Hulyo
Martes, Hulyo 1
Lumibot siya sa lupain habang gumagawa ng mabuti at pinagagaling ang lahat.—Gawa 10:38.
Sa lahat ng sinabi at ginawa ni Jesus, kasama na ang mga himala niya, tinularan niya ang pag-iisip at damdamin ng kaniyang Ama. (Juan 14:9) Ano ang matututuhan natin mula sa mga himala ni Jesus? Mahal na mahal tayo ni Jesus at ng kaniyang Ama. Noong nasa lupa si Jesus, ipinakita niyang mahal niya ang mga tao nang gamitin niya ang kapangyarihan niya para tulungan ang mga nagdurusa. Minsan, humingi ng tulong sa kaniya ang dalawang bulag. (Mat. 20:30-34) Pansinin na “dahil sa awa,” pinagaling sila ni Jesus. Ang pandiwang Griego na isinaling “dahil sa awa” ay tumutukoy sa matinding habag na nadarama sa kaloob-looban ng isang tao. Isa itong kapahayagan ng pag-ibig. Ito rin ang nagpakilos kay Jesus na pakainin ang mga nagugutom at pagalingin ang isang ketongin. (Mat. 15:32; Mar. 1:41) Dahil sa matinding habag ni Jehova at ng kaniyang Anak, makakasigurado tayo na mahal na mahal nila tayo at nasasaktan sila kapag nagdurusa tayo. (Luc. 1:78; 1 Ped. 5:7) Gustong-gusto na nilang alisin ang lahat ng problemang nagpapahirap sa mga tao! w23.04 3 ¶4-5
Miyerkules, Hulyo 2
O kayong umiibig kay Jehova, kapootan ninyo ang kasamaan. Binabantayan niya ang buhay ng mga tapat sa kaniya; inililigtas niya sila mula sa kamay ng masasama.—Awit 97:10.
Gawin ang lahat para hindi tayo mahawa sa mga kaisipan ng sanlibutan ni Satanas. Punuin ng mabubuting bagay ang isip natin. Regular nating basahin at pag-aralan ang Bibliya. Makakatulong din ang pangangaral at pagdalo sa mga pulong. Kapag ginawa natin ang mga iyan, nangangako si Jehova na hindi niya tayo hahayaang matukso nang higit sa matitiis natin. (1 Cor. 10:12, 13) Dahil mahirap ang kalagayan sa mga huling araw na ito, mas kailangan nating manalangin kay Jehova para makapanatiling tapat. Gusto ni Jehova na ‘ibuhos natin sa kaniya ang laman ng puso natin.’ (Awit 62:8) Purihin si Jehova at pasalamatan siya sa lahat ng ginagawa niya. Hilingin sa kaniya na bigyan ka ng lakas ng loob sa ministeryo. Humingi ng tulong para makayanan ang mga problema at malabanan ang tukso. Huwag hayaan na may makapigil sa iyo sa regular na pananalangin kay Jehova. w23.05 7 ¶17-18
Huwebes, Hulyo 3
Isipin natin ang isa’t isa . . . , patibayin natin ang isa’t isa.—Heb. 10:24, 25.
Bakit tayo dumadalo sa mga pulong? Pangunahin na, para purihin si Jehova. (Awit 26:12; 111:1) Dumadalo rin tayo sa mga pulong para patibayin ang isa’t isa sa mahirap na panahong ito. (1 Tes. 5:11) Magagawa nating purihin si Jehova at patibayin ang mga kapatid kapag nagtataas tayo ng kamay at nagkokomento. Pero may mga hamon kapag gusto nating magkomento. Baka kinakabahan tayo. O kaya naman, baka gusto nating magkomento nang maraming beses pero hindi tayo laging natatawag. Ano ang puwede nating gawin? Sinabi ni apostol Pablo na dapat tayong magpokus sa ‘pagpapatibay sa isa’t isa.’ Mababawasan ang kaba natin sa pagkokomento kung tatandaan natin na napapatibay ang iba kahit sa simpleng kapahayagan ng pananampalataya natin. Kung hindi naman tayo madalas matawag, masaya pa rin tayo kasi may pagkakataon ang iba na magkomento.—1 Ped. 3:8. w23.04 20 ¶1-3
Biyernes, Hulyo 4
Magpunta siya sa Jerusalem, . . . at muling itayo ang bahay ni Jehova.—Ezra 1:3.
Magandang balita! Matapos ang mga 70-taóng pagkabihag ng mga Judio sa Babilonya, malaya na silang bumalik sa Israel, ang sarili nilang lupain. (Ezra 1:2-4) Siguradong si Jehova ang nagpangyari nito. Karaniwan na, hindi nagpapalaya ng mga bihag ang mga taga-Babilonya. (Isa. 14:4, 17) Pero bumagsak na ang Babilonya, at sinabi ng bagong tagapamahala na malaya nang bumalik ang mga Judio. Kailangang magdesisyon ngayon ang lahat ng Judio, lalo na ang mga ulo ng pamilya: Aalis ba sila o mananatili sa Babilonya? Hindi madali ang desisyong iyan. Para sa mga may-edad, magiging mahirap ang paglalakbay. At dahil sa Babilonya na ipinanganak ang karamihan sa mga Judio, maninibago sila sa Israel, kung saan tumira ang mga ninuno nila. Isa pa, posibleng may ilang Judio na yumaman sa Babilonya, kaya baka mahirapan silang iwan ang kanilang mga negosyo at komportableng bahay. w23.05 14 ¶1-2
Sabado, Hulyo 5
Maging handa . . . kayo.—Mat. 24:44.
