangalan ko.”a (Basahin ang Exodo 23:20, 21.) Masasabing na kay Jesus ang pangalan ni Jehova dahil siya ang kinatawan ni Jehova. Siya rin ang pangunahing gagamitin ni Jehova para ipagbangong-puri at pabanalin ang pangalan Niya.
“AMA, LUWALHATIIN MO ANG IYONG PANGALAN”
9. Gaano kahalaga kay Jesus ang pangalan ni Jehova? Paano natin nasabi iyan?
9 Bago pa naging tao si Jesus, wala nang mas mahalaga pa sa kaniya kaysa sa pangalan ni Jehova. At ipinakita niya iyan sa lahat ng sinabi at ginawa niya dito sa lupa. Noong malapit nang matapos ang ministeryo ni Jesus sa lupa, sinabi niya: “Ama, luwalhatiin mo ang iyong pangalan.” Sumagot agad si Jehova mula sa langit: “Niluwalhati ko ito at luluwalhatiing muli.”—Juan 12:28.
10-11. (a) Paano niluwalhati ni Jesus ang pangalan ni Jehova? (Tingnan din ang larawan.) (b) Bakit kailangang pabanalin at ipagbangong-puri ang pangalan ni Jehova?
10 Niluwalhati rin ni Jesus ang pangalan ni Jehova. Paano? Sinabi niya sa iba ang mga ginawa at magagandang katangian ng Ama niya. Pero may kailangan pang gawin para maluwalhati ang pangalan ni Jehova—kailangan itong pabanalin at ipagbangong-puri.b Idiniin iyan ni Jesus nang ituro niya sa mga alagad niya ang modelong panalangin. Sinabi niya: “Ama namin na nasa langit, pakabanalin nawa ang pangalan mo.”—Mat. 6:9.
11 Bakit kailangang pabanalin at ipagbangong-puri ang pangalan ni Jehova? Sa hardin ng Eden, siniraan ni Satanas na Diyablo ang pangalan, o reputasyon, ni Jehova. Sinabi ni Satanas na sinungaling si Jehova at na may ipinagkakait siya kina Adan at Eva. (Gen. 3:1-5) Gusto ring palabasin ni Satanas na mali ang pamamaraan ni Jehova. Dahil sa mga kasinungalingang ito ni Satanas, baka maisip ng marami na masamang Diyos si Jehova. At noong panahon ni Job, inakusahan ni Satanas ang mga naglilingkod kay Jehova na ginagawa lang nila ito kasi may nakukuha sila sa Kaniya. Sinabi rin ng Diyablo na kapag nahihirapan na sila, hihinto na sila sa paglilingkod sa Diyos kasi hindi talaga nila Siya mahal. (Job 1:9-11; 2:4) Kaya kailangan ng panahon para mapatunayan kung sino talaga ang sinungaling—si Jehova o si Satanas.
Itinuro ni Jesus sa mga tagasunod niya na mahalagang pabanalin ang pangalan ng Diyos (Tingnan ang parapo 10)
“IBINIBIGAY KO ANG AKING BUHAY”
12. Dahil sa pag-ibig ni Jesus sa pangalan ni Jehova, ano ang handa niyang gawin?
12 Dahil mahal ni Jesus si Jehova, handa niyang gawin ang lahat para mapabanal at maipagbangong-puri ang pangalan ni Jehova. Sinabi niya, “Ibinibigay ko ang aking buhay.” (Juan 10:17, 18) Handa siyang mamatay para ipagtanggol si Jehova.c Sina Adan at Eva, kahit perpekto, ay naniwala kay Satanas at hindi sumunod sa Diyos. Pero iba si Jesus. Handa siyang bumaba sa lupa para patunayang mahal niya si Jehova. Sa buong buhay niya, ginawa niya ang gusto ng kaniyang Ama. (Heb. 4:15; 5:7-10) Nanatili siyang tapat hanggang kamatayan. (Heb. 12:2) Kaya napatunayan ni Jesus na talagang mahal niya si Jehova at ang pangalan Niya.
13. Bakit si Jesus ang pinakamakakapagpatunay na sinungaling si Satanas? (Tingnan din ang larawan.)
13 Sa paraan ng pamumuhay ni Jesus, napatunayan niyang si Satanas ang sinungaling, hindi si Jehova. (Juan 8:44) Wala nang ibang mas nakakakilala kay Jehova kaysa kay Jesus. Kaya kung mayroon mang totoo sa mga akusasyon ni Satanas kay Jehova, siguradong alam iyon ni Jesus. Pero dahil alam ni Jesus na walang katotohanan ang mga iyon, talagang ipinagtanggol niya ang pangalan ni Jehova. Kahit noong panahong parang pinabayaan siya ni Jehova, handa pa rin siyang manatiling tapat at mamatay imbes na suwayin ang Ama niya.—Mat. 27:46.d
Sa paraan ng pamumuhay ni Jesus, malinaw niyang naipakita na sinungaling si Satanas, hindi si Jehova (Tingnan ang parapo 13)
“TINAPOS KO ANG GAWAIN NA IBINIGAY MO SA AKIN”
14. Paano pinagpala ni Jehova ang katapatan ni Jesus?
14 Sa panalangin ni Jesus noong gabi bago siya mamatay, sinabi niya: “Tinapos ko ang gawain na ibinigay mo sa akin.” Nagtiwala siyang pagpapalain ni Jehova ang katapatan niya. (Juan 17:4, 5) At hindi siya binigo ng Ama niya. Binuhay siyang muli ni Jehova at binigyan ng nakakataas na posisyon sa langit. (Gawa 2:23, 24; Fil. 2:8, 9) Di-nagtagal, namahala siya bilang Hari ng Kaharian ng Diyos. Ano ang mangyayari dahil sa Kahariang iyan? Sinabi ni Jesus sa modelong panalangin: “Dumating nawa ang Kaharian mo [ni Jehova]. Mangyari nawa ang kalooban mo, kung paano sa langit, gayon din sa lupa.”—Mat. 6:10.
