Si Jehova—Talagang Pinakadakila!
MAHARLIKA, kapita-pitagan, pinakamataas, marangal, mabunyi, at kasindak-sindak. Ngunit ilan lamang ito sa maraming mga salitang kasingkahulugan ng salita (sa Ingles) na “grand” (isinaling “pinakadakila” dito) na nakatala sa isang popular na tesauro o talasalitaan. At, ang totoo, alinman sa mga iyan ay maaaring gamitin upang tumukoy sa “Pinakadakilang Manlilikha,” gaya ng tawag sa Diyos na Jehova sa Eclesiastes 12:1.
‘Pero saglit lamang,’ marahil ay sasabihin mo, ‘ang aking salin ng Bibliya ay hindi gumagamit ng pang-uring salitang “pinakadakila.”’ Ang New World Translation ba ay tama sa paggamit niyaon ng salitang ito?
Sa anumang paraan ay hindi ito isang pagdaragdag sa Salita ng Diyos—na mahigpit na ipinagbabawal nito. (Deuteronomio 4:2; 12:32; Kawikaan 30:6; Apocalipsis 22:18) Bagkus, isang pagsisikap ito na sa modernong Ingles ay ihatid ang eksakto at kompletong kahulugan ng orihinal na tekstong Hebreo. Ang pagkasaling “Manlilikha,” bagama’t tama naman, ay walang gaanong nararating. Isang talababa sa tekstong ito sa 1984 Reference Edition ng New World Translation ang nagpapaliwanag: “‘Ang iyong Pinakadakilang Manlilikha.’ Heb[reo], Boh·re’eyʹkha. Ang pandiwari ng Heb[reo] na pandiwang ‘lumikha’ ay ang [maramihan] upang tumukoy sa kadakilaan o kaningningan.”
Samakatuwid ang mga manunulat ng Bibliya, na mga kinasihan ng Diyos, ay kung minsan gumagamit ng pangmaramihang anyo ng pandiwa o pangngalan upang tumukoy sa Diyos. Subalit, hindi ibig sabihin na sila’y naniniwala sa isang pangmaramihan, o marahil tatluhan, na Diyos. Sa kabaligtaran pa nga, “Sa atin ay mayroong iisang Diyos na Ama,” ang isinulat ni apostol Pablo, at ang sabi pa, “at mayroong iisang Panginoon, si Jesu-Kristo.” (1 Corinto 8:6) Ang paggamit nila sa pangmaramihan ay upang ipakita lamang ang katayuan ni Jehova na walang kahalintulad. Siya ay maharlika, kapita-pitagan, pinakamataas, marangal, mabunyi, at kasindak-sindak—lahat na ito at higit pa. Oo, sa simpleng pananalita, siya ang pinakadakila (o grand)!
Ang Diyos, Isang Manlilikha at Isang Guro na Walang Kaparis
“Sapagkat sino sa langit ang maihahambing kay Jehova?” ang tanong ng salmista. “Sino sa mga anak ng Diyos ang maihahambing kay Jehova?” (Awit 89:6) Kahit na ang panganay na Anak na sa paglalang ay nagsilbing Kaniyang “dalubhasang manggagawa” ay hindi makakapantay kahit na bahagya ng kadakilaan ni Jehova. Ito’y inamin niya mismo, na ang sabi nang siya’y narito sa lupa bilang ang taong si Jesu-Kristo: “Ang Ama ay lalong dakila kaysa akin.” (Juan 14:28) At bagama’t siya ang “dalubhasang manggagawa” ng kaniyang Ama, kailanman ay hindi niya inangkin ang titulo na kapuwa-Manlilikha. Kaniyang niluwalhati ang Diyos bilang ang kaisa-isa at tanging Manlilikha.—Ihambing ang Genesis 1:26, 27; Kawikaan 8:30; at Mateo 19:4.a
Si Jehova ay hindi lamang isang makapangyarihan, o diyos, na ito’y marami, kundi siya ang Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat, at mayroon lamang iisa. (Awit 82:6; Apocalipsis 11:17) Dahilan sa kaniyang pambihirang posisyong ito, angkop na angkop na tukuyin siya na “ang pinakadakilang Diyos.” Ganiyan ang itinawag sa kaniya ni propeta Daniel nang hilingan siya na ipaliwanag ang kahulugan ng isang panaginip ni Haring Nabukodonosor. Sinabi niya: “Ang pinakadakilang Diyos mismo ang nagbigay-alam sa hari kung ano ang magaganap pagkatapos nito. At ang panaginip ay mapanghahawakan, at ang interpretasyon nito ay mapagkakatiwalaan.” At dito’y tumugon ang hari: “Tunay na ang Diyos ninyo ay isang Diyos ng mga diyos at isang Panginoon ng mga hari at isang Tagapaghayag ng mga lihim.”—Daniel 2:45, 47.
