ARALING ARTIKULO 33
AWIT BLG. 4 “Si Jehova ang Aking Pastol”
Maniwalang Mahal Ka ni Jehova
“Inilapit kita sa akin sa pamamagitan ng tapat na pag-ibig.”—JER. 31:3.
MATUTUTUHAN
Kung bakit dapat tayong maniwala na mahal tayo ni Jehova at kung paano tayo magiging mas kumbinsido diyan.
1. Bakit mo inialay ang buhay mo kay Jehova? (Tingnan din ang larawan.)
NAAALALA mo pa ba noong ialay mo ang buhay mo kay Jehova? Ginawa mo iyon kasi nakilala mo siya at minahal mo siya. Nangako kang uunahin mo siya sa buhay mo. Nangako ka ring lagi mo siyang mamahalin nang buong puso mo, kaluluwa, pag-iisip, at lakas. (Mar. 12:30) At mula noon, lalo mo pa siyang minahal. Kaya kapag may nagtanong sa iyo, “Sigurado ka bang mahal mo si Jehova?” ano ang sagot mo? Siguradong sasagot ka kaagad, “Mahal na mahal ko siya! Wala na akong ibang mas mahal pa kaysa sa kaniya.”
Naaalala mo pa ba kung gaano mo kamahal si Jehova noong ialay mo ang buhay mo sa kaniya at magpabautismo ka? (Tingnan ang parapo 1)
2-3. Ano ang gusto ni Jehova na paniwalaan natin, at ano ang tatalakayin natin sa artikulong ito? (Jeremias 31:3)
2 Pero paano kung may magtanong sa iyo, “Sigurado ka bang mahal ka ni Jehova?” Baka hindi ka makasagot agad, kasi iniisip mong hindi ka karapat-dapat sa pagmamahal niya. Ganiyan ang naramdaman ng isang sister na mahirap ang pinagdaanan noong bata pa siya. Sinabi niya: “Mahal ko si Jehova. Sigurado ako diyan. Pero madalas kong maisip, ‘Mahal kaya ako ni Jehova?’ Diyan ako hindi sigurado.” Mahal ka nga kaya talaga ni Jehova?
3 Gusto ni Jehova na maniwala kang mahal ka niya. (Basahin ang Jeremias 31:3.) Ang totoo, siya ang naglapit sa iyo sa kaniya. At noong ialay mo ang buhay mo sa kaniya at magpabautismo ka, may ibinigay siya sa iyo na napakagandang regalo—ang tapat na pag-ibig niya. Wala nang mas lalalim pa sa pag-ibig na iyan, at hinding-hindi iyan mawawala. Dahil sa tapat na pag-ibig niya, itinuturing niyang “espesyal na pag-aari” ang lahat ng tapat na mananamba niya—at kasama ka diyan. (Mal. 3:17) Kumbinsido si apostol Pablo na mahal siya ni Jehova. Sinabi niya: “Kumbinsido ako na kahit ang kamatayan o buhay o mga anghel o mga pamahalaan o mga bagay na narito ngayon o mga bagay na darating o mga kapangyarihan o taas o lalim o anupamang nilalang ay hindi makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ng Diyos.” (Roma 8:38, 39) Gusto ni Jehova na maging ganiyan din tayo kakumbinsido. Kaya sa artikulong ito, tatalakayin natin kung bakit dapat tayong maniwala na mahal tayo ni Jehova at kung paano tayo magiging mas kumbinsido diyan.
KUNG BAKIT DAPAT TAYONG MANIWALA NA MAHAL TAYO NI JEHOVA
4. Anong kasinungalingan ang gusto ni Satanas na paniwalaan natin, at paano natin malalabanan ang pakanang iyan?
4 Kapag naniniwala tayo na mahal tayo ni Jehova, malalabanan natin ang isa sa “tusong mga pakana” ni Satanas. (Efe. 6:11) Gagawin ni Satanas ang lahat para mapahinto tayo sa paglilingkod kay Jehova. Kaya gusto niyang maniwala tayo na hindi tayo mahal ni Jehova. Isa iyan sa mga pinakatusong pakana niya. Tandaan na mapagsamantala si Satanas. Madalas na kumikilos siya kapag pinanghihinaan tayo ng loob dahil sa mga nangyari sa atin noon, mga problema natin ngayon, o takot sa mga puwedeng mangyari sa hinaharap. (Kaw. 24:10) Sinasabi ng Bibliya na gaya ng isang leon si Satanas. (1 Ped. 5:8, 9) Sinasamantala ng mga leon ang mga hayop na walang kalaban-laban. Ganiyan din ang ginagawa ni Satanas. Sinasamantala niya ang panahong mahina tayo para mapasuko tayo. Pero kung gagawin natin ang lahat para maging mas kumbinsido na mahal tayo ni Jehova, mas malalabanan natin ang Diyablo at ang mga pakana niya.—Sant. 4:7.
