Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w99 8/15 p. 30-31
  • Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1999
  • Kaparehong Materyal
  • Pakikipagtipan
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
  • Ang Kahulugan ng mga Balita
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1987
  • Pag-aasawa—Kaloob ng Isang Maibiging Ama
    Manatili sa Pag-ibig ng Diyos
  • Matagumpay na Pagliligawan—Gaano Kahalaga?
    Gumising!—1989
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1999
w99 8/15 p. 30-31

Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa

Gaano kaseryoso ang dapat na maging pangmalas ng mga Kristiyano sa pakikipagtipan upang magpakasal?

Ang pakikipagtipan upang magpakasal ay nagdudulot ng kaligayahan, ngunit isa rin itong seryosong bagay. Ang pakikipagtipan ay hindi dapat ipagwalang-bahala ng sinumang may-gulang na Kristiyano, anupat inaakalang maaari niyang wakasan ito anumang oras. Ang yugto ng pagiging magkatipan ay isa ring panahon para ang magkasintahan ay higit na magkakilala bago magpakasal.

Sa pagtalakay sa paksang ito, dapat nating tandaan na ang mga kaugalian ng lipunan may kaugnayan sa pag-aasawa, at ang mga hakbanging patungo rito, ay lubhang nagkakaiba sa iba’t ibang lugar at panahon. Inilalarawan ito ng Bibliya.

Ang dalawang anak na babae ni Lot, na “hindi pa kailanman nakipagtalik sa lalaki,” ay nakipagtipan sa paanuman sa dalawang lalaki sa lugar nila. ‘Kukunin ng mga manugang ni Lot ang kaniyang mga anak na babae,’ gayunman ay hindi sinasabi sa atin ng Bibliya kung bakit o kung paano ginawa ang tipanan. Nasa hustong gulang na ba ang mga anak na babae? Sila ba ang pangunahing nagpasiya kung sino ang kanilang pakakasalan? Sila ba’y nakipagtipan sa pamamagitan ng paggawa ng isang hayagang hakbang? Hindi natin alam. (Genesis 19:8-14) Alam natin na nakipagkasundo si Jacob sa ama ni Raquel na siya ay magtatrabaho nang pitong taon sa kaniya upang pagkatapos nito ay mapakasalan si Raquel. Bagaman tinukoy ni Jacob si Raquel na “aking asawa,” hindi pa sila nagkakaroon ng seksuwal na relasyon noong mga taóng iyon. (Genesis 29:18-21) Bilang isa pang halimbawa, bago niya maging asawa ang anak na babae ni Saul, kailangang magtagumpay muna si David laban sa mga Filisteo. Nang maibigay ang kahilingan ni Saul, maaari nang pakasalan ni David ang anak na babaing si Mical. (1 Samuel 18:20-28) Ang “mga pakikipagtipan” na iyon ay naiiba sa isa’t isa at karaniwang nangyayari sa maraming lupain ngayon.

Ang Kautusang Mosaiko ay may mga alituntunin tungkol sa pag-aasawa at pakikipagtipan. Halimbawa, ang isang lalaki ay maaaring magkaroon ng higit sa isang asawa; maaari siyang makipagdiborsiyo sa iba’t ibang kadahilanan, bagaman lumilitaw na hindi ito magagawa ng asawang babae. (Exodo 22:16, 17; Deuteronomio 24:1-4) Ang isang lalaki na nagsamantala sa isang birhen na wala pang katipan ay kailangang magpakasal sa kaniya kung papayag ang ama nito, at hindi niya ito maaaring diborsiyuhin kailanman. (Deuteronomio 22:28, 29) Kumakapit din sa pag-aasawa ang ibang batas, gaya ng kung kailan iiwasan ang pagtatalik. (Levitico 12:2, 5; 15:24; 18:19) Anong mga alituntunin ang may kinalaman sa pakikipagtipan?

Ang isang Israelitang babae na may katipan ay may naiibang legal na katayuan kaysa sa isang babae na wala pang katipan; sa ilang kalagayan ay itinuturing siya bilang may asawa na. (Deuteronomio 22:23-29; Mateo 1:18, 19) Ang mga Israelita ay hindi maaaring makipagtipan o makipag-asawa sa ilang kamag-anak. Ito ay karaniwan nang sa mga kadugo, ngunit ang ilang pakikipagtipan at pag-aasawa ay ipinagbabawal dahil sa mga karapatan sa mana. (Levitico 18:6-20; tingnan Ang Bantayan ng Setyembre 15, 1978, pahina 28-32.) Maliwanag na hindi dapat ipagwalang-bahala ng mga lingkod ng Diyos ang pakikipagtipan.

