Pagpapahalaga sa mga Pagtitipong Kristiyano
“Isaalang-alang natin ang isa’t isa upang mag-udyukan sa pag-ibig at sa maiinam na gawa, na hindi pinababayaan ang ating pagtitipon.”—HEBREO 10:24, 25.
1, 2. (a) Bakit isang pribilehiyo ang dumalo sa isang pagtitipon ng mga tunay na Kristiyano? (b) Sa anong diwa naroroon si Jesus sa mga pagtitipon ng kaniyang mga tagasunod?
TUNAY na isang pribilehiyo ang makadalo sa isang pagtitipong Kristiyano, iyon man ay binubuo ng wala pang sampu o ng ilang libong mananamba ni Jehova, sapagkat sinabi ni Jesus: “Kung saan may dalawa o tatlong nagtitipon sa aking pangalan, naroon ako sa kanilang gitna”! (Mateo 18:20) Totoo, nang ipangako ito, tinatalakay ni Jesus ang hudisyal na mga bagay na kailangang hawakan nang may kawastuan niyaong mga nangunguna sa kongregasyon. (Mateo 18:15-19) Subalit maikakapit din ba ang mga salita ni Jesus bilang simulain sa lahat ng mga pagtitipong Kristiyano na sinisimulan at tinatapos sa pamamagitan ng panalangin sa kaniyang pangalan? Oo. Tandaan, nang atasan ni Jesus ang kaniyang mga tagasunod upang gumawa ng mga alagad, nangako siya: “Narito! ako ay kasama ninyo sa lahat ng mga araw hanggang sa katapusan ng sistema ng mga bagay.”—Mateo 28:20.
2 Walang alinlangang ang Ulo ng kongregasyong Kristiyano, ang Panginoong Jesu-Kristo, ay lubhang interesado sa lahat ng pagtitipon ng kaniyang tapat na mga tagasunod. Isa pa, makatitiyak tayo na naroroon siya kasama nila sa pamamagitan ng banal na espiritu ng Diyos. (Gawa 2:33; Apocalipsis 5:6) Interesado rin naman ang Diyos na Jehova sa ating pagpupulong na sama-sama. Ang pangunahing layunin ng gayong mga pulong ay upang purihin ang Diyos “sa gitna ng nagkakatipong lubhang karamihan.” (Awit 26:12) Ang ating pagdalo sa mga pulong ng kongregasyon ay katunayan ng ating pag-ibig sa kaniya.
3. Sa anong mabubuting dahilan pinahahalagahan natin ang mga pagtitipong Kristiyano?
3 May iba pang mabubuting dahilan sa pagpapahalaga natin sa mga pagtitipong Kristiyano. Bago siya lumisan sa lupa, inatasan ni Jesu-Kristo ang kaniyang pinahirang mga alagad na kumilos bilang isang “tapat at maingat na alipin” sa paglalaan ng napapanahong espirituwal na pagkain sa sambahayan ng mga sumasampalataya. (Mateo 24:45) Ang isang mahalagang paraan na nagaganap ang gayong espirituwal na pagpapakain ay sa pamamagitan ng mga pulong sa kongregasyon gayundin sa mas malalaking pagtitipon—mga asamblea at mga kombensiyon. Pinapatnubayan ng Panginoong Jesu-Kristo ang tapat na aliping ito upang maglaan ng mahalagang impormasyon sa gayong mga pagtitipon para sa lahat ng ibig makaligtas sa katapusan ng balakyot na sistemang ito at magtamo ng buhay sa matuwid na bagong sanlibutan ng Diyos.
4. Anong mapanganib na “kinaugalian” ang binanggit sa Bibliya, at ano ang makatutulong sa atin na maiwasan iyon?
4 Kaya naman, walang Kristiyano ang dapat magkaroon ng mapanganib na kinaugaliang binanggit ni apostol Pablo, na sumulat: “Isaalang-alang natin ang isa’t isa upang mag-udyukan sa pag-ibig at sa maiinam na gawa, na hindi pinababayaan ang ating pagtitipon, gaya ng kinaugalian ng iba, kundi nagpapatibayang-loob sa isa’t isa, at lalung-lalo na samantalang inyong nakikita na papalapit na ang araw.” (Hebreo 10:24, 25) Ang pagbubulay-bulay tungkol sa pribilehiyo at mga pakinabang sa pagdalo sa mga pagtitipong Kristiyano ay tutulong sa atin na buong-katapatan at buong-pusong tangkilikin ang gayong mga pagtitipon.
