Mga Saksi ni Jehova—May Lakas ng Loob sa Harap ng Banta ng Nazi
NG KABALITAAN NG GUMISING! SA ALEMANYA
KILALANG-KILALA ang mga Saksi ni Jehova dahil sa kanilang mahigpit na pagsunod sa Salita ng Diyos, ang Bibliya. Malimit na ito ay nangangailangan ng lakas ng loob, at tiyak na nakaaapekto ito sa kanilang buhay at sa kanilang kaugnayan sa iba.
Halimbawa, malaki ang pagpapahalaga ng mga Saksi sa mga tao mula sa lahat ng uri ng lahi at kultura. Iniibig nila ang Diyos at ang kanilang kapuwa. (Mateo 22:35-40) Sa katunayan, sila’y lubusang sumasang-ayon kay apostol Pedro, na nagsabi: “May katiyakang napag-uunawa ko na ang Diyos ay hindi nagtatangi, kundi sa bawat bansa ang tao na natatakot sa kaniya at gumagawa ng katuwiran ay kaayaaya sa kaniya.”—Gawa 10:34, 35.
Kilala rin sa buong daigdig ang mga Saksi ni Jehova dahil sa kanilang paggalang sa batas, kaayusan, at awtoridad ng pamahalaan. Hindi sila kailanman pinagmulan o pagmumulan ng paghihimagsik. Totoo ito kahit na sila’y pinag-uusig sa ilang lupain dahil naninindigan sila gaya ng mga apostol: “Dapat naming sundin ang Diyos bilang tagapamahala sa halip na mga tao.” (Gawa 5:29; Mateo 24:9) Kasabay nito, kinikilala ng mga Saksi ang karapatan ng iba na sumamba ayon sa idinidikta ng kanilang budhi.
Ang may lakas ng loob na Kristiyanong paninindigan ng mga Saksi ni Jehova sa Alemanya at sa iba pang lupain na sinakop ni Adolf Hitler ay nakaulat sa kasaysayan. Isang mahalagang pangyayari sa Berlin, Alemanya, noong 1933 ang nagpapakita ng kanilang lakas ng loob, ng kanilang pag-ibig sa Diyos at sa kapuwa, at ng kanilang paggalang sa batas, kaayusan, at kalayaan ng relihiyon.
Hindi Nakipagkompromiso kay Hitler
Mahigit na 50 taon na ang nakalipas nang magwakas ang nakapangingilabot na 12-taóng pamamahala ni Hitler na batbat ng pagtatangi sa lahi at pagpaslang. Gayunman, ang rehimeng Nazi na iyon ay lumikha ng mga sugat na pumipighati sa sangkatauhan hanggang sa ngayon.
Kinikilala ng kasaysayan na iilang grupo lamang ang may lakas ng loob na nanindigan at nagsalita laban sa kalupitan ng Nazi. Kabilang sa kanila ang mga Saksi ni Jehova, na inilarawan bilang “isang maliit na pulo ng di-sumusukong [moral na] pakikipaglaban na umiiral sa mismong pusod ng isang nahihintakutang bansa.” Ang kanilang matatag na paninindigan ay pinatunayan ng iginagalang na mga mananalaysay.
Gayunman, ang ilang kritiko, pati na ang ilan na dati’y nakikisama sa mga Saksi ni Jehova, ay nagpaparatang na tinangka ng mga Saksi na makipagkompromiso sa rehimen ni Hitler noong nagsisimula pa lamang ito. Sinasabi nila na nabigo ang mga kinatawan ng Samahang Watch Tower sa pagsisikap na makuha ang pabor ng bagong pamahalaan at na, sa sandaling panahon, itinaguyod nila ang ideolohiya ng mga Nazi na pagtatangi ng lahi, na sa dakong huli ay humantong sa pagpaslang sa anim na milyong Judio.
Ang seryosong mga bintang na ito ay walang anumang katotohanan. Ang sumusunod ay isang tapat na pagsusuri sa mga pangyayaring nasasangkot, batay sa makukuhang mga dokumento at kaugnay na kasaysayan.
