May Magagawa Ba ang Tao Para Maging Payapa ang Buong Mundo?
Kabi-kabila ang mga digmaan at labanan sa buong mundo. Dahil diyan, gumagawa ng paraan ang United Nations at iba pang organisasyon para maitaguyod ang kapayapaan. Halimbawa, nagpapadala sila ng mga kinatawan sa mga lugar na may mga labanan para mabawasan ang kaguluhan doon. Sinabi ni UN Secretary-General António Guterres: “Ang mga ipinapadalang kinatawan ng United Nations ang pinakaimportanteng bahagi ng pagsisikap namin na maitaguyod ang kapayapaan sa buong mundo.”
Sa loob ng maraming taon, may magagandang nagawa ang pagsisikap ng mga tao na maitaguyod ang kapayapaan. Halimbawa, naprotektahan nila ang mga sibilyan, naibalik sa sariling bansa ang mga lumikas dahil sa digmaan, nakapagbigay sila ng mga pagkain at suplay, at naitayo nilang muli ang mga nasirang gusali. Pero dahil sa malalaking hadlang, may limitasyon ang kaya nilang gawin. Mayroon nga kayang permanenteng solusyon para maging totoong payapa ang buong mundo? Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol dito?
Mga hadlang sa kapayapaan at solusyon ng Bibliya
Hadlang: walang kooperasyon. Mahirap para sa maraming organisasyong militar at sibilyan, na kadalasan nang mula sa iba’t ibang bansa, na magtulungan kasi hindi sila nagkakaintindihan kung minsan at magkakaiba sila ng priyoridad.
Solusyon ng Bibliya: “Ang Diyos ng langit ay magtatatag ng isang kaharian . . . at wawakasan ang lahat ng kahariang iyon [gobyerno ng tao], at ito lang ang mananatili magpakailanman.”—Daniel 2:44.
Malapit nang wakasan ng Diyos ang lahat ng digmaan at gawing payapa ang buong mundo. (Awit 46:8, 9) Ang lahat ng gobyerno sa lupa ay papalitan niya ng iisang gobyerno na nasa langit: ang Kaharian ng Diyos. Dahil perpekto ang gobyernong ito at mamamahala ito sa buong lupa kung kailan wala nang digmaan, hindi na kailangan ng anumang organisasyon ng tao na gumawa ng pagsisikap para maitaguyod ang kapayapaan.
Hadlang: limitadong suporta at kakayahan. Kung minsan, nabibigo ang pagsisikap ng mga tao na maitaguyod ang kapayapaan dahil iilan lang ang sumusuporta dito at wala silang sapat na pera at iba pang kagamitan. Nahihirapan ding kumilos ang mga nagtataguyod ng kapayapaan dahil lalo pang nagiging delikado at komplikado ang sitwasyon sa mga lugar na pinupuntahan nila.
Solusyon ng Bibliya: ‘Pinaupo ng Diyos ang ating Panginoong Jesu-Kristo sa kaniyang kanan sa langit, na di-hamak na mas mataas kaysa sa anumang pamahalaan at awtoridad at kapangyarihan.’—Efeso 1:17, 20, 21.
Ibinigay ni Jehova,a ang Diyos na Makapangyarihan-sa-Lahat, ang lahat ng kailangan ni Jesus para magtagumpay sa pamamahala niya bilang ang piniling Hari ng Kaharian ng Diyos. (Daniel 7:13, 14b) Binigyan ng Diyos si Jesus ng kapangyarihan, kaalaman, karunungan, at kaunawaan na di-hamak na nakahihigit sa anumang gobyerno o ahensiya ng tao. (Isaias 11:2) Mayroon ding hukbo si Jesus ng makapangyarihang mga anghel. (Apocalipsis 19:14) Kaya walang sitwasyon na mahirap o komplikado para sa kaniya.
Gagamitin ni Jesus ang lahat ng suporta at kakayahang ibinigay ng Diyos sa kaniya, hindi lang para wakasan ang mga digmaan. Bibigyan niya rin ng kapayapaan at kapanatagan ang lahat ng tao sa ilalim ng Kaharian ng Diyos.—Isaias 32:17, 18.
Hadlang: legal na mga restriksiyon. Kung minsan, hindi magawa ng mga organisasyong nagtataguyod ng kapayapaan ang dapat nilang gawin dahil sa mga instruksiyong hindi malinaw o sa mga batas na nakakapigil sa mga gusto nilang gawin. Halimbawa, baka dahil sa ilang batas, limitado lang ang magagawa nila para protektahan ang iba at maisakatuparan ang magandang plano nila.
Solusyon ng Bibliya: “Ang lahat ng awtoridad ay ibinigay na [kay Jesus] sa langit at sa lupa.”—Mateo 28:18.
Malinaw ang direksiyong ibinigay ng Diyos kay Jesus kung paano gagawing payapa ang buong mundo, at ibinigay niya rin sa Anak niya ang lahat ng awtoridad para magawa ito. (Juan 5:22) Laging magiging patas si Jesus, at hindi siya kailanman magiging tiwali. (Isaias 11:3-5) Dahil itinatag ang Kaharian ni Jesus sa “katarungan at katuwiran,” tinatawag siya ng Bibliya na “Prinsipe ng Kapayapaan.”—Isaias 9:6, 7.
Kaharian lang ng Diyos ang makakapagbigay ng tunay na kapayapaan
Totoo, nakakatulong kahit paano ang pagsisikap ng mga tao na mapanatili ang kapayapaan, at kung minsan, napapatigil pa nga nila ang kaguluhan sa ilang lugar. Pero hindi nila kayang alisin ang pinakadahilan ng karahasan—ang poot na nasa puso ng maraming tao.
“Paano mapapanatili ang kapayapaan kung wala namang kapayapaang papanatilihin?”—Dennis Jett, dating embahador ng U.S.
Kaharian lang ng Diyos ang makakapagbigay ng tunay na kapayapaan, dahil tinutulungan nito ang bawat tao na alisin ang poot sa puso nila. Halimbawa, noong nasa lupa si Jesus, tinuruan niya ang mga tagasunod niya sa salita at gawa kung paano makikipagpayapaan at magpapakita ng pag-ibig sa iba:
Sinabi rin ni Jesus na ang mga sakop ng Kaharian ng Diyos ay makikilala sa pag-ibig nila sa kapuwa. Malinaw na sinasabi sa Bibliya na hindi kukunsintihin ng Kaharian ng Diyos ang mga napopoot sa kapuwa nila:
Ang Diyos na Jehova lang, na lumikha sa lahat ng tao, ang nakakaalam ng pinakamagandang paraan—ang nag-iisang paraan—para maging payapa ang buong mundo. Magagawa ng Kaharian niya ang hindi nagawa ng mga tao, kahit pa ng mga nagsisikap na itaguyod ang kapayapaan.
a Jehova ang personal na pangalan ng Diyos. (Awit 83:18) Tingnan ang artikulong “Sino si Jehova?”
b Sa Daniel 7:13, 14, ang terminong “anak ng tao” ay tumutukoy kay Jesu-Kristo.—Mateo 25:31; 26:63, 64.