TAGAPAGPAUNA
[sa Ingles, forerunner].
Ang isa na nagpapauna upang maghanda para sa pagdating ng iba. Maaaring kasama rito ang paggagalugad at paniniktik, paghahawan ng daan, paghahayag at pagbibigay-alam tungkol sa pagdating ng isang iyon, o pagpapakita sa iba ng daan upang makasunod sila. Kadalasan, bagaman hindi sa lahat ng pagkakataon, ang tagapagpauna ay nakabababa kaysa sa isa na dumarating.
Kaugalian noon sa Silangan na magpauna ang mga mananakbo sa maharlikang karo upang ihanda at ianunsiyo ang pagdating ng hari at upang tulungan siya sa iba pang mga bagay. (1Sa 8:11) Bilang paggaya sa gayong maharlikang dignidad at upang magdagdag ng karangalan sa kani-kanilang paghihimagsik at magtinging may pagsang-ayon ang mga ito, naglagay si Absalom at si Adonias ng 50 mananakbo sa unahan ng sarili nilang mga karo.—2Sa 15:1; 1Ha 1:5; tingnan ang MANANAKBO, MGA.
Ang totoo, si Juan na Tagapagbautismo ang tagapagpauna ni Kristo bilang katuparan ng Isaias 40:3 at Malakias 3:1 at 4:5, 6: “May humihiyaw sa ilang: ‘Hawanin ninyo ang daan ni Jehova . . . Tuwirin ninyo . . . ang lansangang-bayan.’” “Isinusugo ko ang aking mensahero, at hahawanin niya ang daan sa harap ko.” Kaya naman dahil sa patiunang paghahayag ni Juan, napukaw ang mga tao na asahan, hanapin, at hintayin si Jesus, upang, bilang tugon, sila ay makinig, magparangal, at sumunod sa kaniya. (Mat 3:1-12; 11:7, 10, 14; Mar 9:11-13; Luc 1:13-17, 76; Ju 1:35-37) Sa katulad na paraan, nagsugo noon ng mga mensahero sa unahan ni Jesus, at pumasok ang mga ito sa isang nayon ng mga Samaritano “upang maghanda para sa kaniya.”—Luc 9:52.
Gayunman, si Jesus mismo ang tinutukoy ng kaisa-isang talata ng Kasulatan na gumamit ng salitang “tagapagpauna.” (Heb 6:19, 20) Hindi siya isang tagapagpauna sa diwa na mas mababa siya kaysa sa mga sumunod sa kaniya. Sa halip, siya ang unang pumasok sa makalangit na kaluwalhatian, anupat binuksan at inihanda niya ang daan para sa makalangit na kongregasyon ng mga sumusunod sa kaniyang yapak. (Ju 14:2, 3) Kaya naman may katapangan sila ukol sa paglapit sa Diyos sa pamamagitan ng daan na pinasinayaan ng kanilang Tagapagpauna.—Heb 10:19-22.