OLEH RADZYMINSKYI | KUWENTO NG BUHAY
Hindi Ako Naihiwalay ng Selda Mula kay Jehova
Ipinanganak ako sa Siberia noong 1964, matapos ma-deport doon ang mga magulang ko mula sa Ukraine. Patuloy na nagtiwala kay Jehova ang mga magulang ko at mga lolo’t lola ko, kahit sa bilangguan. Nakulong ang lolo ko nang pitong taon dahil sa mga gawain niya bilang tagapangasiwa ng sirkito. Alam ko na sa hinaharap, mabibilanggo rin ako at masusubok ang pagtitiwala ko kay Jehova.
Noong 1966, bumalik kami sa Ukraine. Naalala ko noong apat na taóng gulang ako, binibisita namin sa kulungan ang lolo ko. Sumasakay kami ni Nanay ng tren mula Kryvyi Rih, Ukraine, papuntang Mordovian penal colony sa central Russia. Dalawang oras lang namin puwedeng makasama si Lolo, at binabantayan pa ng mga guwardiya. Pero pinapayagan nilang kandungin ako ni Lolo.
Patuloy na Nagtiwala kay Jehova Habang Nag-aaral
Kasama ng kapatid kong si Mykhailo (nasa kanan)
Maraming beses na nasubok ang pagtitiwala ko kay Jehova habang lumalaki ako sa Ukraine. Halimbawa, ang mga batang magsisimula pa lang pumasok ng school ay obligadong maglagay sa uniform nila ng isang pin na hugis bituin na may larawan ng batang si Lenin.a Pagkalipas ng ilang taon, ang mga estudyante ay kailangang magsuot ng pulang scarf sa leeg nila para ipakitang sinusuportahan nila ang ideolohiya ni Lenin. Tumanggi akong isuot ang mga iyon kasi alam kong kay Jehova lang ako dapat maging tapat.
Tinulungan ako ng mga magulang ko na makagawa ng mga desisyon para mapaglingkuran ko si Jehova. Matiyaga nilang ipinaliwanag sa akin ang mga isyu tungkol sa pagiging neutral sa politika. Tinulungan din nila akong maging masipag na estudyante sa school para mapapurihan si Jehova.
Isang araw, pumunta sa school namin ang isang journalist mula sa magasing Nauka i religiia (Science at Relihiyon), isang pambansang magasin na nagtataguyod ng ateismo. Pinaupo ako ng mga teacher ko sa unahan habang nagbibigay ng lecture ang journalist. Kinukumbinsi niya ang mga estudyante na walang Diyos.
Pagkatapos ng lecture, dinala nila ako sa likod ng stage para kausapin ng journalist. Tinanong niya ako kung ano ang relihiyon ko. Sumagot ako agad, “Isa akong Saksi ni Jehova.” Wala na siyang nasabi at pinasalamatan niya ako sa pakikinig nang mabuti sa lecture niya. Dahil dito, nadismaya ang mga teacher ko!
Patuloy na Nagtiwala kay Jehova Bilang Isang Pamilya
Umasa ang buong pamilya namin sa tulong ni Jehova para makapag-imprenta kami ng mga literatura sa Bibliya sa bahay namin, at maipamahagi ito. Isa ring tagapangasiwa ng sirkito ang tatay ko sa central Ukraine, kaya dinadalaw niya ang mga kongregasyon at mga grupo doon.
Isang hapon noong Pebrero 1978—dalawang araw bago ipanganak ang nakababata kong kapatid na si Pavlik—naabutan kong napakagulo ng bahay namin pagkauwi ko galing sa school. Hinalughog pala ng mga pulis ang bahay namin at kinumpiska ang lahat ng literatura.
Kinabukasan, masama ang tingin ng mga teacher ko sa amin ng nakababata kong kapatid na si Mykhailo. Iniisip nilang mga anak kami ng mga espiya ng America. Pero hindi nagtagal, nakita nilang mali ang iniisip nila. Naging Saksi pa nga ang ilan sa mga kaklase ko.
Noong 1981, hinalughog ulit ang bahay namin. Kahit hindi pa ako 18 taóng gulang, ipinatawag ako sa prosecutor’s office kasama ng tatay at lolo ko. Tinakot ako ng senior investigator at sinabing makukulong ako. Pero sinabi naman ng isang lalaking nakasibilyan na mapapabuti ako kung makikipagtulungan ako sa kanila. Para makumbinsi nila ako, ipinaalala nila sa akin na nakulong na noon ang tatay ko, mga lolo, at mga tito ko. Ang hindi alam ng mga pulis, mas nakumbinsi nila ako na tutulungan din ako ni Jehova na makapagtiis sa bilangguan.—Filipos 4:13.