Ang isang Pinakadakilang Diyos na may kakayahang alamin ang hinaharap at maghayag ng mga lihim ay wastong makaaakay rin sa kaniyang bayan, at matuturuan sila kung paano maiiwasan ang mga panganib. Siya’y isang Guro na walang katulad, ang “Pinakadakilang Guro,” gaya ng tawag sa kaniya sa Isaias 30:20, 21. Ito’y totoo, unang-una, dahilan sa pinakamataas na karunungan na nasa kaniyang turo. Halimbawa, ang Diyos ay nagbigay ng mga babala na gumising sa mga lingkod niya sa mga panganib na idinudulot ng tabako, pag-abuso sa droga, pagsasalin ng dugo, at seksuwal na imoralidad noon pa mang matagal na panahon na bago lubusang nakilala ito ng mga siyentipiko at mga doktor.b
Ikalawa, siya ay walang kapantay sa kaniyang paraan ng pagtuturo. Ito sa tuwina ay positibo, na isinasagawa sa isang maibiging paraan na taglay ang pagtitiyaga at ang lubos na pagkaunawa sa pangangailangan ng tinuturuan at ng kaniyang mga kakayahan. Kaya naman ito’y pinakamabisa. Hindi kataka-takang isang sinaunang lingkod ng Diyos ang minsan ay nagtanong, bilang paghahambing, ng: “Narito! Ang Diyos mismo ay kumikilos sa dakilang paraan sa taglay niyang kapangyarihan; sino ang isang guro na katulad niya?”—Job 36:22.
Isang Hari, Isang Maylikha, at Isang Panginoon
Ang Jerusalem, pinakasentro ng pamahalaan ng tipong Teokrasya ni Jehova, ay tinatawag noon na “ang bayan ng pinakadakilang Hari.” (Awit 48:1, 2) Sa Awit 135:21 ay ipinakikilala kung sino ang “pinakadakilang Hari” na ito na walang iba kundi “si Jehova, na tumatahan sa Jerusalem.” (Tingnan din ang Awit 47:8; Mateo 5:35.) Mangyari pa, bilang pansansinukob na Soberano na nakaluklok sa isang makalangit na trono, ang Pinakadakilang Hari ay hindi literal na tumatahan sa Jerusalem, kundi yaong mga taong hari na nagpupuno bilang kaniyang kinatawan ang naroroon.—Awit 10:16; 29:10; Jeremias 10:10; Daniel 4:34.
Ngayon, sapol noong 1914, si Jehova ay minsan pang naghahari sa pamamagitan ng isang kinatawang Hari, ngayon ay ang kaniyang Anak, si Kristo Jesus, na nakaluklok sa “makalangit na Jerusalem.” (Hebreo 12:22; Apocalipsis 11:15; 12:10) Ang kaniyang Mesianikong Kaharian ang permanenteng magtatatag ng matuwid na soberanya ni Jehova at lilipulin sa sansinukob ang lahat ng mga humahamon sa paghahari ng Pinakadakilang Hari.
