Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g 9/13 p. 14-15
  • Zheng He

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Zheng He
  • Gumising!—2013
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • KAPANGYARIHAN, KALAKALAN, AT BUWIS
  • Talaan ng mga Nilalaman
    Gumising!—2013
  • Nabighani ang Sydney sa Malaking Naglalayag na Bapor
    Gumising!—1988
  • Mga Kabataang Gumagamit ng Internet
    Gumising!—2007
  • Kung Paano Binago ng Lagay ng Panahon ang Kasaysayan
    Gumising!—2011
Iba Pa
Gumising!—2013
g 9/13 p. 14-15

SULYAP SA NAKARAAN

Zheng He

“Natawid namin ang mahigit sandaang libong lia ng napakalawak na katubigan at nakita namin sa karagatan ang gabundok na mga alon na halos humalik sa langit, at natanaw namin ang mga banyagang rehiyon sa malayo . . . habang ang aming mga layag, na nakaladlad na parang mga ulap araw at gabi, ay patuloy na naglalakbay sa landas (na kasimbilis) ng bituin, anupat tinatawid ang malalakas na along iyon na para kaming naglalakad sa pampublikong lansangan.”​—⁠Inskripsiyon noong ikalimang siglo sa Changle, Fujian, Tsina, ng sinabi ni Zheng He.

ANG Tsina ay isang lupain ng malalaking bagay. Ito ang may pinakamalaking populasyon at isa sa pinakamalalaking bansa sa daigdig. Ang mga mamamayan nito ang nagtayo ng Great Wall, isa sa pinakamalalaking konstruksiyon sa kasaysayan. Ang plota ng malalaking barkong ginawa nina Yongle at Xuande, mga emperador ng dinastiyang Ming sa Tsina, ay mas malaki kaysa sa mga plotang nabuo noong sumunod na limang siglo. Ang admiral ng plotang iyon ay isang Muslim mula sa timog-kanlurang Tsina na nagngangalang Zheng He.

KAPANGYARIHAN, KALAKALAN, AT BUWIS

Ayon sa ibang bahagi ng inskripsiyong sinipi sa simula ng artikulong ito, ang misyon ni Zheng He ay “para ipakita ang kapangyarihan . . . (ng imperyo) na gumawa ng mga pagbabago at makitungo nang may kabaitan sa mga tao sa malalayong lugar.” Dahil sa mga paglalayag na iyon, sinabi ng inskripsiyon: “Ang mga bansa na halos di-matanaw at nasa dulo ng daigdig ay naging mga sakop [ng Tsina] . . . Ang mga dayuhan mula sa ibayong dagat . . . ay dumating para humarap [sa korte ng emperador] na may dalang mga mamahaling bagay at regalo.”

Ilang daungang narating ng plota ni Zheng He

Pinagdedebatehan noon ang pakay ng mga emperador ng dinastiyang Ming sa mga paglalayag na iyon. Para sa ilan, si Zheng He ay isang embahador na nagtataguyod ng kultura at pakikipagkaibigan para sa isang makapangyarihan pero mapayapang bansa. Para naman sa iba, ang misyon niya ay may bahid ng pulitika at isang agresibong pananakop sa mga bansa. Oo, si Zheng He ay nagbigay ng napakagagandang regalo at pulitikal na suporta sa mga pinunong tumatanggap sa kaniya, pero nilupig niya at ibinilanggo ang mga ayaw magpasakop at magbigay ng buwis sa emperador ng dinastiyang Ming. Dahil sa mga kahanga-hangang paglalayag ni Zheng He, maraming pinuno mula sa palibot ng Karagatang Indian ang nagpadala ng mga embahador sa Tsina para magbigay-galang sa emperador.

Ang plota ni Zheng He ay may dala ring walang-katulad na mga barnisadong pandekorasyon, porselana, at mga sedang hinabi ng mga manggagawang Ming para ikalakal sa malalayong daungan. Pagbalik ng plota, may dala naman itong mahahalagang bato, ivory, spices, kahoy mula sa tropiko, at iba pang mamahaling bagay na gustung-gusto ng mga Tsino. Nagdala pa nga ito ng giraffe sa Tsina na diumano’y naging usap-usapan doon. Dahil sa pagpapalitang iyon ng mga paninda at mga ideya, nasulyapan ng ibang mga bansa ang kahanga-hangang sibilisasyon ng Tsina noong ika-15 siglo.

Nahinto ang mga kahanga-hangang paglalayag na iyon. Mga ilang dekada lang pagkatapos ng mga paglalayag ni Zheng He, itinigil ng Tsina ang pakikipagkalakalan at pakikipag-ugnayan sa ibang bansa. Iniisip ng bagong emperador at ng kaniyang mga tagapayong Confucianista na hindi nila kailangan ang ibang bansa, kaya naman sinikap nilang ibukod ang Tsina para hindi ito maimpluwensiyahan. Ibinaon nila sa limot ang plotang iyon. Lumilitaw na sinira nila ang mga rekord ng mga paglalakbay nito at maging ang mismong mga barko. Nito lang nalaman ng mga tao, sa loob at labas ng Tsina, ang tungkol sa makasaysayang paglalayag ng napakalaking plota ni Zheng He.

a Ang li ay panukat ng mga Tsino, na ang haba ay nagpabagu-bago sa paglipas ng mga siglo. Sinasabi na noong panahon ni Zheng He, ang isang li ay mga sangkatlo ng isang milya, o kalahati ng isang kilometro.

MAIKLING IMPORMASYON

  • Ang plota ng dinastiyang Ming sa pangunguna ni Zheng He ay nagsagawa ng pitong makasaysayang paglalayag sa pagitan ng 1405 at 1433.

  • Ang plota ay maaaring binubuo ng 200 sasakyang pandagat o higit pa​—⁠mga barkong pandigma, barko ng mga suplay, tangker ng tubig, barkong naghahatid ng mga kabayo, at iba pa. Mahigit 27,000 magdaragat, opisyal ng pamahalaan, sundalo, negosyante, trabahador, at iba pa ang naibiyahe nito.

  • Walang bansang nakabuo ng plotang kagaya ng kay Zheng He bago ang Digmaang Pandaigdig I. Nakarating ang plota ni Zheng He sa Malayong Silangan at sa Karagatang Indian, at maging hanggang sa Silangang Aprika.

  • Tatlo sa mga tauhan ni Zheng He ang gumawa ng kani-kaniyang ulat tungkol sa paglalayag niya na nasaksihan nila mismo.

Mga Treasure Ship ni Zheng He—Gaano Kalaki at Gaano Karami?

Ayon sa mga rekord ng dinastiyang Ming, ang mga barko ni Zheng He ay napakalalaki​—⁠136 na metro ang haba at 56 na metro ang lapad. Para sa mga iskolar, kuwestiyunable ang mga sukat na ito at mahirap tiyakin, dahil imposibleng makapaglayag ang mga barkong yari sa kahoy kung mahigit 90 metro ang haba ng mga ito.

“Ipinahihiwatig lang nito na pinalabis ng mga ulat ang napakalaking sukat ng mga barko,” ang sabi ng isang artikulo. “Ang isang barkong mga 200-250 piye [60-75 m] ay mas kapani-paniwala kaysa sa 450 piye [135 m].” Anuman ang totoo, noong ika-15 siglo, talagang pambihira ang mga sasakyang pandagat na may habang 60 metro, at 62 nito ang nasa plota ni Zheng He!

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share