ARALING ARTIKULO 41
AWIT BLG. 108 Ang Tapat na Pag-ibig ng Diyos
Walang Hanggan ang Pag-ibig ng Diyos
“Magpasalamat kayo kay Jehova, dahil siya ay mabuti; ang kaniyang tapat na pag-ibig ay walang hanggan.”—AWIT 136:1.
MATUTUTUHAN
Kung paano makakatulong ang tamang pananaw tungkol sa pag-ibig ni Jehova para malabanan natin ang panghihina ng loob kapag may mga problema.
1-2. Anong hamon ang napapaharap sa maraming Kristiyano?
ISIPIN ang isang bangkang nasa gitna ng dagat habang may bagyo. Hinahampas ng malalakas na alon ang bangka. Kaya siguradong napakahirap nitong kontrolin at maaanod ito kung saan-saan, maliban na lang kung may magbababa ng angkla nito. Makakatulong ang angkla para hindi mapunta ang bangka kung saan-saan kahit malakas ang bagyo.
2 Baka maramdaman mong parang ikaw ang bangkang iyon kapag may malaki kang problema. Baka pabago-bago ang emosyon mo, at hindi mo iyon makontrol. Halimbawa, may araw na kumbinsidong-kumbinsido ka na mahal ka ni Jehova at tinutulungan ka niya; pero kinabukasan, bigla mo na lang naisip kung alam ba talaga niya ang sitwasyon mo. (Awit 10:1; 13:1) Pinatibay ka ng isang kaibigan, at gumaan naman ang loob mo. (Kaw. 17:17; 25:11) Pero ngayon, nagdududa ka na naman. Baka naiisip mong pinabayaan ka na ni Jehova. Paano mo “ibababa ang angkla” kapag nasa ganiyang sitwasyon ka? O sa ibang salita, paano ka magiging kumbinsido—at mananatiling kumbinsido—na mahal ka ni Jehova at tutulungan ka niya?
3. Ano ang ibig sabihin ng “tapat na pag-ibig” na binabanggit sa Awit 31:7 at 136:1, at bakit natin masasabing si Jehova ang pinakadakilang halimbawa sa pagpapakita nito? (Tingnan din ang larawan.)
3 Kapag may problema ka, magagawa mong “ibaba ang angkla” kung aalalahanin mo ang tapat na pag-ibig ni Jehova. (Basahin ang Awit 31:7; 136:1.) Ano ba ang “tapat na pag-ibig”? Tumutukoy ito sa malalim at nagtatagal na pagmamahal ng isa para sa isang tao. Si Jehova ang pinakadakilang halimbawa sa pagpapakita niyan. Sinasabi ng Bibliya na “sagana [si Jehova] sa tapat na pag-ibig,” at ipinapakita niya iyon “sa lahat ng tumatawag sa [kaniya].” (Ex. 34:6, 7; Awit 86:5) Naiisip mo ba kung ano ang ibig sabihin ng mga tekstong iyan para sa atin? Hinding-hindi iiwan ni Jehova ang mga tapat na mananamba niya! Kung tatandaan mo iyan, magiging matatag ka kahit may mga problema.—Awit 23:4.
Hindi maaanod ang bangka kahit may malakas na bagyo kung nakababa ang angkla nito; magiging matatag din tayo kahit may mga problema kung kumbinsido tayong mahal tayo ni Jehova (Tingnan ang parapo 3)
TANDAAN NA PANGUNAHING TURO NG BIBLIYA ANG PAG-IBIG NI JEHOVA
4. Magbigay ng mga pangunahing turo ng Bibliya, at ipaliwanag kung bakit kumbinsido tayong totoo ang mga turong iyon.
4 Kapag may mga problema, makakatulong sa atin kung tatandaan natin na isang pangunahing turo ng Bibliya ang pag-ibig ni Jehova. Ano ang naiisip mo kapag sinabing “pangunahing turo ng Bibliya”? Malamang na naaalala mo ang mga doktrina at katotohanang natutuhan mo mula sa Bibliya. Halimbawa, Jehova ang pangalan ng Diyos, si Jesus ang kaisa-isang Anak ng Diyos, walang alam ang mga patay, at mabubuhay nang walang hanggan ang mga tao sa Paraisong lupa. (Awit 83:18; Ecles. 9:5; Juan 3:16; Apoc. 21:3, 4) Mula nang tanggapin mong totoo ang mga turong iyan ng Bibliya, siguradong hindi mo na pinagdudahan ang mga iyan. Bakit? Kasi alam mong may mga ebidensiyang nagpapatunay sa mga katotohanang iyan. Pag-usapan natin ngayon kung paano makakatulong ang pagtanggap na isa ring pangunahing turo ng Bibliya ang pag-ibig ni Jehova para makumbinsi ka na talagang nakikita ni Jehova ang sitwasyon mo at nagmamalasakit siya sa iyo.
