ARALING ARTIKULO 45
AWIT BLG. 111 Mga Dahilan ng Ating Kagalakan
Manatiling Masaya Habang May Inaalagaan Ka
“Ang mga naghahasik ng binhi nang may luha ay gagapas nang may hiyaw ng kagalakan.”—AWIT 126:5.
MATUTUTUHAN
Kung paano haharapin ng mga may inaalagaan ang iba’t ibang hamon at kung paano sila makakapanatiling masaya.
1-2. Ano ang nararamdaman ni Jehova para sa mga may inaalagaan? (Kawikaan 19:17) (Tingnan din ang mga larawan.)
“MAHIGIT 32 taon na kaming kasal ng asawa ko,” ang sabi ni Jin-yeol, isang brother mula sa Korea. “Limang taon ko nang inaalagaan ang asawa ko kasi may Parkinson’s disease siya at halos hindi siya makagalaw. Masaya akong alagaan siya kasi mahal na mahal ko siya. May hospital bed para sa kaniya sa bahay namin. Natutulog ako sa tabi niya, at magkahawak ang kamay namin habang natutulog.”
2 May inaalagaan ka rin bang mahal mo sa buhay, gaya ng magulang, asawa, anak, o kaibigan? Siguradong masaya kang gawin iyan kasi mahal na mahal mo siya. Paraan din iyan para maipakita mo ang pagmamahal mo kay Jehova. (1 Tim. 5:4, 8; Sant. 1:27) Pero siguradong may mga hamon kang nararanasan na madalas na hindi alam ng iba. Baka pakiramdam mo, walang nakakaintindi sa iyo. Sa harap ng iba, nakangiti ka. Pero kapag mag-isa ka na lang, hindi mo mapigilang umiyak. (Awit 6:6) Hindi man alam ng iba ang pinagdadaanan mo, alam na alam iyan ni Jehova. (Ihambing ang Exodo 3:7.) Nasasaktan siya kapag nakikita niyang umiiyak ka, at pinapahalagahan niya ang mga sakripisyo mo. (Awit 56:8; 126:5) Nakikita niya ang lahat ng ginagawa mo para sa mahal mo sa buhay. Itinuturing niya iyan na utang niya sa iyo, at nangangako siyang babayaran ka niya.—Basahin ang Kawikaan 19:17.
May inaalagaan ka bang mahal mo sa buhay? (Tingnan ang parapo 2)
3. Anong mga hamon ang posibleng napaharap kina Abraham at Sara habang inaalagaan si Tera?
3 Marami tayong mababasang karakter sa Bibliya na naging tagapag-alaga ng iba. Kasama na diyan sina Abraham at Sara. Noong umalis sila ng Ur, kasama nilang umalis ang tatay nilang si Tera, na mga 200 taóng gulang na. Mga 960 kilometro ang nilakbay nila papuntang Haran. (Gen. 11:31, 32) Siguradong mahal na mahal nina Abraham at Sara si Tera, pero malamang na hindi naging madali para sa kanila na alagaan siya habang naglalakbay. Malamang na napakahirap para kay Tera na maglakbay, kasi mga kamelyo at asno ang sinasakyan nila noon. Kaya siguradong may mga panahong napapagod din sina Abraham at Sara sa pag-aalaga kay Tera. Pero alam nating inalalayan sila ni Jehova at binigyan ng lakas na kailangan nila. At iyan din ang gagawin ni Jehova para sa iyo.—Awit 55:22.
4. Ano ang tatalakayin sa artikulong ito?
4 Makakatulong ang kagalakan para makayanan ng mga tagapag-alaga ang mga hamon ng pag-aalaga sa iba. (Kaw. 15:13) Puwede pa rin silang maging masaya kahit mahirap ang sitwasyon nila. (Sant. 1:2, 3) Paano sila makakapanatiling masaya? Puwede silang manalangin kay Jehova at hilingin sa kaniya na tulungan silang manatiling positibo. Pero bukod diyan, may iba pa bang magagawa ang mga tagapag-alaga para manatili silang masaya? Pag-uusapan natin iyan sa artikulong ito. Aalamin din natin kung paano sila matutulungan ng iba. Pero bago iyan, pag-usapan muna natin kung bakit mahalaga para sa mga tagapag-alaga na manatiling masaya at kung bakit hindi iyan madaling gawin.
KUNG BAKIT HINDI MADALING MANATILING MASAYA
5. Bakit mahalaga para sa mga tagapag-alaga na manatiling masaya?
5 Kapag hindi masaya ang mga tagapag-alaga, baka mas madali na rin silang mapagod. (Kaw. 24:10) At kapag pagod sila, baka wala rin silang lakas para maging mabait at tumulong sa inaalagaan nila. Bakit nga ba hindi madali para sa mga tagapag-alaga na manatiling masaya?
