-
Mga Study Note sa Juan—Kabanata 1Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
ang Kordero ng Diyos: Pagkabautismo kay Jesus at pagkabalik niya mula sa panunukso ng Diyablo, ipinakilala siya ni Juan Bautista bilang “ang Kordero ng Diyos.” Ang ekspresyong ito ay dito lang lumitaw at sa Ju 1:36. (Tingnan ang Ap. A7.) Angkop lang na ihalintulad sa kordero si Jesus. Sa Bibliya, naghahandog ng tupa bilang pagkilala sa kasalanan at para makalapit sa Diyos. Isinasagisag nito ang sakripisyong gagawin ni Jesus kapag ibinigay na niya ang perpektong buhay niya bilang tao alang-alang sa sangkatauhan. Maraming teksto sa Kasulatan ang maaalala sa ekspresyong “Kordero ng Diyos.” Dahil pamilyar si Juan Bautista sa Hebreong Kasulatan, posibleng naisip niya ang isa o higit pa sa mga ito: ang lalaking tupa na inihandog ni Abraham kapalit ng anak niyang si Isaac (Gen 22:13), ang korderong pampaskuwa na pinatay sa Ehipto para sa kaligtasan ng mga aliping Israelita (Exo 12:1-13), o ang batang lalaking tupa na inihahandog sa altar ng Diyos sa Jerusalem bawat umaga at gabi (Exo 29:38-42). Posibleng naisip din ni Juan ang hula ni Isaias, kung saan ang tinatawag ni Jehova na “lingkod ko” ay sinabing ‘dadalhin sa katayan gaya ng isang tupa.’ (Isa 52:13; 53:5, 7, 11) Sa unang liham ni apostol Pablo sa mga taga-Corinto, tinukoy niya si Jesus bilang “ating korderong pampaskuwa.” (1Co 5:7) Sinabi ni apostol Pedro na ang “mahalagang dugo” ni Kristo ay “gaya ng sa isang walang-dungis at walang-batik na kordero.” (1Pe 1:19) At sa aklat ng Apocalipsis, mahigit 25 beses na tinukoy ang niluwalhating si Jesus bilang ang “Kordero.”—Narito ang ilang halimbawa: Apo 5:8; 6:1; 7:9; 12:11; 13:8; 14:1; 15:3; 17:14; 19:7; 21:9; 22:1.
sangkatauhan: O “sanlibutan.” Ang salitang Griego na koʹsmos ay madalas na iniuugnay sa sangkatauhan ng mga sekular na Griegong literatura at gayundin ng Bibliya. Sa kontekstong ito at sa Ju 3:16, ang koʹsmos ay tumutukoy sa buong sangkatauhan na makasalanan, dahil nagmana sila ng kasalanan mula kay Adan.
-