5. Ipaliwanag kung paano nakukumbinsi ang isang tao na hindi totoo ang isang maling turo.
5 Noong nagsimula kang mag-aral ng Bibliya, paano ka nakumbinsing hindi totoo ang isang maling turo? Malamang na pinagkumpara mo ang mga itinuturo sa relihiyon mo at ang mga sinasabi ng Bibliya. Halimbawa, baka naniniwala ka noon na si Jesus ang Diyos na Makapangyarihan-sa-Lahat. Pero habang pinag-aaralan mo ang Bibliya, baka naitanong mo, ‘Totoo ba talaga ang turong iyon?’ Kaya sinuri mo ang Bibliya at napatunayan mong hindi totoo ang turong iyon. Pagkatapos, ito na ang turo mula sa Bibliya na pinaniwalaan mo: Si Jesus ang “kaisa-isang Anak ng Diyos” at “ang panganay sa lahat ng nilalang.” (Juan 3:18; Col. 1:15) Totoo, posibleng hindi madaling iwan ang mga maling turong “matibay ang pagkakatatag.” (2 Cor. 10:4, 5) Pero ngayong nagawa mo na iyan, hindi ka na ulit maniniwala sa mga maling turong iyon.—Fil. 3:13.
6. Bakit makakapagtiwala ka na ‘ang tapat na pag-ibig ni Jehova ay walang hanggan’?
6 Puwede mo ring suriin ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa pag-ibig ni Jehova. Kapag may problema ka at naiisip mong hindi ka mahal ni Jehova, tanungin ang sarili, ‘Totoo ba talaga iyan?’ Pagkatapos, ikumpara ang naiisip mo sa sinasabi ng Awit 136:1—ang temang teksto ng artikulong ito. Bakit sinabi ni Jehova na tapat ang pag-ibig niya? Bakit 26 na beses inulit sa Awit 136 ang pananalitang “ang kaniyang tapat na pag-ibig ay walang hanggan”? Gaya ng nabanggit, isang pangunahing turo ng Bibliya ang tapat na pag-ibig ni Jehova para sa mga lingkod niya. Madali mong tinanggap ang ibang pangunahing turo ng Bibliya, kaya dapat mo ring tanggapin ang turong ito. Mahal ka ni Jehova, at kasinungalingan na hindi ka mahalaga sa kaniya. Kaya kung paanong hindi ka naniniwala sa ibang maling turo, hindi ka rin dapat maniwala sa maling turong iyan.
7. Magbigay ng mga tekstong nagpapatunay na mahal ka ni Jehova.
7 Maraming teksto sa Bibliya na nagpapatunay na mahal tayo ni Jehova. Halimbawa, sinabi ni Jesus sa mga tagasunod niya: “Mas mahalaga kayo kaysa sa maraming maya.” (Mat. 10:31) Sinabi rin mismo ni Jehova sa bayan niya: “Papatibayin kita, oo, tutulungan kita, talagang aalalayan kita sa pamamagitan ng matuwid kong kanang kamay.” (Isa. 41:10) Tingnan ang mga salitang ginamit sa mga tekstong iyan. Sinabi ni Jesus: “Mas mahalaga kayo.” At sinabi ni Jehova: “Tutulungan kita.” Hindi nila sinabi, ‘Mas mahalaga siguro kayo’ o ‘Baka tulungan kita.’ Kaya kapag may problema ka at nagdududa kung mahal ka ni Jehova, makakatulong ang ganiyang mga teksto, hindi lang para gumaan ang pakiramdam mo, kundi para makumbinsi ka rin na mahal ka niya. Katotohanan ang sinasabi ng mga tekstong iyan. Kaya kung mananalangin ka kay Jehova at pag-iisipan ang mga tekstong gaya ng mga iyan, masasabi mo rin ang nasa 1 Juan 4:16: “Nalaman natin na mahal tayo ng Diyos at naniniwala tayo rito.”a
8. Ano ang puwede mong gawin kung may mga panahon pa ring nagdududa ka kung mahal ka ni Jehova?
8 Paano kung may mga panahon pa ring nagdududa ka kung mahal ka ni Jehova? Pagkumparahin ang nararamdaman mo at ang nalalaman mo. Nagbabago ang mga damdamin, pero ang katotohanan, hindi. At ang pag-ibig ni Jehova, katotohanan iyon na itinuturo ng Bibliya. Kung hindi tayo maniniwala na mahal tayo ni Jehova, para na rin nating sinasabi na hindi totoo ang sinasabi ng Bibliya na “ang Diyos ay pag-ibig.”—1 Juan 4:8.
