ARALING ARTIKULO 23
AWIT BLG. 2 Jehova ang Iyong Ngalan
Gaano Kahalaga sa Iyo ang Pangalan ni Jehova?
“‘Kayo ang mga saksi ko,’ ang sabi ni Jehova.”—ISA. 43:10.
MATUTUTUHAN
Ang magagawa natin para mapabanal at maipagbangong-puri ang pangalan ni Jehova.
1-2. Paano natin nalaman na napakahalaga kay Jesus ng pangalan ni Jehova?
WALA NANG mas mahalaga pa kay Jesus kaysa sa pangalan ni Jehova. Napakarami niyang ginawa para ipakilala ang pangalan ng Ama niya sa mga tao. Gaya ng tinalakay sa naunang artikulo, handang mamatay si Jesus para sa pangalan ng Ama niya at para mapatunayang tama ang lahat ng ginagawa Niya. (Mar. 14:36; Heb. 10:7-9) Handa rin niyang ibalik ang lahat ng awtoridad kay Jehova pagkatapos ng Sanlibong-Taóng Paghahari kasi gusto niyang mapabanal ang pangalan ng Diyos. (1 Cor. 15:26-28) Ipinapakita ng lahat ng iyan na mahal na mahal niya si Jehova.
2 Bumaba sa lupa si Jesus sa pangalan ng kaniyang Ama. (Juan 5:43; 12:13) Ipinakilala niya ang pangalang iyon sa mga tagasunod niya. (Juan 17:6, 26) Sinabi rin niyang galing kay Jehova ang mga itinuturo niya at ang kapangyarihan niyang gumawa ng mga himala. (Juan 10:25) At nang ipanalangin niya kay Jehova ang mga alagad niya, sinabi niya: “Bantayan mo sila alang-alang sa iyong sariling pangalan.” (Juan 17:11) Talagang napakahalaga kay Jesus ng pangalan ni Jehova! Kaya puwede bang sabihin ng isa na tunay siyang Kristiyano kung hindi niya alam o ginagamit ang pangalan ng Ama ni Jesus?
3. Ano ang tatalakayin sa artikulong ito?
3 Bilang mga tunay na Kristiyano, napakahalaga rin sa atin ng pangalan ni Jehova. (1 Ped. 2:21) Sa artikulong ito, tatalakayin natin kung bakit ibinigay ni Jehova ang pangalan niya sa mga nangangaral ng ‘mabuting balita tungkol sa Kaharian.’ (Mat. 24:14) Tatalakayin din natin kung paano natin maipapakitang napakahalaga sa atin ng pangalan ni Jehova.
“ISANG BAYAN NA MAGDADALA NG PANGALAN NIYA”
4. (a) Bago umakyat si Jesus sa langit, ano ang sinabi niya sa mga alagad niya? (b) Dahil sa sinabing iyan ni Jesus, ano ang puwede nating maisip?
4 Bago umakyat si Jesus sa langit, sinabi niya sa mga alagad niya: “Tatanggap kayo ng kapangyarihan kapag dumating sa inyo ang banal na espiritu, at magiging mga saksi ko kayo sa Jerusalem, sa buong Judea at Samaria, at hanggang sa pinakamalayong bahagi ng lupa.” (Gawa 1:8) Hindi lang sa Israel ipapangaral ang mabuting balita—ipapangaral din ito sa buong mundo. Kaya puwedeng maging tagasunod ni Jesus ang lahat ng tao. (Mat. 28:19, 20) Pero pansinin ang sinabi ni Jesus: “Magiging mga saksi ko kayo.” Ibig bang sabihin, magiging saksi lang ni Jesus ang mga bagong alagad at hindi na nila kailangang makilala si Jehova? Tingnan natin ang sinasabi ng Gawa kabanata 15.
5. Paano naidiin ng mga apostol at matatandang lalaki sa Jerusalem na kailangang malaman ng lahat ang pangalan ni Jehova? (Tingnan din ang larawan.)
