Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w23 Agosto p. 8-13
  • Pag-aralan ang mga Hula sa Bibliya

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pag-aralan ang mga Hula sa Bibliya
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2023
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • BAKIT DAPAT PAG-ARALAN ANG MGA HULA SA BIBLIYA?
  • PAANO PAG-AARALAN ANG MGA HULA SA BIBLIYA?
  • ANG MGA PAA NA GAWA SA BAKAL AT PUTIK—ANO ANG EPEKTO NITO SA IYO?
  • ANG “HARI NG HILAGA” AT ANG “HARI NG TIMOG”—ANO ANG EPEKTO NILA SA IYO?
  • PATULOY NA MAGBIGAY-PANSIN SA MGA HULA
  • Namamahala Na ang Kaharian!
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2022
  • Ang “Hari ng Hilaga” sa Panahon ng Wakas
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2020
  • Sino ang “Hari ng Hilaga” Ngayon?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2020
  • Magbigay-Pansin sa Makahulang Salita ng Diyos Ukol sa Ating Kaarawan
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2000
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2023
w23 Agosto p. 8-13

ARALING ARTIKULO 34

Pag-aralan ang mga Hula sa Bibliya

“Maiintindihan ito ng mga may kaunawaan.”​—DAN. 12:10.

AWIT BLG. 98 Ang Kasulatan​—Nagmula sa Diyos

NILALAMANa

1. Ano ang makakatulong sa atin para ma-enjoy ang pag-aaral sa mga hula sa Bibliya?

“GUSTONG-GUSTO kong pag-aralan ang mga hula sa Bibliya,” ang sabi ng kabataang brother na si Ben. Ganoon ka rin ba? O iniisip mo na mahirap maintindihan ang mga ito? Baka boring pa nga sa iyo ang pag-aaral sa mga hula. Pero kapag nalaman mo kung bakit isinama iyon ni Jehova sa Salita niya, baka magbago ang isip mo.

2. Ano ang tatalakayin sa artikulong ito?

2 Tatalakayin sa artikulong ito kung bakit dapat nating pag-aralan ang mga hula sa Bibliya. Pero hindi lang iyan. Aalamin din natin kung paano natin pag-aaralan ang mga iyon. At susuriin natin ang dalawang hula sa aklat ng Daniel para malaman kung paano makakatulong sa atin ngayon ang pagkaunawa sa mga ito.

BAKIT DAPAT PAG-ARALAN ANG MGA HULA SA BIBLIYA?

3. Para maintindihan ang mga hula sa Bibliya, ano ang dapat nating gawin?

3 Kailangan nating humingi ng tulong kung gusto nating maintindihan ang mga hula sa Bibliya. Bilang ilustrasyon, isipin na pupunta ka sa isang lugar na hindi pamilyar sa iyo. Pero may kasama kang kaibigan na kabisado ang lugar. Alam niya kung nasaan kayo at kung saan papunta ang bawat daan. Siguradong ipinagpapasalamat mo na sinamahan ka ng kaibigan mo! Ganiyan din si Jehova. Alam niya kung nasaang yugto na tayo ng panahon at kung ano ang mangyayari sa atin sa hinaharap. Kaya para maintindihan ang mga hula sa Bibliya, dapat tayong maging mapagpakumbaba at humingi ng tulong kay Jehova.​—Dan. 2:28; 2 Ped. 1:19, 20.

Isang mag-asawa na nanonood ng video na “Daniel: Nanampalataya Hanggang Wakas.”

Magiging handa tayo sa mga mangyayari sa hinaharap kung pag-aaralan natin ang mga hula sa Bibliya (Tingnan ang parapo 4)

4. Bakit may mga hulang ipinasulat si Jehova sa Salita niya? (Jeremias 29:11) (Tingnan din ang larawan.)

4 Gaya ng isang mabuting magulang, gusto ni Jehova na magkaroon ang mga anak niya ng magandang kinabukasan. (Basahin ang Jeremias 29:11.) Pero ang kaibahan kay Jehova, kaya niyang sabihin kung ano ang eksaktong mangyayari sa hinaharap. Ipinasulat niya ang mga hula sa Salita niya para patiuna nating malaman ang mahahalagang pangyayari. (Isa. 46:10) Ang mga hula sa Bibliya ay regalo sa atin ng Ama natin sa langit. Pero paano tayo makakasigurado na talagang matutupad ang mga ito?