15. Ano ang gagawin ni Jesus sa hinaharap?
15 Sa hinaharap, makikipagdigma si Jesus sa mga kaaway ng Diyos at pupuksain ang masasama sa Armagedon. (Apoc. 16:14, 16; 19:11-16) Pagkatapos, ihahagis niya si Satanas sa “kalaliman”—isang tulad-patay na kalagayan. (Apoc. 20:1-3) Sa Sanlibong-Taóng Paghahari, ibabalik ni Jesus ang kapayapaan sa mundo at tutulungan niyang maging perpekto ang mga tao. Bubuhayin niya ang mga patay, at gagawin niyang isang paraiso ang buong lupa. Matutupad na ang layunin ni Jehova!—Apoc. 21:1-4.
16. Ano na ang magiging sitwasyon kapag natapos na ang Sanlibong-Taóng Paghahari?
16 Ano na ang magiging sitwasyon kapag natapos na ang Sanlibong-Taóng Paghahari? Wala na ang kasalanan at ang mga epekto nito. At dahil hindi na kailangan ng mga tao na humingi ng kapatawaran, hindi na kailangan ang pantubos; hindi na rin nila kailangan ng tagapamagitan. “Ang huling kaaway,” ang kamatayan na resulta ng kasalanan ni Adan, ay wala na. Tapos na rin ang pagkabuhay-muli. Perpekto na ang lahat ng tao.—1 Cor. 15:25, 26.
17-18. (a) Ano ang mangyayari kapag natapos na ang Sanlibong-Taóng Paghahari? (b) Ayon sa 1 Corinto 15:24, 28, ano ang gagawin ni Jesus kapag natapos na ang paghahari niya? (Tingnan din ang larawan.)
17 Ano pa ang mangyayari kapag natapos na ang Sanlibong-Taóng Paghahari? Sa panahong iyon, wala nang magdududa sa kabanalan at pagiging makatarungan ng Diyos. Bakit? Alam nating inakusahan ni Satanas si Jehova na sinungaling at na hindi niya talaga mahal ang mga tao. Pero mula nang mangyari iyon, paulit-ulit na napabanal ang pangalan niya dahil sa mga taong nagmamahal sa kaniya. Kaya kapag natapos na ang Sanlibong-Taóng Paghahari, lubusan nang naipagbangong-puri ang reputasyon niya. Napatunayan na niyang isa siyang mapagmahal na Diyos.
18 Kapag natapos na ang Sanlibong-Taóng Paghahari, malinaw na sa lahat na kasinungalingan ang mga akusasyon ni Satanas. Ano ang gagawin ni Jesus kapag natapos na ang pamamahala niya? Magiging gaya ba siya ni Satanas at magrerebelde kay Jehova? Hindi! (Basahin ang 1 Corinto 15:24, 28.) Ibabalik ni Jesus ang pamamahala sa kaniyang Ama at magpapasakop siya dito. Handa itong gawin ni Jesus kasi mahal niya si Jehova.
Handa si Jesus na ibalik kay Jehova ang Kaharian kapag natapos na ang Sanlibong-Taóng Paghahari (Tingnan ang parapo 18)
19. Ano ang natutuhan natin kay Jesus?
19 Nakita natin kung bakit handang ibigay ni Jehova ang pangalan niya kay Jesus. Perpektong naipakita ni Jesus kung sino talaga si Jehova. At para kay Jesus, wala nang mas mahalaga pa kaysa sa pangalan ng kaniyang Ama. Handa siyang mamatay para dito, at handa rin niyang ibalik ang pamamahala kay Jehova kapag natapos na ang Sanlibong-Taóng Paghahari. Paano natin matutularan si Jesus? Tatalakayin natin iyan sa susunod na artikulo.
AWIT BLG. 16 Purihin si Jehova Dahil sa Kaniyang Pinahiran
a Nagsasalita sa pangalan ni Jehova ang mga anghel kapag ginagamit niya sila para sabihin sa mga tao ang mensahe niya. Iyan ang dahilan kung bakit mababasa minsan sa Bibliya na si Jehova ang nagsasalita kahit ang totoo, gumamit siya ng anghel. (Gen. 18:1-33) Sinasabi sa Bibliya na tinanggap ni Moises ang Kautusan mula kay Jehova. Pero ipinapakita ng ibang mga teksto na gumamit si Jehova ng mga anghel para gawin ito.—Lev. 27:34; Gawa 7:38, 53; Gal. 3:19; Heb. 2:2-4.
b KARAGDAGANG PALIWANAG: Ang salitang “pabanalin” ay nangangahulugang bigyang-dangal, ituring na banal, o bigyan ng matinding paggalang. Ang salitang “ipagbangong-puri” ay nangangahulugan naman na linisin ang pangalan ng isa mula sa mga paninira sa kaniya o pagpapatunay na mali ang mga akusasyon sa kaniya.
c Dahil din sa kamatayan ni Jesus, may pag-asa ang mga tao na mabuhay nang walang hanggan.
d Tingnan ang “Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa” sa Bantayan, isyu ng Abril 2021, p. 30-31.