6. Bakit posibleng ma-burnout ang mga tagapag-alaga?
6 Baka ma-burnout ang mga tagapag-alaga. Ganito ang sinabi ng sister na si Leah: “Nakaka-stress talagang mag-alaga. Kahit wala namang nangyaring di-maganda buong maghapon, pagod na pagod pa rin ako. Minsan, kahit mag-reply lang sa text, hindi ko na kaya.” Wala namang panahon ang iba na magpahinga o mag-relax kahit na kailangang-kailangan nila iyon. Sinabi ng sister na si Inés: “Kulang na kulang talaga ako sa tulog. Kailangan ko kasing gumising kada dalawang oras para alagaan ang biyenan kong babae. ’Tapos, maraming taon na rin kaming hindi nakapagbakasyon ng asawa ko.” May ilan naman na dahil hindi nila puwedeng iwanan ang inaalagaan nila, hindi na sila nakakasama sa mga gathering o kinailangan nilang tumanggi sa mga atas. Kaya baka nalulungkot sila kasi hindi na nila nagagawa ang mga gusto nilang gawin.
7. Bakit posibleng makonsensiya o malungkot ang mga tagapag-alaga?
7 Baka makonsensiya o malungkot ang mga tagapag-alaga. Sinabi ng sister na si Jessica: “Mas marami pa sana akong gustong gawin para maalagaan ang mahal ko sa buhay. Kaya kapag kailangan kong magpahinga, nakokonsensiya ako kasi pakiramdam ko, nagiging makasarili ako.” Nakokonsensiya naman ang ilang tagapag-alaga dahil may panahong naiinis sila sa sitwasyon nila. At kapag pagod na pagod sila, baka may nasasabi o nagagawa silang di-maganda. (Sant. 3:2) Nalulungkot naman ang iba dahil nakikita nilang unti-unti nang humihina ang isang taong dating malusog at masayahin. Sinabi ng sister na si Barbara: “Napakahirap para sa akin na makitang pahina na nang pahina ang taong mahal ko.”
8. Ano ang puwedeng maging epekto sa mga tagapag-alaga kapag pinapasalamatan sila? Magbigay ng karanasan.
8 Baka maramdaman ng mga tagapag-alaga na hindi sila pinapahalagahan. Bakit? Baka kasi hindi sila napapasalamatan sa mga sakripisyong ginagawa nila. Pero malaki ang epekto sa kanila kapag pinasalamatan sila. (1 Tes. 5:18) Sinabi ng sister na si Melissa: “Minsan, naiiyak ako kasi napapagod na ako. Pero kapag pinapasalamatan ako ng mga inaalagaan ko, gumagaan ang pakiramdam ko! Parang may lakas na ulit ako para sa susunod na araw.” Ikinuwento rin ng brother na si Ahmadu kung ano ang epekto sa kaniya kapag pinapasalamatan siya. Kasama nilang mag-asawa sa bahay ang pamangkin nilang babae na may epilepsy. Sinabi niya: “Alam naming hindi niya masyadong naiintindihan ang mga sakripisyo namin para sa kaniya. Pero ang saya-saya ko kapag pinapasalamatan niya kami o sinusubukan niyang isulat, ‘Mahal ko kayo.’”
KUNG PAANO MAKAKAPANATILING MASAYA
9. Paano maipapakita ng mga tagapag-alaga na tinatanggap nilang may mga limitasyon sila?
9 Tanggapin na may mga limitasyon ka. (Kaw. 11:2, tlb.) Limitado lang ang panahon at lakas natin. Kaya dapat na alam mo kung ano lang ang kaya mong gawin. At kung may hindi ka talaga kayang gawin, hindi masamang tumanggi. Ipinapakita lang niyan na mapagpakumbaba ka. Kapag may gustong tumulong sa iyo, tanggapin iyon. Sinabi ng brother na si Jay: “Hindi natin kayang gawin ang lahat. Kaya kung tatanggapin nating may mga limitasyon tayo, makakapanatili tayong masaya.”