Pinapasigla tayo ng Salita ng Diyos na patuloy na magpakita ng pagtitiis, pagmamalasakit, at pag-ibig. Sinasabi sa Lucas 21:19: “Dahil sa inyong pagtitiis ay maililigtas ninyo ang inyong buhay.” Ayon sa Colosas 3:12: “Magpakita kayo ng tunay na pagmamalasakit.” At sinasabi sa 1 Tesalonica 4:9, 10: “Tinuruan na kayo ng Diyos na mahalin ang isa’t isa. . . . Pero hinihimok namin kayo, mga kapatid, na lalo pa ninyong pagbutihin ang ginagawa ninyo.” Isinulat ang mga tekstong ito para sa mga alagad na nagpakita na ng pagtitiis, pagmamalasakit, at pag-ibig. Pero kailangan pa nilang pasulungin ang mga katangiang iyon. Dapat din nating gawin iyan. At para magawa iyan, pag-isipan kung paano ipinakita ng mga Kristiyano noon ang mga katangiang iyon. Pagkatapos, alamin kung paano mo sila matutularan at kung paano iyon makakatulong sa iyo para maging handa ka sa malaking kapighatian. At kapag nagsimula na ang malaking kapighatian, alam mo na kung paano magtiis at determinado ka nang patuloy na gawin iyon. w23.07 3 ¶4, 8
Linggo, Hulyo 6
Magkakaroon doon ng lansangang-bayan, [ang] Daan ng Kabanalan.—Isa. 35:8.
Kasama man tayo sa mga pinahiran o sa “ibang mga tupa,” kailangan nating manatili sa daang ito. Kasi dinadala tayo nito sa espirituwal na paraiso at sa mga pagpapala ng Kaharian sa hinaharap. (Juan 10:16) Mula 1919 C.E., milyon-milyong lalaki, babae, at mga bata ang lumabas sa Babilonyang Dakila, ang pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon, at naglakbay sa “Daan ng Kabanalan.” Tinanggal ni Jehova ang mga hadlang para sa mga Judio nang umalis sila sa Babilonya. (Isa. 57:14) Kumusta naman ang “Daan ng Kabanalan” sa panahon natin? Daan-daang taon bago 1919, gumamit si Jehova ng tapat na mga lalaki para ihanda ang daan palabas ng Babilonyang Dakila. (Ihambing ang Isaias 40:3.) Pinatag nila ang daan, wika nga, para makalabas sa Babilonyang Dakila ang tapat-pusong mga tao at makapasok sa espirituwal na paraiso, kung saan ibinalik ang dalisay na pagsamba kay Jehova. w23.05 15-16 ¶8-9
Lunes, Hulyo 7
Maglingkod kayo nang masaya kay Jehova. Lumapit kayo sa harap niya at humiyaw sa kagalakan.—Awit 100:2.
Gusto ni Jehova na paglingkuran natin siya nang masaya at buong puso. (2 Cor. 9:7) Kaya dapat pa rin ba tayong magsikap na abutin ang goal natin kung nawala ang determinasyon natin? Tingnan ang halimbawa ni apostol Pablo. Sinabi niya: “Dinidisiplina ko nang husto ang aking katawan at ginagawa itong alipin.” (1 Cor. 9:25-27, tlb.) Pinilit ni Pablo ang sarili niya na gawin ang tama kahit noong mga panahong hindi iyon ang gusto niyang gawin. Tinanggap ba ni Jehova ang paglilingkod ni Pablo? Oo, at pinagpala siya sa mga pagsisikap niya. (2 Tim. 4:7, 8) Masaya din si Jehova kapag nagsisikap tayong abutin ang goal natin kahit na hindi tayo determinadong gawin iyon. Alam niya na kahit hindi natin ganoon kagusto ang ginagawa natin, ginagawa naman natin iyon dahil mahal natin siya. Kung pinagpala ni Jehova si Pablo, pagpapalain din Niya ang mga pagsisikap natin. (Awit 126:5) At kapag nakikita na natin ang mga pagpapala ni Jehova, magiging determinado na ulit tayo. w23.05 29 ¶9-10
Martes, Hulyo 8
[Dumarating ang] araw ni Jehova.—1 Tes. 5:2.
Ikinumpara ni apostol Pablo ang mga hindi makakaligtas sa araw ni Jehova sa mga taong natutulog. Hindi nila alam ang sitwasyon sa paligid nila, at hindi nila namamalayan ang paglipas ng oras. Dahil doon, hindi sila nakakapagbigay-pansin sa mahahalagang pangyayari. Karamihan sa mga tao ngayon ay tulog sa espirituwal. (Roma 11:8) Hindi sila nagbibigay-pansin sa mga ebidensiya na nasa “mga huling araw” na tayo at na malapit na ang malaking kapighatian. (2 Ped. 3:3, 4) Para sa atin, alam natin na lalo tayong dapat manatiling gising habang lumilipas ang mga araw. (1 Tes. 5:6) Kaya kailangan tayong manatiling kalmado at matatag. Bakit? Para hindi tayo masangkot sa mga isyu sa politika o lipunan. Habang papalapit ang araw ni Jehova, mas titindi pa ang pressure na may panigan tayo sa ganitong mga isyu. Pero hindi tayo dapat mag-alala. Matutulungan tayo ng espiritu ng Diyos na maging kalmado at matatag para makagawa ng tamang mga desisyon.—Luc. 12:11, 12. w23.06 9-10 ¶6-7
Miyerkules, Hulyo 9
Kataas-taasang Panginoong Jehova, pakisuyo, alalahanin mo ako, at palakasin mo ako.—Huk. 16:28.