TANDAAN NA “MAHAL [KA] NG AMA”
9-10. Ano ang konteksto ng sinabi ni Jesus sa Juan 16:26, 27: “Mahal kayo ng Ama”? (Tingnan din ang larawan.)
9 May matututuhan din tayo tungkol sa pag-ibig ni Jehova sa mga sinabing ito ni Jesus: “Mahal kayo ng Ama.” (Basahin ang Juan 16:26, 27.) Hindi iyan sinabi ni Jesus para lang gumaan ang loob ng mga alagad niya. Kung titingnan natin ang sinabi ni Jesus bago nito, malalaman nating hindi tungkol sa damdamin ng mga alagad niya ang pinag-uusapan nila. May itinuturo siya sa kanila tungkol sa panalangin.
10 Sa mga talata bago nito, sinabi ni Jesus sa mga alagad na dapat silang manalangin sa pangalan niya, hindi sa kaniya. (Juan 16:23, 24) Mahalagang malaman nila iyan. Baka kasi kapag binuhay nang muli si Jesus, maisip nilang sa kaniya na lang manalangin. Kaibigan kasi nila si Jesus, at alam nilang mahal niya sila. Kaya baka idahilan nila na siguradong papakinggan ni Jesus ang mga hiling nila at sasabihin ang mga iyon sa Ama. Pero idiniin ni Jesus na hindi nila dapat isipin iyan. Bakit? Sinabi niya: “Mahal kayo ng Ama.” Kasama ang katotohanang iyan sa pangunahing turo ng Bibliya tungkol sa panalangin. Isipin ang ibig sabihin niyan para sa iyo: Dahil sa pag-aaral mo ng Bibliya, nakilala mo si Jesus at minahal mo siya. (Juan 14:21) Pero gaya ng mga alagad noon, makakasigurado ka ring “mahal [ka] ng Ama,” kaya huwag kang mag-alangang manalangin kay Jehova. Ipinapakita mong naniniwala kang totoo ang sinabi ni Jesus sa tuwing nananalangin ka kay Jehova.—1 Juan 5:14.
Huwag kang mag-alangang manalangin kay Jehova, kasi mahal ka niya (Tingnan ang parapo 9-10)b
ALAMIN KUNG BAKIT MAY MGA PAGDUDUDA TAYO
11. Bakit natutuwa si Satanas kapag nagdududa tayo kung mahal tayo ni Jehova?
11 Bakit ba tayo nagdududa kung minsan na mahal tayo ni Jehova? Baka maisip mong dahil iyon kay Satanas, at totoo naman iyan. Gusto tayong biktimahin ni Satanas, at matutuwa siya kapag pinagdudahan natin ang pag-ibig ni Jehova. (1 Ped. 5:8) Pag-ibig kasi ang dahilan kung bakit ibinigay ni Jehova ang pantubos, at gusto ni Satanas na isipin nating hindi tayo karapat-dapat sa regalong ito. (Heb. 2:9) Kaya tandaan na si Satanas ang matutuwa kung magdududa tayo na mahal tayo ni Jehova. Si Satanas din ang matutuwa kapag huminto tayo sa paglilingkod kay Jehova dahil sa panghihina ng loob. Gusto ng Diyablo na isipin nating hindi tayo mahal ni Jehova. Pero ang totoo, siya ang hindi mahal ni Jehova. Huwag nating kalimutan na isa sa mga pinakatusong pakana ni Satanas ang paniwalain tayong ayaw sa atin ni Jehova. (Efe. 6:11) Kapag tinandaan natin iyan, mas ‘malalabanan natin ang Diyablo.’—Sant. 4:7.
12-13. Hindi tayo perpekto. Bakit nagiging dahilan iyan para pagdudahan natin ang pag-ibig ni Jehova sa atin?