Mga Pulong na Nagpapatibay
5. (a) Ano ang dapat na maging epekto ng ating pananalita sa mga pulong? (b) Bakit hindi tayo dapat magpatumpik-tumpik sa pag-aanyaya sa mga interesado na dumalo sa mga pulong?
5 Yamang ipinananalangin ng mga Kristiyano na maging aktibo ang banal na espiritu ni Jehova sa mga pulong Kristiyano, dapat sikapin ng bawat dumadalo na gawin ang kaniyang buong makakaya kasuwato ng espiritu at ‘huwag pighatiin ang banal na espiritu ng Diyos.’ (Efeso 4:30) Nang isulat ni apostol Pablo ang mga kinasihang salitang ito, tinatalakay niya ang wastong paggamit ng pananalita. Ang sinasabi natin ay dapat laging ginagamit “sa ikatitibay ayon sa pangangailangan, upang maibigay nito kung ano ang mabuti sa mga nakikinig.” (Efeso 4:29) Ito ay lalo nang mahalaga sa mga pagtitipong Kristiyano. Sa kaniyang liham sa mga taga-Corinto, idiniin ni Pablo ang pangangailangan na maging nakapagpapatibay, nakapagtuturo, at nakapagpapasigla ang mga pulong. (1 Corinto 14:5, 12, 19, 26, 31) Lahat ng dumadalo ay nakikinabang sa gayong mga pulong, pati na ang mga baguhang dumadalo, na mainam na makapagsasabi: “Ang Diyos ay tunay ngang nasa gitna ninyo.” (1 Corinto 14:25) Sa dahilang ito, hindi tayo dapat magpatumpik-tumpik sa pag-aanyaya sa mga baguhang interesado na makipagpulong sa atin, sapagkat ang paggawa nito ay magpapabilis sa kanilang espirituwal na pagsulong.
6. Ano ang ilang salik na nakatutulong upang maging nakapagpapatibay ang isang pulong?
6 Ang lahat ng naatasan ng mga pahayag, panayam, o mga pagtatanghal sa isang pulong Kristiyano ay magnanais na tiyaking ang kanilang pananalita ay kapuwa nakapagpapatibay at kasuwato ng nasusulat na Salita ng Diyos, ang Bibliya. Bukod sa pagbigkas ng wastong pananalita, dapat tayong magpahayag ng damdamin at emosyon na kasuwato ng maibiging personalidad ng Diyos at ni Kristo. Kung ang lahat ng naghaharap ng bahagi sa programa sa isang pulong ay palaisip sa pagpapaaninaw ng ‘bunga ng espiritu ng Diyos,’ gaya ng kagalakan, mahabang-pagtitiis, at pananampalataya, kung magkagayo’y tiyak na madarama ng lahat ng dumalo na sila’y napatibay.—Galacia 5:22, 23.
7. Paano makatutulong ang lahat ng dumadalo upang maging nakapagpapatibay ang isang pagtitipon?
7 Bagaman maaaring iilan lamang ang may bahagi sa programa sa mga pulong ng kongregasyon, ang lahat ay makatutulong upang iyon ay maging isang nakapagpapatibay na pagtitipon. Malimit na may mga pagkakataon para makasagot sa mga tanong ang mga tagapakinig. Ito ay mga okasyon para sa pangmadlang paghahayag ng ating pananampalataya. (Roma 10:9) Hindi kailanman dapat gamitin ang mga ito upang itaguyod ang ating personal na mga ideya, ipagmayabang ang ating personal na mga tagumpay, o punahin ang isang kapananampalataya. Napipighati nito ang espiritu ng Diyos, hindi ba? Pinakamabuting ayusin sa pribadong paraan ayon sa espiritu ng pag-ibig ang mga di-pagkakaunawaan ng mga magkakapananampalataya. Sinasabi ng Bibliya: “Maging mabait kayo sa isa’t isa, madamayin sa magiliw na paraan, malayang nagpapatawaran sa isa’t isa kung paanong ang Diyos sa pamamagitan ni Kristo ay malayang nagpatawad din sa inyo.” (Efeso 4:32) Tunay na isang napakahusay na pagkakataon ang ibinibigay sa atin ng mga pagtitipong Kristiyano upang ikapit ang mainam na payong ito! Sa layuning ito, marami ang dumarating sa pulong nang maaga at nananatili pa rin pagkatapos nito. Nakatutulong din ito sa mga baguhang interesado, na may pantanging pangangailangang madama na sila’y malugod na tinatanggap. Kaya ang lahat ng nakaalay na Kristiyano ay may bahaging dapat gampanan upang maging nakapagpapatibay ang mga pulong sa pamamagitan ng ‘pagsasaalang-alang sa isa’t isa at pag-uudyukan sa pag-ibig at sa maiinam na gawa.’