5 Noong 49 C.E., nagtipon ang mga apostol at matatandang lalaki sa Jerusalem. Pinag-usapan nila kung ano ang dapat gawin ng mga di-tuling Gentil para maging Kristiyano. Sa pagtatapos ng pag-uusap na iyon, sinabi ni Santiago, na kapatid sa ina ni Jesus: “Inilahad ni [Pedro] na binigyang-pansin ngayon ng Diyos ang ibang mga bansa para kumuha sa kanila ng isang bayan na magdadala ng pangalan niya.” Pangalan nino? Gamit ang mga salita ng propetang si Amos, sinabi pa ni Santiago: “Para buong pusong hanapin si Jehova ng mga taong nalabi, kasama ng mga tao ng lahat ng iba pang bansa, mga taong tinatawag ayon sa pangalan ko, ang sabi ni Jehova.” (Gawa 15:14-18) Kaya hindi lang matututo tungkol kay Jehova ang mga bagong alagad na ito, tatawagin din sila sa pangalan ni Jehova. Ibig sabihin, ipapaalam nila sa iba ang pangalan ni Jehova at makikilala sila bilang mga kinatawan ng pangalang iyan.
Nang magtipon ang lupong tagapamahala noon, naunawaan nila na dadalhin ng mga Kristiyano ang pangalan ni Jehova (Tingnan ang parapo 5)
6-7. (a) Ano ang isang dahilan kung bakit bumaba si Jesus sa lupa? (b) Pero ano ang mas mahalaga pa diyan?
6 Ang ibig sabihin ng pangalang Jesus ay “Si Jehova ay Kaligtasan,” at ginamit siya ni Jehova para iligtas ang mga taong nananampalataya sa Kaniya at sa anak Niya. Bumaba si Jesus sa lupa para ibigay ang buhay niya para sa mga tao. (Mat. 20:28) Dahil sa pantubos, posible nang maligtas ang mga tao at magkaroon ng buhay na walang hanggan.—Juan 3:16.
7 Pero bakit ba kailangang maligtas ng mga tao? Gaya ng natalakay sa naunang artikulo, nagrebelde sa Diyos na Jehova ang unang dalawang tao, sina Adan at Eva. Dahil dito, naiwala nila ang pagkakataong mabuhay nang walang hanggan. (Gen. 3:6, 24) Kaya kailangang bumaba ni Jesus sa lupa para iligtas ang mga tao. Pero may mas mahalaga pa siyang dahilan. Tandaan na siniraan din ni Satanas ang pangalan ni Jehova. (Gen. 3:4, 5) Kaya kailangang mapabanal ang pangalan ni Jehova. At alam ni Jesus na kapag napabanal ang pangalan ni Jehova, magkakaroon na ulit ng pagkakataong mabuhay nang walang hanggan ang mga tao. Tama lang na si Jesus ang gumawa niyan kasi siya ang perpektong kinatawan ni Jehova at lagi niyang handang sundin ang Ama niya.
Puwede bang sabihin ng isa na tunay siyang Kristiyano kung hindi niya alam o ginagamit ang pangalan ng Ama ni Jesus?
8. Ano ang dapat maintindihan ng lahat ng nananampalataya kay Jesus?
8 Dapat maintindihan ng lahat ng nananampalataya kay Jesus na kay Jehova manggagaling ang kaligtasan nila. (Juan 17:3) At gaya ni Jesus, makikilala rin sila sa pangalan ni Jehova. Dapat din nilang maintindihan kung gaano kahalagang pabanalin ang pangalang iyan—nakadepende diyan ang kaligtasan nila. (Gawa 2:21, 22) Kaya dapat talagang makilala ng lahat ng Kristiyano si Jehova at si Jesus. Tamang-tama ang sinabi ni Jesus sa dulo ng panalangin niya sa Juan kabanata 17: “Ipinakilala ko sa kanila ang pangalan mo at patuloy itong ipapakilala, para maipakita nila sa iba ang pag-ibig na ipinakita mo sa akin at ako ay maging kaisa nila.”—Juan 17:26.
“KAYO ANG MGA SAKSI KO”
9. Kung gusto nating maging tagasunod ni Jesus, ano ang dapat na maging pinakamahalaga sa atin?
9 Malinaw na para masabing tunay na tagasunod tayo ni Jesus, dapat nating pabanalin ang pangalan ni Jehova. (Mat. 6:9, 10) Ang pangalang iyan ang dapat na maging pinakamahalaga sa atin. At maipapakita natin ito sa mga ginagawa natin. Kaya ano ang dapat nating gawin para mapabanal ang pangalan ni Jehova at mapatunayang sinungaling si Satanas?
