SAGRADONG PAGLILINGKOD
Ministeryo, o gawain, na sagrado, anupat tuwirang nauugnay sa pagsamba ng isa sa Diyos.
Ang terminong Hebreo na ʽa·vadhʹ ay pangunahin nang nangangahulugang “maglingkod” (Gen 14:4; 15:13; 29:15) o “magtrabaho” (Exo 34:21) at isinasalin ding “magsaka.” (Gen 4:12; Deu 28:39) Kapag ginamit naman may kinalaman sa paglilingkod na iniuukol kay Jehova o sa huwad na mga bathala, ang ʽa·vadhʹ ay nagpapahiwatig ng pagsamba, o sagradong paglilingkod. (Exo 10:26; Deu 11:16) Sa katulad na paraan, ang pandiwang Griego na la·treuʹo ay tumutukoy sa paglilingkod. Ginagamit ito may kinalaman sa paglilingkod sa Diyos (Mat 4:10; Luc 1:74; 2:37; 4:8; Gaw 7:7; Ro 1:9; Fil 3:3; 2Ti 1:3; Heb 9:14; 12:28; Apo 7:15; 22:3), gaya ng isinasagawa noon sa santuwaryo o templo (Heb 8:5; 9:9; 10:2; 13:10), at gayundin may kaugnayan sa huwad na pagsamba, sa pag-uukol ng paglilingkod sa mga nilalang. (Gaw 7:42; Ro 1:25) Sa Kristiyanong Griegong Kasulatan, ang pangngalang la·treiʹa ay lumilitaw lamang may kinalaman sa paglilingkod sa Diyos. (Ju 16:2; Ro 9:4; 12:1; Heb 9:1, 6) Naiiba ito sa Griegong di·a·ko·niʹa, na nangangahulugan ding “ministeryo, paglilingkod,” ngunit ginagamit may kaugnayan sa mga bagay na pangkaraniwan at ordinaryo—mga bagay na hindi sagrado.
Ang Diyos na Jehova lamang ang nararapat pag-ukulan ng pagsamba, o sagradong paglilingkod. (Mat 4:10; Luc 4:8) Dahil sa pantanging pakikipagtipan ng mga Judio sa Diyos na Jehova, dapat sana’y sila ang nagkapribilehiyong mag-ukol ng sagradong paglilingkod bilang inianak-sa-espiritung mga anak ng Diyos at mga miyembro ng “isang maharlikang pagkasaserdote.” Ngunit naiwala ito ng karamihan sa kanila dahil hindi sila nanampalataya kay Kristo Jesus. (Ro 9:3-5, 30-33; 1Pe 2:4-10) Tulad ng Pariseong si Saul bago siya naging isang Kristiyano, inakala ng marami na nag-uukol sila ng sagradong paglilingkod sa Diyos noong pinag-uusig nila ang mga tagasunod ni Kristo.—Ju 16:2; Gaw 26:9-11; Gal 1:13, 14.