Maghandang Mabuti
8. (a) Anong kapuri-puring pagsasakripisyo ang ginagawa ng ilan upang makadalo sa mga pulong? (b) Anong halimbawa ang inilaan ni Jehova bilang isang pastol?
8 Bagaman maaaring madali para sa ilan ang dumalo sa mga pagtitipong Kristiyano, para sa iba naman ay nangangailangan ito ng patuloy na pagsasakripisyo. Halimbawa, ang isang Kristiyanong ina na kailangang maghanapbuhay upang makatulong sa paglalaan ng mga pangangailangan ng kaniyang sambahayan ay karaniwan nang umuuwing pagod mula sa trabaho. Baka pagkatapos nito ay kailangan niyang maghanda ng pagkain at tulungan ang kaniyang mga anak na maghanda para sa pulong. Ang ibang Kristiyano ay baka kailangang maglakbay nang malayo para makarating sa pulong, o baka nahahadlangan sila ng mga karamdaman o katandaan. Tiyak, nauunawaan ng Diyos na Jehova ang kalagayan ng bawat tapat na dumadalo sa pulong, kung paanong nauunawaan ng isang maibiging pastol ang pantanging pangangailangan ng bawat tupa sa kaniyang kawan. “Kagaya ng isang pastol,” sabi ng Bibliya, “magpapastol [si Jehova] sa kaniyang sariling pangkat ng hayop. Titipunin niya sa kaniyang bisig ang mga tupa; at dadalhin niya sila sa kaniyang sinapupunan. Yaong sumususo ay maingat niyang papatnubayan.”—Isaias 40:11.
9, 10. Paano tayo makikinabang nang husto sa mga pulong?
9 Yaong nagsasakripisyo nang malaki upang maging regular sa mga pulong ay maaaring may limitadong panahon na ginugugol sa paghahanda ng materyal na isasaalang-alang. Nagiging lalong kasiya-siya ang pagdalo sa Paaralang Teokratiko sa Pagmiministro kapag nakaaalinsabay sa lingguhang iskedyul sa pagbabasa ng Bibliya. Gayundin naman, nagiging lalong kapaki-pakinabang ang mga ito kapag patiunang nakapaghahanda para sa iba pang pulong, gaya ng Pag-aaral sa Bantayan at Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat. Sa pamamagitan ng patiunang pagbabasa sa araling materyal at pagsasaalang-alang sa kahit man lamang sa ilang binanggit na mga teksto sa Bibliya, yaong may umuubos-ng-panahong pananagutan sa pamilya ay magiging lalong handa na magkaroon ng makabuluhang bahagi sa mahahalagang pagtalakay na ito sa Bibliya.
10 Ang iba, na may maalwang kalagayan, ay makagugugol ng higit na panahon sa paghahanda para sa pulong. Halimbawa, maaari silang magsaliksik tungkol sa mga kasulatan na binanggit ngunit hindi sinipi. Kaya ang lahat ay maaaring maging handa upang makinabang nang husto sa mga pulong at makibahagi nang mainam sa pagpapatibay ng kongregasyon sa pamamagitan ng kanilang mga pahayag at mga komento. Dahil sa nakahandang mabuti, ang matatanda at mga ministeryal na lingkod ay magpapakita ng mainam na halimbawa sa pagbibigay ng maigsi ngunit maliwanag na mga sagot. Bilang paggalang sa mga paglalaan ni Jehova, iiwasan niyaong mga dumadalo ang anumang nakagagambalang gawain samantalang idinaraos ang mga pulong.—1 Pedro 5:3.
