TALAMBUHAY
“Kay Jehova ang Labanan”
NOONG Enero 28, 2010, nasa magandang lunsod kami ng Strasbourg, France. Taglamig noon. Masarap sanang mamasyal pero hindi iyon ang dahilan kaya ako nandoon. Inatasan ang grupo namin na ipagtanggol ang karapatan ng mga Saksi ni Jehova sa harap ng European Court of Human Rights (ECHR). Pinagbabayad kasi noon ang mga kapatid natin sa France ng napakalaking buwis na halos umabot nang 64 na milyong euro ($89,000,000 U.S.). Pero hindi iyan ang pangunahing dahilan kung bakit tayo nakipaglaban. Kapag nanalo tayo sa kaso, mapapapurihan si Jehova, magkakaroon ang bayan niya ng magandang reputasyon, at mapapanatili ang kalayaan nilang sambahin siya. Makikita sa nangyari sa paglilitis na “kay Jehova [talaga] ang labanan.” (1 Sam. 17:47) Ikukuwento ko sa inyo kung ano ang nangyari.
Nagsimula ang isyu noong dulong bahagi ng 1990’s nang di-makatarungang patawan ng buwis ng gobyerno ng France ang donasyon na pumasok sa sangay natin doon mula 1993 hanggang 1996. Nagsampa tayo ng kaso sa mga korte sa France, pero hindi tayo nabigyan ng patas na paglilitis. Nang matalo din tayo sa court of appeals, kinumpiska ng gobyerno ang pera sa bank account ng sangay na nagkakahalaga ng mahigit apat at kalahating milyong euro ($6,300,000 U.S.). Kaya kinailangan nating idulog ang kaso sa ECHR. Pero bago nito dinggin ang kaso natin, sinabi ng ECHR na makipag-usap muna tayo sa mga abogado ng gobyerno ng France kasama ang isang kinatawan ng European Court para subukang resolbahin ulit ang isyu.
Inaasahan na naming pupuwersahin kami ng kinatawan ng European Court na magbayad na lang ng mapagkakasunduang halaga para matapos na ang isyu. Pero malinaw sa amin na kung magbabayad kami ng kahit isang euro, may malalabag kaming prinsipyo ng Bibliya. Donasyon iyon ng mga kapatid para sa Kaharian, kaya hindi iyon dapat mapunta sa gobyerno. (Mat. 22:21) Pero bilang paggalang, sinunod pa rin namin ang sinabi ng European Court na makipag-usap sa mga opisyal na ito.
Ang team namin sa harap ng ECHR, 2010
Ginanap ang pag-uusap sa isa sa magagandang conference room ng Korte. Hindi maganda ang naging simula nito. Sa una pa lang, sinabi agad ng kinatawan ng European Court na inaasahan niyang ibibigay ng mga Saksi ni Jehova sa France ang kahit isang bahagi ng ipinataw na buwis ng gobyerno. Pero pinakilos kami ng espiritu ni Jehova na itanong, “Alam n’yo po bang kinumpiska na ng gobyerno ang mahigit apat at kalahating milyong euro sa bank account namin?”
Gulat na gulat siya! Nang aminin ng mga abogado ng gobyerno na talagang ginawa nila iyon, pinagalitan niya sila at tinapos na ang pagdinig. Kitang-kita ko kung paano binaligtad ni Jehova ang desisyon sa paraang hindi ko inaasahan. Tuwang-tuwa kami sa pagtatapos ng pagdinig, at hindi kami makapaniwala sa nangyari.
Noong Hunyo 30, 2011, naglabas ang ECHR ng nagkakaisang desisyon pabor sa atin. Pinawalang-bisa nito ang ipinataw sa atin na buwis at inutusan ang gobyerno na ibalik ang kinumpiska nitong pera, na may kasama pang interes! Napoprotektahan ng makasaysayang desisyong ito ang dalisay na pagsamba sa France hanggang sa ngayon. Ang nag-iisang tanong na iyon na hindi man lang kasama sa mga inihanda namin ay gaya ng batong tumama sa ulo ni Goliat. Iyon ang tumapos sa laban! Pero bakit tayo nanalo? Dahil gaya ng sinabi ni David kay Goliat, “kay Jehova ang labanan.”—1 Sam. 17:45-47.