Pagbabalik-tanaw
Mahigit nang 100 taon na aktibo ang mga Saksi ni Jehova sa Alemanya. Noong 1933, may mga 25,000 Saksi na sumasamba sa Diyos na Jehova at namamahagi ng literatura sa Bibliya sa buong Alemanya.
Sa kabila ng mga kalayaang ipinagkaloob ng saligang batas ng Alemanya noon, ang mga Saksi ni Jehova ay malimit na naging tudlaan ng mga kampanya ng paninirang-puri, na inilunsad pangunahin na ng mga relihiyosong kaaway. Noon pa mang 1921, ang mga Saksi, na noo’y tinatawag na Ernste Bibelforscher (Masisigasig na Estudyante ng Bibliya), ay inakusahang kasangkot ng mga Judio sa subersibong pulitikal na mga kilusan. Ang mga Estudyante ng Bibliya ay tinaguriang mapanganib na Bolshevik na “hampas-lupang Judio,” bagaman walang naipakitang patotoo sa mga paratang. Nang maglao’y sumulat ang Swekong teologo na si Karl Barth: “Ang paratang na ang mga Saksi ni Jehova ay kasangkot ng mga Komunista ay maaaring dahil lamang sa isang sapilitan o sinasadya pa ngang maling pagkaunawa.”
Isang magasin ng simbahan sa Alemanya ang nagparatang na ang mga Saksi at ang mga Judio ay magkasabuwat sa mga kilusang panghimagsikan. Bilang tugon, ang Abril 15, 1930, edisyon sa Aleman ng The Golden Age (sinundan ng Gumising!) ay nagpahayag: “Wala kaming dahilan upang ituring na isang insulto ang maling paratang na ito—yamang kumbinsido kami na ang Judio ay isang taong kasinghalaga ng isa na tinaguriang Kristiyano; ngunit tinatanggihan namin ang kabulaanang binanggit sa itaas ng pahayagan ng simbahan dahil ang layunin nito ay hamakin ang aming gawain, na para bang isinasagawa ito hindi alang-alang sa Ebanghelyo kundi alang-alang sa mga Judio.”
Kaya naman, sumulat ang propesor sa kasaysayan na si John Weiss: “Ang mga Saksi ay malaya sa makabayang pagtatangi sa lahi ng Aleman at hindi nanimdim sa loob ng maraming siglo dahil sa hindi pagkakakumberte ng mga Judio. Nanghahawakan pa rin ang mga Saksi sa orihinal, kung maituturing man na pagkampi, na Kristiyanong paniniwala na kailangang hikayatin ang lahat ng posibleng makumberte kay Kristo.”
Ano ang Nangyari Nang Humawak ng Kapangyarihan si Hitler?
Noong Enero 30, 1933, si Adolf Hitler ay hinirang na bagong chancellor ng Alemanya. Sa simula ay sinikap ng pamahalaan ni Hitler na ikubli ang marahas at mapagmalabis na katangian nito. Kaya naman, itinuring ng mga Saksi, kasama ng milyun-milyong iba pang Aleman noong pagsisimula ng 1933, ang National Socialist Party bilang ang lehitimong namamahalang awtoridad ng panahong iyon. Umasa ang mga Saksi na matatanto ng pamahalaang National Socialist (Nazi) na ang mapayapa at masunurin-sa-batas na grupong Kristiyanong ito ay hindi isang subersibong banta sa Estado. Hindi ito pahiwatig ng pakikipagkompromiso ng mga simulain sa Bibliya. Gaya sa kalagayan sa ibang lupain, ibig lamang ipabatid ng mga Saksi sa pamahalaang Aleman ang tunay na di-pulitikal na uri ng kanilang relihiyon.
Madaling napansin na ang mga Saksi ni Jehova ay magiging kabilang sa mga unang pupuntiryahin ng malupit na paniniil ng Nazi. Ang mga Saksi ay muli na namang tinagurian na mga kasapakat sa isang umano’y sabuwatang Bolshevik at Judio. Nagsimula ang isang kampanya ng pag-uusig.