Ang mga Israelita ay nasa ilalim ng lahat ng gayong alituntunin ng Kautusan, subalit ang mga Kristiyano ay wala sa ilalim ng Kautusang iyon, kasali na ang mga alituntunin nito tungkol sa pakikipagtipan o pakikipag-asawa. (Roma 7:4, 6; Efeso 2:15; Hebreo 8:6, 13) Sa katunayan, itinuro ni Jesus na ang pamantayan ng mga Kristiyano may kinalaman sa pag-aasawa ay naiiba sa pamantayan ng Kautusan. (Mateo 19:3-9) Gayunpaman, hindi pa rin niya minaliit ang pagkaseryoso ng pag-aasawa, ni niyaong sa pakikipagtipan. Kaya, paano naman kung tungkol sa paksang tinatalakay, ang pakikipagtipan ng mga Kristiyano?

Sa maraming lupain, ang mga indibiduwal ang nagpapasiya kung sino ang kanilang pakakasalan. Kapag ang isang lalaki at isang babae ay nangako na magpapakasal sa isa’t isa, sila ay itinuturing na magkatipan. Karaniwan na, hindi na kailangan ang karagdagang pormal na hakbang upang itatag ang tipanan. Totoo, sa ilang lugar ay karaniwan na sa isang lalaki na bigyan ang kaniyang katipan ng isang singsing bilang tanda ng kanilang tipanan. O kaugalian nang ipatalastas ang tipanan sa mga kamag-anak at mga kaibigan, gaya sa isang kainan ng pamilya o iba pang maliit na salu-salo. Ito ay personal na mga pasiya, hindi maka-Kasulatang mga kahilingan. Ang nagtatatag sa tipanan ay ang kasunduan ng dalawa.a

Ang isang Kristiyano ay hindi nararapat magmadali sa pakikipagligawan, pakikipagtipan, o pag-aasawa. Naglathala kami ng salig-sa-Bibliyang materyal na makatutulong sa mga binata’t dalaga na magpasiya kung katalinuhan ba na simulan ang pakikipagligawan o gumawa ng mga hakbang tungo sa pakikipagtipan o pag-aasawa.b Ang isang pangunahing salik sa payo ay na permanente ang Kristiyanong pag-aasawa.​—Genesis 2:24; Marcos 10:6-9.

Ang dalawang Kristiyano ay kailangang magkakilala munang mabuti bago nila pag-isipan ang tungkol sa pakikipagtipan. Bawat isa ay maaaring magtanong, ‘Talaga bang nakasisiguro na ako sa kaniyang espirituwalidad at debosyon sa Diyos? Nakikini-kinita ko ba ang habambuhay na paglilingkod sa Diyos kasama ng isang iyon? Alam na alam na ba namin ang mga pag-uugali ng bawat isa? Makapagtitiwala ba ako na habang-panahon kaming magkakasundo? Sapat na ba ang alam namin tungkol sa mga nakaraang ginawa at kasalukuyang kalagayan ng bawat isa?’

Kapag ang dalawang Kristiyano ay nagtipanan, makatuwiran lamang para sa kanila at para sa iba na asahang susunod na ang kasalan. Ipinayo ni Jesus: “Ang inyo lamang salitang Oo ay mangahulugang Oo, ang inyong Hindi, Hindi.” (Mateo 5:37) Dapat na maging seryoso ang mga Kristiyanong nakipagtipan. Gayunman, sa isang pambihirang kaso, maaaring malaman ng isang nakipagtipang Kristiyano na may seryosong bagay na hindi ipinagtapat o na itinago bago ang tipanan. Ito ay maaaring napakahalagang katotohanan tungkol sa nakaraan ng isa, ito man ay mga ginawang krimen o imoralidad. Ang Kristiyano na nakaalam nito ay kailangang magpasiya kung ano ang gagawin. Marahil ay pag-uusapang mabuti ng dalawa ang bagay na ito at magkakasundo na ipagpatuloy ang kanilang tipanan. O baka kapuwa nila ipasiya na wakasan ang tipanan. Bagaman ang paggawa ng gayon ay maaaring isang pribadong bagay​—hindi isang bagay na pakikialaman ng iba, huhulaan, o hahatulan​—ito ay isang napakabigat na pagpapasiya. Sa kabilang panig, ang isa na nakaalam sa seryosong isyu ay baka personal na makadamang kailangan niyang wakasan ang tipanan, kahit na nais ng katipan na ipagpatuloy pa ito.​—Tingnan ang “Questions From Readers” sa The Watchtower ng Hunyo 15, 1975.

