Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w91 6/15 p. 13-18
  • Lumakad Ayon sa Tagubilin ni Jehova

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Lumakad Ayon sa Tagubilin ni Jehova
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Tinuruan Tungkol sa Dugo
  • Tulungan ang Iba Upang Maturuan
  • Mga Magulang​—Kayo’y Magturong Mabuti
  • Pagliligtas sa Buhay sa Pamamagitan ng Dugo—Papaano?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
  • Ang Dugo na Talagang Nagliligtas-Buhay
    Papaano Maililigtas ng Dugo ang Inyong Buhay?
  • Pahalagahan Nang Wasto ang Kaloob sa Iyo na Buhay
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2004
  • Dugo—Mahalaga sa Buhay
    Papaano Maililigtas ng Dugo ang Inyong Buhay?
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
w91 6/15 p. 13-18

Lumakad Ayon sa Tagubilin ni Jehova

“Ituro mo sa akin ang iyong daan, Oh Jehova. Lalakad ako sa iyong katotohanan. Buuin mo sa aking puso ang matakot sa iyong pangalan.”​—AWIT 86:11.

1, 2. Ano ang nag-uudyok sa mga Saksi ni Jehova na tumangging magpasalin ng dugo?

“MARAHIL tama naman ang mga Saksi ni Jehova sa pagtangging gumamit ng mga produkto ng dugo, sapagkat totoo na ang mahalagang bilang ng mga bagay na sanhi ng pagkakasakit ay maaaring dala ng isinaling dugo.”​—Pang-araw-araw na pahayagang medikal na Pranses na Le Quotidien du Médecin, Disyembre 15, 1987.

2 Ang iba na nakabasa ng komentong iyan ay maaaring maniwala na nagkataon lamang na ang mga Saksi ni Jehova ay tumanggi sa pagsasalin ng dugo matagal pa bago naalaman ng madla na ito’y mapanganib, nakamamatay pa nga. Subalit ang paninindigan ng mga Saksi ni Jehova tungkol sa dugo ay hindi nagkataon lamang, ni ito man ay isang alituntunin na inimbento ng isang kakatuwang sekta, isang paniniwala na nanggagaling sa pangamba na hindi ligtas na gamitin ang dugo. Bagkus, ang mga Saksi ay tumatanggi sa dugo dahilan sa kanilang determinasyon na lumakad nang naaayon sa kalooban ng kanilang Dakilang Instruktor​—ang Diyos.

3. (a) Ano ang nadama ni David tungkol sa pagkaumaasa kay Jehova? (b) Anong resulta ang pinanabikan ni David dahilan sa pagtitiwala sa Diyos?

3 Si Haring David, na nakadama ng kaniyang pagkaumaasa sa Diyos, ay determinado na maturuan niya at ‘lumakad sa kaniyang katotohanan.’ (Awit 86:11) Minsan ay pinaalalahanan si David na kung siya’y iiwas sa kasalanang pagbububo ng dugo sa paningin ng Diyos, ang kaniyang ‘kaluluwa ay babalutin ng mistulang balutan ng buhay kasama ni Jehova.’ (1 Samuel 25:21, 22, 25, 29) Kung papaanong binabalot ng mga tao ang mahalagang mga ari-arian upang mailigtas at maingatan ang mga iyon, ganoon ililigtas at iingatan ng Diyos ang buhay ni David. Pagkatapos tanggapin ang matalinong payo, hindi sinikap ni David na iligtas ang kaniyang sarili sa pamamagitan ng personal na pagsisikap kundi siya’y tumiwala sa Isa na pinagkakautangan niya ng kaniyang buhay: “Iyong ituturo sa akin ang landas ng buhay. Nasa iyong harapan ang kapuspusan ng kagalakan; sa iyong kanan ay may kasayahan magpakailanman.”​—Awit 16:11.