10. Ano ang mababasa natin sa Isaias kabanata 42 hanggang 44? (Isaias 43:9; 44:7-9) (Tingnan din ang larawan.)
10 Sa Isaias kabanata 42 hanggang 44, idiniin kung gaano kahalaga ang gawain natin na pabanalin ang pangalan ni Jehova. Mababasa doon ang isang kaso kung saan kailangang patunayan ng mga diyos na totoo sila. Hinamon sila ni Jehova na magharap ng mga saksi na magpapatunay sa pagiging diyos nila. Pero walang makapagpatunay nito!—Basahin ang Isaias 43:9; 44:7-9.
Pinapatunayan natin sa mga sinasabi at ginagawa natin na si Jehova lang ang Diyos (Tingnan ang parapo 10-11)
11. Ano ang sinabi ni Jehova sa bayan niya? (Isaias 43:10-12)
11 Basahin ang Isaias 43:10-12. Sinabi ni Jehova sa bayan niya: “Kayo ang mga saksi ko, . . . at ako ang Diyos.” Tinanong sila ni Jehova: “May iba pa bang Diyos bukod sa akin?” (Isa. 44:8) Pribilehiyo nating sagutin ang tanong na iyan. Mapapatunayan natin sa mga sinasabi at ginagawa natin na si Jehova lang ang tunay na Diyos at na ang pangalan niya ang pinakadakila. Mapapatunayan natin sa paraan ng pamumuhay natin na talagang mahal natin si Jehova at tapat tayo sa kaniya, kahit ano pa ang gawin ni Satanas. Kapag ginawa natin iyan, napapabanal natin ang pangalan ni Jehova.
12. Paano natupad ang hula sa Isaias 40:3, 5?
12 Tingnan natin ang isang hula kung paano naging isang saksi ni Jehova si Jesus at pinabanal ang pangalan Niya. Inihula ni Isaias na may maghahanda ng daan ni Jehova. (Isa. 40:3, tlb.) Paano iyan natupad? Inihanda ni Juan na Tagapagbautismo ang daan para kay Jesus. Pero masasabing ‘daan ito ni Jehova’ kasi dumating si Jesus bilang kinatawan ni Jehova. (Mat. 3:3; Mar. 1:2-4; Luc. 3:3-6) Sinabi rin ni Isaias: “Ang kaluwalhatian ni Jehova ay isisiwalat.” (Isa. 40:5) Paano ito natupad? Noong nandito si Jesus sa lupa, perpekto niyang natularan si Jehova kaya parang si Jehova mismo ang bumaba dito sa lupa.—Juan 12:45.
13. Paano natin matutularan si Jesus?
13 Mga saksi tayo ni Jehova gaya ni Jesus. Kinatawan tayo ni Jehova at sinasabi natin sa mga tao ang lahat ng ginawa niya. Pero kailangan din nating sabihin sa iba ang mga ginawa ni Jesus para mapabanal niya ang pangalan ni Jehova. (Gawa 1:8) Si Jesus ang pinakamagandang halimbawa ng pagiging saksi ni Jehova, at sinisikap nating tularan siya. (Apoc. 1:5) Pero paano pa natin maipapakita na mahalaga sa atin ang pangalan ni Jehova?
IPAKITANG MAHALAGA ANG PANGALAN NI JEHOVA
14. Ano ang nararamdaman natin sa pangalan ni Jehova? (Awit 105:3)
14 Proud tayo sa pangalan ni Jehova. (Basahin ang Awit 105:3.) Masayang-masaya si Jehova kapag ipinagmamalaki natin ang pangalan niya. (Jer. 9:23, 24; 1 Cor. 1:31; 2 Cor. 10:17) Proud tayo sa Diyos natin. Kaya pribilehiyo para sa atin na parangalan ang pangalan niya at sabihin sa iba na tama ang lahat ng ginagawa niya. Huwag tayong mahiyang sabihin sa mga katrabaho, kaklase, kapitbahay, at iba pa na Saksi ni Jehova tayo! Gusto ng Diyablo na huwag nating sabihin sa iba ang pangalan ni Jehova. (Jer. 11:21; Apoc. 12:17) Gusto kasi ni Satanas at ng mga sumusuporta sa kaniya na makalimutan o hindi malaman ng mga tao ang pangalan ni Jehova. (Jer. 23:26, 27) Pero dahil mahal natin ang pangalan ni Jehova, gusto natin siyang laging purihin.—Awit 5:11; 89:16.
