-
Roma 11:24Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan
-
-
24 Dahil kung ikaw na pinutol mula sa ligáw na punong olibo ay inihugpong sa inaalagaang punong olibo kahit hindi ito karaniwang ginagawa, mas maihuhugpong sila, na likas na mga sanga, sa sarili nilang punong olibo!
-
-
Mga Study Note sa Roma—Kabanata 11Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
inihugpong sa inaalagaang punong olibo kahit hindi ito karaniwang ginagawa: Karaniwan na, mga sanga ng inaalagaang punong olibo ang inihuhugpong ng mga magsasaka sa ligáw na punong olibo. Kaya ang ligáw na punong olibo ay mamumunga ng mas maganda, na halos katulad ng bunga ng punong pinanggalingan ng inihugpong na sanga. Ang paghuhugpong ng mga sanga ng ligáw na puno sa inaalagaang puno ay kabaligtaran ng karaniwang ginagawa, at kadalasan nang hindi maganda ang nagiging bunga ng punong iyon. Pero minsan, ginagawa rin ito ng ilang magsasaka noong unang siglo. (Tingnan sa Media Gallery, “Paghuhugpong ng Sanga ng Olibo.”) Dahil ang ginamit na ilustrasyon ni Pablo ay tungkol sa isang proseso na hindi karaniwang ginagawa noon, lalo niyang naidiin ang punto niya. Ginamit ni Pablo ang inaalagaang punong olibo para ilarawan kung paano natupad ang layunin ng Diyos may kaugnayan sa Abrahamikong tipan. Sa ilustrasyon niya, ang mga supling ni Abraham ay ang mga sanga ng inaalagaang punong olibo. (Ro 11:21) Ang mga Kristiyanong Gentil ay ang mga sanga ng ligáw na punong olibo dahil hindi sila bahagi ng orihinal na bayan ng Diyos, ang Israel, na likas na mga supling ni Abraham at tagapagmana ng Abrahamikong tipan. (Efe 2:12) Pero dahil sa kawalan ng pananampalataya ng ilang Judio—ang likas na mga sanga ng punong olibo—itinakwil sila ng Diyos at “pinutol.” (Ro 11:20) Inihugpong ni Jehova ang mga Gentil para palitan ang di-mabungang mga sanga. (Gal 3:28, 29) Kung paanong namumunga ng maganda ang mga sanga ng ligáw na punong olibo kapag inihugpong ito sa inaalagaang punong olibo, nakikinabang din nang husto ang mga Kristiyanong Gentil sa “mga pagpapala mula sa ugat [lit., “katabaan ng ugat”]” ng inaalagaang punong olibo. Idiniin ng kaayusang ito ang di-sana-nararapat na kabaitan ng Diyos sa mga Kristiyanong Gentil, kaya wala silang dahilan para magmalaki.—Ro 11:17; ihambing ang Mat 3:10; Ju 15:1-10.
inaalagaang punong olibo: Sa terminong Griego na ginamit dito, kal·li·eʹlai·os, ang salita para sa “punong olibo” ay may unlapi na galing sa salitang ka·losʹ. Nangangahulugan itong “mabuti; magandang klase; napakahusay,” na nagpapakitang nagagampanan nito ang inaasahan dito—gaya ng isang punong olibo na inaalagaan para maging mabunga. Sa ilustrasyong ito, ginamit ang dalawang magkaibang puno, ang inaalagaang punong olibo at ang ligáw na punong olibo (a·gri·eʹlai·os; lit., “punong olibo sa parang”) na hindi inaalagaan.
-