Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • it-2 “Sining”
  • Sining

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Sining
  • Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
  • Kaparehong Materyal
  • Garing
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
  • Ano ba ang Sining?
    Gumising!—1995
  • Pag-ukit
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
  • Palamuti
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
Iba Pa
Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
it-2 “Sining”

SINING

Ang sining, kung ang pag-uusapan ay pagpipinta, eskultura, at disenyo, ay hindi gaanong binigyang-pansin sa Bibliya. Gayunman, nagsimula ang buhay ng tao, hindi sa isang tigang na parang, kundi sa isang hardin, isang paraiso na may mga punungkahoy na bukod sa nagluluwal ng mga bungang “mabuting kainin” ay “kanais-nais [din] sa paningin.” (Gen 2:9) Ang tao ay ginawa na may pagpapahalaga sa kagandahan, at ang di-mahihigitang kagandahan, pagkamasining, at disenyo na namamalas sa mga nilalang​—mga bulaklak, punungkahoy, bundok, libis, lawa, talon, ibon, hayop, gayundin sa mismong kaanyuan ng tao​—ay nag-uudyok sa kaniya na papurihan ang Diyos na Maylalang ng mga iyon. (Aw 139:14; Ec 3:11; Sol 2:1-3, 9, 13, 14; 4:1-5, 12-15; 5:11-15; Ro 1:20) Sa pagtalakay rito tungkol sa sining, ito ay pangunahin nang tumutukoy sa pagsasalarawan ng gayong mga bagay sa pamamagitan ng paggamit ng iba’t ibang uri ng materyales sa iba’t ibang anyo at ekspresyon.

Noon pa mang panahon ni Abraham, ang Bibliya ay may binabanggit nang mga kaloob na “isang gintong singsing na pang-ilong,” ginintuang mga pulseras, at iba pang mga kagamitang pilak at ginto, na ibinigay kay Rebeka. (Gen 24:22, 53) Sa Maharlikang mga Libingan ng Ur, ang lunsod na dating tinitirahan ni Abraham, ay may nahukay na maraming pagkagagandang palamuti na kakikitaan ng kadalubhasaan sa sining. Gayunman, ang marami sa mga bagay na likhang-sining na nahukay sa arkeolohikal na mga paggagalugad sa mga lupain ng Iraq, Israel, Ehipto, at sa karatig na mga rehiyon ay waring nauugnay sa idolatrosong mga paganong relihiyon o sa mapagmapuring mga pulitikal na tagapamahala, anupat ipinahihiwatig nito na maagang ginamit ang sining sa maling paraan.

Iba’t Ibang Materyales. Noon pa mang ikalawang milenyo B.C.E., waring gumagawa na ng salamin, o bubog, ang mga Ehipsiyo, at marahil pati ang mga taga-Fenicia. Gayunman, maliwanag na nagsimula ito sa Mesopotamia, kung saan may natagpuang mga piraso ng salamin na mahusay ang pagkakagawa, anupat ipinapalagay na ang mga iyon ay mula pa noong mga ikatlong milenyo B.C.E. Tinukoy ni Job (noong mga 1600 B.C.E.) ang salamin bilang napakahalaga. (Job 28:17) Bagaman ito ay malabo, ang salamin ay ginagamit noon sa paggawa ng hugis-hayop na mga pigurin, mga kahita ng pabango, mga kuwintas, at iba pang mga alahas. Kabilang ang mga Romano sa mga unang gumawa ng malinaw na salamin.​—Ihambing ang Apo 4:6; tingnan ang SALAMIN, I.

Ang sinaunang mga dalubsining ay gumamit ng maraming iba’t ibang uri ng materyales, kabilang dito ang luwad, terakota, kahoy, bronse o tanso, bakal, ginto, pilak, mamahaling hiyas at di-gaanong mamahaling hiyas, salamin, garing, batong-apog, at marmol.​—Tingnan ang PANTATAK, TATAK.

Sining ng mga Hebreo. Kakaunti ang nalalabing materyal na katibayan upang makapagharap ng isang malinaw na larawan ng sining ng mga Hebreo, ngunit ipinakikita sa rekord ng Bibliya na may pagpapahalaga sila sa sining. Noong lumabas sila sa Ehipto, nagdala ang bayang ito ng mga kagamitang ginto at pilak na kinuha nila sa mga Ehipsiyo. (Exo 12:35) Malugod nilang iniabuloy ang gayong mga bagay upang mapalamutian ang tabernakulo sa ilang. (Exo 35:21-24) Ang paggawa ng tabernakulo pati ng mga palamuti at kasangkapan nito ay nagbigay sa kanila ng pagkakataong gamitin ang kanilang artistikong kakayahan sa paggawa ng mga kayariang kahoy, pagpaplatero, pagbuburda, at paggawa sa mga hiyas, anupat sina Bezalel at Oholiab ang partikular na nanguna at nagturo sa kanila. Gayunman, kapansin-pansin na si Jehova ang kinikilala nila na pinagmulan ng kanilang artistikong kakayahan.​—Exo 35:30-35; 36:1, 2.