15. Ano ang ibig sabihin ng pagtawag sa pangalan ni Jehova?
15 Patuloy tayong tumatawag sa pangalan ni Jehova. (Joel 2:32; Roma 10:13, 14) Ang pagtawag sa pangalan ni Jehova ay hindi lang basta pag-alam at paggamit ng pangalan ng Diyos. Dapat na kilala natin siya, nagtitiwala tayo sa kaniya, at umaasa tayo sa tulong at patnubay niya. (Awit 20:7; 99:6; 116:4; 145:18) Sinasabi rin natin sa iba ang pangalan at mga katangian niya. Tinutulungan din natin silang magbago para mapasaya nila si Jehova at maligtas.—Isa. 12:4; Gawa 2:21, 38.
16. Paano natin mapapatunayang sinungaling si Satanas?
16 Handa tayong magdusa para sa pangalan ni Jehova. (Sant. 5:10, 11) Kung mananatili tayong tapat kay Jehova kahit nagdurusa tayo, mapapatunayan nating sinungaling si Satanas. Noong panahon ni Job, inakusahan ni Satanas ang lahat ng naglilingkod kay Jehova: “Ibibigay ng isang tao ang lahat ng kaniya para sa buhay niya.” (Job 2:4) Sinabi niya na maglilingkod lang ang mga tao kay Jehova kapag wala silang problema. Pero iiwan na nila si Jehova kapag nahihirapan na sila. Pinatunayan ni Job na mali ang akusasyong iyan. May pribilehiyo rin tayong patunayang mali si Satanas. Magagawa natin iyan kung hindi natin iiwan si Jehova kahit ano pa ang gawin ni Satanas sa atin. At makakapagtiwala tayong babantayan tayo ni Jehova.—Juan 17:11.
17. Paano natin maluluwalhati ang pangalan ni Jehova? (1 Pedro 2:12)
17 Ginagawa natin ang lahat para mapapurihan ang pangalan ni Jehova. (Kaw. 30:9; Jer. 7:8-11) Alam ng mga tao na mga Saksi ni Jehova tayo, kaya puwedeng mapapurihan si Jehova o masiraan ang pangalan niya depende sa mga sinasabi at ginagawa natin. (Basahin ang 1 Pedro 2:12.) Kaya anuman ang sasabihin o gagawin natin, gusto nating lagi itong magbigay ng kapurihan kay Jehova. At kapag ginagawa natin iyan, naluluwalhati natin ang pangalan ni Jehova kahit hindi tayo perpekto.
18. Paano pa natin mapapatunayan na mahalaga sa atin ang pangalan ni Jehova? (Tingnan din ang talababa.)
18 Mas mahalaga sa atin ang pangalan ni Jehova kaysa sa sarili nating pangalan. (Awit 138:2) Kapag ginagawa natin ang mga gusto ni Jehova, baka hindi iyon magustuhan ng iba at magbago ang tingin nila sa atin.a Bago mamatay si Jesus, iniisip ng mga tao na kriminal siya. Pero ‘binale-wala niya ang kahihiyan’ hanggang kamatayan at hindi siya nagpokus sa tingin ng iba sa kaniya kasi alam niyang mapapapurihan niya si Jehova. (Heb. 12:2-4) Nagpokus siya sa paggawa ng kalooban ni Jehova.—Mat. 26:39.
19. Ano ang nararamdaman mo sa pangalan ni Jehova, at bakit?
19 Proud tayo sa pangalan ni Jehova at ipinagmamalaki nating maging Saksi ni Jehova. Kaya kahit hiyain tayo ng iba, bale-wala iyon sa atin. Mas mahalaga sa atin ang pangalan ni Jehova kaysa sa sarili nating reputasyon. Patuloy sana nating purihin ang pangalan ni Jehova anuman ang gawin sa atin ni Satanas. Kung gagawin natin iyan, matutularan natin si Jesu-Kristo—mapapatunayan nating ang pangalan ni Jehova ang pinakamahalaga sa atin.
AWIT BLG. 10 Purihin si Jehova na Ating Diyos!
a Tapat na lingkod ni Jehova si Job. Nang mamatay ang mga anak niya at mawala ang mga ari-arian niya, “hindi nagkasala si Job at hindi niya sinisi ang Diyos.” (Job 1:22; 2:10) Pero nang akusahan siya ng mga kaibigan niya, masyado siyang nagpokus sa naging tingin ng iba sa kaniya. “Naging padalos-dalos” pa nga siya sa pagsasalita. Naging mas mahalaga sa kaniya ang pagtatanggol sa reputasyon niya kaysa sa pangalan, o reputasyon, ng Diyos.—Job 6:3; 13:4, 5; 32:2; 34:5.