Kaguluhan sa Politika—Katuparan ng Hula sa Bibliya
Nagkakagulo ang mga tao ngayon dahil sa politika. Hindi sila sang-ayon sa ilang batas na nakakaapekto sa buhay nila, at ipinaglalaban nila ang mga opinyon nila. Sa gobyerno, magkakaiba rin ang opinyon ng mga mambabatas at iba pang opisyal, at ayaw nilang makinig sa isa’t isa. Dahil dito, nagkakaroon ng kaguluhan sa politika na nagpapahina sa gobyerno.
Pero mas magpokus tayo sa nangyayaring kaguluhan sa politika sa United States at Britain (na tinatawag ding United Kingdom). Bakit? Kasi inihula ng Bibliya na magkakaroon ng kaguluhan sa dalawang bansang ito. Mangyayari ito sa mismong panahon kung kailan kikilos ang gobyerno ng Diyos para baguhin ang kalagayan sa lupa.
Kaguluhan sa politika sa “huling bahagi ng mga araw”
May kapana-panabik na hula sa Bibliya na nakasulat sa aklat ng Daniel. Sa hulang iyon, sinabi ng Diyos “kung ano ang mangyayari sa huling bahagi ng mga araw,” na tumutukoy sa mangyayaring pagbabago sa hinaharap.—Daniel 2:28.
Ibinigay ng Diyos ang hulang ito sa Bibliya sa pamamagitan ng isang panaginip sa hari ng Babilonya. Nakita ng hari sa panaginip na iyon ang isang pagkalaki-laking imahen na gawa sa iba’t ibang metal. Pagkatapos, ipinaliwanag ni propeta Daniel na tumutukoy ang imahen, mula ulo hanggang paa, sa mga kapangyarihang pandaigdig na babangon at babagsak sa buong kasaysayan.a Ipinaliwanag din ni Daniel na lubusang mawawasak ang imaheng iyon pagkatapos tamaan ng isang bato na lumalarawan sa isang Kaharian, o gobyerno, na itinatag ng Diyos.—Daniel 2:36-45.
Sinabi ng hula na papalitan ng Kaharian ng Diyos ang lahat ng gobyerno ng tao. Ang Kaharian ding ito ang itinuro ni Jesus na ipanalangin ng mga tagasunod niya. Sinabi niya sa kanila: “Dumating nawa ang Kaharian mo.”—Mateo 6:10.
Pero saan sa hulang ito makikita ang tungkol sa kaguluhan sa politika? Pansinin na ang mga paa ng imahen ay “pinaghalong bakal at putik.” (Daniel 2:33) Ang ibang bahagi ay gawa sa iisang uri ng metal. Pero iba ang bahaging ito na nagpapakitang naiiba ito sa mga naunang kapangyarihang pandaigdig. Paano? Ipinaliwanag ng hula ni Daniel:
Ayon sa hula, makakaranas ng kaguluhan sa politika ang kapangyarihang pandaigdig na inilalarawan ng paa ng imahen. Papahinain ng mga mamamayan nito ang pamamahala ng kapangyarihang pandaigdig na ito.
Natutupad ngayon ang hula ni Daniel
Ang paa ng imahen ay lumalarawan sa kapangyarihang pandaigdig ngayon, ang alyansa sa pagitan ng United States at Britain. Anong mga pangyayari ngayon ang nagpapatunay sa hulang iyan?
Ang paa ng imahen ay “may bahaging bakal at may bahaging putik,” na mahina kapag pinagsama. (Daniel 2:42) Sa ngayon, dahil sa pagkakabaha-bahagi ng mga sakop ng United States at Britain, parehong nagiging mahina ang kapangyarihan nila. Halimbawa, sa dalawang bansang ito, hindi nagkakasundo ang sarili nilang mga mamamayan. Ipinaglalaban ng mga tao ang karapatan nila. Madalas ding hindi nagkakaisa sa pagdedesisyon ang mga napili nilang manguna. Dahil nahahati ang mga mamamayan nila, minsan, nahihirapan silang ipatupad ang kanilang mga batas.
Ang kalagayan ng mga gobyerno na inihula sa Daniel kabanata 2
Alamin pa natin ang kahulugan ng ilang detalye sa hula ni Daniel at kung paano ito natutupad ngayon:
Hula: “Ang kaharian ay mahahati, pero magkakaroon din ito ng tigas ng bakal.”—Daniel 2:41.
Kahulugan: Kahit na may pagkakabaha-bahagi sa politika ang United States at Britain, malakas pa rin sila pagdating sa militar. Dahil diyan, naipapakita pa rin nila ang kapangyarihan nila sa buong mundo. Kaya masasabing mayroon silang tigas na gaya ng bakal.
Katuparan
Noong 2023, gumawa ng isang listahan ng mga bansa na may pinakamataas na ginastos pagdating sa militar. Kapag pinagsama ang ginastos ng United States at United Kingdom, mas mataas pa rin ito kumpara sa pinagsamang ginastos ng sumunod na 12 bansa sa listahan.—Stockholm International Peace Research Institute.