Bago ginawa ang tabernakulo, gumamit si Aaron ng artistikong kakayahan ukol sa maling layunin nang gamitin niya ang isang kasangkapang pang-ukit upang gumawa ng binubong imahen ng isang guya para sa pagsamba. (Exo 32:3, 4) Nang maglaon, si Moises (o ang isang tao na inatasan niya) ay nagpamalas din ng gayong kakayahan, ngunit sa wastong paraan, nang gawin niya ang serpiyente na yari sa tanso. (Bil 21:9) Gayunman, ang mga probisyon sa Kautusan na nagbabawal sa paggawa ng mga imahen para sa pagsamba, bagaman hindi naman ipinagbabawal ng mga ito ang lahat ng likhang-sining na may pagsasalarawan, ay walang alinlangang naglagay ng limitasyon sa pagpipinta o pag-eeskultura sa gitna ng mga Hebreo. (Exo 20:4, 5) Dahil sa talamak na idolatriya na napakalaganap sa lahat ng mga bansa at sa malawakang paggamit ng sining upang magtaguyod ng gayong idolatriya, maliwanag na ang ipininta o inukit na mga pagsasalarawan, ng tao o hayop, ay paghihinalaan niyaong mga tumutupad sa mga probisyon ng Kautusan at niyaong mga inatasang magpatupad nito. (Deu 4:15-19; 7:25, 26) Maging ang mga kerubin ng tabernakulo ay tinatakpan ng tela kapag inililipat ang mga ito at sa gayon ay ikinukubli mula sa paningin ng taong-bayan (Bil 4:5, 6, 19, 20), samantalang yaon namang mga nasa templong itinayo nang dakong huli ay nakikita lamang ng mataas na saserdote isang araw sa bawat taon. (1Ha 6:23-28; Heb 9:6, 7) Karagdagan pa, noong sila’y makapasok at mamirmihan na sa Lupang Pangako, palibhasa’y pangunahin nang agrikultural ang naging buhay ng mga Israelita, wala silang gaanong panahon at salapi na kailangan para sa maraming gawang-sining.

Noong kapanahunan ng mga Hukom, ang tanging gawang-sining na nabanggit ay may kaugnayan sa apostatang mga relihiyosong gawain.​—Huk 2:13; 6:25; 8:24-27; 17:3-6; 18:14.

Mga gawang-sining sa ilalim ng monarkiya. Bagaman ang sinaunang bansang Israel ay hindi kilala ngayon sa mga likhang-sining, ipinakikita ng katibayan na kapag hinihiling ng pagkakataon, nakagagawa sila noon ng artistikong mga obra na napabantog at hinangaan. Inilalarawan ng propetang si Ezekiel kung paano ginayakan at pinaganda ni Jehova ang Jerusalem anupat “⁠‘isang pangalan ang nagsimulang lumaganap sa gitna ng mga bansa dahil sa iyong kariktan, sapagkat iyon ay sakdal dahil sa aking karilagan na inilagay ko sa iyo,’ ang sabi ng Soberanong Panginoong Jehova.” (Eze 16:8-14) Gayunman, ipinakikita ng kasunod na mga talata (15-18, 25) na ang gayong kariktan ay ginamit sa maling paraan, yamang ang Jerusalem ay nagpatutot sa nakapalibot na pulitikal na mga bansa. Inilalarawan din ni Jeremias yaong mga nakakita sa Jerusalem matapos itong bumagsak sa mga kamay ng Babilonya bilang nagsasabi: “Ito ba ang lunsod na sinasabi nila noon, ‘Iyon ang kasakdalan ng kariktan, isang pagbubunyi ng buong lupa’?” (Pan 2:15; ihambing ang Aw 48:2; 50:2; Isa 52:1.) Maliwanag na ang templong itinayo ni Solomon ay isang artistikong obra na talagang pagkaganda-ganda at ito’y tinawag na isang “bahay ng kabanalan at kagandahan.”​—Isa 64:11; 60:13.