11. Bakit kailangan ang disiplina sa sarili upang maging handa sa mga pulong?
11 Baka umubos ng malaking panahon natin ang mga gawain at paglilibang na hindi naman mahalaga sa ating espirituwal na kalusugan. Kung gayon, kailangan nating suriin ang ating sarili at ‘tumigil sa pagiging di-makatuwiran’ may kinalaman sa paggamit ng ating panahon. (Efeso 5:17) Ang ating layunin ay dapat na ‘ang pagbili ng panahon’ mula sa di-gaanong mahahalagang bagay upang makagugol ng higit na panahon sa personal na pag-aaral ng Bibliya at paghahanda sa pulong, gayundin sa paglilingkod sa Kaharian. (Efeso 5:16) Totoo, ito ay hindi laging madali at nangangailangan ng disiplina sa sarili. Ang mga kabataan na nagbibigay-pansin dito ay naglalatag ng mainam na pundasyon para sa pagsulong sa hinaharap. Sumulat si Pablo sa kaniyang nakababatang kasama na si Timoteo: “Magmuni-muni ka sa mga bagay na ito [ang payo ni Pablo kay Timoteo]; magbuhos ka ng pansin sa mga iyon, upang ang iyong pagsulong ay mahayag sa lahat ng mga tao.”—1 Timoteo 4:15.
Mga Halimbawa Mula sa Salita ng Diyos
12. Anong mainam na halimbawa ang ipinakita ng pamilya ni Samuel?
12 Isaalang-alang ang mainam na halimbawa ng pamilya ni Samuel, na laging nakikibahagi sa mga kaayusan sa pakikipagtipon sa mga kapuwa mananamba nang ang tabernakulo ng Diyos ay nasa Shilo. Ang mga lalaki lamang ang kailangang dumalaw taun-taon para sa mga pagdiriwang ng kapistahan. Ngunit isinasama ng ama ni Samuel, si Elkana, ang kaniyang buong pamilya, kapag siya’y “pumaparoon mula sa kaniyang lunsod taun-taon upang magpatirapa at maghain kay Jehova ng mga hukbo sa Shilo.” (1 Samuel 1:3-5) Ang bayan ni Samuel, ang Ramataim-sofim, ay malamang na matatagpuan malapit sa baybayin ng modernong-panahong Rentis sa paanan ng mga burol ng “bulubunduking pook ng Efraim.” (1 Samuel 1:1) Kaya ang paglalakbay patungo sa Shilo ay umaabot ng mga 30 kilometro, isang nakapapagod na paglalakad noong mga panahong iyon. Ito ang buong-katapatang ginawa ng pamilya ni Elkana “taun-taon, kapag [sila’y] umaahon sa bahay ni Jehova.”—1 Samuel 1:7.
13. Anong halimbawa ang ipinakita ng mga tapat na Judio noong nasa lupa si Jesus?
13 Lumaki rin si Jesus sa isang malaking pamilya. Naglalakbay taun-taon ang pamilya mula sa Nazaret mga 100 kilometro patimog upang dumalo sa kapistahan ng Pentecostes sa Jerusalem. May dalawang ruta na maaaring dinaraanan nila. Sa mas tuwirang ruta ay kailangang lumusong sa Libis ng Megido at pagkatapos ay umahon nang 600 metro sa teritoryo ng Samaria at saka magpatuloy hanggang Jerusalem. Ang isa pang kilalang ruta ay yaong tinahak ni Jesus sa kaniyang huling paglalakbay patungo sa Jerusalem noong 33 C.E. Dito ay kailangang lumakad pababa sa Libis ng Jordan na mas mababa sa antas ng dagat hanggang sa marating niya ang “mga hangganan ng Judea . . . sa kabila ng Jordan.” (Marcos 10:1) Mula rito, ang “daan paahon sa Jerusalem” ay may distansiyang mga 30 kilometro, na ang mahigit sa 1,100 metro ay paahon. (Marcos 10:32) Regular na gumagawa ng ganitong mahirap na paglalakbay mula Galilea hanggang Jerusalem ang pulu-pulutong ng tapat na mga nagdiriwang ng kapistahan. (Lucas 2:44) Ano ngang inam na halimbawa para sa mga lingkod ni Jehova sa nakaririwasang mga lupain sa ngayon, na ang marami sa kanila ay maalwang nakadadalo sa mga pagtitipong Kristiyano, salamat sa modernong paraan ng transportasyon!