10. Bakit mahalaga para sa mga tagapag-alaga na unawain ang inaalagaan nila? (Kawikaan 19:11)
10 Unawain ang inaalagaan mo. (Basahin ang Kawikaan 19:11.) Kapag sinikap mong unawain kung bakit may nasabi o nagawang di-maganda ang inaalagaan mo, mas makakapanatili kang kalmado. Baka dahil lang pala iyon sa sakit niya. (Ecles. 7:7) Halimbawa, baka mainitin na ang ulo niya o mareklamo na siya kahit na mabait naman talaga siya. Kung may malalang sakit ang inaalagaan mo, makakatulong kung mas aalamin mo pa ang tungkol sa sakit niya. Dahil diyan, makikita mo na hindi naman talaga ganoon ang personalidad niya; naging ganoon lang siya dahil sa sakit niya.—Kaw. 14:29.
11. Anong mahahalagang bagay ang dapat gawin ng mga tagapag-alaga araw-araw? (Awit 132:4, 5)
11 Maglaan ng panahon para patibayin ang kaugnayan mo kay Jehova. Minsan, kailangan mong isakripisyo ang ilang gawain para may panahon ka sa “mas mahahalagang bagay.” (Fil. 1:10) At kasama sa mahahalagang bagay na iyan ang pagpapatibay sa kaugnayan mo kay Jehova. Magandang halimbawa diyan si Haring David. Pinakamahalaga sa buhay niya ang pagsamba kay Jehova. (Basahin ang Awit 132:4, 5.) Ganiyan din tayo, kaya sinisigurado nating may panahon tayo araw-araw para magbasa ng Bibliya at manalangin. Sinabi ng sister na si Elisha: “Nakakapanatili akong masaya dahil sa pananalangin at pag-iisip tungkol sa mga nabasa ko sa aklat ng Mga Awit. Kapag nahihirapan akong maging kalmado, paulit-ulit akong nananalangin kay Jehova. Iyan ang pinakanakakatulong sa akin.”
12. Bakit dapat ingatan ng mga tagapag-alaga ang kalusugan nila?
12 Maglaan ng panahon para sa kalusugan mo. Napakaraming ginagawa ng mga tagapag-alaga. Kaya baka hindi madali para sa kanila na makapaghanda ng masustansiyang pagkain para sa sarili nila. Pero para manatiling malusog ang isip at katawan mo, kailangan mong kumain ng masustansiyang pagkain at regular na mag-exercise. Kaya huwag kalimutang gawin iyan kahit limitado ang panahon mo. (Efe. 5:15, 16) Magkaroon din ng sapat na tulog. (Ecles. 4:6) Sinasabi ng mga eksperto na nare-repair ang utak natin habang natutulog tayo. Ayon sa artikulo ng Banner Health na “How Sleep Can Affect Stress,” nakakatulong ang sapat na tulog para mabawasan ang pag-aalala natin at mas makayanan natin ang stress. Kailangan mo rin ng panahon para maglibang. (Ecles. 8:15) Ikinuwento ng isang tagapag-alaga kung ano ang nakakatulong sa kaniya na manatiling masaya: “Kapag maganda ang panahon, lumalabas ako ng bahay para ma-enjoy ang sikat ng araw. Nagse-set din ako ng kahit isang araw sa isang buwan para maka-bonding ang mga kaibigan ko.”
13. Bakit nakakabuti ang pagtawa? (Kawikaan 17:22)
13 Maghanap ng dahilan para tumawa. (Basahin ang Kawikaan 17:22; Ecles. 3:1, 4) Maganda sa kalusugan natin ang pagtawa. Kapag may inaalagaan ka, mayroon at mayroong mangyayari na hindi mo inaasahan, at baka mainis ka dahil doon. Pero kung tatawanan mo na lang iyon, hindi ka masyadong madidismaya. At kapag pareho kayong tumatawa ng inaalagaan mo, mas magiging malapít kayo sa isa’t isa.
14. Bakit makakatulong sa iyo kung makikipag-usap ka sa isang maaasahang kaibigan?
14 Makipag-usap sa isang maaasahang kaibigan. Kahit sinisikap mong maging masaya, baka may mga panahon pa ring masyado kang mai-stress. Sa ganiyang sitwasyon, makakatulong sa iyo ang isang maaasahang kaibigan. (Kaw. 17:17) Alam mo na kapag sinabi mo sa kaniya ang nararamdaman mo, hindi ka niya huhusgahan. Makikinig siya sa iyo at papatibayin ka niya. At baka iyan ang kailangan mo para maging masaya ulit.—Kaw. 12:25.