Sa pagtalakay sa pagtatayo ng templo noong panahon ni Haring Solomon, maraming komento sa mga reperensiyang akda hinggil sa diumano’y kawalang-kasanayan ng mga Israelita sa sining, anupat halos lahat ng kapurihan ay ibinibigay sa mga taga-Fenicia. Gayunman, ipinakikita ng ulat na ang hiniling lamang noon ni Solomon ay isang artisanong taga-Fenicia, bukod sa mga magtotrosong nagtrabaho sa sariling mga kagubatan ni Haring Hiram sa Lebanon at mga maninibag ng bato. (1Ha 5:6, 18; 2Cr 2:7-10) Ang artisanong iyon, na nagngangalan ding Hiram, ay isang Israelitang taga-Fenicia na dalubhasa sa paggawa gamit ang mahahalagang metal, sa paghahabi, at sa paglililok. Gayunman, binabanggit sa ulat na may sariling mga taong dalubhasa si Solomon, at tinukoy rin ni Haring Hiram ang mga ito at ang mga taong dalubhasa ng ama ni Solomon na si David. (2Cr 2:13, 14) Ang arkitektural na plano ng templo at ng lahat ng bahagi niyaon ay ipinasa ni David kay Solomon, anupat nagbigay ito ng “kaunawaan sa lahat ng bagay mula sa kamay ni Jehova, sa lahat nga ng gawa sa arkitektural na plano.” (1Cr 28:11-19) Sa kabaligtaran naman, ang di-tapat na si Haring Ahaz ay lubhang naakit sa paganong altar sa Damasco at ipinadala niya “ang disenyo ng altar at ang parisan nito” sa saserdoteng si Urias upang maigawa siya ng isang katulad nito.​—2Ha 16:1-12.

Gumawa rin si Haring Solomon ng isang malaking tronong garing, na kinalupkupan ng ginto at may kakaibang disenyo, anupat mayroon itong mga estatuwa ng mga leon na nakatayo sa tabi ng mga patungan ng braso at nakahanay sa gilid ng anim na baytang sa harap ng trono. (1Ha 10:18-20) Ipinahihiwatig sa Awit 45:8 ang paggamit ng maraming garing sa maharlikang palasyo. Sa hilagang kaharian ng Israel, na ang kabisera ay nasa Samaria, lumilitaw na ang paglalagay ng inukit na garing sa mga muwebles, mga entrepanyo, at mga bagay na likhang-sining ay naging popular mula noong mga araw ni Haring Ahab. (1Ha 22:39; Am 3:12, 15; 6:4) Dahil sa arkeolohikal na mga paghuhukay, maraming piraso, plake, at entrepanyong garing ang natuklasan sa ipinapalagay na dating lugar ng palasyo. Ang ilang piraso ay kinalupkupan ng ginto, lapis lazuli, at kristal. Sa Megido, mga 400 piraso ng garing ang natagpuan, kabilang na ang mga entrepanyong maganda ang pagkakaukit, mga kahitang kinalupkupan ng garing, at mga game board, na tinatayang mula pa noong mga ika-12 siglo B.C.E.

Sa isang pangitain, nakakita si Ezekiel ng inukit na wangis ng mga reptilya, mga hayop, at mga idolo sa isang pader sa lugar ng templo sa apostatang Jerusalem (Eze 8:10), at ang makasagisag na si Oholiba (lumalarawan sa di-tapat na Jerusalem) ay tinutukoy na nakakita ng mga imahen ng mga Caldeo na inukit sa pader at pininturahan ng pangkulay na matingkad na pula.​—Eze 23:14; ihambing ang Jer 22:14.

Kaugnayan sa Kristiyanismo. Namasdan ni Pablo ang karilagan ng sining ng Atenas, na umunlad sa gitna ng pagsamba sa mga diyos at mga diyosa ng mga Griego, at minsan ay ipinakita niya sa mga nakinig sa kaniya roon na hindi makatuwirang isipin ng mga tao, yamang ang kanilang buhay at pag-iral ay nagmula sa tunay na Diyos at Maylalang, na “ang Isa na Diyos ay tulad ng ginto o ng pilak o ng bato, tulad ng isang bagay na nililok ng sining at katha ng tao.” (Gaw 17:29) Sa gayon ay muli niyang ipinakita na ang artistikong kagandahan, kahanga-hanga man ito o kaakit-akit, ay hindi katibayan ng pagiging tunay ng isang relihiyon.​—Ihambing ang Ju 4:23, 24.

