Martes, Hulyo 29
Nalulugod ako sa iyo.—Luc. 3:22.
Sigurado tayo na natutuwa si Jehova sa bayan niya. Sinasabi sa Bibliya: “Nalulugod si Jehova sa bayan niya.” (Awit 149:4) Pero kung minsan, nasisiraan ng loob ang ilan at baka naitatanong nila, ‘Natutuwa ba talaga sa akin si Jehova?’ Naisip din iyan ng maraming tapat na lingkod ni Jehova noong panahon ng Bibliya. (1 Sam. 1:6-10; Job 29:2, 4; Awit 51:11) Malinaw na makikita sa Bibliya na puwedeng matuwa si Jehova sa di-perpektong mga tao. Paano? Dapat tayong manampalataya kay Jesu-Kristo at magpabautismo. (Juan 3:16) Sa ganitong paraan, ipinapakita natin sa iba na pinagsisihan na natin ang mga kasalanan natin at na nangako tayo sa Diyos na gagawin natin ang kalooban niya. (Gawa 2:38; 3:19) Napakasaya ni Jehova kapag ginagawa natin ang mga ito para maging kaibigan natin siya. Kung gagawin natin ang buong makakaya natin para matupad ang panata natin sa pag-aalay, matutuwa sa atin si Jehova at ituturing niya tayong malapít na kaibigan.—Awit 25:14. w24.03 26 ¶1-2
Miyerkules, Hulyo 30
Hindi namin kayang tumigil sa pagsasalita tungkol sa mga bagay na nakita namin at narinig.—Gawa 4:20.
Matutularan natin ang mga alagad kung patuloy tayong mangangaral kahit pagbawalan tayo ng awtoridad. Makakapagtiwala tayo na tutulungan tayo ni Jehova na maisagawa ang ministeryo natin. Kaya ipanalangin na magkaroon ka ng lakas ng loob at karunungan, at hilingin sa kaniya na tulungan kang maharap ang mga problema. Marami sa atin ang may pinagdadaanan, halimbawa, problema sa kalusugan o emosyon. Mayroon ding namatayan ng mahal sa buhay, may problema sa pamilya, pinag-uusig, o iba pa. Dumagdag pa ang pandemic at mga digmaan na lalong nagpahirap sa atin. Sabihin kay Jehova ang nararamdaman mo. Kausapin mo siya na gaya ng malapít mong kaibigan. Magtiwala kang ‘kikilos siya para sa iyo.’ (Awit 37:3, 5) Kung matiyaga tayo sa pananalangin, ‘makakapagtiis tayo habang nagdurusa.’ (Roma 12:12) Alam ni Jehova ang pinagdadaanan ng mga lingkod niya—“dinirinig niya ang paghingi nila ng tulong.”—Awit 145:18, 19. w23.05 5-6 ¶12-15
Huwebes, Hulyo 31
Patuloy na tiyakin kung ano ang kalugod-lugod sa Panginoon.—Efe. 5:10.
Kapag gagawa tayo ng mahahalagang desisyon, kailangan nating alamin “kung ano ang kalooban ni Jehova” at sundin iyon. (Efe. 5:17) Kung aalamin natin ang mga prinsipyo sa Bibliya na makakatulong sa atin, para na rin nating inaalam kung ano ang kaisipan ng Diyos sa sitwasyon natin. Kapag sinunod natin ang mga iyon, makakagawa tayo ng magagandang desisyon. Gusto ng “isa na masama,” ang kaaway nating si Satanas, na maging sobrang busy tayo sa sanlibutang ito para mawalan tayo ng panahon sa paglilingkod sa Diyos. (1 Juan 5:19) Baka mas magpokus ang isang Kristiyano sa materyal na mga bagay, sekular na edukasyon, o career imbes na sa paglilingkod kay Jehova. Indikasyon iyon na naimpluwensiyahan na siya ng pag-iisip ng sanlibutan. Hindi naman masama ang mga iyon. Pero hindi iyon ang dapat na maging pangunahin sa buhay natin. w24.03 24 ¶16-17