ARALING ARTIKULO 49
Sasagutin Kaya ni Jehova ang mga Panalangin Ko?
“Tatawag kayo at lalapit at mananalangin sa akin, at pakikinggan ko kayo.”—JER. 29:12.
AWIT BLG. 41 Pakinggan Sana ang Aking Dalangin
NILALAMANa
1-2. Bakit posibleng maisip natin na hindi sinasagot ni Jehova ang mga panalangin natin?
“MAGKAROON ka ng masidhing kasiyahan kay Jehova, at ibibigay niya sa iyo ang mga kahilingan ng puso mo.” (Awit 37:4) Napakagandang pangako niyan! Pero dapat ba nating asahan na sasagutin agad ni Jehova ang lahat ng hinihiling natin? Bakit natin naitanong iyan? Tingnan ang ilang halimbawa. Ipinapanalangin ng isang single na sister na makapag-aral siya sa School for Kingdom Evangelizers. Lumipas na ang ilang taon pero hindi pa rin siya natatawagan. Ipinapanalangin ng isang kabataang brother kay Jehova na gumaling ang malala niyang sakit para mas marami siyang magawa sa kongregasyon. Pero hindi bumuti ang kalusugan niya. Ipinapanalangin ng mga magulang na manatili sa katotohanan ang anak nila. Pero iniwan nito si Jehova.
2 Baka may hiniling ka na rin kay Jehova, pero hindi mo nakita na sinagot niya iyon. Kaya baka maisip mo na mga panalangin lang ng iba ang sinasagot ni Jehova, pero hindi ang sa iyo. O baka maisip mo na may nagawa kang mali. Ganiyan ang naramdaman ng sister na si Janice.b Gustong-gusto nilang mag-asawa na makapaglingkod sa Bethel kaya ipinanalangin nila iyon. Sinabi niya, “Akala ko, makakapaglingkod agad kami sa Bethel.” Pero lumipas na ang maraming taon, hindi pa rin sila natatawagan. Sinabi ni Janice: “Lungkot na lungkot ako. Naisip ko na baka may nagawa ako na hindi nagustuhan ni Jehova. Paulit-ulit ko namang ipinanalangin iyon. Kaya bakit hindi niya sinagot?”
3. Ano ang tatalakayin sa artikulong ito?
3 Baka maisip natin kung minsan kung talaga bang nakikinig si Jehova sa mga panalangin natin. Naisip na rin iyan ng ilang tapat na lingkod ng Diyos noon. (Job 30:20; Awit 22:2; Hab. 1:2) Ano ang tutulong sa iyo na magtiwala na talagang pinapakinggan ni Jehova ang mga panalangin mo? (Awit 65:2) Para masagot iyan, kailangan muna nating sagutin ang mga tanong na ito: (1) Ano ang aasahan nating gagawin ni Jehova? (2) Ano ang inaasahan sa atin ni Jehova? (3) Bakit may mga pagkakataon na baka kailangan nating baguhin ang ipinapanalangin natin?
ANO ANG AASAHAN NATING GAGAWIN NI JEHOVA?
4. Ayon sa Jeremias 29:12, ano ang ipinapangako ni Jehova?
4 Nangangako si Jehova na papakinggan niya ang mga panalangin natin. (Basahin ang Jeremias 29:12.) Mahal ng Diyos ang mga tapat na lingkod niya, kaya hindi niya babale-walain ang mga panalangin nila. (Awit 10:17; 37:28) Pero hindi ibig sabihin nito na ibibigay niya ang lahat ng ipinapanalangin natin. Baka nga kailangan pa nating maghintay hanggang sa bagong sanlibutan bago natin matanggap ang ilang hinihiling natin.
5. Ano ang isinasaalang-alang ni Jehova kapag pinapakinggan ang mga panalangin natin? Ipaliwanag.
5 Isinasaalang-alang ni Jehova ang layunin niya kapag pinapakinggan ang mga panalangin natin. (Isa. 55:8, 9) Kasama sa layunin niya na mapuno ang lupa ng mga taong masaya at nagkakaisa sa ilalim ng pamamahala niya. Pero inaangkin ni Satanas na magiging mas masaya ang mga tao kung sila ang mamamahala sa sarili nila. (Gen. 3:1-5) Para mapatunayang sinungaling ang Diyablo, hinayaan ni Jehova na pamahalaan ng mga tao ang sarili nila. Marami sa mga problema natin ngayon ay dahil sa pamamahala ng tao. (Ecles. 8:9) Alam natin na hindi pa aalisin ni Jehova ang lahat ng problemang ito sa ngayon. Kung gagawin niya iyon, baka maisip ng ilan na kayang solusyunan ng mga tao ang mga problema nila at na kaya nilang pamahalaan ang sarili nila.