4. Bakit ibig ni David na siya’y maturuan ni Jehova?

4 Taglay ang ganiyang saloobin, hindi inisip ni David na siya ang personal na makapipili kung aling mga kautusan ng Diyos ang makatuwiran o nangangailangan na sundin. Ang kaniyang saloobin ay: “Ituro mo sa akin ang iyong daan, Oh Jehova, at patnubayan mo ako sa landas ng katuwiran.” “Ituro mo sa akin ang iyong daan, Oh Jehova. Lalakad ako sa iyong katotohanan. Buuin mo sa aking puso ang matakot sa iyong pangalan. Pupurihin kita, Oh Jehova na aking Diyos, nang aking buong puso.” (Awit 27:11; 86:11, 12) Kung minsan ang paglakad sa katotohanan sa harap ng Diyos ay baka waring di-kombinyente o baka mangailangan ng malaking pagsasakripisyo, ngunit ang ibig ni David ay maturuan siya sa tamang daan at makalakad doon.

Tinuruan Tungkol sa Dugo

5. Tiyak na alam ni David ang ano tungkol sa turo ng Diyos hinggil sa dugo?

5 Pansinin natin na mula sa pagkabata, si David ay tinuruan ng pagkakilala ng Diyos tungkol sa dugo, na hindi isang relihiyosong misteryo. Pagka ang Kautusan ay binabasa sa bayan, tiyak na naririnig ito ni David: “Ang kaluluwa ng laman ay nasa dugo, at ako mismo ang naglagay nito sa ibabaw ng dambana upang inyong itubos sa inyong mga kaluluwa, sapagkat ang dugo ay siyang tumutubos dahil sa kaluluwang naroroon. Kaya aking sinabi sa mga anak ng Israel: ‘Sinumang kaluluwa sa inyo ay huwag kakain ng dugo’ at ni ang tagaibang bayan na nakikipamayan sa inyo ay huwag kakain ng dugo.’ ”​—Levitico 17:11, 12; Deuteronomio 4:10; 31:11.

6. Papaano kailangang patuluyang maturuan tungkol sa dugo ang mga lingkod ng Diyos?

6 Samantalang ginagamit ng Diyos ang Israel bilang kaniyang natitipong bayan, ang mga ibig makalugod sa kaniya ay kailangang maturuan tungkol sa dugo. Kaya sali’t saling-lahi ng mga batang lalaki at babae na mga Israelita ang tinuruan. Subalit ang gayon bang turo ay magpapatuloy pagkatapos na tanggapin ng Diyos ang kongregasyon ng mga Kristiyano, binuo sila bilang “ang Israel ng Diyos”? (Galacia 6:16) Oo, totoo iyan. Ang pagkakilala ng Diyos sa dugo ay hindi nagbago. (Malakias 3:6) Ang kaniyang ipinahayag na paninindigan tungkol sa hindi paggamit sa dugo sa maling paraan ay umiral na bago nagkabisa ang tipang Kautusan, at ito’y nagpatuloy kahit na pagkatapos na wakasan ang Kautusan.​—Genesis 9:3, 4; Gawa 15:28, 29.

7. Bakit mahalaga na tayo’y maturuan ng Diyos tungkol sa dugo?

7 Ang paggalang sa dugo ay napakahalaga sa pagka-Kristiyano. ‘Hindi ba iyan ay labis-labis na pangungusap?’ marahil ay itatanong ng iba. Gayunman, ano ba ang napakahalaga sa pagka-Kristiyano kundi ang hain na inihandog ni Jesus? At si apostol Pablo ay sumulat: “Sa pamamagitan [ni Jesus] ay may katubusan tayo dahil sa pantubos sa pamamagitan ng dugo ng isang iyan, oo, ang kapatawaran ng ating mga pagkakasala, ayon sa kayamanan ng kaniyang di-sana-nararapat na kagandahang-loob.” (Efeso 1:7) Ganito ang pagkasalin sa talata ayon sa The Inspired Letters, isinalin ni Frank C. Laubach: “Ang dugo ni Kristo ang kabayaran para sa atin at ngayon tayo’y pag-aari na Niya.”