12 May isa pang dahilan kung bakit nagdududa tayo kung minsan na mahal tayo ni Jehova—namana natin ang pagiging makasalanan. (Awit 51:5; Roma 5:12) Dahil sa kasalanan, nasira ang kaugnayan ng mga tao sa Diyos. Naapektuhan din nito ang paraan ng pag-iisip natin, damdamin, at kalusugan.
13 Dahil sa minana nating kasalanan, nagkaroon tayo ng mga negatibong emosyon—nakokonsensiya tayo, nag-aalala, at nahihiya. Baka maramdaman natin ang mga iyan kapag aktuwal tayong nakagawa ng kasalanan. Pero kahit hindi, posible pa rin nating maramdaman ang mga iyan dahil lagi nating naiisip na hindi tayo perpekto. Pero gaya ng alam natin, perpekto ang orihinal na pagkakalalang ng Diyos sa mga tao. (Roma 8:20, 21) Maikukumpara natin ang sarili natin sa isang sasakyang flat ang gulong—hindi ito makakatakbong gaya ng sa orihinal na pagkakagawa dito. Hindi rin tayo perpekto, kaya nakakapag-isip tayo at nakakaramdam ng mga emosyong hindi kaayon ng pagkakalalang sa atin. Kaya paminsan-minsan, nagdududa tayo kung mahal ba talaga tayo ni Jehova. Kapag nangyari iyan, dapat nating tandaan na si Jehova “ang Diyos na dakila at kahanga-hanga, na . . . nagpapakita ng tapat na pag-ibig sa mga nagmamahal sa kaniya at sumusunod sa mga utos niya.”—Neh. 1:5.
14. Paano makakatulong ang pag-iisip tungkol sa pantubos para mawala ang pagdududa natin sa pag-ibig ni Jehova sa atin? (Roma 5:8) (Tingnan din ang kahong “Mag-ingat sa ‘Mapandayang Kapangyarihan ng Kasalanan.’”)
14 Paminsan-minsan, baka maisip pa rin nating hindi tayo karapat-dapat sa pagmamahal ni Jehova. At ang totoo, hindi talaga. Pero iyan ang dahilan kung bakit napakaespesyal ng pagmamahal niya. Hindi tayo nagiging karapat-dapat sa pagmamahal ni Jehova dahil sa mga nagagawa natin. Pero ibinigay pa rin niya ang pantubos para mapatawad ang mga kasalanan natin, at ginawa niya iyan kasi talagang mahal niya tayo. (1 Juan 4:10) Tandaan ding namatay si Jesus para iligtas, hindi ang mga perpektong tao, kundi ang mga makasalanan. (Basahin ang Roma 5:8.) Magkakamali at magkakamali tayo. At sa totoo lang, hindi naman inaasahan ni Jehova na magiging perpekto tayo. Kung maiintindihan natin na pinagdududahan natin kung minsan ang pag-ibig ni Jehova kasi hindi tayo perpekto, mas malalabanan natin ang maling kaisipang iyan.—Roma 7:24, 25.
MANATILING TAPAT
15-16. Kung mananatili tayong tapat kay Jehova, sa ano tayo makakasigurado, at bakit? (2 Samuel 22:26)
15 Gusto ni Jehova na “manatili [tayong] tapat sa kaniya.” (Deut. 30:19, 20) Kapag ginawa natin iyan, makakasigurado tayong mananatili rin siyang tapat sa atin. (Basahin ang 2 Samuel 22:26.) Makakaasa rin tayong tutulungan tayo ni Jehova anumang problema ang mapaharap sa atin.
16 Gaya ng natalakay natin, marami tayong dahilan para manatiling matatag kahit may mga pinagdadaanan tayo. Alam nating mahal talaga tayo ni Jehova at aalalayan niya tayo. Iyan ang itinuturo ng Bibliya. Kaya kung magduda man tayo, magpokus sa nalalaman natin imbes na sa nararamdaman natin. Manatili sana tayong kumbinsido sa sinasabi ng Bibliya na walang hanggan ang tapat na pag-ibig ni Jehova.
AWIT BLG. 159 Ibigay kay Jehova ang Kaluwalhatian
a Tingnan din ang mga tekstong gaya ng Deuteronomio 31:8, Awit 94:14, at Isaias 49:15.
b LARAWAN: Nananalangin ang isang brother para maalagaan niya ang asawa niyang may sakit, ma-budget niya ang pera nila, at maturuan niya ang anak niyang babae na mahalin si Jehova.