5. Ano ang matututuhan ng mga kabataan kay Max?

5 Sa school, marami ang nagdududa o hindi naniniwala sa Bibliya. Puwedeng makaapekto sa mga kabataang Saksi ang mga sinasabi at ginagawa nila. Ganiyan ang naranasan ng brother na si Max. Sinabi niya, “Noong teenager ako, nagduda ako kung totoo ang relihiyon ng mga magulang ko at kung talagang galing sa Diyos ang Bibliya.” Ano ang ginawa ng mga magulang niya? Sinabi niya, “Kalmado lang sila kahit nag-aalala sila.” Sinagot ng mga magulang ni Max ang mga tanong niya gamit ang Bibliya. Pero may ginawa rin si Max. Sinabi niya, “Ako mismo, pinag-aralan ko ang mga hula sa Bibliya, at ikinuwento ko sa ibang kabataan ang mga natutuhan ko.” Ang resulta? Sinabi ni Max, “Dahil doon, nakumbinsi ako na galing sa Diyos ang Bibliya!”

6. Ano ang kailangan mong gawin kung nagdududa ka, at bakit?

6 Huwag kang makonsensiya kung nagdududa ka sa Bibliya, gaya ng nangyari kay Max. Pero may kailangan kang gawin. Ang pagdududa ay parang kalawang. Kapag pinabayaan ito, unti-unti nitong sisirain ang isang mahalagang bagay. Para maalis ang “kalawang” sa pananampalataya mo, tanungin ang sarili, ‘Naniniwala ba ako sa sinasabi ng Bibliya tungkol sa hinaharap?’ Kung hindi ka sigurado, kailangan mong pag-aralan ang mga hula sa Bibliya na natupad na. Paano mo iyan gagawin?

PAANO PAG-AARALAN ANG MGA HULA SA BIBLIYA?

Pinag-aaralan ng isang sister ang hula tungkol sa hari ng hilaga at hari ng timog sa tulong ng Mayo 2022 na isyu ng “Bantayan.”

Para magkaroon tayo ng tiwala kay Jehova gaya ni Daniel, dapat na maging mapagpakumbaba tayo, pag-aralan natin nang mabuti ang mga hula sa Bibliya, at gawin ito nang may tamang motibo (Tingnan ang parapo 7)

7. Ano ang matututuhan natin kay Daniel tungkol sa pag-aaral sa mga hula? (Daniel 12:10) (Tingnan din ang larawan.)

7 May matututuhan tayo kay Daniel tungkol sa pag-aaral sa mga hula. Pinag-aralan niya ito nang may tamang motibo—para malaman ang katotohanan. Isa pa, mapagpakumbaba si Daniel. Alam niyang tutulungan siya ni Jehova na maintindihan ang mga hula kung mananatili siyang malapít sa Kaniya at kung malinis ang pamumuhay niya. (Dan. 2:27, 28; basahin ang Daniel 12:10.) Napatunayan ni Daniel na mapagpakumbaba siya dahil umasa siya sa tulong ni Jehova. (Dan. 2:18) Bukod diyan, nag-aral nang mabuti si Daniel. Sinaliksik niya ang mga bahagi ng Kasulatan na naisulat na noon. (Jer. 25:11, 12; Dan. 9:2) Paano mo matutularan si Daniel?

8. Bakit ayaw maniwala ng ilan na natutupad ang mga hula sa Bibliya, pero ano ang dapat nating gawin?

8 Magkaroon ng tamang motibo. Bakit mo gustong pag-aralan ang mga hula sa Bibliya? Dahil ba gusto mong malaman ang katotohanan? Kung oo, tutulungan ka ni Jehova. (Juan 4:23, 24; 14:16, 17) Pero ano ang dahilan ng iba? Baka gusto nilang makakita ng ebidensiya na hindi galing sa Diyos ang Bibliya. Kasi kung mapapatunayan nila iyon, puwede na daw silang magdesisyon para sa sarili nila kung ano ang tama at mali. Kaya mahalaga na tama ang motibo natin sa pag-aaral. Bukod diyan, may katangian tayong kailangang ipakita para maintindihan natin ang mga hula sa Bibliya.