Bakit pupukaw ng pagkapoot ng bagong rehimen ang gayong maliit na grupo ng relihiyon? Ipinakita ng mananalaysay na si Brian Dunn ang tatlong pangunahing dahilan: (1) ang dami ng mga bansang nasasaklaw ng mga Saksi, (2) ang kanilang pagsalungat sa pagtatangi ng lahi, at (3) ang kanilang pagiging neutral sa Estado. Dahil sa kanilang maka-Kasulatang pangmalas, tumanggi ang mga Saksing Aleman na sumaludo ng saludong Hitler, suportahan ang National Socialist Party, o nang dakong huli ay makibahagi sa militar na mga gawain ng Nazi.—Exodo 20:4, 5; Isaias 2:4; Juan 17:16.
Bunga nito, ang mga Saksi ay pinagbantaan, pinagtatanong, hinalughog ang kanilang mga bahay, at niligalig ng pulisya at SA (Sturmabteilung, mga storm trooper, o mga Brownshirt ni Hitler). Noong Abril 24, 1933, inagaw at ipinasara ng mga opisyal ang tanggapan ng Watch Tower sa Magdeburg, Alemanya. Pagkatapos ng masusing paghahanap na wala namang nakuhang ebidensiyang makapagdadawit sa mga Saksi at dahil sa ginigipit ng U.S. State Department, isinauli ng pulisya ang ari-arian. Subalit pagsapit ng Mayo 1933, ang mga Saksi ay ipinagbawal sa ilang estadong Aleman.
Kumilos Nang May Lakas ng Loob ang mga Saksi
Sa maagang panahong ito, unti-unting pinababango ni Hitler ang kaniyang pangalan sa publiko bilang isang tagapagtanggol ng Kristiyanismo. Ipinahayag niya ang kaniyang pangako na itaguyod ang relihiyosong kalayaan, anupat nangako na pakikitunguhan nang “may makatuwirang hustisya” ang mga denominasyong Kristiyano. Upang higit na mapaganda ang kaniyang pangalan, nagpakita ang bagong chancellor sa mga simbahan. Noon ay nagpapahayag ng paghanga sa mga nagawa ni Hitler ang maraming tao sa mga bansa na sa dakong huli ay makikipagdigma sa Alemanya.
Palibhasa’y nababahala sa tumitinding mga tensiyon sa Alemanya, si Joseph F. Rutherford, presidente noon ng Samahang Watch Tower, kasama ang tagapamanihala ng tanggapang pansangay sa Alemanya, si Paul Balzereit, ay nagpasiyang maglunsad ng isang kampanya upang ipabatid kay Chancellor Hitler, sa mga opisyal ng pamahalaan, at sa publiko na ang mga Saksi ni Jehova ay hindi isang banta sa mga mamamayang Aleman at sa Estado. Maliwanag na naniniwala si Rutherford na walang nalalaman si Hitler tungkol sa mga atake laban sa mga Saksi ni Jehova o kaya’y maling impormasyon ang sinabi sa kaniya ng mga grupo ng relihiyon tungkol sa mga Saksi.
Kaya naman, nagsaayos ang tanggapan sa Magdeburg ng isang kombensiyon upang magamit ang karapatan ng mga mamamayang Aleman na magpetisyon. Sa loob lamang ng maikling panahon, ang mga Saksi ni Jehova sa buong Alemanya ay inanyayahan sa Wilmersdorfer Tennishallen sa Berlin noong Hunyo 25, 1933. Mga 5,000 delegado ang inaasahan. Sa kabila ng di-kaayaayang kalagayan, mahigit sa 7,000 ang may lakas ng loob na dumalo. Pinagtibay ng mga delegado ang isang resolusyon na pinamagatang “Deklarasyon ng mga Katotohanan.” Inireklamo sa dokumentong ito ang mga paghihigpit sa gawain ng mga Saksi. Nagbigay ito ng maliwanag na pahayag ng kanilang paninindigan at itinanggi ang mga paratang ng makasedisyong pagkakasangkot sa anumang uri ng pulitikal na mga ipinaglalaban. Ipinahayag nito:
“Kami’y buong-kamaliang pinaratangan sa harap ng namamahalang mga kapangyarihan ng pamahalaang ito . . . Buong-galang na hinihiling namin sa mga tagapamahala ng bansa at sa bayan na isaalang-alang nang makatarungan at walang kinikilingang mga kapahayagan ng katotohanang inihaharap dito.”