Mula kaliwa pakanan: Si Tatay, ako, si Pavlik, si Nanay, at si Mykhailo. Larawan namin bago ako makulong
Patuloy na Nagtiwala kay Jehova Habang Nakakulong
Isang araw pa lang ang nakakalipas nang mag-18 ako, ipinatawag ako para maglingkod sa militar. Dahil tumanggi ako, ipinadala ako sa pretrial detention. Dinala ako sa isang malaking selda na may mga 85 lalaki. Dahil 34 lang ang kama, nagpapalitan kami sa pagtulog sa mga iyon. Puwede lang kaming maligo nang isang beses sa isang linggo.
Pagkapasok ko sa selda at isinara na ang pinto, lahat sila nakatingin sa akin. May mga lalaki sa gilid na nagtanong sa akin kung bakit ako nakulong. Kinabahan ako. Pero naalala ko ang ulat ni Daniel sa Bibliya—nakaligtas siya sa yungib ng mga leon. Nakatulong sa akin ang ulat na ito para mas magtiwala kay Jehova at manatiling kalmado.—Isaias 30:15; Daniel 6:21, 22.
Pagkatapos naming maghapunan, maraming tanong tungkol sa paniniwala ko ang isa sa mga kasama kong bilanggo. Unti-unting tumahimik ang selda kasi nakikinig na rin ang ibang mga bilanggo sa pag-uusap namin. Ipinaliwanag ko ang paniniwala ko sa kanila, at umabot iyon nang mga apat o limang oras. Talagang nagpapasalamat ako kay Jehova kasi tinulungan niya ako!
Bago ako litisin, humiling ako kay Jehova ng karunungan at lakas ng loob para maipagtanggol ko ang paniniwala ko. Gustong patunayan ng prosecutor na ginagawa ko lang dahilan ang paniniwala ko sa Diyos para makaiwas sa paglilingkod sa militar. Sinubukan kong kumbinsihin ang korte na kapag naglingkod ako sa militar, hindi ko mapapasaya ang pinakamakapangyarihang Persona sa uniberso. Pero kahit ano’ng paliwanag ko, nasentensiyahan pa rin ako na makulong nang dalawang taon sa isang penal colony noong 1982.
’Buti na lang may kasama akong limang Saksi na nakakulong doon. Saglit lang kaming puwedeng mag-usap. Pero kapag nakakapag-usap kami, lagi itong tungkol sa isang teksto sa Bibliya. Wala kaming Bibliya, pero laging may teksto sa ipinapadalang sulat ng mga kapamilya at kaibigan namin. May nakikita rin kaming mga teksto sa iba pang mga babasahin!
Patuloy na Nagtiwala kay Jehova Kahit May Aksidente
Noong 1983, habang nasa isang workshop ako sa bilangguan, nahulog mula sa isang crane ang mga metal sheet na may bigat na halos 2,000 kilo. Natamaan ako sa likod kaya tumumba ako, at nadaganan nito ang kaliwang binti ko.
Nanalangin ako kay Jehova para makayanan ko ang matinding sakit. Sinabi ng nurse na magmura ako nang malakas para makatulong sa sakit, pero kumanta na lang ako ng mga Kingdom song.
Kinailangan naming sumakay ng truck, motorboat, at ambulansiya para makarating sa ospital. Inabot nang anim na oras ang biyahe namin, at maraming dugo ang nawala sa akin. Sigurado ako na ooperahan ako, kaya nanalangin ako na sana maintindihan at irespeto ng mga doktor ang desisyon ko na hindi magpasalin ng dugo. Nang ipaliwanag ko ang paniniwala ko sa doktor, hindi siya nakinig. Pero nakiusap ulit ako sa kaniya. Sinabi ko sa kaniya na handa akong tanggapin ang anumang magiging resulta ng operasyon na walang pagsasalin ng dugo. ’Buti na lang, pumayag din siya na operahan ako nang walang dugo. Pero may bahagi sa kaliwang binti ko na kailangang putulin.
Pagkatapos ng operasyon, hinang-hina ako. Sa loob ng maraming linggo, inisip ng mga doktor na puwede akong mamatay anumang oras. Nang malaman ng mga magulang ko na naaksidente ako, gumawa sila ng paraan para makakain ako ng isang kutsara ng honey, isang itlog, at kaunting butter araw-araw. Isang hapon, sinabi ng isang nurse na para gumaling ako agad, pinayagan akong kainin ang mga masusustansiyang pagkaing iyon, kaysa sa mga pagkaing natatanggap ko sa bilangguan. Ilalagay ito sa isang ref na malapit sa akin. Pero isang beses lang tinanggap ng receiving officer ang mga ipinadala ng mga magulang ko.
Hindi maikli ang kamay ni Jehova. (Isaias 59:1) Pagkatapos linisin ng mga nurse ang sugat ko, binibigyan nila ako ng baon nilang pagkain. Sila na rin ang bumibili ng masusustansiyang pagkain na kailangan ko. Dahil dito, naalala ko ang ulat sa Bibliya tungkol sa biyuda na hindi naubusan ng langis.—1 Hari 17:14-16.
