NABAL
[Hangal; Mangmang].
Isang mayamang Maonitang may-ari ng mga tupa na nagpapastol at naggugupit ng kaniyang mga kawan sa Carmel ng Juda. Kilala rin si Nabal bilang isang Calebita, samakatuwid nga, isang inapo ni Caleb. Iilang tauhan sa Bibliya ang inilalarawang napakasama na gaya ni Nabal. “[Siya] ay mabagsik at masasama ang kaniyang mga gawa”; “napakawalang-kabuluhang tao [anak ni Belial] niya upang kausapin pa siya”; “ang iginanti pa niya . . . ay kasamaan bilang ganti sa kabutihan”; “ang kahangalan ay nasa kaniya.”—1Sa 25:2, 3, 17, 21, 25.
Pinrotektahan ng mga tauhan ni David ang mga kawan ni Nabal na 3,000 tupa at 1,000 kambing mula sa mga pangkat ng mandarambong. Matapos pagpakitaan si Nabal ng ganitong kabaitan at hindi siya pagnakawan ng anuman, hinilingan ito ni David na maglaan ng ilang materyal na tulong para sa kaniya at sa kaniyang mga tauhan noong panahon ng paggugupit sa mga tupa, na karaniwan nang panahon ng pagpipiging at pagkabukas-palad. Ngunit ‘sinigawan ni Nabal ng mga panlalait’ ang mga mensahero ni David at pinaalis silang walang dala. Natakot ang mga tauhan ni Nabal sa magiging reaksiyon ni David ngunit hindi nila magawang kausapin si Nabal tungkol sa bagay na iyon. Gayunman, isa sa kanila ang nagsabi nito sa asawa ni Nabal na si Abigail. Samantalang papalapit na si David, na nagbabalak na patayin si Nabal, sinalubong siya ni Abigail na may dalang saganang kaloob na pagkain at inumin at hinikayat siyang huwag magkasala ng pagbububo ng dugo ng kaniyang asawa. Pagdating ni Abigail sa bahay, nadatnan niya si Nabal na “lasing na lasing,” kaya naghintay siya hanggang sa kinaumagahan upang sabihin kay Nabal ang pakikipagkita niya kay David at na silang lahat ay muntik nang mamatay dahil kay Nabal. Nang magkagayon, ‘ang puso ni Nabal ay namatay sa loob niya, at siya mismo ay naging parang bato,’ marahil ay nagpapahiwatig ng isang uri ng paralisis o tumutukoy sa naging epekto sa damdamin ni Nabal. (Ihambing ang Deu 28:28; Aw 102:4; 143:4.) Pagkaraan ng mga sampung araw, sinaktan ni Jehova si Nabal anupat namatay ito. (1Sa 25:2-38) Pagkatapos ay kinuha ni David ang may-katinuan at malakas-ang-loob na si Abigail bilang kaniyang asawa.—1Sa 25:39-42; 27:3; 30:5; 2Sa 2:2; 3:3.