6. Bakit kailangan nating maging kumbinsido na mapagmahal at makatarungan si Jehova?
6 Baka magkaiba ang paraan ng pagsagot ni Jehova kahit magkapareho ang ipinanalangin. Halimbawa, nang magkaroon ng malalang sakit si Haring Hezekias, nakiusap siya kay Jehova na pagalingin siya. At pinagaling nga siya ni Jehova! (2 Hari 20:1-6) Pero nang makiusap si apostol Pablo kay Jehova na alisin ang “tinik [niya] sa laman,” posibleng isang problema sa kalusugan, hindi iyon inalis ni Jehova. (2 Cor. 12:7-9) Tingnan din ang nangyari sa mga apostol na sina Santiago at Pedro. Pareho silang gustong patayin ni Haring Herodes. Nanalangin ang kongregasyon para kay Pedro at malamang na para kay Santiago rin. Kaya lang, namatay si Santiago, pero iniligtas ng anghel si Pedro. (Gawa 12:1-11) Baka maisip natin, ‘Bakit si Pedro lang ang iniligtas ni Jehova?’ Hindi sinasabi ng Bibliya ang dahilan.c Pero makakasigurado tayo na ang “lahat ng ginagawa [ni Jehova] ay makatarungan.” (Deut. 32:4) At alam natin na parehong mahal ni Jehova sina Pedro at Santiago. (Apoc. 21:14) Kung minsan, hindi sinasagot ni Jehova ang mga panalangin natin sa paraang inaasahan natin. Pero dahil nagtitiwala tayo na mapagmahal at makatarungan si Jehova, hindi natin kinukuwestiyon ang paraan ng pagsagot niya.—Job 33:13.
7. Ano ang sinisikap nating iwasan, at bakit?
7 Sinisikap nating huwag ikumpara ang sitwasyon natin sa iba. Halimbawa, baka may espesipiko tayong hiniling kay Jehova, pero hindi natin iyon nakuha. Pagkatapos, nalaman natin na ipinanalangin din iyon ng iba, at parang sinagot iyon ni Jehova. Naranasan iyan ng sister na si Anna. Ipinanalangin niya na gumaling sa kanser ang asawa niyang si Matthew. May dalawang may-edad na sister na may kanser din. At ipinanalangin din sila ni Anna. Naka-recover ang mga sister, pero namatay si Matthew. Noong una, iniisip ni Anna kung naka-recover ba ang mga sister dahil sa tulong ni Jehova. At kung ganoon, bakit hindi niya tinulungan si Matthew? Siyempre, hindi natin alam kung bakit naka-recover ang dalawang sister. Pero alam natin na may permanenteng solusyon si Jehova sa lahat ng pagdurusa natin, at gustong-gusto na niyang buhaying muli ang mga kaibigan niyang namatay.—Job 14:15.
8. (a) Ayon sa Isaias 43:2, paano tayo sinusuportahan ni Jehova? (b) Paano makakatulong ang panalangin kapag may pinagdadaanan tayong problema? (Tingnan ang video na Matutulungan Ka ng Panalangin na Makayanan ang mga Problema.)
8 Lagi tayong susuportahan ni Jehova. Mapagmahal na Ama si Jehova, kaya ayaw niyang makita na nahihirapan tayo. (Isa. 63:9) Pero hindi niya inaalis ang lahat ng problema natin, na puwedeng itulad sa mga ilog o apoy. (Basahin ang Isaias 43:2.) Pero nangangako siya na tutulungan niya tayo kapag “dumaan” tayo sa mga ito. At hindi niya hahayaan na masira ng mga ito ang kaugnayan natin sa kaniya. Binibigyan din tayo ni Jehova ng banal na espiritu niya para tulungan tayong makapagtiis. (Luc. 11:13; Fil. 4:13) Kaya makakapagtiwala tayo na lagi niyang ibibigay kung ano ang eksaktong kailangan natin para makapagtiis at makapanatiling tapat sa kaniya.d
ANO ANG INAASAHAN SA ATIN NI JEHOVA?
9. Batay sa Santiago 1:6, 7, bakit dapat tayong magtiwala na tutulungan tayo ni Jehova?
9 Inaasahan ni Jehova na magtitiwala tayo sa kaniya. (Heb. 11:6) Minsan, baka parang gabundok ang problema natin. Baka magduda pa nga tayo kung tutulungan tayo ni Jehova. Pero tinitiyak sa atin ng Bibliya na sa tulong ng kapangyarihan ng Diyos, “makaaakyat [tayo] sa pader.” (Awit 18:29) Kaya imbes na magduda tayo, dapat tayong manalangin at magtiwalang sasagutin ni Jehova ang mga panalangin natin.—Basahin ang Santiago 1:6, 7.