Hindi ito ang nag-iisang kasong naipanalo natin. Sa kabila ng pag-uusig ng makapangyarihang mga gobyerno at relihiyon, may 1,225 kaso nang naipanalo ang mga Saksi ni Jehova sa pinakamatataas na korte ng 70 bansa at iba’t ibang internasyonal na mga hukuman. Dahil sa mga tagumpay na ito, naprotektahan ang pangunahing mga karapatan natin, gaya ng karapatang kilalanin ng gobyerno bilang isang relihiyon, mangaral sa publiko, tumangging makibahagi sa makabayang mga seremonya, at tumangging magpasalin ng dugo.
Naglilingkod ako sa Punong-Tanggapan ng mga Saksi ni Jehova sa New York, U.S.A., kaya paano ako napasama sa grupong humawak ng kasong iyon sa Europe?
PINALAKI NG MASISIGASIG NA MAGULANG
Nagtapos sa ika-12 klase ng Gilead ang mga magulang kong sina George at Lucille, at naglilingkod sila sa Ethiopia nang ipinanganak ako noong 1956. Ang pangalan kong Philip ay kinuha nila sa masigasig na ebanghelisador noong unang siglo. (Gawa 21:8) Nang sumunod na taon, ipinagbawal na ng gobyerno ang pagsamba natin. Maliit pa ako noon, pero naaalala kong patago kaming sumasamba ng pamilya ko. Dahil bata pa ako, exciting iyon para sa akin! Pero nakakalungkot, sapilitan kaming pinaalis ng mga opisyal sa bansa noong 1960.
Si Nathan H. Knorr (sa kaliwa), nang dalawin niya ang pamilya namin sa Addis Ababa, Ethiopia, 1959
Paglipat ng pamilya namin sa Wichita, Kansas, U.S.A., hindi pa rin nawala ang nakakahawang sigasig ng mga magulang ko na dating mga misyonero. Isinabuhay nila ang katotohanan at itinuro iyon, hindi lang sa akin, kundi pati sa ate kong si Judy at sa nakababata kong kapatid na lalaki na si Leslie, na pareho ring ipinanganak sa Ethiopia. Nabautismuhan ako sa edad na 13. Makalipas ang tatlong taon, lumipat ang pamilya namin sa Arequipa, Peru, kung saan malaki ang pangangailangan.
Noong 1974, nang 18 anyos pa lang ako, inatasan ako at ang apat na iba pang kapatid ng sangay sa Peru bilang mga special pioneer. Mangangaral kami sa kabundukan ng Central Andes, kung saan hindi pa nakakaabot ang mabuting balita. May mga komunidad dito ng mga katutubong nagsasalita ng Quechua at Aymara. Naglalakbay kami gamit ang sasakyang nagsisilbi na ring bahay namin. Tinatawag namin itong “Ang Daong,” dahil mukha itong malaking kahon. Napakasarap balik-balikan ang panahong itinuturo namin sa mga katutubo ang sinasabi ng Bibliya na malapit nang alisin ni Jehova ang kahirapan, sakit, at kamatayan. (Apoc. 21:3, 4) Marami sa kanila ang tumanggap sa katotohanan.
“Ang Daong,” 1974
NAATASANG MAGLINGKOD SA PUNONG-TANGGAPAN
Nang dumalaw sa Peru noong 1977 si Brother Albert Schroeder, na miyembro ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova, pinasigla niya ako na mag-apply sa punong-tanggapan. Sinunod ko ang payo niya, kaya noong Hunyo 17, 1977, nagsimula akong maglingkod sa Brooklyn Bethel. Sa sumunod na apat na taon, naatasan ako sa dalawang departamento, sa Cleaning at Maintenance.