Ano ang naiisip mo kapag narinig mo ang pangalang Samson? Baka nai-imagine mo ang isang napakalakas na lalaki. Totoo iyan. Pero may nagawa siyang maling desisyon na pinagdusahan niya. Kahit na ganoon, nagpokus si Jehova sa katapatan ni Samson at ipinasulat Niya iyon sa Bibliya para makinabang tayo. Ginamit ni Jehova si Samson para tulungan ang bayan Niyang Israel. Daan-daang taon pagkamatay ni Samson, ipinasulat ni Jehova kay apostol Pablo ang pangalan ni Samson sa listahan ng mga taong may malaking pananampalataya. (Heb. 11:32-34) Mapapatibay tayo sa halimbawa ni Samson. Umasa siya kay Jehova, kahit sa mahihirap na sitwasyon. Mapapatibay at matututo tayo sa halimbawa niya. w23.09 2 ¶1-2
Huwebes, Hulyo 10
Ipaalám ninyo sa Diyos ang lahat ng pakiusap ninyo.—Fil. 4:6.
Mas makakapagtiis tayo kung lagi nating sasabihin kay Jehova ang lahat ng alalahanin natin. (1 Tes. 5:17) Kahit wala kang mabigat na problema ngayon, hinihingi mo ba ang patnubay ni Jehova kapag naiinis ka, nalilito, o hindi mo alam ang gagawin? Kung lagi kang humihingi ng tulong sa Diyos para sa pang-araw-araw na problema mo, hindi ka mag-aalangan na lumapit sa kaniya kapag nagkaroon ka ng mas mabibigat na problema. Makakatiyak ka na alam na alam niya kung kailan at kung paano ka tutulungan. (Awit 27:1, 3) Kung natitiis natin ang mga problema ngayon, malamang na makakayanan din natin ang malaking kapighatian. (Roma 5:3) Bakit? Maraming kapatid ang nagsasabi na sa bawat problemang natitiis nila, lalo silang tumatatag. Dahil sa pagtitiis nila, nadalisay sila at mas tumibay ang pananampalataya nila kay Jehova. Kaya nakakayanan nila ang mga sumunod pang pagsubok.—Sant. 1:2-4. w23.07 3 ¶7-8
Biyernes, Hulyo 11
Magpapakita ako . . . sa iyo ng konsiderasyon.—Gen. 19:21.
Naging makatuwiran din si Jehova dahil mapagpakumbaba siya at makonsiderasyon. Halimbawa, kitang-kita ang kapakumbabaan ni Jehova nang pupuksain na niya ang mga taga-Sodoma. Ginamit ni Jehova ang mga anghel para utusan si Lot na tumakas papunta sa mabundok na rehiyon kasama ang pamilya niya. Takot doon si Lot. Kaya nakiusap siya na pumunta na lang sila sa Zoar, isang maliit na bayan na kasama sa pupuksain ni Jehova. Puwede sanang ipinilit ni Jehova kay Lot na sundin kung ano ang eksaktong iniutos Niya. Pero pinagbigyan niya si Lot, at hindi niya pinuksa ang Zoar. (Gen. 19:18-22) Daan-daang taon pagkatapos nito, nagpakita ng konsiderasyon at awa si Jehova sa mga taga-Nineve. Inatasan niya si propeta Jonas para ihayag na malapit nang puksain ang lunsod at ang masasamang nakatira dito. Pero nang magsisi ang mga Ninevita, naawa si Jehova sa kanila at hindi niya winasak ang Nineve.—Jon. 3:1, 10; 4:10, 11. w23.07 21 ¶5
Sabado, Hulyo 12
Pinatay nila [si Jehoas] . . . Inilibing nila siya . . . , pero hindi sa libingan ng mga hari.—2 Cro. 24:25.
Ano ang natutuhan natin sa nangyari kay Jehoas? Para siyang puno na mababaw ang ugat at nakadepende sa suporta ng isang tukod. Nang mawala ang tukod—si Jehoiada—at umihip na parang hangin ang apostasya, bumagsak si Jehoas. Ipinapakita nito na ang pagkatakot natin sa Diyos ay hindi lang dapat nakadepende sa magandang impluwensiya ng mga kapatid at kapamilya natin. Para manatiling matatag ang espirituwalidad natin, dapat nating patibayin ang pag-ibig at paggalang natin kay Jehova. Kailangan nating regular na mag-aral, magbulay-bulay, at manalangin para magawa iyan. (Jer. 17:7, 8; Col. 2:6, 7) Hindi naman ganoon kalaki ang hinihiling ni Jehova sa atin. Mababasa sa Eclesiastes 12:13 ang kahilingan niya: “Matakot ka sa tunay na Diyos at sundin mo ang mga utos niya, dahil ito ang obligasyon ng tao.” Kung may takot tayo sa Diyos, mananatili tayong tapat kay Jehova anuman ang mangyari. Walang makakasira sa pakikipagkaibigan natin kay Jehova. w23.06 19 ¶17-19
Linggo, Hulyo 13
Tingnan mo! Ginagawa kong bago ang lahat ng bagay.—Apoc. 21:5.