9. Anong katangian ang kailangan natin para maintindihan ang mga hula sa Bibliya? Ipaliwanag.

9 Maging mapagpakumbaba. Nangako si Jehova na tutulungan niya ang mga mapagpakumbaba. (Sant. 4:6) Kaya kailangan nating manalangin para tulungan niya tayong maintindihan ang mga hula sa Bibliya. Kailangan din nating tanggapin ang tulong ng instrumentong ginagamit ni Jehova para magbigay sa atin ng espirituwal na pagkain sa tamang panahon. (Luc. 12:42) Diyos ng kaayusan si Jehova, kaya siguradong iisang instrumento lang ang gagamitin niya para tulungan tayong maintindihan ang mga katotohanan sa Salita niya.​—1 Cor. 14:33; Efe. 4:4-6.

10. Ano ang natutuhan mo kay Esther?

10 Mag-aral nang mabuti. Unahin mong pag-aralan ang hula na gusto mo. Iyan ang ginawa ng sister na si Esther. Gusto niyang mas maintindihan ang mga hula tungkol sa pagdating ng Mesiyas. Sinabi niya, “Noong 15 ako, nag-research ako para mapatunayan ko kung talaga bang isinulat ang mga hulang ito bago ang panahon ni Jesus.” Nakumbinsi siya ng mga nabasa niya tungkol sa Dead Sea Scrolls. Sinabi niya: “Isinulat ang ilan sa mga iyon bago ang panahon ni Kristo. Kaya siguradong galing sa Diyos ang mga hula doon.” Sinabi ni Esther, “Minsan, kailangan kong basahin nang ilang beses ang pinag-aaralan ko bago ko ito maintindihan.” Pero masaya siya na ginawa niya iyon. Pagkatapos niyang mapag-aralang mabuti ang ilang hula sa Bibliya, sinabi niya, “Talagang napatunayan ko sa sarili ko na totoo ang sinasabi ng Bibliya!”

11. Bakit dapat na kumbinsido tayo na totoo ang mga sinasabi sa Bibliya?

11 Kapag nakita nating natupad na ang ilang hula sa Salita ng Diyos, lalong tumitibay ang tiwala natin kay Jehova at sa mga tagubilin niya sa atin. Bukod diyan, sinasabi sa mga hula sa Bibliya ang pag-asa natin sa hinaharap. Kaya kapag pinag-aralan natin ang mga iyon, makakapanatili tayong positibo kahit may mga problema tayo. Talakayin natin ngayon ang dalawang hula ni Daniel na natutupad na. Kapag naintindihan natin ang mga ito, makakagawa tayo ng tamang mga desisyon.

ANG MGA PAA NA GAWA SA BAKAL AT PUTIK—ANO ANG EPEKTO NITO SA IYO?

12. Saan lumalarawan ang mga paang ‘bakal na may halong malambot na putik’? (Daniel 2:41-43)

12 Basahin ang Daniel 2:41-43. Sa panaginip ni Haring Nabucodonosor na ipinaliwanag ni Daniel, ang mga paa ng imahen na nakita ng hari ay ‘bakal na may halong malambot na putik.’ Kung ihahambing natin ang hulang ito sa ibang hula na nasa aklat ng Daniel at Apocalipsis, masasabi natin na ang mga paa ay lumalarawan sa alyansa ng Britain at United States (Anglo-Amerika), ang kapangyarihang pandaigdig ngayon. Tungkol dito, sinabi ni Daniel na “ang kaharian ay may bahaging malakas at may bahaging mahina.” Bakit may bahaging mahina? Dahil pinapahina ng karaniwang mga tao, na tinutukoy ng malambot na putik, ang tulad-bakal na lakas nito.b

13. Ano ang matututuhan natin sa hulang ito?

13 May matututuhan tayo sa panaginip na ipinaliwanag ni Daniel, lalo na sa mga paa ng imahen. Una, masasabing makapangyarihan din naman ang Anglo-Amerika. Halimbawa, kasama ito sa mga bansang nanalo sa Digmaang Pandaigdig I at Digmaang Pandaigdig II. Pero dahil di-nagkakasundo ang sariling mga mamamayan nito at kinakalaban pa nga ng ilan ang gobyerno, humina at tuloy-tuloy ang paghina ng kapangyarihang pandaigdig na ito. Ikalawa, ang tambalang ito ang huling kapangyarihang pandaigdig na mamamahala bago wakasan ng Kaharian ng Diyos ang lahat ng kaharian ng tao. Kahit may mga bansang kumakalaban kung minsan sa Anglo-Amerika, hindi nila mapapalitan ang kapangyarihang pandaigdig na ito. Alam natin iyan, kasi ang dudurugin ng “bato,” na lumalarawan sa Kaharian ng Diyos, ay ang mga paa—ang bahagi ng imahen na lumalarawan sa alyansa ng Anglo-Amerika.​—Dan. 2:34, 35, 44, 45.