10. Magbigay ng halimbawa kung paano tayo puwedeng kumilos ayon sa mga panalangin natin.
10 Inaasahan ni Jehova na kikilos tayo ayon sa mga panalangin natin. Halimbawa, baka ipanalangin ng isang brother kay Jehova na tulungan siyang makapagbakasyon sa trabaho para makadalo sa panrehiyong kombensiyon. Paano iyon posibleng sagutin ni Jehova? Baka bigyan niya ang brother ng lakas ng loob na magpaalam sa boss nito. Pero may kailangan pa ring gawin ang brother. Kailangan niyang pumunta sa boss niya para magpaalam. Baka kailangan niyang paulit-ulit na gawin ito. Baka puwede rin siyang makipagpalitan ng iskedyul sa katrabaho niya. At kung kailangan, baka puwede niyang sabihin na okey lang sa kaniya kung hindi siya susuwelduhan sa bakasyon niya.
11. Bakit dapat nating paulit-ulit na ipanalangin ang mga ipinag-aalala natin?
11 Inaasahan ni Jehova na paulit-ulit nating ipapanalangin ang mga ipinag-aalala natin. (1 Tes. 5:17) Ipinahiwatig ni Jesus na hindi agad sasagutin ang ilan sa mga ipinapanalangin natin. (Luc. 11:9) Kaya huwag sumuko! Manalangin nang marubdob at paulit-ulit. (Luc. 18:1-7) Kapag ginawa natin iyan, ipinapakita natin kay Jehova na talagang mahalaga sa atin ang ipinapanalangin natin at na nagtitiwala tayong kaya niya tayong tulungan.
BAKIT MAY MGA PAGKAKATAON NA BAKA KAILANGAN NATING BAGUHIN ANG IPINAPANALANGIN NATIN?
12. (a) Anong tanong ang puwede nating pag-isipan, at bakit? (b) Paano natin maipapakita na iginagalang natin si Jehova kapag nananalangin tayo? (Tingnan ang kahong “Makikita Ba sa mga Panalangin Ko na Iginagalang Ko si Jehova?”)
12 Kapag hindi natin nakuha ang ipinanalangin natin, puwede nating pag-isipan ang tatlong tanong. Ang una, ‘Tama ba ang ipinapanalangin ko?’ Madalas, iniisip natin na alam na natin kung ano ang makakabuti para sa atin. Pero baka hindi naman talaga. Kung solusyon sa isang problema ang ipinapanalangin natin, baka mayroon pang mas magandang solusyon kaysa doon. At baka hindi ayon sa kalooban ni Jehova ang ilan sa mga hiling natin. (1 Juan 5:14) Tingnan ulit natin ang halimbawa ng mga magulang na binanggit kanina. Ipinanalangin nila kay Jehova na manatili sana sa katotohanan ang anak nila. Mukhang tama naman iyon. Pero hindi tayo pinipilit ni Jehova na maglingkod sa kaniya. Gusto niya na ang bawat isa sa atin, kasama na ang mga anak natin, ang magdesisyon na paglingkuran siya. (Deut. 10:12, 13; 30:19, 20) Pero puwedeng ipanalangin ng mga magulang na tulungan sana sila ni Jehova na maabot ang puso ng anak nila para mahalin nito si Jehova at maging kaibigan niya.—Kaw. 22:6; Efe. 6:4.
13. Ayon sa Hebreo 4:16, kailan tayo tutulungan ni Jehova? Ipaliwanag.
13 Ito naman ang ikalawang tanong, ‘Panahon na ba para sagutin ni Jehova ang panalangin ko?’ Baka pakiramdam natin, kailangang masagot agad ang mga hiling natin. Pero si Jehova ang nakakaalam kung kailan ang tamang panahon. (Basahin ang Hebreo 4:16.) Kapag hindi natin agad nakuha ang hiniling natin, baka isipin natin na ‘Hindi’ ang sagot ni Jehova. Pero baka ang talagang sagot niya, ‘Hindi pa ito ang panahon.’ Halimbawa, balikan natin ang kabataang brother na nanalanging gumaling sana ang sakit niya. Kung gumawa ng himala si Jehova para mapagaling siya, baka sabihin ni Satanas na nagpatuloy lang sa paglilingkod ang brother kasi napagaling ito. (Job 1:9-11; 2:4) Bukod diyan, naitakda na ni Jehova ang panahon kung kailan niya aalisin ang lahat ng sakit. (Isa. 33:24; Apoc. 21:3, 4) Pero bago iyan, hindi natin dapat asahang gagawa ng himala si Jehova para pagalingin tayo. Kaya ang puwedeng hilingin ng brother kay Jehova, bigyan siya ng lakas at ng kapayapaan ng isip para makayanan ang sakit niya at patuloy na makapaglingkod nang tapat.—Awit 29:11.