May mabuting dahilan na pagpasiyahan ang gayong mga isyu bago pumasok sa pag-aasawa. Sinabi ni Jesus na ang tanging maka-Kasulatang saligan para sa diborsiyo na nagpapalaya sa isa upang muling makapag-asawa ay ang por·neiʹa, ang malubhang seksuwal na imoralidad ng isang kabiyak. (Mateo 5:32; 19:9) Hindi niya sinabi na ang isang legal na pagsasama ay maaaring wakasan sa pamamagitan ng diborsiyo kapag nalaman ng isa ang isang malubhang problema o pagkakasala na nagawa bago ang kasal.

Halimbawa, maliwanag na posibleng mahawahan ng ketong noong panahon ni Jesus. Kung malaman ng isang Judiong asawang lalaki na ang kaniyang kabiyak ay may ketong (batid man niya o hindi) nang magpakasal ito sa kaniya, may saligan ba siya upang diborsiyuhin ito? Maaari ngang makipagdiborsiyo ang isang Judio na nasa ilalim ng Kautusan, subalit hindi sinabi ni Jesus na angkop ito sa kaniyang mga tagasunod. Isaalang-alang ang ilang situwasyon sa modernong panahon. Ang isang lalaki na nagkaroon ng syphilis, genital herpes, HIV, o ibang malubhang nakahahawang sakit ay baka mag-asawa nang hindi isinisiwalat ang katotohanang ito. Marahil ang kaniyang sakit ay nakuha dahilan sa seksuwal na imoralidad bago o habang siya’y may katipan. Sakaling sa dakong huli ay matuklasan ng asawang babae ang sakit o nakaraang imoralidad (kahit na ang pagkabaog o kawalang-kakayahang makipagtalik) ng kaniyang kabiyak, hindi nito binabago ang katotohanan na sila ngayon ay mag-asawa na. Ang isang di-kaayaayang nakaraan bago ang kasal ay hindi isang maka-Kasulatang saligan para wakasan ang pagsasama gaya ng kung ang asawang babae ay nahawa sa isang sakit o naglihim pa nga na siya ay nagdadalang-tao sa ibang lalaki nang siya ay magpakasal. Sila ay kasal na ngayon at may pananagutan na sila sa isa’t isa.

Totoo, ang gayong malulungkot na situwasyon ay pambihirang mangyari, subalit lalong idiniriin ng mga halimbawang ito ang pangunahing punto: Hindi dapat ipagwalang-bahala ang pakikipagtipan. Bago at sa panahon ng tipanan, ang mga Kristiyano ay dapat magsikap na makilala nang lubusan ang isa’t isa. Sila ay kailangang maging tapat tungkol sa gustong malaman o karapatang malaman ng kabilang panig. (Sa ilang lupain ay legal na kahilingan sa mga magkasintahan na magpasuri sa doktor bago magpakasal. Nais ng ilan ang gayong pagpapasuri para sa sarili nilang kabatiran.) Kung gayon, ang pagiging nakagagalak at seryoso ng isang tipanan ay magsisilbi ukol sa kapuri-puring layunin habang ang dalawa ay nagpapatuloy tungo sa mas nakapagpapagalak at seryosong kalagayan ng pag-aasawa.​—Kawikaan 5:18, 19; Efeso 5:33.

[Mga talababa]

a Sa ilang lipunan, ang mga magulang pa rin ang nagsasaayos kung sino ang mapapangasawa ng kanilang mga anak. Ito ay maaaring gawin nang patiuna bago pa maging handa ang dalawa sa pag-aasawa. Samantala, sila ay itinuturing bilang magkatipan, o ipinangako sa isa’t isa, subalit hindi pa sila kasal.

b Tingnan Ang mga Tanong ng mga Kabataan​—Mga Sagot na Lumulutas, kabanata 28-32, at Ang Lihim ng Kaligayahan sa Pamilya, kabanata 2, inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share