14. Paano makakatulong ang pagkaunawa sa hula tungkol sa mga paa ng imahen para makagawa tayo ng tamang mga desisyon?

14 Kumbinsido ka ba na totoo ang hula ni Daniel tungkol sa mga paa na gawa sa bakal at putik? Kung oo, may epekto ito sa buhay mo. Hindi ka magpopokus sa pagpapayaman sa isang mundo na malapit nang mapuksa. (Luc. 12:16-21; 1 Juan 2:15-17) Makikita mo rin dito na napakahalaga ng pangangaral at pagtuturo natin. (Mat. 6:33; 28:18-20) Pagkatapos pag-aralan ang hulang ito, tanungin ang sarili, ‘Makikita ba sa mga desisyon ko na kumbinsido ako na malapit nang wakasan ng Kaharian ng Diyos ang lahat ng gobyerno ng tao?’

ANG “HARI NG HILAGA” AT ANG “HARI NG TIMOG”—ANO ANG EPEKTO NILA SA IYO?

15. Sino ang “hari ng hilaga” at ang “hari ng timog” ngayon? (Daniel 11:40)

15 Basahin ang Daniel 11:40. Sa Daniel kabanata 11, may binabanggit na dalawang hari, o politikal na kapangyarihan, na naglalabanan dahil pareho nilang gusto na maging pinakamakapangyarihan sa buong mundo. Kung ikukumpara natin ang hulang ito sa ibang hula sa Bibliya, masasabi natin na ang “hari ng hilaga” ay ang Russia at mga kaalyado nito at na ang “hari ng timog” ay ang Kapangyarihang Pandaigdig ng Anglo-Amerika.c

Collage: 1. Nakaposas ang mag-asawa sa naunang larawan, pero nakatayo silang matatag. Sa background, makikita ang White House ng Russia at ang mapa nito. Sumasalakay ang mga armadong sundalo gamit ang mga warplane, machine gun, at tangke. 2. Nakatayong matatag ang sister sa naunang larawan. Sa background, makikita ang United States Capitol at ang mga mapa ng United Kingdom at United States. Galít na nagpoprotesta ang mga tao habang nakaambang sumalakay ang mga tangke, warship, at warplane.

Titibay ang pananampalataya natin at hindi tayo masyadong mag-aalala kung tatandaan natin na katuparan ng mga hula sa Bibliya ang pag-uusig mula sa “hari ng hilaga” at “hari ng timog” (Tingnan ang parapo 16-18)

16. Paano pinapakitunguhan ng “hari ng hilaga” ang mga lingkod ng Diyos?

16 Direktang pinag-uusig ng “hari ng hilaga” ang mga lingkod ng Diyos na nakatira sa teritoryo nito. May mga Saksi na binugbog at ikinulong dahil sa pananampalataya nila. Pero imbes na matakot ang mga kapatid sa mga ginagawa sa kanila ng “hari ng hilaga,” lalo pang tumibay ang pananampalataya nila. Bakit? Dahil alam nila na ang pag-uusig na nararanasan nila ay katuparan ng hula ni Daniel.d (Dan. 11:41) Gaya nila, tutulong din iyan sa atin para manatili tayong tapat at maging malinaw sa ating isip ang pag-asa natin.

17. Ano ang naging sitwasyon ng mga lingkod ng Diyos na nakatira sa teritoryo ng “hari ng timog”?

17 Noon, direkta ring pinag-usig ng “hari ng timog” ang mga lingkod ni Jehova. Halimbawa, noong Digmaang Pandaigdig I at Digmaang Pandaigdig II, may mga kapatid na ikinulong at may mga anak ng Saksi na pinatalsik sa paaralan dahil sa pagiging neutral. Pero nitong mga nakaraang dekada, ibang klase naman ng mga pagsubok ang napaharap sa mga lingkod ni Jehova doon. Halimbawa, kapag may eleksiyon, baka matukso ang isang kapatid na suportahan ang isang politikal na partido o kandidato. Baka hindi naman siya bumoto; pero sa isip at puso niya, may pinapanigan siya. Kaya napakahalaga na manatili tayong neutral sa politika, hindi lang sa gawa, kundi pati sa isip at puso natin.​—Juan 15:18, 19; 18:36.

