Sabado, Hulyo 26
Tularan ninyo ang Diyos, bilang minamahal na mga anak.—Efe. 5:1.
Sa ngayon, mapapasaya natin si Jehova kapag sinasabi natin sa iba kung gaano natin siya kamahal. Kapag nangangaral tayo, tunguhin natin na tulungan ang iba na mapalapit kay Jehova at mahalin din nila siya gaya natin. (Sant. 4:8) Gustong-gusto nating ipakita sa kanila ang sinasabi ng Bibliya tungkol kay Jehova—kung paano siya nagpapakita ng pag-ibig, katarungan, karunungan, kapangyarihan, at iba pang magagandang katangian. Napapapurihan at napapasaya rin natin si Jehova kapag sinisikap nating tularan siya. Kapag ginawa natin iyan, baka mapansin ng mga tao na naiiba tayo sa masamang sanlibutang ito at mapaisip sila kung bakit. (Mat. 5:14-16) Kapag nakikipag-usap tayo sa iba, puwede nating ipaliwanag sa kanila kung bakit naiiba ang pamumuhay natin. Dahil diyan, napapalapit sa kaniya ang mga tapat-puso. Kapag pinupuri natin si Jehova sa ganiyang mga paraan, napapasaya natin siya.—1 Tim. 2:3, 4. w24.02 10 ¶7
Linggo, Hulyo 27
[Dapat] magawa niyang magpatibay . . . at sumaway.—Tito 1:9.
Para maging maygulang, kailangan mong matuto ng kapaki-pakinabang na mga kakayahan. Tutulong iyan sa iyo na magampanan ang mga responsibilidad na ibibigay sa iyo sa kongregasyon. Tutulong din iyan para magkaroon ka ng trabaho na susuporta sa iyo o sa pamilya mo at ng magandang kaugnayan sa iba. Halimbawa, maging mahusay sa pagbabasa at pagsusulat. Sinasabi ng Bibliya na maligaya at matagumpay ang taong nagbabasa ng Salita ng Diyos araw-araw at nagbubulay-bulay dito. (Awit 1:1-3) Kapag binabasa mo ang Bibliya araw-araw, malalaman mo ang kaisipan ni Jehova, at tutulong ito sa iyo na magkaroon ng tamang pananaw sa buhay. (Kaw. 1:3, 4) Kailangan ng mga kapatid ng mahuhusay na brother na magtuturo at magpapayo sa kanila mula sa Bibliya. Kung mahusay kang magbasa at magsulat, makakapaghanda ka ng magaganda at nakakapagpatibay na mga pahayag at komento. Makakapagsulat ka rin ng magagandang punto na makakatulong sa iyo at sa iba. w23.12 26-27 ¶9-11
Lunes, Hulyo 28
Ang kaisa ninyo ay mas dakila kaysa sa kaniya na kaisa ng sanlibutan.—1 Juan 4:4.
Kapag natatakot ka, pag-isipan ang mga gagawin ni Jehova sa hinaharap kapag wala na si Satanas. Ipinakita sa isang pagtatanghal sa panrehiyong kombensiyon noong 2014 ang isang tatay na tinatalakay kung ano ang puwedeng maging laman ng 2 Timoteo 3:1-5 kung hula iyon tungkol sa Paraiso: “Sa bagong sanlibutan ay darating ang pinakamasasayang panahon. Sapagkat ang mga tao ay magiging mga maibigin sa iba, mga maibigin sa espirituwal na kayamanan, mga di-mapagmapuri sa sarili, mga mapagpakumbaba, mga pumupuri sa Diyos, mga masunurin sa mga magulang, mga mapagpasalamat, mga matapat, may masidhing pagmamahal sa kanilang pamilya, mga bukás sa kasunduan, laging nagsasalita ng mabuti ng tungkol sa iba, may pagpipigil sa sarili, mga mahinahon, mga maibigin sa kabutihan, mga mapagkakatiwalaan, mga mapagparaya, mga mababa ang pag-iisip, mga maibigin sa Diyos kaysa maibigin sa kaluguran, na inuudyukan ng tunay na makadiyos na debosyon; at manatili kang malapít sa mga taong ito.” Napag-usapan na ba ninyo bilang pamilya o kasama ng ibang kapatid kung ano ang magiging buhay natin sa bagong sanlibutan? w24.01 6 ¶13-14