“Hindi kami nakikipagtalo sa kaninumang tao o relihiyosong mga guro, ngunit kailangan naming itawag pansin ang bagay na kadalasang yaong nag-aangking kumakatawan sa Diyos at kay Kristo Jesus sa katunayan ang siyang umuusig at maling nagpaparatang sa amin sa harap ng mga pamahalaan.”
Kombensiyon ba Para sa Lakas ng Loob o sa Pakikipagkompromiso?
Sinasabi ngayon ng ilan na ang kombensiyon sa Berlin noong 1933 at ang “Deklarasyon ng mga Katotohanan” ay mga pagtatangka sa bahagi ng prominenteng mga Saksi na magpakita ng suporta sa pamahalaang Nazi at sa pagkapoot nito sa mga Judio. Ngunit hindi totoo ang mga iginiit nila. Ang mga ito ay batay sa maling impormasyon at maling pakahulugan sa mga pangyayari.
Halimbawa, inaangkin ng mga kritiko na pinalamutian ng mga Saksi ang Wilmersdorfer Tennishallen ng mga bandilang swastika. Malinaw na ipinakikita ng mga larawang kuha sa kombensiyon noong 1933 na wala silang inilagay na anumang mga swastika sa bulwagan. Pinatutunayan ng mga nakasaksi na walang anumang bandila sa loob.
Gayunman, posible na may mga bandila sa labas ng gusali. Ginamit ng isang tropang pandigma ng Nazi ang bulwagang iyon noong Hunyo 21, ang Miyerkules bago ang kombensiyon. Pagkatapos, isang araw lamang bago ang kombensiyon, pulu-pulutong ng mga kabataan kasama na ang mga pangkat ng SS (Schutzstaffel, dating mga Blackshirt bodyguard ni Hitler), SA, at iba pa ang nagdiwang ng summer solstice sa di-kalayuan. Kaya ang mga Saksing dumating sa kombensiyon noong Linggo ay maaaring sinalubong ng tanawin ng isang gusaling napapalamutian ng mga bandilang swastika.
Kung mayroon mang mga bandilang swastika na nakapalamuti sa labas, sa mga pasilyo, o maging sa loob ng bulwagan, hindi ito gagalawin ng mga Saksi. Kahit ngayon, kapag umuupa ang mga Saksi ni Jehova ng pampublikong mga pasilidad para sa mga pulong at kombensiyon, hindi nila inaalis ang mga pambansang sagisag. Ngunit walang katibayan na ang mga Saksi mismo ay nagsabit ng anumang bandila o sumaludo sila sa mga ito.
Sinasabi pa ng mga kritiko na pinasimulan ng mga Saksi ang kombensiyon sa pamamagitan ng pambansang awit ng Alemanya. Ang totoo, nagsimula ang kombensiyon sa pamamagitan ng “Maluwalhating Pag-asa ng Sion,” ang Awit 64 sa relihiyosong aklat-awitan ng mga Saksi. Ang mga titik ng awit na ito na sinaliwan ng musika ay kinatha ni Joseph Haydn noong 1797. Ang Awit 64 ay nasa aklat-awitan na ng mga Estudyante ng Bibliya mula pa noong 1905. Noong 1922 ay ginamit ng pamahalaang Aleman ang himig ni Haydn sa mga titik ni Hoffmann von Fallersleben bilang kanilang pambansang awit. Gayunpaman, sa ilang pagkakataon ay inaawit pa rin ng mga Estudyante ng Bibliya sa Alemanya ang kanilang Awit 64, gaya rin ng ginagawa ng mga Estudyante ng Bibliya sa ibang mga bansa.