5. Bakit mahalagang maramdaman natin na mahal tayo ni Jehova?
5 Kapag naniniwala tayo na mahal tayo ni Jehova, mas mapapalapit tayo sa kaniya. Isa sa mga pangangailangan natin bilang tao ang pagmamahal. Napakahalaga para sa atin na magmahal at mahalin. At kapag mahal tayo ng isa, normal sa atin na mahalin din siya. Ganiyan tayo nilalang ni Jehova. Kaya kapag mas nararamdaman nating mahal tayo ni Jehova, mas mamahalin din natin siya. (1 Juan 4:19) At dahil mas minamahal natin siya, mas mamahalin din niya tayo. Napakaganda ng sinasabi ng Bibliya: “Lumapit kayo sa Diyos, at lalapit siya sa inyo.” (Sant. 4:8) Kaya ano ang dapat nating gawin para maging mas kumbinsidong mahal tayo ni Jehova?
PAANO TAYO MAGIGING MAS KUMBINSIDO NA MAHAL TAYO NI JEHOVA?
6. Kung nahihirapan kang maniwala na mahal ka ni Jehova, ano ang puwede mong ipanalangin?
6 Patuloy na ipanalangin kay Jehova na tulungan kang maniwala na mahal ka niya. (Luc. 18:1; Roma 12:12) Hilingin kay Jehova na maintindihan mo kung bakit mahal ka niya. Gawin iyan nang maraming beses sa isang araw kung kailangan. Posible kasing mahirapan kang maniwala sa katotohanang mahal ka ni Jehova. Pero tandaan na mas dakila si Jehova kaysa sa puso mo. (1 Juan 3:19, 20) Wala nang iba pang mas nakakakilala sa iyo kaysa sa kaniya. At nakikita niya ang mabubuting bagay sa iyo na baka hindi mo nakikita sa sarili mo. (1 Sam. 16:7; 2 Cro. 6:30) Kaya ‘ibuhos sa kaniya ang laman ng puso mo,’ at magpatulong sa kaniya. (Awit 62:8) Kapag nanalangin ka na, ano pa ang puwede mong gawin?
7-8. Paano tinitiyak sa atin ng aklat ng Mga Awit na mahal tayo ni Jehova?
7 Maniwala sa sinasabi ni Jehova sa Bibliya. Ipinasulat niya sa mga manunulat ng Bibliya kung sino talaga siya. Tingnan kung paano inilarawan si Jehova sa aklat ng Mga Awit. Isinulat ni David sa Awit 34:18: “Si Jehova ay malapit sa mga may pusong nasasaktan; inililigtas niya ang mga nasisiraan ng loob.” Kapag napakalungkot mo, baka maramdaman mong nag-iisa ka at walang nakakaintindi sa iyo. Pero nangangako si Jehova na sa mga panahong kailangang-kailangan mo siya, malapit lang siya sa iyo at handang tumulong. Ito pa ang sinabi ni David sa Awit 56:8: “Ipunin mo ang mga luha ko sa iyong sisidlang balat.” Nakikita ni Jehova kapag nahihirapan ka. Mahal na mahal ka niya at alam niya ang nararamdaman mo. Para sa isang taong naglalakbay sa disyerto, napakahalaga ng bawat patak ng tubig sa lalagyan niya ng tubig. Ganiyan din kahalaga kay Jehova ang bawat patak ng luha mo. Mababasa naman natin sa Awit 139:3: “Pamilyar [si Jehova] sa lahat ng ginagawa ko.” Alam ni Jehova ang lahat ng ginagawa mo, pero nagpopokus siya sa mabubuti mong ginagawa. (Heb. 6:10) Pinapahalagahan niya ang lahat ng pagsisikap mo para mapasaya siya.a
8 Talagang nakakapagpatibay ang ganiyang mga teksto sa Bibliya. Para bang sinasabi ni Jehova sa iyo: “Alam mo, mahal na mahal kita. Napakahalaga mo sa akin.” Pero gaya ng nabanggit kanina, kabaligtaran ang gustong palabasin ni Satanas. Kaya kapag nagdududa ka kung mahal ka talaga ni Jehova, pag-isipan ito: ‘Kanino ba ako maniniwala? Sa ama ng kasinungalingan o sa Diyos ng katotohanan?’—Awit 31:5; Juan 8:44.
