-
HebreoTulong sa Pag-aaral ng mga Saksi ni Jehova—2019 Edisyon
-
Mga Study Note sa Hebreo—Kabanata 5Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan (Edisyon sa Pag-aaral)
-
-
matigas na pagkain: Tinutukoy dito ni Pablo ang nakakapagpalusog at mas malalalim na katotohanan kung ikukumpara sa “gatas,” o sa pinakasimple at pangunahing mga katotohanang madaling maiintindihan ng mga bagong mánanampalatayá. (Tingnan ang study note sa 1Co 3:2; Heb 5:12.) May mga halimbawa ng “matigas na pagkain” sa liham na ito ni Pablo. Ipinaliwanag niya ang papel ni Jesus bilang “mataas na saserdote gaya ng pagkasaserdote ni Melquisedec,” ang kahigitan ng pagkasaserdote ni Kristo sa mga saserdoteng Levita, at ang iba pang malalalim na paksa.—Heb 5:6, 10, 11; 6:20; 7:11, 15-17.
mga maygulang: O “matitibay ang pananampalataya.”—Tingnan ang study note sa Efe 4:13; Heb 6:1; ihambing ang 1Co 2:6 at tlb.
kakayahang umunawa: Ginagamit kung minsan ang terminong Griegong ito para tumukoy sa literal na mga bahagi ng katawan ng tao na ginagamit para makakita, makarinig, o makalasa. Pero dito, tumutukoy ito sa kakayahan ng maygulang na mga Kristiyano na gamitin ang isip nila para makagawa ng matatalinong desisyon at maingatan ang kaugnayan nila sa Diyos.—Tingnan ang study note sa Fil 1:9, kung saan ang kaugnay nitong salitang Griego ay isinaling “malalim na unawa.”
sinanay: Ang salitang Griego na ginamit dito ni Pablo, gy·mnaʹzo, ay literal na nangangahulugang “magsanay (bilang atleta).” (Tingnan ang study note sa 1Ti 4:7.) Kung paanong puspusang nagsasanay ang mga atleta, kailangan ding magsikap ng mga Hebreong Kristiyano na patuloy na gamitin at hasain ang kanilang “kakayahang umunawa.” Kailangan nilang pag-aralan ang mga prinsipyo sa Kasulatan. (2Ti 3:16, 17) At kung ginagamit nila ang kanilang kakayahang umunawa, o isinasabuhay ang mga natututuhan nila, masasanay nila ang kakayahan nila at magiging “maygulang” sila.
makilala ang tama at mali: Ipinakita ni Pablo na kailangang magsikap ng mga Hebreong Kristiyano para maging maygulang. (Heb 5:11-13) Kapag nasanay nilang mabuti ang kanilang “kakayahang umunawa,” hindi sila madadaya at makakagawa sila ng mga desisyong kaayon ng mga pamantayan ng Diyos. Bilang maygulang na mga Kristiyano, mas madali nilang makikita ang pagkakaiba ng tama at maling turo o paggawi.—Ro 16:19; 1Co 14:20.
-