Ang pagkanta ng isang awit tungkol sa Sion ay malayong ituring na isang pagsisikap na pahupain ang galit ng mga Nazi. Sa panggigipit ng mga anti-Semitikong Nazi, inalis ng ibang simbahan ang mga salitang Hebreo gaya ng “Juda,” “Jehova,” at “Sion” mula sa kanilang mga himno at liturhiya. Hindi gayon ang ginawa ng mga Saksi ni Jehova. Kung gayon, tiyak na hindi inaasahan ng mga nagsaayos ng kombensiyon na makuha ang pabor ng pamahalaan sa pamamagitan ng pagkanta ng isang awit na nagbubunyi sa Sion. Malamang, maaaring nag-atubili ang ilang delegado na awitin ang “Maluwalhating Pag-asa ng Sion,” yamang ang himig ng komposisyong ito ni Haydn ay pareho niyaong sa pambansang awit.
Isang Kapahayagan ng Layunin
Yamang nasa pagbabago ang pamahalaan at nagkakagulo sa bansa, ibig ng mga Saksi na gumawa ng maliwanag na kapahayagan ng kanilang paninindigan. Sa pamamagitan ng “Deklarasyon,” mariing itinanggi ng mga Saksi ang mga paratang ng pinansiyal na pagkakasangkot o pulitikal na kaugnayan sa mga Judio. Kaya naman, ipinahayag ng dokumento:
“Buong-kamaliang ipinaparatang ng aming mga kaaway na kami’y tumanggap ng pinansiyal na tulong mula sa mga Judio para sa aming gawain. Malayung-malayo ito sa katotohanan. Hanggang sa mga oras na ito ang mga Judio ay walang iniabuloy ni katiting na salapi para sa aming gawain.”
Sa pagkakabanggit tungkol sa salapi, tinuligsa ng “Deklarasyon” ang mapandayang gawain ng malalaking negosyo. Sinabi nito: “Ang mga komersiyanteng Judio ng Britano-Amerikanong imperyo ang siyang nagtatag at nagsagawa ng Malaking Negosyo bilang paraan ng pagsasamantala at paniniil sa mga tao ng maraming bansa.”
Maliwanag na hindi tinutukoy ng pangungusap na ito ang mga Judio sa pangkalahatan, at nakalulungkot kung naging mali ang pagkakaunawa rito at naging sanhi ito ng anumang hinanakit. Inaangkin ng ilan na may bahagi ang mga Saksi ni Jehova sa pakikipag-alit sa mga Judio na karaniwang itinuturo sa mga simbahang Aleman nang panahong iyon. Ito’y walang anumang katotohanan. Sa pamamagitan ng kanilang literatura at paggawi noong panahon ng Nazi, tinanggihan ng mga Saksi ang mga pananaw na anti-Semitiko at binatikos ang masamang pagtrato ng Nazi sa mga Judio. Tiyak, ang kabaitan nila sa mga Judio na katulad nila ang sinapit sa mga kampong piitan ay naglalaan ng mariing pagpapasinungaling sa maling paratang na ito.
Ipinaliwanag din ng “Deklarasyon” na relihiyoso ang kaurian ng gawain ng mga Saksi, sa pagsasabi: “Ang aming organisasyon ay hindi pulitikal sa anumang diwa. Iginigiit lamang namin ang pagtuturo ng Salita ng Diyos na Jehova sa mga tao.”
Ipinaalaala rin ng “Deklarasyon” sa pamahalaan ang sarili nitong mga pangako. Ang mga Saksi ay nagtataguyod ng ilang matataas na pamantayan, at nagkataon na ang mga ito ay hayagang itinataguyod din ng pamahalaang Aleman. Kabilang dito ang mga simulaing pampamilya at kalayaan ng relihiyon.