8. Papaano depende sa dugo ang buhay ng “malaking pulutong”?

8 Lahat ng umaasang makaliligtas sa napipintong “malaking kapighatian” at magtatamo ng mga pagpapala ng Diyos sa isang lupang paraiso ay depende sa itinigis na dugo ni Jesus. Sa Apocalipsis 7:9-14 ay inilalarawan sila at sinasabi may kaugnayan sa kanilang nagawa na: “Ang mga ito ang lumalabas buhat sa malaking kapighatian, at sila’y naglaba ng kanilang mga kasuotan at pinaputi iyon sa dugo ng Kordero.” Pansinin ang pangungusap dito. Hindi sinasabi na ang mga ito na inililigtas sa kapighatian ay ‘tumanggap kay Jesus’ o ‘sumampalataya sa kaniya,’ bagaman ang mga iyan ay tunay na mahahalagang pangangailangan. Higit pa ang sinasabi at binabanggit na sila’y “naglaba ng kanilang mga kasuotan at pinaputi iyon sa dugo [ni Jesus].” Iyan ay dahilan sa may bisa ang kaniyang dugo na tumubos.

9. Bakit totoong mahalaga na sundin si Jehova tungkol sa dugo?

9 Ang pagkaunawa sa bisang ito ang tumutulong sa mga Saksi ni Jehova na magpasiyang huwag gamitin ang dugo sa maling paraan, kahit na kung ang isang doktor ay taimtim na naniniwalang mahalaga ang pagsasalin. Baka siya’y naniniwala na ang posibleng mga pakinabang sa pagsasalin ay mas malaki pa kaysa mga panganib sa kalusugan na lilikhain ng dugo mismo. Subalit ang Kristiyano ay hindi maaaring magwalang-bahala sa isang lalong malaking panganib, ang panganib na maiwala ang pagsang-ayon ng Diyos sa pamamagitan ng pagpayag sa maling paggamit sa dugo. Minsan ay binanggit ni Pablo yaong mga “sinasadya ang pamimihasa sa pagkakasala pagkatapos na tumanggap ng tumpak na kaalaman sa katotohanan.” Bakit nga ang ganiyang uri ng kasalanan ay totoong malubha? Sapagkat ang gayong tao ay “yumurak sa Anak ng Diyos at . . . umaring di-banal sa dugo ng tipan na nagpabanal sa kaniya.”​—Hebreo 9:16-24; 10:26-29.

Tulungan ang Iba Upang Maturuan

10. Ano ang nasa likod ng ating determinasyon na umiwas sa dugo?

10 Tayo na nagpapahalaga sa haing pantubos na inihandog ni Jesus ay nagpapakaingat upang huwag mamihasa sa pagkakasala, na tinatanggihan ang nagliligtas-buhay na bisa ng kaniyang dugo. Pagkatapos na pag-isipan ang bagay na iyan, ating natatalos na kahit na lamang ang pagkilala ng utang na loob sa Diyos alang-alang sa ating buhay ang dapat mag-udyok sa atin na tanggihan ang anumang pakikipagkompromiso ng kaniyang matuwid na mga batas, anupa’t tayo’y nagtitiwala na ibinigay ito na isinasapuso ang ating pinakamagaling na kapakanan​—ang ating pangmahabang-panahong pinakamagaling na kapakanan. (Deuteronomio 6:24; Kawikaan 14:27; Eclesiastes 8:12) Bueno, kumusta naman ang ating mga anak?

11-13. Anong maling paniwala tungkol sa kanilang mga anak at sa dugo ang taglay ng ibang mga mga magulang na Kristiyano, at bakit?

11 Bagaman ang ating mga supling ay mga sanggol pa o totoong napakabata upang makaunawa, sila’y maituturing ng Diyos na Jehova na malilinis at kalugud-lugod batay sa ating debosyon. (1 Corinto 7:14) Kaya totoo na ang mga sanggol sa isang sambahayang Kristiyano ay marahil hindi pa nakauunawa at nagpapasiya tungkol sa pagsunod sa kautusan ng Diyos sa dugo. Gayunman, atin bang ginagawa ang pinakamagaling na magagawa natin upang turuan sila sa mahalagang bagay na ito? Dapat dibdibang pag-isipan iyan ng mga magulang na Kristiyano, sapagkat ang ibang mga magulang ay waring may maling saloobin tungkol sa kanilang mga anak at sa dugo. Ang iba marahil ay naniniwala na wala naman sila talagang malaking magagawa kung ang kanilang mga anak na menor de edad ay salinan man ng dugo. Bakit nga may ganitong maling paniwala?

