Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • it-2 “Nimrod”
  • Nimrod

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Nimrod
  • Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
  • Kaparehong Materyal
  • Hindi Sila Gumawa ng Bantog na Pangalan Para sa Kanilang Sarili
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1998
  • Bahagi 2—2369-1943 B.C.E.—Isang Mangangaso, Isang Tore, at Ikaw!
    Gumising!—1989
  • Nagtayo ang mga Tao ng Malaking Tore
    Ang Aking Aklat ng mga Kuwento sa Bibliya
  • Resen
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
Iba Pa
Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
it-2 “Nimrod”

NIMROD

Anak ni Cus. (1Cr 1:10) Hinalaw ng mga akdang rabiniko ang pangalang Nimrod mula sa pandiwang Hebreo na ma·radhʹ, nangangahulugang “maghimagsik.” Kaya ang Babilonyong Talmud (Erubin 53a) ay nagsasabi: “Bakit nga ba siya tinawag na Nimrod? Sapagkat sinulsulan niya ang buong daigdig na maghimagsik (himrid) laban sa Kaniyang soberanya [soberanya ng Diyos].”​—Encyclopedia of Biblical Interpretation, ni Menahem M. Kasher, Tomo II, 1955, p. 79.

Si Nimrod ang nagtatag at naging hari ng unang imperyo na umiral pagkatapos ng Baha. Nakilala siya bilang isang makapangyarihang mangangaso “sa harap ni” (sa negatibong diwa; sa Heb., liph·nehʹ; “laban kay” o “bilang pagsalansang kay”; ihambing ang Bil 16:2; 1Cr 14:8; 2Cr 14:10) o “sa harapan ni” Jehova. (Gen 10:9, tlb sa Rbi8) Bagaman sa kasong ito ay iniuugnay ng ilang iskolar ang isang positibong diwa sa Hebreong pang-ukol na nangangahulugang “sa harapan ni,” ipinahihiwatig ng mga Judiong Targum, ng mga akda ng istoryador na si Josephus, at ng konteksto ng Genesis kabanata 10 na si Nimrod ay isang makapangyarihang mangangaso na salansang kay Jehova.

Kabilang sa pasimula ng kaharian ni Nimrod ang mga lunsod ng Babel, Erec, Acad, at Calne, na pawang nasa lupain ng Sinar. (Gen 10:10) Kaya malamang na sinimulang itayo ang Babel at ang tore nito sa ilalim ng kaniyang pangunguna. Ang konklusyong ito ay kasuwato rin ng tradisyonal na pangmalas ng mga Judio. Isinulat ni Josephus: “Unti-unting binago [ni Nimrod] ang mga kalagayan upang maging mapaniil, anupat naniniwala na mapapawi sa mga tao ang pagkatakot sa Diyos tanging kung magagawa niya na patuloy silang umasa sa kaniya mismong kapangyarihan. Nagbanta siyang maghihiganti siya sa Diyos kung ibig Niyang muling magpabaha sa lupa; sapagkat magtatayo siya ng isang tore na mas mataas pa sa maaabot ng tubig at ipaghihiganti niya ang pagkapuksa ng kanilang mga ninuno. Sabik ang mga tao na sundin ang panukalang ito ni [Nimrod], anupat itinuring na pagkaalipin ang pagpapasakop sa Diyos; kaya pinasimulan nilang itayo ang tore . . . at naitayo ito sa bilis na higit sa lahat ng inaasahan.”​—Jewish Antiquities, I, 114, 115 (iv, 2, 3).

Lumilitaw na nang maitayo na ang Tore ng Babel, pinalawak ni Nimrod ang kaniyang nasasakupan hanggang sa teritoryo ng Asirya at itinayo niya roon “ang Nineve at ang Rehobot-Ir at ang Cala at ang Resen sa pagitan ng Nineve at ng Cala: ito ang dakilang lunsod.” (Gen 10:11, 12; ihambing ang Mik 5:6.) Yamang maliwanag na ang pangalang Asirya ay nagmula sa anak ni Sem na si Asur, malamang na ang sinalakay ni Nimrod, bilang apo ni Ham, ay teritoryong Semita. Kaya lumilitaw na si Nimrod ang unang naging makapangyarihan o bayani, hindi lamang bilang mangangaso ng mga hayop kundi bilang isa ring mandirigma, isang taong nananalakay. (Gen 10:8) Ang Cyclopædia nina M’Clintock at Strong ay nagsabi: “Ang makapangyarihang pangangaso ay hindi limitado sa panghuhuli ng hayop at ipinakikita iyan ng malapit na kaugnayan nito sa pagtatayo ng walong lunsod. . . . Ang ginawa ni Nimrod na panghuhuli ng hayop bilang mangangaso ay maagang pahiwatig ng kaniyang natamo bilang manlulupig. Sapagkat ang pangangaso at kabayanihan ay may natatangi at likas na kaugnayan noong sinaunang panahon . . . Ang mga bantayog ng Asirya ay naglalarawan din ng maraming tagumpay sa pangangaso, at ang salitang iyon ay kalimitang ginagamit upang tumukoy sa pananalakay. . . . Sa gayon, ang panghuhuli ng hayop at ang pakikipagbaka, na sa bansa ring iyon ay malapitang pinag-uugnay maging sa paglipas ng panahon, ay maaaring lubusang nauugnay o nanggaling doon. Samakatuwid, nangangahulugan ito na pagkatapos ng baha, si Nimrod ang unang nagtatag ng isang kaharian, upang pagkaisahin ang hiwa-hiwalay at nakakalat na mga pamamahalang patriyarkal, at tinipon niya sila sa ilalim niya bilang kanilang nag-iisang ulo at panginoon; at lahat ng ito ay sa layuning salansangin si Jehova, sapagkat iyon ay marahas na pagsalakay ng kapangyarihang Hamitiko sa teritoryong Semitiko.”​—1894, Tomo VII, p. 109.

Hinggil sa kung paano ginawang diyos si Nimrod, tingnan ang DIYOS AT DIYOSA, MGA (Mga Bathala ng Babilonya).

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share