Mababasa sa simula ng talata 5: “Sinabi ng nakaupo sa trono.” (Apoc. 21:5a) Espesyal ang mga salitang ito kasi si Jehova mismo ang nangako nito—hindi isang makapangyarihang anghel at hindi rin ang binuhay-muling si Jesus. At sa aklat ng Apocalipsis, isa ito sa tatlong pagkakataon na nagsalita si Jehova sa pangitain. Dahil si Jehova mismo ang nagsalita, makakapagtiwala rin tayo sa susunod niyang sinabi. Bakit? Kasi “hindi makapagsisinungaling” si Jehova. (Tito 1:2) Kaya talagang makakapagtiwala tayo sa sinasabi ng Apocalipsis 21:5, 6. Pagkatapos, sinabi ng Diyos: “Ginagawa kong bago ang lahat ng bagay.” Ang totoo, sa hinaharap pa ito gagawin ni Jehova. Pero dahil siguradong-sigurado siya na tutuparin niya ang pangako niya, para bang sinasabi niya na ginagawa na niya ito.—Isa. 46:10. w23.11 3-4 ¶7-8
Lunes, Hulyo 14
Lumabas siya at humagulgol.—Mat. 26:75.
May mga kahinaan si apostol Pedro. Tingnan ang ilang halimbawa. Nang sabihin ni Jesus na kailangan siyang magdusa at mamatay para matupad ang hula sa Bibliya, sinaway siya ni Pedro. (Mar. 8:31-33) Paulit-ulit ding nagtalo si Pedro at ang iba pang apostol kung sino ang pinakadakila sa kanila. (Mar. 9:33, 34) At noong gabi bago mamatay si Jesus, bigla na lang tinagpas ni Pedro ang tainga ng isang lalaki. (Juan 18:10) Nang gabi ring iyon, nagpadala si Pedro sa takot nang tatlong beses niyang ikaila si Jesus. (Mar. 14:66-72) Dahil diyan, humagulgol si Pedro. Hindi iniwan ni Jesus ang apostol na ito na pinanghihinaan ng loob. Nang buhaying muli si Jesus, binigyan niya si Pedro ng pagkakataon na patunayang mahal siya nito. Inatasan ni Jesus si Pedro na maglingkod bilang pastol sa mga tupa niya. (Juan 21:15-17) Tinanggap ito ni Pedro. Nasa Jerusalem din siya noong araw ng Pentecostes at kasama sa mga unang pinahiran ng banal na espiritu. w23.09 22 ¶6-7
Martes, Hulyo 15
Pastulan mo ang aking maliliit na tupa.—Juan 21:16.
Sinabi ni apostol Pedro sa mga kapuwa niya elder: “Pastulan ninyo ang kawan ng Diyos.” (1 Ped. 5:1-4) Kung isa kang elder, alam naming mahal mo ang mga kapatid at gusto mo silang pastulan. Pero baka minsan, napaka-busy mo o pagod na pagod ka na kaya pakiramdam mo, hindi mo na kayang gampanan ang atas na ito. Ano ang puwede mong gawin? Sabihin mo kay Jehova ang nararamdaman mo. Isinulat ni Pedro: “Kung ang sinuman ay naglilingkod, maglingkod siya na umaasa sa lakas na ibinibigay ng Diyos.” (1 Ped. 4:11) Baka may problema ang mga kapatid natin na hindi na talaga masosolusyunan sa sistemang ito. Pero tandaan na kayang-kaya silang tulungan ng “punong pastol,” si Jesu-Kristo. Gagawin niya iyan ngayon at sa bagong sanlibutan. Ang gusto lang ni Jehova na gawin ngayon ng mga elder ay mahalin ang mga kapatid, pastulan sila, at maging “halimbawa sa kawan.” w23.09 29-30 ¶13-14
Miyerkules, Hulyo 16
Alam ni Jehova na walang saysay ang mga pangangatuwiran ng marurunong.—1 Cor. 3:20.
Dapat nating iwasan ang kaisipan ng tao. Kung gagayahin natin ang kaisipan ng mga tao ngayon, baka bale-walain na rin natin si Jehova at ang mga pamantayan niya. (1 Cor. 3:19) Madalas na nakakaimpluwensiya sa mga tao ang “karunungan ng sanlibutang ito” para sundin ang mga pagnanasa nila. Naimpluwensiyahan noon ng mga taong imoral at sumasamba sa idolo ang ilang Kristiyano sa Pergamo at Tiatira. Matindi ang ipinayo ni Jesus sa dalawang kongregasyong ito dahil kinunsinti nila ang seksuwal na imoralidad. (Apoc. 2:14, 20) Puwede rin tayong impluwensiyahan ng mga tao na tanggapin ang maling pananaw nila. Baka sabihin ng mga kapamilya at kakilala natin na masyado tayong mahigpit sa pagsunod sa Bibliya at kumbinsihin nila tayo na lumabag dito. Halimbawa, baka sabihin nila na hindi masamang magpadala sa mga pagnanasa natin at na makaluma na ang Bibliya. Minsan, baka maisip natin na hindi ganoon kalinaw ang mga tagubilin ni Jehova. Kaya baka “higitan [natin] ang mga bagay na nasusulat.”—1 Cor. 4:6. w23.07 16 ¶10-11
Huwebes, Hulyo 17
Ang tunay na kaibigan ay nagmamahal sa lahat ng panahon at isang kapatid na maaasahan kapag may problema.—Kaw. 17:17.