12 Maraming bansa ang may mga batas o mga ahensiya ng pamahalaan na nagbibigay ng proteksiyon sa pinabayaan at inabusong mga anak. Ang mga anak ng mga Saksi ni Jehova ay hindi pinababayaan o inaabuso pagka nagpasiya ang mga magulang laban sa pagpayag na ang kanilang minamahal na anak, lalaki man o babae, ay salinan ng dugo, anupa’t hinihiling ang paggamit ng panghaliling mga paraan ng paggamot na ginagamit sa modernong medisina. Kahit na sa punto de vista ng medisina, ito ay hindi pagpapabaya o pag-abuso, kung isasaalang-alang ang inaaming mga panganib ng pagsasalin ng dugo. Ito ay isang paggamit sa karapatan na pagtimbang-timbangin ang kasangkot na mga panganib at pagkatapos ay pumili ng gagamiting paraan.a Gayunman, gumamit ng mga legal na paglalaan ang ilang manggagamot na naghahanap ng autoridad upang maipilit ang isang tinututulang pagsasalin.

13 Ang ibang mga magulang, na nag-iisip na baka madali para sa mga manggagamot na kumuha ng utos ng hukuman na salinan ang isang menor de edad, ay baka mag-isip na ang bagay na iyan ay hindi nakasalalay sa kanilang mga kamay, na walang magagawa o kailangang gawin ang mga magulang. Anong laking pagkakamali ang ganiyang paniniwala!​—Kawikaan 22:3.

14. Papaano tinuruan sa kanilang kabataan sina David at Timoteo?

14 Ating napag-alaman na si David ay tinuruan sa daan ng Diyos mula pa sa kaniyang pagkabata. Iyan ay nagsangkap sa kaniya ng kaalaman na ang buhay ay ituring na isang kaloob ng Diyos at makilala na ang dugo ay kumakatawan sa buhay. (Ihambing ang 2 Samuel 23:14-17.) Si Timoteo ay tinuruan ng kaisipan ng Diyos “mula sa pagkasanggol.” (2 Timoteo 3:14, 15) Hindi ka ba sumasang-ayon na kahit na nang si David at si Timoteo ay wala pa sa ngayo’y itinuturing na legal na edad ng pagka-adulto, tiyak na sila’y nakapagpahayag ng kanilang paniniwala tungkol sa mga isyu na nagsasangkot ng kalooban ng Diyos? Sa katulad na paraan, kahit na wala pa sa edad, ang mga kabataang Kristiyano sa ngayon ay dapat na turuan sa daan ng Diyos.

15, 16. (a) Sa mga ibang lugar anong paniwala ang nangyaring umunlad tungkol sa mga karapatan ng mga menor de edad? (b) Ano ang umakay upang ang isang menor de edad ay masalinan ng dugo?

15 Sa ilang lugar ang tinatawag na maygulang na menor de edad ay binibigyan ng mga karapatan na katulad niyaong sa mga adulto. Batay sa edad o maygulang na kaisipan, o kapuwa, ang isang kabataan ay maituturing na may sapat na gulang upang gumawa ng kaniyang sariling mga pasiya tungkol sa pagpapagamot. Kahit na kung saan hindi ito ang batas, ang mga hukom o mga opisyal ay maaaring magbigay ng malaking pagpapahalaga sa mga kagustuhan ng isang kabataan na malinaw na nakapagpapahayag ng kaniyang matatag na pasiya tungkol sa dugo. Bilang kabaligtaran naman nito, pagka ang isang kabataan ay hindi makapagpaliwanag nang malinaw at gaya ng isang maygulang na, marahil ay iisipin ng isang hukuman na magpasiya kung ano ang waring pinakamabuti, gaya ng pasiya para sa isang sanggol.