Araw ng kasal namin, 1979
Noong Hunyo 1978, nakilala ko si Elizabeth Avallone sa isang internasyonal na kombensiyon sa New Orleans, Louisiana. Gaya ko, pinalaki rin siya ng mahuhusay na Kristiyanong magulang. Apat na taon nang regular pioneer si Elizabeth, at para sa kaniya, ang maglingkod nang buong panahon ang gusto niyang gawin habambuhay. Hindi naputol ang komunikasyon namin, kaya di-nagtagal, nahulog ang loob namin sa isa’t isa. Nagpakasal kami noong Oktubre 20, 1979, at naglingkod nang magkasama sa Bethel.
Napakamapagmahal ng mga kapatid sa una naming kongregasyon, ang Brooklyn Spanish. Nang sumunod na mga taon, nalipat kami sa tatlong iba pang kongregasyon, na tumanggap din sa amin nang buong puso at naging malaking suporta sa paglilingkod namin sa Bethel. Napakalaki ng utang na loob namin sa kanila, pati na sa mga kaibigan at kapamilya naming tumulong sa pag-aalaga sa mga magulang namin noong nagkakaedad na sila.
Mga Bethelite sa Brooklyn Spanish Congregation, 1986
NAGLINGKOD SA LEGAL DEPARTMENT
Nagulat ako nang ilipat ako sa Legal Department ng Bethel noong Enero 1982. Pagkalipas ng tatlong taon, pinag-aral ako sa isang unibersidad para maging abogado. Tuwang-tuwa akong matutuhan na dahil sa mga naipanalong kaso ng mga Saksi ni Jehova, naprotektahan ang pangunahing mga karapatan ng mga mamamayan ng United States at iba pang bansa—mga karapatang karaniwan nang binabale-wala lang ng iba. Detalyado naming tinalakay sa klase ang mahahalagang kasong iyon.
Noong 1986, nang 30 anyos ako, naging overseer ako ng Legal Department. Tuwang-tuwa akong mapagkatiwalaan ng ganito kalaking atas kahit bata pa ako, pero alam ko na hindi ito magiging madali.
Naging abogado ako noong 1988, pero hindi ko agad nakita ang masamang epekto ng mataas na edukasyon sa akin at sa kaugnayan ko kay Jehova. Dahil sa mataas na edukasyon, puwede kang maging ambisyoso at isiping nakakataas ka sa iba na hindi nakatanggap ng ganitong edukasyon. Pero tinulungan ako ni Elizabeth na maibalik ang magandang espirituwal na rutin ko noong hindi pa ako nag-aaral sa unibersidad. Unti-unti akong nakabangon sa espirituwal. Napatunayan ko na hindi ganoon kahalaga ang pagkakaroon ng maraming kaalaman. Ang talagang nagbibigay ng kabuluhan sa buhay ay ang malapít na kaugnayan natin kay Jehova at ang pag-ibig natin sa kaniya at sa bayan niya.
PAGTATANGGOL AT LEGAL NA PAGTATATAG NG MABUTING BALITA
Nang matapos na akong mag-aral, nakapagpokus na ako sa trabaho ko sa Legal Department sa Bethel. Tumutulong din ang departamento namin para maprotektahan ang organisasyon at ang karapatan nating mangaral ng mabuting balita. Napakasaya ko sa trabaho ko, pero may mga hamon din, kasi napakaraming biglaang pagbabago sa organisasyon. Halimbawa, humihingi tayo noon ng kontribusyon para sa mga literatura natin. Pero noong 1990, hinilingan ang Legal Department na magbigay ng tagubilin kung paano ito maihihinto. Kaya nagsimulang mamahagi ng literatura ang mga Saksi ni Jehova nang libre. Dahil dito, napasimple ang gawain sa Bethel at sa larangan, at naprotektahan din nito ang mga gawain natin mula sa di-makatarungang pagbubuwis. Iniisip ng ilan na dahil sa pagbabagong ito, baka mawalan tayo ng pondo at makahadlang ito sa gawain natin. Pero kabaligtaran ang nangyari. Simula noong 1990, higit pa sa doble ang naging bilang ng mga naglilingkod kay Jehova, at nakakakuha ng saganang espirituwal na pagkain ang mga tao nang walang bayad hanggang sa ngayon. Kitang-kita ko na nagiging matagumpay lang ang malalaking pagbabago sa organisasyon dahil sa tulong ni Jehova at ng mga tagubiling ibinibigay ng tapat na alipin.—Ex. 15:2; Mat. 24:45.