14. Ano ang matututuhan mo sa nangyari kay Janice?
14 Tingnan ang nangyari kay Janice, na humiling na makapaglingkod sana sila sa Bethel. Lumipas pa ang limang taon bago niya naintindihan ang sagot ni Jehova sa panalangin niya. Sinabi niya: “Ginamit ni Jehova ang panahong iyon para turuan ako at tulungan akong sumulong. Kailangan ko pa kasi na lalong magtiwala sa kaniya. Kailangan ko ring mapasulong ang personal study ko. At kailangan kong matutuhang maging masaya anuman ang atas ko.” Bandang huli, naglingkod silang mag-asawa sa gawaing pansirkito. Sinabi ni Janice: “Sinagot ni Jehova ang mga panalangin ko, pero hindi sa paraang inaasahan ko. Hindi ko agad nakita na maganda ang sagot ni Jehova. Talagang nagpapasalamat ako na nagkaroon ako ng pagkakataong maramdaman ang pag-ibig at kabaitan niya.”
Kung sa tingin mo, hindi sinagot ni Jehova ang panalangin mo, baka puwede mong baguhin ang hinihiling mo (Tingnan ang parapo 15)f
15. Bakit may mga pagkakataon na hindi tayo dapat maging masyadong espesipiko kapag nananalangin? (Tingnan din ang mga larawan.)
15 Ito ang ikatlong tanong, ‘Masyado bang espesipiko ang panalangin ko?’ Maganda na maging espesipiko tayo kapag nananalangin. Pero minsan, baka magandang hindi tayo maging masyadong espesipiko para malaman natin kung ano ang kalooban ni Jehova para sa atin. Isipin ang single na sister na nananalanging makapag-aral siya sa School for Kingdom Evangelizers. Gusto niyang makapag-aral para makapaglingkod siya sa mga lugar na malaki ang pangangailangan. Kaya habang patuloy niyang ipinapanalangin na makapag-aral siya, puwede rin niyang hilingin kay Jehova na tulungan siyang makita kung paano pa niya mapapalawak ang ministeryo niya. (Gawa 16:9, 10) Pagkatapos, puwede niyang itanong sa tagapangasiwa ng sirkito kung may malapit na kongregasyon na kailangan ng mga payunir. Puwede rin siyang sumulat sa tanggapang pansangay at magtanong kung saang mga lugar kailangan ng mas maraming mamamahayag.e
16. Saan tayo makakapagtiwala?
16 Gaya ng natutuhan natin, mapagmahal at makatarungan si Jehova, kaya makakapagtiwala tayo na pinakamabuti para sa atin ang sagot niya sa mga panalangin natin. (Awit 4:3; Isa. 30:18) Baka minsan, hindi iyon ang inaasahan natin. Pero kahit kailan, hindi babale-walain ni Jehova ang mga panalangin natin. Mahal na mahal niya tayo. At hindi niya tayo papabayaan. (Awit 9:10) Kaya “lagi [tayong] magtiwala sa kaniya” at ibuhos natin sa kaniya ang laman ng puso natin sa panalangin.—Awit 62:8.
AWIT BLG. 43 Isang Panalangin ng Pasasalamat
a Sa artikulong ito, makikita natin na laging pinakamabuti para sa atin ang sagot ni Jehova sa mga panalangin natin, dahil mapagmahal at makatarungan siya.
b Binago ang ilang pangalan.
c Tingnan ang artikulong “Nagtitiwala Ka Ba sa Lahat ng Ginagawa ni Jehova?” sa Bantayan, isyu ng Pebrero 2022, par. 3-6.
d Para malaman kung paano pa tayo tinutulungan ni Jehova na makapagtiis, panoorin ang video na Matutulungan Ka ng Panalangin na Makayanan ang mga Problema na nasa jw.org.
e Para malaman kung paano ka makakapaglingkod sa ibang bansa, tingnan ang Organisado Upang Gawin ang Kalooban ni Jehova, kab. 10, par. 6-9.
f LARAWAN: Nananalangin ang dalawang sister bago mag-apply sa School for Kingdom Evangelizers. Isa lang sa kanila ang naimbitahan. Imbes na sobrang madismaya ang sister na hindi naimbitahan, nanalangin siya kay Jehova para tulungan siyang makita kung paano pa niya mapapalawak ang ministeryo niya. Pagkatapos, sumulat siya sa tanggapang pansangay para sabihin na handa siyang maglingkod kung saan malaki ang pangangailangan.