KULANTRO, BUTO NG
[sa Heb., gadh; sa Ingles, coriander seed].
Ang manna na kinain ng mga Israelita sa ilang ay sinasabing “maputi na tulad ng buto ng kulantro” (Exo 16:31), maliwanag na kahawig nito hindi lamang ang kulay kundi pati ang pangkalahatang hitsura.—Bil 11:7.
Ang kulantro (Coriandrum sativum) ay isang taunang halaman na mula sa pamilya ng mga karot o mga parsli, tumataas ito nang mga 40 hanggang 50 sentimetro (16 hanggang 20 pulgada), anupat tulad-parsli ang mga dahon at kulay-rosas o kulay puti naman ang mga kumpol ng bulaklak nito. Ang bunga nito ay binubuo ng bilog na mga buto na kulay puting abuhin at may lapad na 1 hanggang 3 mm (0.04 hanggang 0.12 pulgada). Ang mga buto ay naglalaman ng aromatikong langis na kaayaaya ang lasa at ginagamit bilang espesya, gayundin bilang gamot sa di-gaanong maseselan na sakit sa tiyan.
Ang buto ng kulantro ay ginamit mula pa noong sinaunang mga panahon sa Ehipto at sa gayon ay walang alinlangang kilalang-kilala ito ng mga Israelita bago ang Pag-alis. Tumutubo ito nang ligáw sa lupaing iyon at gayundin sa mga lugar sa Palestina.