KALANGITAN
Ang “kalangitan [sa Heb., shaʹchaq; sa Ingles, sky],” ayon sa pagkagamit ng mga manunulat ng Bibliya, ay maaaring tumukoy sa kalawakan ng atmospera na bumabalot sa lupa at kung saan lumulutang ang mga ulap (Isa 45:8), o maaari itong tumukoy sa waring balantok o bobida sa ibabaw ng lupa na asul kapag araw at mabituin kapag gabi. (Aw 89:37) Karaniwan na, maliwanag na ang ibig lamang sabihin ng manunulat ay yaong nasa kaitaasan sa ibabaw ng lupa anupat hindi tinitiyak kung aling aspekto ng “kalangitan” ang nasasangkot.—Aw 57:10; 108:4.
Pinangangalat ng pinung-pinong mga partikula ng alikabok sa atmospera, ng mga molekula ng singaw ng tubig, at, sa paanuman, ng mga molekula ng iba pang mga gas sa atmospera, gaya ng oksiheno, nitroheno, at carbon dioxide, ang mga sinag ng liwanag, anupat ang pínakakalát ay ang asul, na nagiging dahilan naman kung bakit karaniwan nang kulay asul ang kalangitan kapag maaliwalas ito. Ang pinung-pinong mga alikabok ay gumaganap din ng malaking bahagi sa pamumuo ng mga ulap, yamang naiipon sa palibot ng mga partikulang ito ang singaw ng tubig.
Ang salitang Hebreo na shaʹchaq (kalangitan) ay isinasalin ding “manipis na alikabok,” “ulap,” “maulap na kalangitan”; lumilitaw na nagmula ito sa salitang-ugat na nangangahulugang “dikdikin nang pino.” (2Sa 22:43) Tinutukoy ni Jehova ang kaniyang sarili bilang ang isa na ‘pumupukpok sa kalangitan na sintigas ng salaming binubo.’ (Job 37:18) Totoo naman, ang mga partikulang bumubuo sa atmospera ay nasisiksik pababa dahil sa hatak ng grabidad, at ang mga nasa bandang labas ay nasa loob ng takdang mga hanggahan, anupat dahil sa grabidad ay hindi nakatatakas ang mga ito mula sa lupa. (Gen 1:6-8) Ipinaaaninag nila ang liwanag ng araw gaya ng ginagawa ng isang salamin. Dahil dito, ang kalangitan ay nagtitinging maliwanag, samantalang kung walang atmospera ay kaitiman lamang ang makikita ng isang nagmamasid mula sa lupa, anupat ang mga bagay sa kalangitan lalong nagniningning palibhasa’y itim ang nasa likuran ng mga ito, gaya sa kaso ng buwan na walang atmospera. Mula sa malayong kalawakan, nakikita ng mga astronot ang atmospera ng lupa bilang isang nagliliwanag at kumikinang na sinag sa palibot nito.
Gumamit si Jehova ng makasagisag na pananalita nang babalaan niya ang Israel na, kung susuway ito, ang kalangitan sa itaas ay magiging tanso at ang lupa naman sa ibaba ay magiging bakal, at abo at alabok ang magiging ulan sa kanilang lupain. Walang alinlangan na sa ilalim ng gayong mga kalagayan ng kawalang-ulan, ang “nasarhan” at walang-ulap na kalangitan ay mamumula, magiging kulay-tanso, sapagkat ang pagdami ng mga partikula ng alikabok sa atmospera ay magpapangalat sa asul na liwanag anupat pulang liwanag ang magiging mas prominente, kung paanong ang papalubog na araw ay nagtitinging kulay pula dahil mas malalim o mas makapal ang atmospera na kailangang tawirin ng mga sinag ng araw.—Deu 28:23, 24; ihambing ang 1Ha 8:35, kung saan ang “langit” ay ginagamit upang tumukoy sa kalawakan.
Ang isa pang salitang Hebreo na paminsan-minsang isinasalin bilang “kalangitan” ay sha·maʹyim (langit). (Deu 28:23) Sa katulad na paraan, isinasalin ding “kalangitan” ang Griegong ou·ra·nosʹ, sa literal ay “langit.”
Nang umakyat si Jesus patungo sa langit, isang ulap ang kumuha sa kaniya mula sa paningin ng mga alagad. Habang nakatitig sila sa kalangitan, may mga anghel na nagpakita at nagsabi: “Mga lalaki ng Galilea, bakit kayo nakatayo at nakatingin sa kalangitan? Ang Jesus na ito na tinanggap sa kalangitan mula sa inyo ay gayon darating sa katulad na paraan kung paanong nakita ninyo siyang pumaparoon sa kalangitan.” (Gaw 1:9-11, tlb sa Rbi8) Sa diwa, sinabi ng mga anghel sa mga alagad na walang dahilan upang tumitig sila sa kalangitan, na para bang umaasang magpapakita siya roon sa itaas. Sapagkat inagaw na siya ng ulap, at hindi na siya makikita. Ngunit babalik siya sa katulad na paraan, di-nakikita, di-namamasdan ng pisikal na mga mata.
Paminsan-minsan, ang “kalangitan” ay ginagamit kaalinsabay ng “langit.”—Tingnan ang LANGIT.