14, 15. (a) Anong halimbawa ang ipinakita ni Ana? (b) Ano ang matututuhan natin sa mainam na saloobing ipinamalas ng ilang baguhang dumadalo sa pulong?
14 Ang isa pang halimbawa ay yaong sa 84-na-taong-gulang na biyudang si Ana. Sinasabi ng Bibliya na siya ay “hindi kailanman lumiliban sa templo.” (Lucas 2:37) Bukod dito, si Ana ay nagpakita ng maibiging interes sa iba. Nang makita ang sanggol na si Jesus at malaman na ito ang ipinangakong Mesiyas, ano ang ginawa niya? Siya ay nagpasalamat sa Diyos at nagsimulang “magsalita tungkol sa bata sa lahat niyaong naghihintay sa katubusan ng Jerusalem.” (Lucas 2:38) Tunay na isang mainam na saloobin, anupat isang huwaran para sa mga Kristiyano ngayon!
15 Oo, dapat na maging gayon na lamang kalugud-lugod ang pagdalo at pakikibahagi sa ating mga pulong anupat, tulad ni Ana, hindi natin kailanman ibig na lumiban. Ganito ang nadarama ng maraming baguhan. Palibhasa’y nakalabas na mula sa kadiliman tungo sa kahanga-hangang liwanag ng Diyos, ibig nilang matutuhan ang lahat hangga’t maaari, at marami ang lubhang nasasabik sa mga pulong Kristiyano. Sa kabilang banda, yaong mas matatagal na sa katotohanan ay dapat na mag-ingat na huwag ‘iwan ang pag-ibig na taglay nila noong una.’ (Apocalipsis 2:4) Kung minsan ay baka hindi makadalo ang isang tao dahil sa malulubhang suliranin sa kalusugan o iba pang dahilan na hindi maiwasan. Ngunit hindi natin dapat hayaan ang materyalismo, paglilibang, o kawalan ng interes na akayin tayo na maging di-handa, matamlay, o di-regular sa pagdalo sa pulong.—Lucas 8:14.
Ang Pinakamainam na Halimbawa
16, 17. (a) Ano ang saloobin ni Jesus sa espirituwal na mga pagtitipon? (b) Anong mabuting kaugalian ang dapat sikaping sundin ng lahat ng Kristiyano?
16 Naglaan si Jesus ng natatanging halimbawa sa pagpapahalaga sa espirituwal na mga pagtitipon. Sa murang edad na 12, ipinakita niya ang kaniyang pag-ibig sa bahay ng Diyos sa Jerusalem. Napawalay siya sa kaniyang mga magulang ngunit nang dakong huli ay natagpuan nila siya na nakikipag-usap sa mga guro sa templo tungkol sa Salita ng Diyos. Bilang tugon sa pagkabahala ng kaniyang mga magulang, magalang na nagtanong si Jesus: “Hindi ba ninyo alam na ako ay dapat na nasa bahay ng aking Ama?” (Lucas 2:49) Mapagpasakop na bumalik sa Nazaret ang batang si Jesus kasama ng kaniyang mga magulang. Doon ay patuloy siyang nagpakita ng kaniyang pag-ibig sa mga pulong ukol sa pagsamba sa pamamagitan ng regular na pagdalo sa sinagoga. Kaya naman, nang simulan niya ang kaniyang ministeryo, nag-ulat ang Bibliya: “Siya ay dumating sa Nazaret, kung saan siya ay pinalaki; at, alinsunod sa kaniyang kaugalian sa araw ng sabbath, pumasok siya sa sinagoga, at tumayo siya upang bumasa.” Pagkatapos na basahin at ipaliwanag ni Jesus ang Isaias 61:1, 2, ang mga nakikinig ay nagpasimulang “mamangha sa kaakit-akit na mga salitang lumalabas mula sa kaniyang bibig.”—Lucas 4:16, 22.