Kailangan ni Maria, ang ina ni Jesus, ng lakas. Magdadalang-tao siya kahit wala pa siyang asawa. Hindi pa siya nakapagpalaki ng anak, pero kailangan niyang alagaan ang bata na magiging Mesiyas. At kahit hindi naman siya nakipagtalik, kailangan niyang sabihin kay Jose na buntis siya. Siguradong mahirap iyon! (Luc. 1:26-33) Paano nagkaroon ng lakas si Maria? Humingi siya ng tulong sa iba. Halimbawa, nagtanong siya kay Gabriel ng iba pang detalye tungkol sa atas niya. (Luc. 1:34) Pagkatapos, naglakbay siya papunta sa “mabundok na lugar” ng Juda para dalawin ang kamag-anak niyang si Elisabet. Pinuri ni Elisabet si Maria, at ginamit siya ni Jehova para sabihin kay Maria ang isang nakakapagpatibay na hula tungkol sa magiging anak nito. (Luc. 1:39-45) Sinabi ni Maria na “kumilos [si Jehova] gamit ang malakas niyang bisig.” (Luc. 1:46-51) Ginamit ni Jehova sina Gabriel at Elisabet para palakasin si Maria. w23.10 14-15 ¶10-12
Biyernes, Hulyo 18
Ginawa niya tayong isang kaharian, mga saserdote ng kaniyang Diyos at Ama.—Apoc. 1:6.
Limitadong bilang lang ng mga alagad ni Kristo—144,000—ang pinahiran ng banal na espiritu. Mayroon silang espesyal na kaugnayan kay Jehova. Maglilingkod sila bilang mga saserdote sa langit kasama ni Jesus. (Apoc. 14:1) Ang Banal ng tabernakulo ay lumalarawan sa pagiging inampon nila bilang mga espirituwal na anak ng Diyos habang nasa lupa pa sila. (Roma 8:15-17) Ang Kabanal-banalan naman ng tabernakulo ay lumalarawan sa langit, kung saan nakatira si Jehova. Ang “kurtina” na naghihiwalay sa Banal at Kabanal-banalan ay lumalarawan sa katawang laman ni Jesus na nagsisilbing hadlang sa pagpasok niya sa langit bilang dakilang Mataas na Saserdote sa espirituwal na templo. Nang ihandog ni Jesus ang katawang tao niya para sa sangkatauhan, binuksan niya ang daan para mabuhay sa langit ang lahat ng pinahirang Kristiyano. Kailangan din nilang iwan ang katawang laman nila para matanggap ang gantimpala nila sa langit.—Heb. 10:19, 20; 1 Cor. 15:50. w23.10 28 ¶13
Sabado, Hulyo 19
Kukulangin ako ng oras kung ilalahad ko pa ang tungkol [kay] Gideon.—Heb. 11:32.
Nanatiling kalmado si Gideon nang punahin siya ng mga Efraimita. (Huk. 8:1-3) Hindi siya nagalit. Nagpakita siya ng kapakumbabaan nang pakinggan niya ang mga reklamo nila at mabait na nakipag-usap sa kanila. Dahil doon, kumalma sila. Natutularan ng mga elder si Gideon kapag nakikinig silang mabuti at nananatiling mahinahon kapag may pumupuna sa kanila. (Sant. 3:13) Kapag ginawa nila iyan, makakatulong sila para mapanatili ang kapayapaan sa kongregasyon. Nang purihin si Gideon dahil sa tagumpay nila sa Midian, ibinigay niya ang papuri kay Jehova. (Huk. 8:22, 23) Paano matutularan ng mga elder si Gideon? Dapat nilang ibigay kay Jehova ang papuri sa mga nagagawa nila. (1 Cor. 4:6, 7) Halimbawa, kapag pinuri ang isang elder dahil mahusay siyang magturo, ano ang gagawin niya? Puwede niyang sabihin na dahil iyon sa Salita ng Diyos, kasi doon galing ang mga itinuturo niya, o na mahusay ang pagsasanay ng organisasyon ni Jehova. Puwedeng pag-isipan ng mga elder kung ang paraan ng pagtuturo nila ay nagbibigay ng papuri kay Jehova o sa sarili nila. w23.06 4 ¶7-8
Linggo, Hulyo 20
Ang mga kaisipan ko ay hindi ninyo mga kaisipan.—Isa. 55:8.