Hindi tayo nananalo sa mga usapin dahil magagaling ang mga abogado natin. Kadalasan na, napapakilos ang mga hukom at opisyal ng gobyerno na pumanig sa atin dahil sa magandang paggawi ng bayan ni Jehova. Nakita ko iyan mismo noong 1998 nang dumalo sa mga kombensiyon sa Cuba ang tatlong miyembro ng Lupong Tagapamahala kasama ang asawa nila. Sinubukan naming ipaliwanag sa mga opisyal ng gobyerno na hindi tayo nakikialam sa politika, pero ang talagang nakakumbinsi sa kanila ay ang pagiging mabait at magalang ng mga kapatid nating ito.
Pero kung minsan, kailangan talaga nating umabot sa korte para ‘maipagtanggol at legal na maitatag ang mabuting balita.’ (Fil. 1:7) Halimbawa, sa loob ng maraming taon, hindi kinikilala ng mga awtoridad sa Europe at South Korea ang karapatan nating tumangging maglingkod sa militar. Kaya mga 18,000 kapatid sa Europe at mahigit 19,000 kapatid sa South Korea ang nakulong dahil sa pagtangging magsundalo.
Sa wakas, noong Hulyo 7, 2011, ibinaba ng ECHR ang makasaysayang hatol nito sa kasong Bayatyan v. Armenia na nagbibigay ng opsiyon sa mga mamamayan ng buong Europe na magsagawa ng alternative civilian service. Halos ganiyan din ang naging desisyon ng South Korean Constitutional Court noong Hunyo 28, 2018. Hindi natin makukuha ang mga tagumpay na ito kung may mga kabataang Saksi na nakipagkompromiso.
Nagsisikap nang husto ang Legal Department sa punong-tanggapan at sa mga sangay sa buong mundo para ipagtanggol ang karapatan nating sumamba at mangaral. Isang karangalan para sa amin na ipagtanggol ang mga kapatid na inuusig ng gobyerno. Kahit natatalo tayo sa ilang kaso natin, nagbibigay pa rin iyon ng magandang patotoo sa mga gobernador at mga hari at mga bansa. (Mat. 10:18) Dahil kailangang pag-isipan ng mga hukom, kinatawan ng gobyerno, media, at ng publiko ang mga teksto sa Bibliya sa mga dokumentong ipinapasa natin at sa mga argumento natin sa korte, nakikita ng mga tapat-puso kung sino talaga ang mga Saksi ni Jehova at na sa Bibliya nakabase ang mga paniniwala natin. May ilan sa kanila na naging kapatid natin.
SALAMAT, JEHOVA!
Sa nakalipas na 40 taon, nagkapribilehiyo akong tumulong sa iba’t ibang sangay sa buong mundo na may hinaharap na legal na usapin. Humarap din ako sa maraming matataas na korte at matataas na opisyal. Mahal na mahal ko at talagang pinapahalagahan ang lahat ng kasama kong naglilingkod sa Legal Department sa punong-tanggapan at sa mga sangay sa buong mundo. Masasabi kong naging napakasaya ng buhay ko at punong-puno ng pagpapala.
Sa nakalipas na 45 taon, laging nakasuporta sa akin ang mapagmahal kong asawa na si Elizabeth, kahit sa mahihirap na panahon. Hangang-hanga ako sa kaniya kasi nagawa niya iyon kahit may sakit siya at nanghihina.
Napatunayan naming nagawa namin ang lahat ng ito, hindi dahil sa sarili naming lakas at kakayahan. Gaya nga ng sinabi ni David, “si Jehova ang lakas ng bayan niya.” (Awit 28:8) Talagang “kay Jehova ang labanan.”