HIGANTE
Nag-uulat ang Bibliya tungkol sa mga lalaking pambihira ang laki. Nariyan si Og, hari ng Basan, isa sa mga Repaim, na ang langkayan ay siyam na siko (4 na m; 13.1 piye) ang haba at apat na siko (1.8 m; 5.8 piye) ang lapad. (Deu 3:11) Si Goliat ng Gat, na pinatay ni David, ay anim na siko at isang dangkal (2.9 m; 9.5 piye) ang taas. Makikita ang laki at lakas ni Goliat sa bigat ng kaniyang baluti. Ang kaniyang tansong kutamaya ay tumitimbang nang 5,000 siklo (57 kg; 126 na lb); ang tulis na bakal ng kaniyang sibat ay tumitimbang nang 600 siklo (6.8 kg; 15 lb).—1Sa 17:4-7.
Bukod kina Og at Goliat, mayroon pang ibang mga lalaki ng Repaim na di-pangkaraniwan ang laki, kabilang sa kanila si Isbi-benob, na ang bigat ng kaniyang sibat ay 300 siklong tanso (3.4 kg; 7.5 lb) (2Sa 21:16); si Sap, o Sipai (2Sa 21:18; 1Cr 20:4); si Lami, kapatid ni Goliat, “na ang tagdan ng kaniyang sibat ay gaya ng biga ng mga manggagawa sa habihan” (1Cr 20:5); at isang lalaki na pambihira ang laki na ang mga daliri sa kamay at paa ay animan, anupat sa kabuuan ay 24 (2Sa 21:20).
Iniulat ng walang-pananampalatayang mga tiktik na sa Canaan ay ‘nakita nila ang mga Nefilim, ang mga anak ni Anak, na mula sa mga Nefilim; anupat sa kanilang sariling paningin ay naging tulad sila ng mga tipaklong, at naging gayundin sila sa paningin ng mga ito.’ (Bil 13:33) Ang mga lalaking ito na pambihira ang laki, tinatawag na mga anak ni Anak (malamang ay nangangahulugang “Mahaba ang Leeg [samakatuwid nga, matangkad]”), ay hindi naman mga Nefilim, gaya ng iniulat, kundi mga lalaki lamang na di-pangkaraniwan ang tangkad, sapagkat ang mga Nefilim, na mga supling ng mga anghel at ng mga babae (Gen 6:4), ay nalipol na noong Baha.