Kapag hindi natin nakuha ang ipinanalangin natin, puwede nating pag-isipan, ‘Tama ba ang ipinapanalangin ko?’ Madalas, iniisip natin na alam na natin kung ano ang makakabuti para sa atin. Pero baka hindi naman talaga. Kung solusyon sa isang problema ang ipinapanalangin natin, baka mayroon pang mas magandang solusyon kaysa doon. At baka hindi ayon sa kalooban ni Jehova ang ilan sa mga hiling natin. (1 Juan 5:14) Tingnan ang halimbawa ng mga magulang na ipinanalangin nila kay Jehova na manatili sana sa katotohanan ang anak nila. Mukhang tama naman iyon. Pero hindi tayo pinipilit ni Jehova na maglingkod sa kaniya. Gusto niya na ang bawat isa sa atin, kasama na ang mga anak natin, ang magdesisyon na paglingkuran siya. (Deut. 10:12, 13; 30:19, 20) Pero puwedeng ipanalangin ng mga magulang na tulungan sana sila ni Jehova na maabot ang puso ng anak nila para mahalin nito si Jehova at maging kaibigan niya.—Kaw. 22:6; Efe. 6:4. w23.11 21 ¶5; 23 ¶12
Lunes, Hulyo 21
Patuloy ninyong aliwin ang isa’t isa.—1 Tes. 5:11, tlb.
Bakit mahalaga na aliwin natin ang iba para maipakita na mahal natin sila? Ayon sa isang reperensiya sa Bibliya, ang salitang ginamit ni Pablo para sa “aliwin” ay nangangahulugang “pagtindig sa tabi ng isang tao upang patibaying-loob siya kapag siya’y dumaranas ng matinding pagsubok.” Kaya kapag inaaliw natin ang isang kapatid na may problema, natutulungan natin siyang patuloy na maglingkod nang tapat kay Jehova. Naipapakita rin natin sa kaniya na mahal natin siya. (2 Cor. 7:6, 7, 13) Magkaugnay ang awa at ang pagbibigay ng kaaliwan. Paano? Kumikilos ang isang taong maawain para aliwin at tulungan ang mga may problema. Kaya makakaramdam muna tayo ng awa at saka tayo magbibigay ng kaaliwan. Pansinin na iniugnay ni Pablo ang awa ni Jehova sa kaaliwang ibinibigay Niya. Sinabi ni Pablo na si Jehova ay “ang Ama na magiliw at maawain at ang Diyos na nagbibigay ng kaaliwan sa anumang sitwasyon.”—2 Cor. 1:3. w23.11 9-10 ¶8-10
Martes, Hulyo 22
Magsaya . . . habang nagdurusa.—Roma 5:3.
Dapat asahan ng lahat ng tagasunod ni Kristo na makakaranas sila ng pagdurusa. Nakaranas din ng ganiyan si apostol Pablo. Sinabi niya sa mga taga-Tesalonica: “Noong kasama pa namin kayo, sinasabi na namin sa inyo na magdurusa tayo, at . . . iyan nga ang nangyari.” (1 Tes. 3:4) At isinulat niya sa mga taga-Corinto: “Gusto naming malaman ninyo, mga kapatid, ang kapighatiang naranasan namin . . . Inisip naming mamamatay na kami.” (2 Cor. 1:8; 11:23-27) Inaasahan ng mga Kristiyano ngayon na makakaranas din sila ng pagdurusa. (2 Tim. 3:12) Mula nang manampalataya ka at sumunod kay Jesus, tinrato ka na ba nang hindi maganda ng mga kaibigan at kamag-anak mo? Nagkaproblema ka na ba sa trabaho dahil nagsisikap kang maging tapat sa lahat ng bagay? (Heb. 13:18) Pinag-usig ka na ba ng mga nasa awtoridad dahil sa pangangaral mo? Tandaan, anumang pagsubok ang mapaharap sa atin, sinabi ni Pablo na dapat tayong magsaya. w23.12 10-11 ¶9-10
Miyerkules, Hulyo 23
Binigyan ninyo ako ng napakalaking problema!—Gen. 34:30.
Nagkaroon ng maraming problema si Jacob. Nagdala ng kahihiyan sa pamilya at sa pangalan ni Jehova ang dalawang anak ni Jacob, sina Simeon at Levi. Namatay rin ang asawa niyang si Raquel sa ikalawang panganganak nito. At dahil sa matinding taggutom, napilitang lumipat sa Ehipto ang may-edad nang si Jacob. (Gen. 35:16-19; 37:28; 45:9-11, 28) Sa lahat ng ito, hindi nawala ang pananampalataya ni Jacob kay Jehova at sa mga pangako Niya. Dahil dito, ipinakita ni Jehova na sinasang-ayunan niya si Jacob. Halimbawa, pinagpala siya ni Jehova ng maraming pag-aari. At laking pasasalamat ni Jacob kay Jehova nang makasama niya ulit ang anak niyang si Jose, na inaakala niyang matagal nang patay! Dahil malapít si Jacob kay Jehova, nakayanan niya ang lahat ng problema. (Gen. 30:43; 32:9, 10; 46:28-30) Kung mananatili tayong malapít kay Jehova, makakayanan din natin ang di-inaasahang mga problema. w23.04 15 ¶6-7
Huwebes, Hulyo 24
Si Jehova ang aking Pastol. Hindi ako magkukulang ng anuman.—Awit 23:1.