16 Isang kabataang lalaki ang nag-aral ng Bibliya nang patigil-tigil sa loob ng mga taon ngunit hindi nabautismuhan. Bagaman siya’y pitong linggo lamang ang layo sa edad na dito’y kaniyang kakamtin ang “karapatan na tumanggi sa paggamot sa kaniya,” isang ospital na gumagamot sa kaniya sa kanser ang kumuha ng pagtangkilik ng hukuman na salinan siya laban sa kaniyang kagustuhan at sa kagustuhan ng kaniyang mga magulang. Siya ay sinubok ng responsableng hukom tungkol sa kaniyang paniniwala may kaugnayan sa dugo at tinanong ng mga saligang tanong, tulad ng mga pangalan ng unang limang aklat ng Bibliya. Hindi masabi ng kabataang lalaki kung anu-ano iyon ni nakapagbigay man siya ng kapani-paniwalang patotoo na kaniyang nauunawaan kung bakit siya’y tumatanggi sa dugo. Nakalulungkot sabihin, ang hukom ay nagbigay ng pahintulot para siya masalinan, na ang sabi: “Ang (k)aniyang pagtangging pasalin ng dugo ay hindi nakasalig sa isang maygulang na pagkaunawa ng kaniyang sariling mga paniniwala sa relihiyon.”

17. Ano ang paninindigan ng isang 14-anyos na batang babae tungkol sa pagpapasalin ng dugo, at ano ang resulta?

17 Ang mga bagay ay maaaring lumabas na naiiba para sa isang menor de edad na tinuruang mabuti sa mga daan ng Diyos at aktibong lumalakad sa Kaniyang katotohanan. Isang mas nakababatang Kristiyano ang nagkaroon ng gayunding pambihirang klase ng kanser. Ang batang babae at ang kaniyang mga magulang ay may unawa at sumang-ayon sa binagong chemotherapy buhat sa isang espesyalista sa isang kilalang ospital. Gayunman, ang kaso ay dinala rin sa hukuman. Ang hukom ay sumulat: “Si D.P. ay nagpatotoo na kaniyang tatanggihan ang pagsasalin ng dugo sa anumang paraan na magagawa niya. Kaniyang itinuring na ang pagsasalin ay pag-aabuso sa kaniyang katawan at inihambing niya iyon sa panggagahasa. Kaniyang hiniling sa Hukuman na igalang ang kaniyang kagustuhan at payagan siya na magpatuloy na lumagi roon sa [ospital] nang walang utos ng Hukuman na siya’y salinan ng dugo.” Ang turong Kristiyano na kaniyang tinanggap ay tumulong sa kaniya sa maselang na panahong ito.​—Tingnan ang kahon.

18. (a) Isang maysakit na batang babae ang gumawa ng anong matatag na paninindigan tungkol sa pagpapasalin ng dugo? (b) Ano ang ipinasiya ng hukom tungkol sa paggamot sa kaniya?

18 Isang 12-anyos na batang babae ang ginagamot sa sakit na leukemia. Isang ahensiya sa kapakanan ng mga bata ang nagsampa ng kaso sa hukuman upang sapilitang masalinan siya ng dugo. Ganito ang konklusyon ng hukom: “Si L. ay malinaw na nagsabi sa hukumang ito at sa isang paraang totoong-totoo na, kung tatangkaing siya’y salinan ng dugo, kaniyang lalabanan ang pagsasaling iyon nang buong-lakas na taglay niya. Kaniyang sinabi, at ako’y naniniwala sa kaniya, na siya’y titili at manlalaban at kaniyang huhugutin sa kaniyang braso ang pang-ineksiyong karayom at pagsisikapan niyang itapon ang dugo sa bag na nasa itaas ng kaniyang higaan. Ayaw kong magbigay ng anumang utos na maglalagay sa batang ito sa ganiyang kakila-kilabot na karanasan . . . Sa pasyenteng ito, ang paggamot na iminungkahi ng ospital ay sa pisikal na diwa lamang maikakapit sa sakit. Iyon ay hindi kumakapit sa kaniyang emosyonal na pangangailangan at sa kaniyang relihiyosong mga paniniwala.”