“Ang kaugnayan na mayroon ang United Kingdom at United States para protektahan ang bansa nila ang pinakamatibay na kaugnayan sa buong mundo. Nagagawa nila ito gamit ang pinakabagong teknolohiya at ideya . . . Nagtutulungan kami at sinusuportahan namin ang isa’t isa.”—Strategic Command, U.K. Ministry of Defence, Abril 2024.
Hula: “At kung paanong ang mga daliri sa paa ay may bahaging bakal at may bahaging putik, ang kaharian ay may bahaging malakas at may bahaging mahina.”—Daniel 2:42.
Kahulugan: Kahit malakas ang militar ng United States at Britain, limitado pa rin ang nagagawa nila dahil sa pagiging demokratiko ng gobyerno nila. Kapag hindi sang-ayon ang karamihan, minsan, nahihirapan silang gawin ang mga plano nila.
Katuparan
Sinasabi ng ilang eksperto sa politika na dahil may dibisyon sa gobyerno ng United States, nahihirapan itong gawin ang mga inaangkin nila sa buong mundo na kaya nilang gawin, halimbawa, tungkol sa seguridad at negosyo.—The Wall Street Journal.
“Dahil sa maraming lumalabas na problema sa politika sa Britain, nawawala ang pokus ng mga politiko at nalilimitahan ang paglilingkod nila para sa publiko.”—Institute for Government.
Hula: “Ang mga ito [ang kaharian] ay mahahalo sa karaniwang mga tao; pero hindi magkakadikit ang mga iyon.”—Daniel 2:43, talababa.
Kahulugan: Kahit may impluwensiya ang karaniwang mga tao sa gobyerno, kapag naipatupad na ang gusto nila, hindi pa rin nasisiyahan ang mga opisyal o iba pang mamamayan.
Katuparan
“Sa ngayon, negatibo ang tingin ng mga Amerikano sa politika at sa mga politiko.”—Pew Research Center.
“Sa nakalipas na 50 taon, napakababa na ngayon ng pagtitiwala ng mga tao sa gobyerno, mga politiko, at sa sistema ng pamamahala ng gobyerno.”—“National Centre for Social Research.”
Hula ni Daniel tungkol sa hinaharap
Ayon sa hula ni Daniel, ang alyansa ng United States at Britain ang namamahalang kapangyarihang pandaigdig sa panahon na papalitan ng Kaharian ng Diyos ang lahat ng gobyerno ng tao.—Daniel 2:44.
Sa isang katulad na hula na nasa aklat ng Apocalipsis, sinabi na magtitipon ang “mga hari ng buong lupa” laban sa Diyos na Jehovab sa digmaan ng Armagedon, ang “digmaan ng dakilang araw ng Diyos na Makapangyarihan-sa-Lahat.” (Apocalipsis 16:14, 16; 19:19-21) Sa digmaang ito, aalisin ni Jehova ang lahat ng gobyerno ng tao. Kapag nangyari na iyan, mawawala na ang lahat ng bakas ng mga kapangyarihang pandaigdig na inilalarawan ng imahen sa hula ni Daniel.
Para sa higit pang impormasyon, tingnan ang artikulong “Ano ang Digmaan ng Armagedon?”
Kung ano ang maitutulong sa iyo ng hula ni Daniel tungkol sa kaguluhan sa politika
Talagang natutupad ngayon ang hula ng Bibliya tungkol sa kaguluhan sa politika sa United States at Britain. At dahil alam natin ito, magkakaroon tayo ng positibong pananaw sa mga kasalukuyang pangyayari.
Maiintindihan mo kung bakit gusto ni Jesus na maging neutral sa politika ang mga tagasunod niya. (Juan 17:16) Mauunawaan mo rin kung bakit sinabi ni Jesus, ang pinili ng Diyos na tagapamahala sa kaniyang Kaharian: “Ang Kaharian ko ay hindi bahagi ng sanlibutang ito.”—Juan 18:36.
Makakapagtiwala ka na malapit nang baguhin ng Kaharian ng Diyos ang mundo, at ibigay ang mga pagpapalang ipinangako niya sa mga tao.—Apocalipsis 21:3, 4.
Hindi ka na mag-aalala sa mangyayari sa hinaharap kasi alam mong hindi masisira ang mundo dahil sa pag-aaway ng mga bansa.—Awit 37:11, 29.
Ipinapakita ng hula ni Daniel na ang alyansang United States at Britain, na inilalarawan ng paa ng imahen, ang huling kapangyarihang pandaigdig na mamamahala sa mga tao. Papalitan ito ng isang perpektong gobyerno na mamamahala mula sa langit—ang Kaharian ng Diyos!
Para sa higit pang impormasyon tungkol sa gagawin ng Kaharian ng Diyos para sa mga tao, panoorin ang video na Ano ang Kaharian ng Diyos?
a Tingnan ang kahong “Anong mga Kapangyarihang Pandaigdig ang Tinutukoy sa Hula ni Daniel?”
b Jehova ang personal na pangalan ng Diyos. (Awit 83:18) Tingnan ang artikulong “Sino si Jehova?”