9. Ano ang tinitiyak ni Jehova sa mga nagmamahal sa kaniya? (Exodo 20:5, 6)
9 Pag-isipan kung ano ang nararamdaman ni Jehova sa mga nagmamahal sa kaniya. Tingnan ang sinabi ni Jehova kay Moises at sa mga Israelita. (Basahin ang Exodo 20:5, 6.) Ipinapangako ni Jehova na patuloy siyang magpapakita ng tapat na pag-ibig sa mga nagmamahal sa kaniya. Ibig sabihin, kapag mahal siya ng isang mananamba niya, imposibleng hindi niya ito mahalin. (Neh. 1:5) Kaya kapag naiisip mong hindi ka mahal ni Jehova, tanungin ang sarili, ‘Mahal ko ba si Jehova?’ Pagkatapos, pag-isipan ito: Dahil mahal mo si Jehova at ginagawa mo ang lahat para pasayahin siya, makakaasa kang mahal na mahal ka rin niya. (Dan. 9:4; 1 Cor. 8:3) Kaya kung hindi ka nagdududa na mahal mo siya, bakit ka magdududa na mahal ka niya? Makakasigurado kang mahal ka niya at hindi ka niya pababayaan.
10-11. Ano ang gusto ni Jehova na maging tingin mo sa pantubos? (Galacia 2:20)
10 Pag-isipang mabuti ang pantubos. Iyan ang pinakamagandang regalo ni Jehova sa mga tao. (Juan 3:16) Pero tandaan din na ibinigay ni Jehova ang haing pantubos ni Jesu-Kristo para sa iyo mismo. Ganiyan ang naging tingin ni Pablo sa pantubos. Nakagawa siya ng malulubhang kasalanan noon. At kahit noong Kristiyano na siya, may mga kahinaan pa rin siyang pinaglalabanan. (Roma 7:24, 25; 1 Tim. 1:12-14) Pero nakumbinsi si Pablo na regalo sa kaniya mismo ni Jehova ang pantubos. (Basahin ang Galacia 2:20.) Tandaan na si Jehova ang nagpasulat niyan kay Pablo sa Bibliya. At ang lahat ng nasa Bibliya ay isinulat para matuto tayo. (Roma 15:4) Ipinasulat ni Jehova ang mga salitang iyan kasi gusto niyang isipin mo rin na personal na regalo niya sa iyo ang pantubos. At kapag ganiyan ang tingin mo sa pantubos, mas makukumbinsi kang mahal ka ni Jehova.
11 Nagpapasalamat tayo na isinugo ni Jehova si Jesus sa lupa para tubusin tayo. Pero bumaba rin si Jesus dito sa lupa para ipaalam sa mga tao ang katotohanan tungkol sa Diyos. (Juan 18:37) Kasama diyan ang katotohanang mahal na mahal tayo ni Jehova bilang mga anak niya.
TINUTULUNGAN TAYO NI JESUS NA MANIWALANG MAHAL TAYO NI JEHOVA
12. Bakit tayo makakapagtiwala sa mga sinabi ni Jesus tungkol kay Jehova?
12 Noong nasa lupa si Jesus, gustong-gusto niyang sabihin sa mga tao kung sino talaga si Jehova. (Luc. 10:22) Talagang makakapagtiwala tayo sa mga sinabi ni Jesus. Napakatagal niyang nakasama si Jehova sa langit bago siya bumaba sa lupa. (Col. 1:15) Naramdaman mismo ni Jesus ang pagmamahal ni Jehova. Nakita rin ni Jesus kung gaano kamahal ni Jehova ang tapat na mga anghel at mga tao. Ano ang ginawa ni Jesus para tulungan ang iba na maniwalang mahal sila ni Jehova?
13. Ano ang gusto ni Jesus na maging tingin natin kay Jehova?
13 Ama ang tingin ni Jesus kay Jehova. At ganiyan din ang gusto niyang maging tingin natin kay Jehova. Sa mga Ebanghelyo, mahigit 160 beses niyang tinukoy si Jehova bilang “Ama.” At kapag kausap niya ang mga tagasunod niya, ginagamit niya ang mga salitang “inyong Ama.” (Mat. 5:16; 6:26) Sinasabi ng study note sa Mateo 5:16: “Maraming titulong ginagamit ang mga lingkod ni Jehova noon sa paglalarawan at pakikipag-usap kay Jehova, gaya ng ‘Makapangyarihan-sa-Lahat,’ ‘Kataas-taasan,’ at ‘Dakilang Maylalang.’ Pero ang madalas na paggamit ni Jesus ng simple at karaniwang termino na ‘Ama’ ay nagdiriin sa malapít na kaugnayan ng Diyos sa mga mananamba niya.” Gusto ni Jesus na ituring natin si Jehova bilang ating mapagmahal na Ama. Tingnan natin ang dalawang teksto kung saan ginamit ni Jesus ang salitang “Ama.”