17 Sinusunod sa mga pulong Kristiyano ngayon ang ganitong saligang parisan. Pagkatapos pasimulan ang pulong sa pamamagitan ng isang awit ng papuri at panalangin, binabasa at ipinaliliwanag ang mga talata sa Bibliya (o mga talatang sinipi sa materyal na ginagamit sa pag-aaral ng Bibliya). Obligado ang mga tunay na Kristiyano na tularan ang mabuting kaugalian ni Jesu-Kristo. Hangga’t ipinahihintulot ng kanilang kalagayan, nalulugod silang dumalo nang regular sa mga pagtitipong Kristiyano.
Modernong-Panahong Halimbawa
18, 19. Anong napakahusay na mga halimbawa ang ipinakikita ng ating mga kapatid sa di-gaanong mariwasang bansa may kinalaman sa mga pulong, asamblea, at mga kombensiyon?
18 Sa ilang di-gaanong nakaririwasang bahagi ng lupa, marami sa ating mga kapatid ang nagpapakita ng mainam na halimbawa ng pagpapahalaga sa mga pagtitipong Kristiyano. Sa Mozambique ang tagapangasiwa ng distrito, si Orlando, at ang kaniyang kabiyak, si Amélia, ay naglakad ng mga 90 kilometro sa loob ng 45 oras sa ibabaw ng isang mataas na bundok upang makapaglingkod sa isang asamblea. Ganoon din ang kinailangan nilang lakbayin pabalik upang makapaglingkod sa susunod na asamblea. Buong-pagpapakumbabang nag-ulat si Orlando: “Pakiwari nami’y walang anuman ang nagawa namin nang makatagpo namin ang mga kapatid sa Bawa Congregation. Upang makadalo sa asamblea at makabalik sa kanilang tahanan ay kailangan nilang maglakad ng mga 400 kilometro sa loob ng anim na araw, at kabilang sa kanila ang isang kapatid na lalaki na 60 anyos!”
19 Kumusta naman ang ating pagpapahalaga sa lingguhang mga pulong ng kongregasyon? Si Kashwashwa Njamba ay isang mahinang kapatid na babae na mahigit nang 70 anyos. Nakatira siya sa Kaisososi, isang munting nayon na mga limang kilometro mula sa Kingdom Hall sa Rundu, Namibia. Upang makadalo sa mga pulong, nilalakad niya ang 10 kilometro nang paroo’t parito na dumaraan sa kakahuyan. Ang ibang dumaraan sa rutang ito ay hinaharang, ngunit patuloy pa rin si Kashwashwa. Karamihan sa mga pulong ay idinaraos sa wika na hindi niya naiintindihan. Kaya paano siya nakikinabang sa pagdalo? “Sa pamamagitan ng pagsubaybay sa mga kasulatan,” sabi ni Kashwashwa, “sinisikap kong unawain ang paksa ng pahayag.” Ngunit siya ay hindi marunong bumasa’t sumulat, kaya paano niya nasusubaybayan ang mga kasulatan? “Pinakikinggan ko ang mga kasulatan na saulado ko,” sagot niya. At sa nakalipas na mga taon, nakapagsaulo na siya ng maraming kasulatan. Upang mapasulong ang kaniyang kakayahang gumamit ng Bibliya, dumadalo siya sa isang klase sa pagbasa at pagsulat na isinaayos ng kongregasyon. “Gustung-gusto kong dumalo sa mga pulong,” sabi niya. “Laging may mga bagong bagay na matututuhan. Tuwang-tuwa akong makasama ang mga kapatid. Bagaman hindi ko makausap silang lahat, lagi silang lumalapit at bumabati sa akin. At higit sa lahat, alam ko na sa pagdalo sa mga pulong, pinagagalak ko si Jehova.”
20. Bakit hindi natin dapat pabayaan ang ating mga pagtitipong Kristiyano?
20 Tulad ni Kashwashwa, milyun-milyong mananamba ni Jehova sa buong lupa ang nagpapakita ng kapuri-puring pagpapahalaga sa mga pagtitipong Kristiyano. Habang patungo na sa pagkapuksa ang sanlibutan ni Satanas, hindi natin maaaring pabayaan ang ating pagtitipon. Sa halip, manatili tayong gising sa espirituwal at pahalagahan nang husto ang mga pulong, asamblea, at mga kombensiyon. Hindi lamang ito magpapagalak kay Jehova kundi tutulong din ito sa atin nang malaki habang nakikibahagi tayo sa banal na pagtuturo na umaakay sa buhay na walang hanggan.—Kawikaan 27:11; Isaias 48:17, 18; Marcos 13:35-37.