Unti-unti akong lumakas. Nakatanggap ako ng 107 sulat mula sa mga kapamilya at kaibigan ko, at talagang napatibay ako ng mga ito. Isa-isa kong sinagot ang mga iyon! Nakatanggap din ako ng package mula sa mga kapatid na nasa ibang bilangguan.
Pagkatapos ng dalawang buwan, nakaligo rin ako! At excited na akong bumalik sa bilangguan para makasama ulit ang mga kapatid doon.
Habang inihahanda ng isang doktor ang mga papeles ko para makaalis ako sa ospital, pinapunta niya ako sa office niya at marami siyang itinanong tungkol sa paniniwala ko. Pagkatapos naming mag-usap, sinabi niya na sana makapanindigan ako sa mga paniniwala ko. Iba pala ang dating kapag isang nakaunipormeng pangmilitar ang nagsabi nito sa iyo!
Noong Abril 1984, nang magpapasiya na kung bibigyan ako ng parole, tinanong ako kung magsusundalo ako. Sinabi ko na hindi ko maintindihan ang tanong nila kasi nakasaklay na lang ako at isa na lang ang binti ko. Pero may isa pa silang tanong: “Ano ang gagawin mo kung dalawa pa rin ang binti mo?” Sinabi ko na tatanggi pa rin ako at mananatiling tapat sa Diyos ko. Dahil dito, sinigurado nilang tatapusin ko ang sentensiya ko. Pero pinalaya ako sa bilangguan nang dalawang buwan at 12 araw na mas maaga sa naka-schedule kong paglaya.
Kasama si Mykhailo (sa kanan), pagkalaya ko sa bilangguan
Patuloy na Nagtiwala kay Jehova Pagkalaya sa Bilangguan
Pagkalipas ng isang taon pagkalaya ko, nagkaroon ako ng prosthetic leg. Sa umaga, inaabot ako nang isang oras para isuot iyon. At tuwing taglamig, mas mahirap iyong suotin. Hindi agad umiinit ang natira sa binti ko kasi hindi na maganda ang pag-ikot ng dugo ko rito. Huli akong nakatakbo, mga 19 years old pa ako. Kaya gusto kong makatakbo ulit sa bagong sanlibutan.—Isaias 35:6.
Araw ng kasal namin
Nahirapan akong makahanap ng trabaho kasi walang may gustong tumanggap ng pilay. Pero kahit naka-prosthetic leg ako, hindi ako nagkaroon ng trabaho na nakaupo lang nang matagal. Ilang panahon din akong naging mekaniko. Pagkatapos, nagtrabaho rin ako sa construction.
Noong 1986, napangasawa ko ang isang magandang sister na si Svitlana. Saksi ni Jehova rin ang lolo’t lola niya, tulad ko. Madalas niyang sabihin na masaya siya kasi sa simula pa lang ng pagliligawan namin, nagdesisyon na kaming dalawa na gagawin naming priyoridad si Jehova kapag mag-asawa na kami.
Nagkaroon kami ng dalawang anak, sina Olia at Volodia. Tinulungan nila ako sa pagre-repair ng bahay namin na luma na kaya natuto silang mag-construction. Nang tumanda na sila, tumutulong sila sa mga proyekto ng pagtatayo ng mga Kingdom Hall. Nag-regular pioneer na rin sila. Ngayon, isang construction servant na si Olia, at isa namang elder si Volodia.
Manugang naming lalaki, si Oleg; anak naming babae, si Olia; si Svitlana; ako; manugang naming babae, si Anna; at anak naming lalaki, si Volodia
Talagang sinuportahan ako ni Svitlana kaya nagagawa ko ang mga gawain ko sa kongregasyon. Noong 1990’s, maraming kongregasyon sa Ukraine ang may mahigit 200 mamamahayag pero isa o dalawa lang ang elder. At minsan sa isang buwan tuwing weekend, nagdadala ako ng mga literatura sa mga kongregasyon sa central Ukraine.
Patuloy na Nagtiwala kay Jehova sa Nakaraang mga Taon
Noong 2022, iniwan namin ni Svitlana ang tirahan namin sa Kryvyi Rih. Nasa isang kongregasyon na kami ngayon sa Austria.
Noong bata pa ako, natuto ako sa pagiging kontento ng mga kamag-anak kong Saksi—kahit marami silang problema, masaya sila. Tinutulungan tayo ng Bibliya na makilala at mapalapit sa ating Maylalang. (Santiago 4:8) Ang kaugnayan natin sa Kaniya ang nagbibigay ng layunin sa buhay natin. Talagang napakasaya ko na kahit marami akong kinakaharap na problema at hamon, naibibigay ko pa rin kay Jehova ang kaluwalhatiang para sa kaniya.
Kasama si Svitlana sa Austria
a Si Vladimir Lenin ang nagtatag ng Russian Communist Party at ang unang lider ng Soviet Union.