Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Anong “kaisipan” ang ilalagay ni Jehova sa puso ng mga bansa sa malapit na hinaharap?
Sinasabi ng Apocalipsis 17:16, 17 kung paano magsisimula ang malaking kapighatian: “Ang 10 sungay na nakita mo at ang mabangis na hayop, ang mga ito ay mapopoot sa babaeng bayaran at gagawin nila siyang wasak at hubad, at uubusin nila ang laman niya at lubusan siyang susunugin. Dahil inilagay ng Diyos sa puso nila na gawin ang nasa isip niya, oo, na gawin ang iisa nilang kaisipan sa pamamagitan ng pagbibigay ng kaharian nila sa mabangis na hayop.” Sinasabi noon sa mga publikasyon natin na ang ‘iisang kaisipan’ na ilalagay ng Diyos sa puso ng mga bansa ay tumutukoy sa kagustuhan nilang puksain ang huwad na relihiyon.
Pero may pagbabago sa unawa natin sa tekstong ito. Ang kaisipang tinutukoy dito ay ang desisyon ng mga bansa na ibigay ang politikal na kapangyarihan nila o “kaharian nila sa mabangis na hayop.” Para maintindihan natin kung paano iyan matutupad, pag-usapan natin ang mga tanong na ito.
Sino ang mga kasama sa hula? Ang “babaeng bayaran” ay tumutukoy sa pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon; tinatawag din itong “Babilonyang Dakila.” Ang “kulay-iskarlatang mabangis na hayop” ay tumutukoy naman sa United Nations; naitatag ito noong 1919 bilang League of Nations para mapanatili ang kapayapaan sa mundo. (Apoc. 17:3-5) Tumutukoy naman ang “10 sungay” sa lahat ng gobyerno sa mundo na sumusuporta sa mabangis na hayop.
Ano ang kaugnayan ng babaeng bayaran at ng kulay-iskarlatang mabangis na hayop? “Nakaupo” ang babaeng bayaran sa kulay-iskarlatang mabangis na hayop. Ibig sabihin, sinusuportahan ng huwad na relihiyon ang mabangis na hayop at sinusubukan pa nga itong kontrolin, o impluwensiyahan.
Ano ang mangyayari sa babaeng bayaran? “Mapopoot sa babaeng bayaran” ang mabangis na hayop at ang 10 sungay. Sa sobrang galit nila, kukunin nila ang lahat ng pag-aari nito, at ipapakita nila sa lahat kung gaano ito kasama. Gagamitin ni Jehova ang mga bansa para matupad ang hatol niya na lubusang puksain ang Babilonyang Dakila. (Apoc. 17:1; 18:8) Iyan na ang katapusan ng huwad na relihiyon. Pero bago iyan mangyari, papakilusin muna ni Jehova ang mga bansa na gawin ang isang bagay na hindi pa nangyayari sa kasaysayan ng tao.
Papakilusin ni Jehova ang mga bansa na gawin ang ano? Papakilusin ni Jehova ang 10 sungay na “gawin ang nasa isip niya.” Ano iyon? Magkakaroon sila ng “iisang kaisipan,” at ibibigay nila “ang kapangyarihan at awtoridad nila sa [kulay-iskarlatang] mabangis na hayop”—ang United Nations. (Apoc. 17:13) Ibig bang sabihin niyan, kusang ibibigay ng mga gobyerno ang kapangyarihan at awtoridad nila sa mabangis na hayop? Hindi! Ayon sa hula, si Jehova mismo ang magiging dahilan kung bakit nila gagawin iyan. (Kaw. 21:1; ihambing ang Isaias 44:28.) Unti-unti bang ibibigay ng mga bansa ang kapangyarihan nila sa United Nations? Hindi! Lumilitaw na mangyayari iyan nang biglaan. At dahil mas malakas na ang kapangyarihan at awtoridad ng mabangis na hayop, mapupuksa nito ang lahat ng huwad na relihiyon.
Ano ngayon ang aasahan natin? Hindi natin kailangang mag-abang ng mga balita na unti-unting lalakas ang suporta ng mga bansa sa United Nations. Kasi ito ang aasahan natin: Bigla silang papakilusin ni Jehova na magkaisa at ibigay ang kapangyarihan at awtoridad nila sa mabangis na hayop. At kapag nangyari na iyan, malapit nang magsimula ang malaking kapighatian. Kaya sa ngayon, “manatili tayong gisíng at alerto” dahil malapit nang mangyari ang mga biglaang pagbabagong iyan!—1 Tes. 5:6.