BEDELIO, SAHING NG
[sa Heb., bedhoʹlach; sa Ingles, bdellium gum].
Isang sahing na mabango at madagta na kahawig ng mira at ginagamit kung minsan na pambanto rito. (Tingnan din ang MIRA, I.) Makukuha ito mula sa isang punungkahoy (Commiphora africana) na matatagpuan sa HK Aprika at sa Arabia at gayundin mula sa isang kauri nito sa HK India. Isa itong genus ng maliliit na punungkahoy o mga palumpong na bansot at matinik ang hitsura at kakaunti ang dahon, anupat tumutubo sa mga lugar na mainit at maaraw. Kapag hiniwaan ang talob nito, may lumalabas na mabango at madagtang katas, o sahing. Matapos alisin ang sahing mula sa punungkahoy, di-katagalan ay tumitigas ito, nagiging parang pagkit at kulay-tubig, at nahahawig sa perlas.
Sa paglalarawan sa lupain ng Havila na napalilibutan ng ilog ng Pison (isa sa apat na sangang-ilog na nanggagaling sa ilog na lumalabas mula sa Eden), binanggit ang mahahalagang bagay na nakukuha roon: ginto, sahing ng bedelio, at batong onix. (Gen 2:11, 12) Sa Bilang 11:7, ang manna na tinipon ng mga Israelita noong panahon ng paglalakbay sa ilang ay sinasabing may “hitsura ng sahing ng bedelio.” Bago nito, ang manna ay inihalintulad sa “nagyelong hamog sa ibabaw ng lupa.” (Exo 16:14) Tumutugma ito sa halos puting kulay ng sahing ng bedelio. Nang talakayin ni Josephus ang tungkol sa paglalaan ng manna, tinukoy niya ang bedelio bilang isang “maanghang na yerba.”—Jewish Antiquities, III, 28 (i, 6).