Mga Magulang​—Kayo’y Magturong Mabuti

19. Anong natatanging obligasyon sa kanilang mga anak ang dapat tuparin ng mga magulang?

19 Ang ganiyang mga karanasan ay may taglay na mabisang mensahe para sa mga magulang na nagnanasang lahat ng nasa kanilang pamilya ay mamuhay ayon sa kautusan ng Diyos sa dugo. Ang isang dahilan kung bakit naging kaibigan ng Diyos si Abraham ay sapagkat Kaniyang nababatid na gagawin ng patriarka na “mag-utos sa kaniyang mga anak at sa kaniyang sambahayan pagkamatay niya na kanilang [iingatan] ang daan ni Jehova na sumunod sa katuwiran.” (Genesis 18:19) Hindi ba dapat na maging totoo ito sa mga magulang na Kristiyano sa ngayon? Kung ikaw ay isang magulang, tinuturuan mo ba ang iyong mahal na mga anak na lumakad sa daan ni Jehova upang sila’y laging maging “handang magtanggol sa harap ng sinuman na humihingi . . . ng katuwiran tungkol sa pag-asang nasa [kanila], ngunit ginagawa iyon nang may kahinahunan at taimtim na paggalang”?​—1 Pedro 3:15.

20. Ano ang pangunahing ibig nating maalaman ng ating mga anak at paniwalaan tungkol sa dugo? (Daniel 1:3-14)

20 Bagaman makabubuti para sa ating mga anak na maturuan tungkol sa mga panganib sa sakit at sa iba pang mga panganib ng pagsasalin ng dugo, ang pagtuturo sa ating mga anak ng sakdal na kautusan ng Diyos sa dugo ay hindi pangunahing nangangahulugan ng pagsisikap na ituro ang pagkatakot sa dugo. Halimbawa, kung tanungin ng isang hukom ang isang batang babae kung bakit ayaw niyang pasalin ng dugo at ang pinakadiwa ng kaniyang sagot ay dahil sa inaakala niyang totoong mapanganib o nakapangingilabot ang dugo, ano ang maaaring maging epekto? Baka isipin ng hukom na siya ay musmos lamang at labis na matatakutin, gaya ng kaniyang pagkatakot sa operasyon ng apendisitis na anupa’t siya’y mag-iiiyak at tatanggihan niya ang operasyong ito na inaakala maging ng kaniyang mga magulang na pinakamagaling para sa kaniya. Isa pa, ating napag-alaman una pa rito na ang mahalagang dahilan kung bakit ang mga Kristiyano ay tumututol sa pagsasalin ng dugo ay hindi dahil sa marumi ang dugo kundi dahil sa ito’y mahalaga sa ating Diyos at Tagapagbigay-Buhay. Dapat malaman iyan ng ating mga anak, gayundin na ang mga panganib na posibleng dulot ng dugo ay nagbibigay ng karagdagang pagpapatibay sa ating relihiyosong paninindigan.

21. (a) Dapat maalaman ng mga magulang ang ano tungkol sa kanilang mga anak at sa turo ng Bibliya hinggil sa dugo? (b) Papaano matutulungan ng mga magulang ang kanilang mga anak may kaugnayan sa dugo?

21 Kung kayo ay may mga anak, natitiyak ba ninyo na sila’y sumasang-ayon at makapagpapaliwanag sa salig-sa-Bibliyang paninindigan tungkol sa pagsasalin? Talaga bang sila’y naniniwala sa paninindigang ito na ito ang kalooban ng Diyos? Sila ba’y kumbinsido na ang paglabag sa batas ng Diyos ay totoong napakalubha na anupa’t isasapanganib ang pag-asa ng isang Kristiyano na magtamo ng buhay na walang-hanggan? Ang marurunong na mga magulang ay magrerepaso ng mga bagay na ito kasama ang kanilang mga anak, maging ang mga ito man ay napakabata pa o halos mga adulto na. Ang mga magulang ay maaaring gumanap ng mga sesyon sa pagsasanay na doon bawat bata ay haharap sa mga katanungan na maaaring maitanong ng isang hukom o isang opisyal ng ospital. Ang tunguhin ay hindi upang ulit-ulitin ng isang bata ang sauladong piniling mga katotohanan o mga kasagutan. Lalong mahalaga na kanilang alam ang kanilang pinaniniwalaan, at kung bakit. Sabihin pa, sa isang paglilitis sa hukuman, ang mga magulang o ang mga iba ay baka magharap ng impormasyon tungkol sa mga panganib ng pagsasalin ng dugo at sa maihahaliling mga paraan ng paggamot. Subalit ang malamang na nais malaman ng isang hukom o isang opisyal sa pakikipag-usap sa ating mga anak ay kung sila’y may magulang na pagkaunawa sa kanilang katayuan at mga karapatan sa pagpapasiya at gayundin kung sila’y may sariling mga pinahahalagahang pamantayan at matatag na paniniwala.​—Ihambing ang 2 Hari 5:1-4.