18. Ano ang reaksiyon natin sa labanan ng dalawang hari? (Tingnan din ang larawan.)

18 Baka mag-alala ang mga walang pananampalataya sa hula ng Bibliya kapag nakita nila na ‘nakikipagsuwagan’ ang “hari ng timog” sa “hari ng hilaga.” (Dan. 11:40, tlb.) Pareho silang may mga bombang nuklear na kayang ubusin ang lahat ng buhay sa mundo. Pero alam natin na hindi hahayaan ni Jehova na mangyari iyon. (Isa. 45:18) Kaya imbes na mag-alala sa labanan ng “hari ng hilaga” at ng “hari ng timog,” lalo nitong pinapatibay ang pananampalataya natin. Kasi pinapatunayan nito na malapit na ang wakas ng sistemang ito.

PATULOY NA MAGBIGAY-PANSIN SA MGA HULA

19. Ano ang dapat nating tandaan tungkol sa mga hula sa Bibliya?

19 Hindi natin alam kung paano matutupad ang ilang hula sa Bibliya. Kahit si propeta Daniel, hindi naintindihan ang ibig sabihin ng ilan sa mga isinulat niya. (Dan. 12:8, 9) Hindi rin natin lubusang naiintindihan ang kahulugan ng ilang hula. Pero hindi ibig sabihin nito na hindi na iyon matutupad. Makakasigurado tayo na ipapaunawa sa atin ni Jehova ang dapat nating malaman sa tamang panahon, gaya ng ginawa niya noon.​—Amos 3:7.

20. Anong kapana-panabik na mga hula sa Bibliya ang malapit nang matupad, at ano ang dapat na patuloy nating gawin?

20 Magkakaroon ng deklarasyon ng “kapayapaan at katiwasayan.” (1 Tes. 5:3) Pagkatapos, sasalakayin ng mga politikal na kapangyarihan sa mundo ang huwad na relihiyon para puksain ito. (Apoc. 17:16, 17) At saka nila sasalakayin ang bayan ng Diyos. (Ezek. 38:18, 19) Susundan ito ng Armagedon, ang huling digmaan. (Apoc. 16:14, 16) Sigurado tayo na malapit nang mangyari ang mga ito. Kaya patuloy tayong magbigay-pansin sa mga hula sa Bibliya. Kapag ginawa natin iyan at tinulungan din ang iba na magbigay-pansin dito, maipapakita natin na pinapahalagahan natin ang ating mapagmahal na Ama sa langit.

NATATANDAAN MO BA?

  • Bakit dapat nating pag-aralan ang mga hula sa Bibliya?

  • Paano natin dapat pag-aralan ang mga hula sa Bibliya?

  • Ano ang ilan sa mga natupad na hula tungkol sa Kapangyarihang Pandaigdig ng Anglo-Amerika at sa Russia at mga kaalyado nito?

AWIT BLG. 95 Ang Liwanag ay Lalong Nagniningning

a Gaano man kasama ang maging sitwasyon sa mundo, alam nating may magandang kinabukasan na naghihintay sa atin. Bakit? Dahil sa mga natutuhan natin sa mga hula sa Bibliya. Tatalakayin sa artikulong ito ang mga dahilan kung bakit dapat nating pag-aralan ang mga hula sa Bibliya. Pag-uusapan din natin ang dalawang inihula ni Daniel at aalamin kung paano tayo makikinabang kapag naintindihan natin ang mga ito.

b Tingnan ang artikulong “Isinisiwalat ni Jehova ang ‘Kailangang Maganap sa Di-kalaunan’” sa Bantayan, isyu ng Hunyo 15, 2012, par. 7-9.

c Tingnan ang artikulong “Sino ang ‘Hari ng Hilaga’ Ngayon?” sa Bantayan, isyu ng Mayo 2020, par. 3-4.

d Tingnan ang artikulong “Sino ang ‘Hari ng Hilaga’ Ngayon?” sa Bantayan, isyu ng Mayo 2020, par. 7-9.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share