-
Mga Study Note sa Juan—Kabanata 14Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
Ang sinumang nakakita sa akin ay nakakita rin sa Ama: Sa Ju 14:8, lumilitaw na gusto ni Felipe na ipakita ni Jesus sa mga alagad niya ang presensiya ng Diyos, gaya ng nakita noon nina Moises, Elias, at Isaias sa mga pangitain nila. (Exo 24:10; 1Ha 19:9-13; Isa 6:1-5) Sa mga pangitaing iyon, hindi ang mismong Diyos ang nakita nila, kundi mga paglalarawan lang ng kaluwalhatian niya. (Exo 33:17-23; Ju 1:18) Makikita sa sagot ni Jesus na ang nakita ni Felipe ay mas mabuti pa kaysa sa isang pangitain tungkol sa Diyos. Dahil lubusang natularan ni Jesus ang mga katangian ng kaniyang Ama, nang makita ng mga alagad si Jesus, parang nakita na rin nila ang Diyos. (Mat 11:27) Masasabing ‘nakita nila ang Ama’ dahil nalaman nila ang personalidad, kalooban, at layunin ng Diyos sa pamamagitan ng mga sinabi at ginawa ni Jesus. Kaya kapag inilalarawan ng Bibliya si Jesus—ang pagmamahal niya sa mga kaibigan, ang awa na nagpakilos sa kaniya na magpagaling, ang empatiya na naramdaman niya kaya siya naluha, at ang kaniyang husay sa pagtuturo—makikita ng mga mambabasa na iyan din mismo ang sasabihin at gagawin ng kaniyang Ama, si Jehova.—Mat 7:28, 29; Mar 1:40-42; Ju 11:32-36.
-