22. Ano ang maaaring maging permanenteng resulta ng ating pagiging naturuan ng Diyos tungkol sa dugo?

22 Lahat tayo ay nangangailangan na magpahalaga at buong-tatag na manghawakan sa turo ng Diyos tungkol sa dugo. Sa Apocalipsis 1:5 ay tinutukoy si Kristo bilang ang isa na ‘umiibig sa atin at nagkalag sa atin sa ating mga kasalanan sa pamamagitan ng kaniyang sariling dugo.’ Tanging sa pagtanggap sa halaga ng dugo ni Jesus makakamit natin ang lubos at walang-hanggang kapatawaran ng ating mga kasalanan. Ang Roma 5:9 ay nagsasabi: “Lubha pa nga ngayong inaaring matuwid sa pamamagitan ng kaniyang dugo, tayo ay maliligtas sa galit sa pamamagitan niya.” Anong laking karunungan na tayo at ang ating mga anak ay maturuan ni Jehova sa bagay na ito at maging determinado na lumakad sa kaniyang daan magpakailanman!

[Talababa]

a Tingnan ang Papaano Maililigtas ng Dugo ang Inyong Buhay?, lathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc., pahina 21-2, 28-31.

Mga Pangunahing Punto na Itinuro

◻ Ano ang dapat na maging pangmalas natin tungkol sa pagiging tinuruan ni Jehova?

◻ Bakit ang pagsunod sa kautusan ng Diyos tungkol sa dugo ay totoong mahalaga?

◻ Bakit kailangan na maipaliwanag ng mga kabataan nang buong-linaw at katatagan ang kanilang matibay na paniniwala tungkol sa dugo?

◻ Papaano matutulungan ng Kristiyanong mga magulang ang kanilang mga anak upang maturuang mabuti sa kautusan ni Jehova tungkol sa dugo?

[Kahon sa pahina 17]

HUMANGA ANG HUKUMAN

Ano ba ang sinabi ng desisyon ng hukuman tungkol kay D.P., na binanggit sa parapo 17?

“Ang Hukuman ay lubhang humanga sa talino, katatagan, dangal, at lakas ng 14-1/2 taóng gulang na kabataang ito. Marahil siya ay pinangibabawan ng pangamba nang matuklasan na siya’y may sakit na isang nakamamatay na anyo ng kanser . . . Gayunman, isang maygulang na kabataan ang humarap sa Hukuman upang magpatotoo. Siya’y humarap upang malinaw na magtutok ng pansin sa maselang na gawaing nakaharap sa kaniya. Siya’y dumalo sa lahat ng sesyon ng pagpapayo, sumang-ayon sa isang kaayusan ng paggamot, bumuo ng isang katugmang pilosopya sa kung papaano siya bilang isang tao ay haharap sa hamong ito sa paggamot, at siya’y humarap sa Hukuman taglay ang nakababagbag-damdaming pakiusap: igalang ang aking pasiya . . .

“Bukod sa kaniyang pagkamaygulang, si D.P. ay nagpahayag ng sapat na batayan ng kaniyang desisyon upang igalang iyon ng Hukuman. Sa espirituwal, sikolohikal, moral, at emosyonal na paraan siya’y masasaktan ng isang plano ng paggamot na doo’y kasali ang pagsasalin ng dugo. Ang kaniyang piniling plano ng paggamot ay igagalang ng Hukuman.”

[Larawan sa pahina 16]

Ang isang hukom o ang isang administrador ng ospital ay baka nagnanais malaman kung ano talaga ang paniniwala ng isang batang Kristiyano, at kung bakit

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share