15. Bakit magiging masaya ka kapag nagpokus ka sa pag-asa natin?
15 Isipin ang mga bagay na magkasama ninyong gagawin sa Paraiso. Tandaan na pansamantala lang ang pagiging tagapag-alaga mo, kasi hindi iyan kasama sa layunin ng Diyos para sa mga tao. (2 Cor. 4:16-18) Sa hinaharap, mararanasan natin ang “tunay na buhay” na gusto ni Jehova para sa atin. (1 Tim. 6:19) Siguradong magiging masaya ka kapag pinag-uusapan ninyo ng inaalagaan mo ang mga bagay na magkasama ninyong gagawin sa Paraiso. (Isa. 33:24; 65:21) Sinabi ng sister na si Heather: “Madalas, sinasabi ko sa mga inaalagaan ko na sa Paraiso, magkasama kaming mananahi, tatakbo, at magbibisikleta. Magbe-bake kami at magluluto para sa mga mahal naming binuhay-muli. Kapag iniisip namin ang mga iyan, nagpapasalamat kami kay Jehova.”
KUNG PAANO MAKAKATULONG ANG IBA
16. Paano natin matutulungan ang mga kakongregasyon nating may inaalagaan? (Tingnan din ang larawan.)
16 Tulungan ang mga tagapag-alaga na magkaroon ng panahon para sa sarili nila. Magagawa natin iyan kung magboboluntaryo tayo na tayo naman ang mag-aalaga. Kung gagawin natin iyan, magkakaroon sila ng panahon para magpahinga o gawin ang mga bagay na kailangan nilang gawin. (Gal. 6:2) May mga kapatid na gumawa ng schedule para tulungan ang mga may inaalagaan. Nakalista doon kung sino ang tutulong kada linggo. Sinabi ng sister na si Natalya, na nag-aalaga sa asawa niyang paralisado: “May isang brother sa kongregasyon namin na dumadalaw sa bahay para samahan ang asawa ko. Nagpupunta siya isa o dalawang beses bawat linggo. Sinasamahan niya ang asawa ko sa ministeryo. Nagkukuwentuhan sila o nanonood pa nga nang magkasama. Talagang nag-e-enjoy ang asawa ko. At ako naman, nagagawa ko ang mga gusto kong gawin, gaya ng paglalakad-lakad sa labas.” Baka puwede ka pa ngang magboluntaryong mag-alaga sa gabi para makatulog nang mabuti ang nag-aalaga.
Paano mo matutulungan ang mga may inaalagaan sa kongregasyon ninyo? (Tingnan ang parapo 16)a
17. Paano natin matutulungan ang mga tagapag-alaga kapag may mga pulong?
17 Tulungan ang mga tagapag-alaga kapag may mga pulong. Baka hindi masyadong makinabang ang isang tagapag-alaga sa mga pulong, asamblea, o kombensiyon dahil kailangan niyang asikasuhin ang inaalagaan niya. Kaya baka makatulong kung tayo naman ang tatabi sa inaalagaan niya. Puwede nating gawin iyan sa buong pulong o sa ilang bahagi nito. Kung hindi naman makalabas ng bahay ang inaalagaan, puwede tayong pumunta sa bahay niya at mag-connect sa pulong kasama niya. Makakatulong iyan para makadalo in person ang nag-aalaga sa kaniya.
18. Ano pa ang mga puwede nating gawin para sa mga tagapag-alaga?
18 Komendahan ang mga tagapag-alaga at ipanalangin sila. Mahalagang regular na i-shepherding ng mga elder ang mga may inaalagaan. (Kaw. 27:23) At lahat tayo, dapat na lagi nating sabihin sa kanila na mahal natin sila at pinapahalagahan natin ang ginagawa nila. Puwede rin nating hilingin kay Jehova na patuloy silang palakasin at tulungang manatiling masaya.—2 Cor. 1:11.
19. Ano ang inaabangan natin sa hinaharap?
19 Malapit nang alisin ni Jehova ang lahat ng dahilan ng pagluha natin. Mawawala na ang sakit at kamatayan. (Apoc. 21:3, 4) “Ang pilay ay tatalon gaya ng usa.” (Isa. 35:5, 6) “Ang dating mga bagay,” gaya ng pagtanda at ng sakit na makitang nahihirapan ang inaalagaan natin, ay “hindi na maaalaala pa.” (Isa. 65:17) Pero habang hindi pa nangyayari iyan, makakasigurado tayong hindi tayo pababayaan ni Jehova. Kung patuloy tayong aasa sa kaniya, tutulungan niya tayong maging “masaya habang tinitiis ang lahat ng bagay.”—Col. 1:11.
AWIT BLG. 155 Kagalakan Magpakailanman
a LARAWAN: Dalawang kabataang sister ang dumalaw sa isang may-edad nang sister para makapaglakad-lakad sa labas ang nag-aalaga sa kaniya.