14. Paano ipinakita ni Jesus na mahalaga kay Jehova ang bawat isa sa atin? (Mateo 10:29-31) (Tingnan din ang larawan.)
14 Pansinin ang sinabi ni Jesus sa Mateo 10:29-31. (Basahin.) Maliit lang ang mga maya. Hindi rin kaya ng mga ibong ito na mahalin o sambahin si Jehova. Pero alam ni Jehova kung nasaan ang bawat isa sa mga ito. Kung ganiyan kahalaga kay Jehova ang bawat maya, siguradong mas mahalaga sa kaniya ang bawat tapat na mananamba niyang nagmamahal sa kaniya. Sinabi rin ni Jesus: “Biláng [ni Jehova] kahit ang mga buhok ninyo sa ulo.” Ganito ang sinasabi ng study note sa tekstong iyan: “Dahil alam na alam ni Jehova ang napakaliliit na detalyeng gaya nito, masasabi nating interesadong-interesado siya sa bawat tagasunod ni Kristo.” Talagang gusto ni Jesus na maniwala tayong napakahalaga ng bawat isa sa atin sa Ama natin sa langit.
Alam ni Jehova kung nasaan ang bawat maya. Kung ganiyan kahalaga kay Jehova ang bawat isa sa mga ito, siguradong mas mahalaga ka sa kaniya kasi tapat ka sa kaniya at mahal mo siya (Tingnan ang parapo 14)
15. Ano ang matututuhan mo sa sinabi ni Jesus sa Juan 6:44 tungkol sa iyong Ama sa langit?
15 Tingnan ang isa pang teksto kung saan ginamit ni Jesus ang salitang “Ama.” (Basahin ang Juan 6:44.) Si Jehova mismo ang naglapit, o umakit, sa iyo sa katotohanan. Bakit niya ginawa iyan? Dahil nakita niya ang magagandang katangian mo. (Gawa 13:48) Sinasabi ng study note sa Juan 6:44 na nang sabihin ito ni Jesus, posibleng nasa isip niya ang mga salitang nasa temang teksto ng artikulong ito: “Inilapit kita sa akin sa pamamagitan ng tapat na pag-ibig [o, patuloy akong nagpakita sa iyo ng tapat na pag-ibig].” (Jer. 31:3; tlb.; ihambing ang Oseas 11:4.) Ano ang ibig sabihin niyan? Patuloy na nakikita ng mapagmahal nating Ama sa langit ang magagandang katangian mo na posibleng hindi mo nakikita.
16. (a) Ano ang gustong sabihin ni Jesus sa atin, at bakit dapat tayong maniwala sa kaniya? (b) Paano mo pa mas makukumbinsi ang sarili mo na kailangan mo si Jehova bilang Ama? (Tingnan ang kahong “Ang Ama na Kailangan Nating Lahat.”)
16 Nang sabihin ni Jesus na Ama natin si Jehova, para bang sinasabi niya: “Ama ko si Jehova, pero Ama mo rin siya. Sinisigurado ko sa iyo na mahal na mahal ka niya at napakahalaga mo sa kaniya.” Kaya kapag pakiramdam mo, hindi ka mahal ni Jehova, isipin ito: ‘Si Jesus ang pinakanakakakilala kay Jehova. At laging totoo ang sinasabi niya. Kaya bakit hindi ako maniniwala sa kaniya?’—1 Ped. 2:22.
MANATILING KUMBINSIDO NA MAHAL KA NI JEHOVA
17. Bakit dapat tayong manatiling kumbinsido na mahal tayo ni Jehova?
17 Dapat tayong manatiling kumbinsido na mahal tayo ni Jehova. Gaya ng natalakay natin, gagawin ni Satanas ang lahat para mapahinto tayo sa paglilingkod kay Jehova. Gusto niyang magduda tayo at isipin nating hindi tayo mahal ni Jehova. Huwag na huwag tayong maniniwala sa kaniya.—Job 27:5.
18. Ano ang mga puwede mong gawin para patuloy na makumbinsi na mahal ka ni Jehova?
18 Ano ang mga puwede mong gawin para patuloy na makumbinsi na mahal ka ni Jehova? Patuloy na ipanalangin kay Jehova na tulungan kang maniwala na mahal ka niya. Maniwala sa sinasabi ni Jehova sa Bibliya. Pag-isipan kung ano ang nararamdaman ni Jehova sa mga nagmamahal sa kaniya; imposibleng hindi niya mahalin ang isang taong nagmamahal sa kaniya. Pag-isipang mabuti ang pantubos, at ituring itong regalo ni Jehova para sa iyo mismo. At maniwala sa sinasabi ni Jesus na Ama mo si Jehova. Kapag patuloy mong ginagawa ang mga iyan, makakasagot ka na kapag may nagtanong sa iyo: “Sigurado ka bang mahal ka ni Jehova?” Siguradong sasagot ka kaagad: “Oo, mahal na mahal niya ’ko! At araw-araw kong ginagawa ang lahat para maipakita ko ring mahal na mahal ko siya!”
AWIT BLG. 154 Ang Pag-ibig ay Hindi Nabibigo