Si David ang sumulat ng Awit 23. Makikita dito na nagtitiwala siyang mahal siya at pinapangalagaan ni Jehova. Makikita rin sa awit na ito ang malapit na kaugnayan niya sa kaniyang Pastol, si Jehova. Panatag si David na magpaakay kay Jehova, at talagang umaasa siya sa Kaniya. Alam ni David na araw-araw, ipapakita ni Jehova sa kaniya ang pag-ibig niya. Bakit ganoon kasigurado si David? Naramdaman iyan ni David dahil laging inilalaan ni Jehova ang lahat ng kailangan niya. Alam din ni David na kaibigan niya si Jehova at sinasang-ayunan Niya siya. Kaya anuman ang mangyari sa kaniya sa hinaharap, sigurado si David na patuloy siyang papangalagaan ni Jehova. Dahil buo ang tiwala ni David kay Jehova, hindi siya masyadong nag-alala. Naging napakasaya niya at kontento.—Awit 16:11. w24.01 29 ¶12-13
Biyernes, Hulyo 25
Makakasama ninyo ako sa lahat ng araw hanggang sa katapusan ng sistemang ito.—Mat. 28:20.
Mula noong Digmaang Pandaigdig II, mapayapa at malayang nakakapangaral ang bayan ni Jehova sa maraming bansa. Talagang lumawak ang gawaing pangangaral! Sa ngayon, patuloy na nagpapagabay kay Kristo ang mga miyembro ng Lupong Tagapamahala. Tinitiyak nila na ang mga turo at tagubilin na ibinibigay nila sa mga kapatid ay ayon sa pananaw ng Diyos at ni Kristo. Ginagamit nila ang mga tagapangasiwa ng sirkito at elder para ibigay ang mga tagubiling iyon sa mga kongregasyon. Nasa “kanang kamay” ni Kristo ang mga inatasang elder. (Apoc. 2:1) Pero dahil hindi sila perpekto, nagkakamali pa rin sila. Nagkamali rin noon sina Moises at Josue, pati na ang mga apostol. (Bil. 20:12; Jos. 9:14, 15; Roma 3:23) Pero kahit ganoon, ginagamit pa rin ni Kristo ang tapat na alipin at mga inatasang elder, at patuloy niyang gagawin iyon. Kaya dapat lang na magtiwala tayo sa patnubay na ibinibigay niya gamit ang mga inatasan niyang manguna sa atin. w24.02 23-24 ¶13-14
Sabado, Hulyo 26
Tularan ninyo ang Diyos, bilang minamahal na mga anak.—Efe. 5:1.
Sa ngayon, mapapasaya natin si Jehova kapag sinasabi natin sa iba kung gaano natin siya kamahal. Kapag nangangaral tayo, tunguhin natin na tulungan ang iba na mapalapit kay Jehova at mahalin din nila siya gaya natin. (Sant. 4:8) Gustong-gusto nating ipakita sa kanila ang sinasabi ng Bibliya tungkol kay Jehova—kung paano siya nagpapakita ng pag-ibig, katarungan, karunungan, kapangyarihan, at iba pang magagandang katangian. Napapapurihan at napapasaya rin natin si Jehova kapag sinisikap nating tularan siya. Kapag ginawa natin iyan, baka mapansin ng mga tao na naiiba tayo sa masamang sanlibutang ito at mapaisip sila kung bakit. (Mat. 5:14-16) Kapag nakikipag-usap tayo sa iba, puwede nating ipaliwanag sa kanila kung bakit naiiba ang pamumuhay natin. Dahil diyan, napapalapit sa kaniya ang mga tapat-puso. Kapag pinupuri natin si Jehova sa ganiyang mga paraan, napapasaya natin siya.—1 Tim. 2:3, 4. w24.02 10 ¶7
Linggo, Hulyo 27
[Dapat] magawa niyang magpatibay . . . at sumaway.—Tito 1:9.
Para maging maygulang, kailangan mong matuto ng kapaki-pakinabang na mga kakayahan. Tutulong iyan sa iyo na magampanan ang mga responsibilidad na ibibigay sa iyo sa kongregasyon. Tutulong din iyan para magkaroon ka ng trabaho na susuporta sa iyo o sa pamilya mo at ng magandang kaugnayan sa iba. Halimbawa, maging mahusay sa pagbabasa at pagsusulat. Sinasabi ng Bibliya na maligaya at matagumpay ang taong nagbabasa ng Salita ng Diyos araw-araw at nagbubulay-bulay dito. (Awit 1:1-3) Kapag binabasa mo ang Bibliya araw-araw, malalaman mo ang kaisipan ni Jehova, at tutulong ito sa iyo na magkaroon ng tamang pananaw sa buhay. (Kaw. 1:3, 4) Kailangan ng mga kapatid ng mahuhusay na brother na magtuturo at magpapayo sa kanila mula sa Bibliya. Kung mahusay kang magbasa at magsulat, makakapaghanda ka ng magaganda at nakakapagpatibay na mga pahayag at komento. Makakapagsulat ka rin ng magagandang punto na makakatulong sa iyo at sa iba. w23.12 26-27 ¶9-11
Lunes, Hulyo 28
Ang kaisa ninyo ay mas dakila kaysa sa kaniya na kaisa ng sanlibutan.—1 Juan 4:4.
