NASA Photo
PATULOY NA MAGBANTAY!
May Isang Matatag na Gobyerno Ba na Kayang Mamahala sa Planeta Natin?—Ano ang Sinasabi ng Bibliya?
Sa buong mundo, magulo ang kalagayan ng mga gobyerno. Kahit pa nga sa mga bansang mukhang matatag, nakakaranas ang gobyerno nila ng iskandalo, mahihigpit na labanan sa eleksiyon, hindi nagkakasundong mga partido, at kaguluhan sa lipunan.
Sinasabi sa Bibliya na may isang gobyerno na matatag. Baka narinig mo na ang tungkol sa gobyernong iyan. Nabanggit iyan ni Jesu-Kristo sa modelong panalangin.
“Manalangin kayo sa ganitong paraan: ‘Ama namin na nasa langit, pakabanalin nawa ang pangalan mo. Dumating nawa ang Kaharian mo. Mangyari nawa ang kalooban mo, kung paano sa langit, gayon din sa lupa.’”—Mateo 6:9, 10.
Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa Kahariang iyan?
Ang Kaharian—isang matatag na gobyerno
Mamamahala ito mula sa langit.
Tinawag ni Jesus ang gobyernong ito na “Kaharian ng langit.” (Mateo 4:17; 5:3, 10, 19, 20) Dahil dito, sinabi niya: “Ang Kaharian ko ay hindi bahagi ng sanlibutang ito.”—Juan 18:36.
Papalit ito sa gobyerno ng tao.
Sinasabi ng Bibliya: “Dudurugin [ng kahariang ito] at wawakasan ang lahat ng [kaharian ng tao], at ito lang ang mananatili magpakailanman.”—Daniel 2:44.
Hindi mawawasak ang Kahariang ito, na si Jesu-Kristo ang Hari.
Sinasabi ng Bibliya: “Ang pamamahala niya ay walang hanggan—hindi ito magwawakas, at hindi mawawasak ang kaharian niya.”—Daniel 7:13, 14.
Gagawin nitong payapa at panatag ang lupa.
Sinasabi ng Bibliya: “Ang lahat ay mamumuhay nang payapa sa gitna ng kani-kanilang mga ubasan at puno ng igos, at walang sinuman ang tatakot sa kanila.”—Mikas 4:4, Good News Translation.
Matuto pa nang higit tungkol sa Kaharian
Noong nasa lupa si Jesus, ginamit niya nang lubusan ang panahon niya sa ‘pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian.’ (Mateo 9:35) Inihula din niya:
“Ang mabuting balitang ito tungkol sa Kaharian ay ipangangaral sa buong lupa para marinig ng lahat ng bansa, at pagkatapos ay darating ang wakas.”—Mateo 24:14.
Ipinapangaral na ngayon ang mabuting balita ng Kaharian sa mahigit 240 lupain. Matuto pa nang higit tungkol sa gobyernong ito at tingnan kung paano ka makikinabang sa pamamahala nito.
Panoorin ang video na Ano ang Kaharian ng Diyos?