Tanong sa Repaso
◻ Bakit isang pribilehiyo ang dumalo sa mga pagtitipong Kristiyano?
◻ Paano makatutulong ang lahat ng dumadalo upang maging nakapagpapatibay ang isang pulong?
◻ Anong napakahusay na halimbawa ang ipinakita ni Jesu-Kristo?
◻ Anong aral ang matututuhan natin sa mga kapatid sa di-gaanong nakaririwasang mga lupain?
[Kahon sa pahina 17]
Pinahahalagahan Nila ang Lingguhang Mga Pulong
Milyun-milyong tao ang nakatira sa mga lunsod na sinasalot ng karukhaan at krimen. Sa kabila ng gayong mga kalagayan, ang mga tunay na Kristiyano sa gitna nila ay nagpapakita ng kapuri-puring pagpapahalaga sa mga pagtitipong Kristiyano. Ganito ang ulat ng isang matanda na naglilingkod sa isa sa mga kongregasyong Soweto sa Gauteng, Timog Aprika: “Sa isang kongregasyon na may 60 Saksi at di-bautisadong mamamahayag, ang dumadalo sa aming mga pulong ay mga 70 hanggang 80, at kung minsan ay higit pa. Bagaman ang mga kapatid ay hindi kailangang maglakbay nang malayo upang makadalo, mahirap ang situwasyon sa bahaging ito ng Soweto. Isang kapatid na lalaki ang sinaksak sa likod habang naglalakad patungo sa pulong. Mga dalawang kapatid na babae ang sinunggaban sa pagtatangkang nakawan sila. Ngunit hindi ito nakapipigil sa kanila sa pagdalo. Kapag Linggo, nagkakaroon kami ng maikling praktis sa pag-awit pagkatapos na sarhan namin ang pulong sa pamamagitan ng panalangin. Di-kukulangin sa 95 porsiyento ang regular na nagpapaiwan at kumakanta ng lahat ng gagamiting awit sa mga pulong sa susunod na linggo. Nakatutulong ito sa mga baguhang interesado upang matutuhan ang mga awit at makasabay sa pag-awit.”
Ang mga nakatira sa kabukiran ay may iba namang hadlang, gaya ng malalayong distansiya na kailangan nilang lakbayin upang makadalo sa mga pulong nang tatlong beses sa isang linggo. Ang isang interesadong mag-asawa ay 15 kilometro ang layo ng tirahan mula sa Kingdom Hall sa Lobatse, Botswana. Sa nagdaang taon, regular silang nakadadalo sa mga pulong kasama ang kanilang dalawang anak. Ang asawang lalaki ay nag-aayos ng mga sapatos upang matustusan ang pamilya. Ang asawang babae naman ay nagtitinda ng maliliit na bagay upang madagdagan ang kita ng pamilya nang sa gayo’y may maibayad sila sa pamasahe patungo at pabalik mula sa mga pulong.
Isang gabi nitong nakaraang tag-araw, pagkatapos ng pulong kasama ng tagapangasiwa ng sirkito, ang pamilyang ito ay naghintay nang matagal sa hintuan ng bus hanggang 9:00 n.g. Maagang huminto sa pamamasada ang mga bus dahil sa masungit na panahon. Inihinto ng isang pulis ang kaniyang van at tinanong sila kung ano ang ginagawa nila roon. Nang malaman ang kanilang kalagayan, naawa siya sa kanila at inihatid sila pauwi na 15 kilometro ang layo. Ang asawang babae, na isang di-bautisadong mamamahayag, ay nagsabi sa kaniyang asawa: “Tingnan mo, kapag inuuna natin ang mga pulong, laging naglalaan si Jehova.” Ngayon ay nagpahayag din ang asawang lalaki ng pagnanais na maging isang mangangaral ng mabuting balita.
[Larawan sa pahina 18]
Ang mga Saksi na tulad ng mga ito sa Romania ay nagpapakita ng mainam na halimbawa ng pagpapahalaga sa mga pagtitipong Kristiyano