Miyerkules, Oktubre 29
Pupurihin ko si Jehova; pupurihin ng buong pagkatao ko ang kaniyang banal na pangalan.—Awit 103:1.
Gusto ng mga taong nagmamahal kay Jehova na purihin ang pangalan niya nang buong puso. Alam ni Haring David na kapag pinupuri niya ang pangalan ni Jehova, si Jehova mismo ang pinupuri niya. Kapag naririnig natin ang pangalan ni Jehova, naiisip natin ang magaganda niyang katangian at mga ginawa. Gusto ni David na purihin at pabanalin ang pangalan ng kaniyang Ama. Gusto niyang gawin iyon nang “buong pagkatao” niya—ibig sabihin, nang buong puso. Nanguna rin ang mga Levita sa pagpuri kay Jehova. Mapagpakumbaba sila, at inamin nila na hindi sapat ang mga salitang sinabi nila para mapapurihan ang banal na pangalan niya. (Neh. 9:5) Dahil sa ganiyang mga papuri, siguradong napasaya nila si Jehova. w24.02 9 ¶6
Huwebes, Oktubre 30
Anumang antas ng pagsulong ang naabot na natin, patuloy tayong lumakad nang maayos sa gayong landasin.—Fil. 3:16.
Hindi iisipin ni Jehova na bigo ka dahil hindi mo naabot ang goal na hindi posible para sa iyo. (2 Cor. 8:12) Tingnan ang puwedeng matutuhan. Isipin ang mga naabot mo na. Sinasabi ng Bibliya na “matuwid ang Diyos, kaya hindi niya lilimutin ang mga ginawa [mo].” (Heb. 6:10) Kaya huwag mo ring kalimutan ang mga iyon. Isipin ang mga goal na naabot mo na—maging mas malapít kay Jehova, sabihin sa iba ang tungkol sa kaniya, o pagpapabautismo. Kung nakagawa ka na noon ng pagsulong at nakaabot ng mga goal, makakaya mo ring abutin ang goal mo ngayon. Sa tulong ni Jehova, maaabot mo ang goal mo. Kaya mag-e-enjoy ka rin habang nakikita mo kung paano ka tinutulungan at pinagpapala ni Jehova habang inaabot mo ang goal mo. (2 Cor. 4:7) Kung hindi ka susuko, marami kang tatanggaping pagpapala.—Gal. 6:9. w23.05 31 ¶16-18
Biyernes, Oktubre 31
Mahal kayo ng Ama, dahil minahal ninyo ako at naniwala kayo na dumating ako bilang kinatawan ng Diyos.—Juan 16:27.
Gustong-gustong ipakita ni Jehova sa mga lingkod niya na mahal niya sila at natutuwa siya sa kanila. Sa Bibliya, dalawang beses sinabi ni Jehova kay Jesus na siya ang Kaniyang anak na minamahal at kinalulugdan. (Mat. 3:17; 17:5) Gusto mo bang marinig na sinasabi rin iyan ni Jehova sa iyo? Hindi direktang nakikipag-usap sa atin si Jehova mula sa langit; ginagamit niya ang Bibliya. Kapag binasa natin ang sinabi ni Jesus sa mga Ebanghelyo, para na rin nating naririnig na sinasabi sa atin iyon ni Jehova. Perpektong natularan ni Jesus ang mga katangian ng kaniyang Ama. Kaya kapag nabasa natin na sinabi ni Jesus sa di-perpekto pero tapat na mga tagasunod niya na natutuwa siya sa kanila, puwede nating isipin na sinasabi sa atin iyon ni Jehova. (Juan 15:9, 15) Kapag nakakaranas tayo ng mga problema, ibig bang sabihin nito, ayaw na sa atin ng Diyos? Hindi. Ang totoo, pagkakataon ito para mapatunayan natin kay Jehova kung gaano natin siya kamahal at na talagang nagtitiwala tayo sa kaniya.—Sant. 1:12. w24.03 28 ¶10-11