Walang rekord o umiiral na katibayan ng anumang gawang-sining sa gitna ng mga Kristiyano noong unang siglo C.E. Noon lamang ikalawa at ikatlong siglo C.E. lumitaw ang ilang ipinintang larawan at eskultura sa mga katakumba na kinikilalang nauugnay sa naturingang mga Kristiyano. Gayunman, nang magkaisa ang Simbahan at Estado noong ikaapat na siglo, ang sining ay pinasimulang bigyan ng importansiya na nang maglaon ay naging gaya ng pagpapahalaga rito ng mga paganong relihiyon at kadalasa’y nauugnay ito o tuwirang gumagaya sa gayong mga relihiyon, kapuwa sa mga sagisag at mga istilo nito. Sa kaniyang akda na Iconographie de l’art chrétien (Paris, 1955, Tomo I, p. 10), ipinakita ni Louis Réau, na naging tsirman ng History of Art of the Middle Ages sa Sorbonne University ng Pransiya, na ang gayong paganismo ay matagal nang batid ng mga istoryador ng sining at na ang dapat ituring na may pananagutan dito ay hindi lamang ang mga dalubsining kundi pati ang mga patakarang sinusunod noon ng simbahan mismo. Itinawag-pansin niya (p. 50) na sa halip na talagang kumbertihin ang mga pagano mula sa kanilang dating mga kaugalian at mga anyo ng pagsamba, pinili ng simbahan na igalang “ang mga kaugalian ng mga ninuno at ipagpatuloy ang mga iyon sa ilalim ng ibang katawagan.”

Dahil dito, hindi kataka-taka na ang mga sagisag ng sodyako, na napakaprominente sa sinaunang Babilonya, ay makikita sa mga katedral gaya niyaong sa Notre Dame ng Paris, anupat ang mga ito ay nasa kaliwang pintuan at nakapalibot kay Maria sa napakalaki at nakasentrong rose window. (Ihambing ang Isa 47:12-15.) Sa katulad na paraan, isang giyang-aklat tungkol sa katedral ng Auxerre, na nasa Pransiya rin, ang nagsasabi na sa panggitnang pasukan ng katedral, “pinagsama-sama roon ng eskultor ang ilang bayaning pagano: isang Eros [Griegong diyos ng pag-ibig] na hubad at natutulog . . . isang Hercules at isang Satyr [isa sa mga mestisong tao-diyos ng mga Griego]! Inilalarawan naman ng hanay na nasa gawing ibaba sa kanan ang talinghaga tungkol sa Alibughang Anak.”

Sa katulad na paraan, sa pasukan ng Saint Peter’s Cathedral sa Roma, makikita hindi lamang ang wangis ni Kristo at ng “Birhen” kundi pati yaong kay Ganymede na “tinatangay ng agila” upang gawing katiwala ng kopa ni Zeus, hari ng mga diyos, at kay “Leda [na nagsilang kina Castor at Pollux] na pinagdalang-tao ng sisne” na si Zeus. Bilang karagdagang komento hinggil sa gayong impluwensiyang pagano, itinanong ni Réau: “Ngunit ano naman ang masasabi ng isa tungkol sa Final Judgment ng Sistine Chapel, ang pangunahing kapilya ng Vatican, kung saan makikita ng isa ang hubad na Kristo ni Michelangelo na ipinansisibat ang kidlat na gaya ng isang napakadakilang Jupiter [ang Romanong ama ng mga diyos] at ang mga Hinatulan na naglalakbay sa Styx [ang ilog na pinaniniwalaan ng mga Griego na pinagtatawiran sa mga patay] sakay ng barko ni Charon?” Gaya nga ng sabi niya: “Ang gayong halimbawa na may napakataas na pinagmulan [samakatuwid nga, sinang-ayunan ng papado] ay walang pagsalang tutularan.”

Gaya ng naipaliwanag na, ang sining ay hindi gaanong binigyang-pansin ng likas na Israel at halos wala ito sa ulat ng sinaunang kongregasyon ng espirituwal na Israel noong unang siglo C.E. Gayunman, sa larangan ng panitikan ay nahigitan nila ang lahat ng iba pang grupo ng mga tao, yamang ginamit sila ng Diyos sa paggawa ng isang obra na may namumukod-tanging kagandahan, hindi lamang sa pagkakasulat nito kundi, pangunahin na, dahil sa nilalaman nito: ang Bibliya. Ang kanilang kinasihang mga akda ay “gaya ng mga mansanas na ginto sa mga inukit na pilak,” na may mga katotohanang sinlinaw ng kristal na napakaningning anupat kayang higitan ang pinakamagagandang batong hiyas, at mga paglalarawang naghahatid ng mga pangitain at mga tagpo na may karingalan at kariktan na hindi kayang isalarawan ng mga taong dalubsining.​—Kaw 25:11; 3:13-15; 4:7-9; 8:9, 10.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share