Kapag natatakot ka, pag-isipan ang mga gagawin ni Jehova sa hinaharap kapag wala na si Satanas. Ipinakita sa isang pagtatanghal sa panrehiyong kombensiyon noong 2014 ang isang tatay na tinatalakay kung ano ang puwedeng maging laman ng 2 Timoteo 3:1-5 kung hula iyon tungkol sa Paraiso: “Sa bagong sanlibutan ay darating ang pinakamasasayang panahon. Sapagkat ang mga tao ay magiging mga maibigin sa iba, mga maibigin sa espirituwal na kayamanan, mga di-mapagmapuri sa sarili, mga mapagpakumbaba, mga pumupuri sa Diyos, mga masunurin sa mga magulang, mga mapagpasalamat, mga matapat, may masidhing pagmamahal sa kanilang pamilya, mga bukás sa kasunduan, laging nagsasalita ng mabuti ng tungkol sa iba, may pagpipigil sa sarili, mga mahinahon, mga maibigin sa kabutihan, mga mapagkakatiwalaan, mga mapagparaya, mga mababa ang pag-iisip, mga maibigin sa Diyos kaysa maibigin sa kaluguran, na inuudyukan ng tunay na makadiyos na debosyon; at manatili kang malapít sa mga taong ito.” Napag-usapan na ba ninyo bilang pamilya o kasama ng ibang kapatid kung ano ang magiging buhay natin sa bagong sanlibutan? w24.01 6 ¶13-14
Martes, Hulyo 29
Nalulugod ako sa iyo.—Luc. 3:22.
Sigurado tayo na natutuwa si Jehova sa bayan niya. Sinasabi sa Bibliya: “Nalulugod si Jehova sa bayan niya.” (Awit 149:4) Pero kung minsan, nasisiraan ng loob ang ilan at baka naitatanong nila, ‘Natutuwa ba talaga sa akin si Jehova?’ Naisip din iyan ng maraming tapat na lingkod ni Jehova noong panahon ng Bibliya. (1 Sam. 1:6-10; Job 29:2, 4; Awit 51:11) Malinaw na makikita sa Bibliya na puwedeng matuwa si Jehova sa di-perpektong mga tao. Paano? Dapat tayong manampalataya kay Jesu-Kristo at magpabautismo. (Juan 3:16) Sa ganitong paraan, ipinapakita natin sa iba na pinagsisihan na natin ang mga kasalanan natin at na nangako tayo sa Diyos na gagawin natin ang kalooban niya. (Gawa 2:38; 3:19) Napakasaya ni Jehova kapag ginagawa natin ang mga ito para maging kaibigan natin siya. Kung gagawin natin ang buong makakaya natin para matupad ang panata natin sa pag-aalay, matutuwa sa atin si Jehova at ituturing niya tayong malapít na kaibigan.—Awit 25:14. w24.03 26 ¶1-2
Miyerkules, Hulyo 30
Hindi namin kayang tumigil sa pagsasalita tungkol sa mga bagay na nakita namin at narinig.—Gawa 4:20.
Matutularan natin ang mga alagad kung patuloy tayong mangangaral kahit pagbawalan tayo ng awtoridad. Makakapagtiwala tayo na tutulungan tayo ni Jehova na maisagawa ang ministeryo natin. Kaya ipanalangin na magkaroon ka ng lakas ng loob at karunungan, at hilingin sa kaniya na tulungan kang maharap ang mga problema. Marami sa atin ang may pinagdadaanan, halimbawa, problema sa kalusugan o emosyon. Mayroon ding namatayan ng mahal sa buhay, may problema sa pamilya, pinag-uusig, o iba pa. Dumagdag pa ang pandemic at mga digmaan na lalong nagpahirap sa atin. Sabihin kay Jehova ang nararamdaman mo. Kausapin mo siya na gaya ng malapít mong kaibigan. Magtiwala kang ‘kikilos siya para sa iyo.’ (Awit 37:3, 5) Kung matiyaga tayo sa pananalangin, ‘makakapagtiis tayo habang nagdurusa.’ (Roma 12:12) Alam ni Jehova ang pinagdadaanan ng mga lingkod niya—“dinirinig niya ang paghingi nila ng tulong.”—Awit 145:18, 19. w23.05 5-6 ¶12-15
Huwebes, Hulyo 31
Patuloy na tiyakin kung ano ang kalugod-lugod sa Panginoon.—Efe. 5:10.
Kapag gagawa tayo ng mahahalagang desisyon, kailangan nating alamin “kung ano ang kalooban ni Jehova” at sundin iyon. (Efe. 5:17) Kung aalamin natin ang mga prinsipyo sa Bibliya na makakatulong sa atin, para na rin nating inaalam kung ano ang kaisipan ng Diyos sa sitwasyon natin. Kapag sinunod natin ang mga iyon, makakagawa tayo ng magagandang desisyon. Gusto ng “isa na masama,” ang kaaway nating si Satanas, na maging sobrang busy tayo sa sanlibutang ito para mawalan tayo ng panahon sa paglilingkod sa Diyos. (1 Juan 5:19) Baka mas magpokus ang isang Kristiyano sa materyal na mga bagay, sekular na edukasyon, o career imbes na sa paglilingkod kay Jehova. Indikasyon iyon na naimpluwensiyahan na siya ng pag-iisip ng sanlibutan. Hindi naman masama ang mga iyon. Pero hindi iyon ang dapat na maging pangunahin sa buhay natin. w24.03 24 ¶16-17