Hinggil dito, nakasaad pa rin sa “Deklarasyon”: “Ang isang maingat na pagsusuri sa aming mga aklat at literatura ay magsisiwalat sa bagay na ang mismong matataas na pamantayan na pinanghawakan at ipinahayag ng kasalukuyang pambansang pamahalaan ay nakasaad at inirerekomenda at idiniriin nang husto sa aming mga publikasyon, at magpapakita na titiyakin ng Diyos na Jehova na sa takdang panahon ang matataas na pamantayang ito ay maaabot ng lahat ng taong umiibig sa katuwiran.”
Sa gayon, hindi kailanman nagpahayag ang mga Saksi ng suporta sa Partidong Nazi. Bukod dito, sa paggamit ng kanilang relihiyosong kalayaan, hindi nila binalak na ihinto ang kanilang pangangaral sa madla.—Mateo 24:14; 28:19, 20.
Ayon sa ulat sa 1974 Yearbook of Jehovah’s Witnesses, ang ilang Saksing Aleman ay nasiphayo sa bagay na hindi gaanong maliwanag ang istilo ng pananalita sa “Deklarasyon.” Binantuan kaya ng tagapamanihala ng tanggapang pansangay, si Paul Balzereit, ang mga salita sa dokumento? Hindi, sapagkat ang paghahambing sa mga salita sa Aleman at sa Ingles ay nagpakita na hindi ito totoo. Sa katunayan, ang isang ideya na salungat dito ay batay sa pansariling obserbasyon ng ilan na hindi naman tuwirang nasasangkot sa paghahanda ng “Deklarasyon.” Ang kanilang mga konklusyon ay maaari ring naimpluwensiyahan ng bagay na tinalikuran ni Balzereit ang kaniyang pananampalataya makaraan lamang ng dalawang taon.
Batid na ngayon na isang pagbabawal sa mga Saksi ni Jehova sa Alemanya ang ipinalabas noong Sabado, Hunyo 24, 1933, nang mismong araw bago ang kombensiyon sa Berlin. Nalaman ng mga nagsaayos ng kombensiyon at ng pulisya ang tungkol sa pagbabawal na ito pagkaraan ng ilang araw pa. Dahil sa mga kalagayan ng tensiyon at sa lantarang pagkapoot ng mga opisyal na Nazi, isang pambihirang bagay na naidaos pa ang kombensiyon. Hindi pagmamalabis na sabihing 7,000 Saksi ang may lakas ng loob na nagsapanganib ng kanilang kalayaan sa pamamagitan ng pagdalo sa pagtitipon.
Pagkatapos ng kombensiyon, ang mga Saksi ay namahagi ng 2.1 milyong kopya ng “Deklarasyon.” Ang ilang Saksi ay kaagad na inaresto at dinala sa mga kampo ng sapilitang pagtatrabaho. Sa gayon, lubusang inilantad ng pamahalaang Nazi ang mapaniil at marahas na katangian nito at di-nagtagal ay naglunsad ng isang lubus-lubusang pagsalakay sa maliit na grupong ito ng mga Kristiyano.
Ganito ang isinulat ni Propesor Christine King: “Natuklasan ng mga Nazi na ang malupit na puwersa ay hindi makapipigil sa mga Saksi.” Iyon ay gaya ng ipinahayag ng “Deklarasyon”: “Ang kapangyarihan ng Diyos na Jehova ay kataas-taasan at walang kapangyarihan ang matagumpay na makalalaban sa kaniya.”a
[Talababa]
a Ang espasyo ay hindi nagpapahintulot sa amin na mailaan ang buong dokumentadong impormasyon para sa makasaysayang ulat na ito. Gayunman, ang isang talaan ng kumpletong mga reperensiya ay makukuha kung hihilingin sa mga tagapaglathala. Maaari mo ring masumpungang nakapagtuturo ang panonood ng dokumentaryong videocassette na pinamagatang Jehovah’s Witnesses Stand Firm Against Nazi Assault.
[Mga larawan sa pahina 13]
Aktuwal na mga kuha sa kombensiyon na dinaluhan ng mga Saksi ni Jehova noong 1933 sa Tennishallen