BAAL-PERAZIM
[May-ari ng mga Paglansag].
Ang lugar kung saan matagumpay na nalupig ni Haring David ang pinagsama-samang mga hukbo ng mga Filisteo, pagkatapos niyang mabihag ang moog ng Sion. (2Sa 5:9, 17-21) Sinasabi ng ulat na nang marinig ni David ang gagawing pagsalakay ng mga Filisteo, siya at ang kaniyang mga tauhan ay “lumusong sa dakong di-madaling puntahan,” habang ang mga Filisteo ay ‘naggagalugad sa mababang kapatagan ng Repaim.’ Palibhasa’y tumanggap ng katiyakan na susuportahan siya ni Jehova, sumalakay si David, at ang mga Filisteo ay tumakas at iniwan ang kanilang mga idolo. Kinilala ni David na si Jehova ang pinagmulan ng tagumpay nang sabihin niya: “Nilansag ni Jehova ang aking mga kaaway sa unahan ko, na tulad ng guwang na nalikha ng tubig.” Dahil dito, “tinawag [niyang] Baal-perazim ang pangalan ng dakong iyon.” Sinasabi ng ulat sa 2 Samuel 5:21 na ‘inalis ni David at ng kaniyang mga tauhan ang mga idolong iniwan ng mga Filisteo.’ Ipinakikita ng katulad na ulat sa 1 Cronica 14:12 kung ano ang ginawa nila sa mga iyon sa pagsasabing: “At si David ay nag-utos, kung kaya ang mga iyon [ang mga idolo] ay sinunog sa apoy.”
Ang Bundok Perazim na tinukoy ni Isaias (28:21) ay itinuturing na siya ring Baal-perazim. Ang pagtukoy niya sa lugar na ito sa kaniyang hula ay nagpapaalaala sa tagumpay ni Jehova sa Baal-perazim sa pamamagitan ni David, anupat binanggit iyon bilang isang halimbawa ng kakaibang gawa na isasagawa ni Jehova, kung kailan, gaya ng ipinahayag niya, dadaluhungin niya ang kaniyang mga kaaway tulad ng umaapaw na dumaragsang baha.
Ipinapalagay na ang Mababang Kapatagan ng Repaim ay siya ring Kapatagan ng Baqaʽ sa TK ng Temple Mount, na palusong nang mga 1.5 km (1 mi) at pagkatapos ay papakipot sa isang makitid na libis, ang Wadi el Werd (Nahal Refaʼim). Batay rito, sinasabi ng ilang iskolar na ang Baal-perazim ay isang lugar sa kapaligiran ng libis na ito. Gayunman, yamang tinukoy iyon ni Isaias (28:21) kaugnay ng “mababang kapatagan malapit sa Gibeon,” iminumungkahi ng ilang iskolar ang isang lugar sa HK, posibleng ang Sheikh Bedr, mga 4 na km (2.5 mi) sa KHK ng Temple Mount. (Jos 15:8, 9) Tumutugma ito sa rutang tinahak ng mga Filisteo patungo sa Gibeon at Gezer noong tugisin sila ni David.—2Sa 5:22, 25; 1Cr 14:16.