Sang-ayon sa Job 35:10, Awit 149:2, at Isaias 54:5, si Jehova ang siya ring “Pinakadakilang Maylikha.” Ang binanggit na dalawang huling teksto ay tumutukoy kay Jehova nang likhain niya ang Israel upang maging isang bansa na magsisilbi sa kaniyang mga kapakanan. Sa gayon, bukod sa pagiging manlilikha, nagagawa rin ni Jehova na pangyarihing gawin ng kaniyang mga nilalang ang anumang ibig niya upang matupad ang kaniyang mga layunin. Ito ay kasuwato ng mismong kahulugan ng banal na pangalan: “Kaniyang Pinapangyayari na Matupad.”
Ang ganiyang Pinakadakilang Hari at Pinakadakilang Maylikha ay karapat-dapat sa ating pagtitiwala at kompiyansa. Higit sa riyan, siya ay karapat-dapat sa ating pag-ibig, debosyon, at—higit sa lahat—ating pagsamba. Siya ay nararapat na tawaging ating Pinakadakilang Panginoon. (Oseas 12:14) Iwasan natin na kumilos na tulad ng suwail na Israel, na lumalarawan sa modernong-panahong Sangkakristiyanuhan. Tungkol sa gayong mga apostata ay sumulat si Malakias: “‘Iginagalang ng anak ang kaniyang ama; at ng alila ang kaniyang panginoon. Kung ako’y ama, nasaan ang dangal ko? At kung ako’y panginoon, nasaan ang takot sa akin?’ Sinabi sa inyo ni Jehova ng mga hukbo, Oh mga saserdoteng nagsisihamak sa aking pangalan.” (Malakias 1:6) Dapat nating igalang ang ating Pinakadakilang Panginoon taglay ang maka-Diyos na pagkatakot, na hindi hinahamak ang kaniyang pangalan sa pamamagitan ng pagsisikap na itago iyon—gaya ng ginawa ng ibang modernong mga tagapagsalin—o tuluyang alisin iyon sa Bibliya na para bagang iyon ay nakahihiyang banggitin. Bagkus, dapat nating ipagmalaki pa na taglay natin iyon sa ating pagpapakilala ng ating mga sarili bilang Kaniyang mga saksi.
Lubusang Kinikilala ang Kadakilaan ni Jehova
Ang Diyos ang sakdal na kumakatawan sa pag-ibig, gayundin sa bawat iba pang mabuti at positibong katangian. (1 Juan 4:8) Kaya hindi naman kataka-taka na itong “tunay na Diyos, si Jehova, . . . na Manlilikha ng langit” ay tinutukoy ni Isaias bilang ang “Pinakadakilang Isa.” Siya na ang sakdal na kumakatawan sa kadakilaan.—Isaias 42:5.
Kung lubusang kinikilala natin siya bilang Pinakadakilang Hari ngayon na nagpupuno sapol noong 1914 sa isang bukod-tanging diwa, tayo’y mananatiling mga Kristiyano na walang pakialam sa mga pamamalakad pulitika. Iiwasan natin na tayo’y pumanig sa kanino man, kahit na sa kalooban man lamang natin. At sa isang positibong paraan ating susuportahan ang paghahari ng Diyos sa pamamagitan ng pagsunod sa utos na “hanapin muna ang kaharian at ang kaniyang katuwiran,” na masigasig na nangangaral ng “mabuting balitang ito ng kaharian” sa iba.—Mateo 6:33; 24:14.
Kung lubusang kinikilala natin siya bilang Pinakadakilang Panginoon, iiwasan natin na sumalungat maging sa pananalita o pagkilos sa kaniyang aprobadong paraan ng paggawa ng mga bagay-bagay. Tayo’y mabilis na tatalima sa kaniya. Dahilan sa kaniyang pambihirang posisyon bilang ang Pinakadakilang Diyos, ang Pinakadakilang Manlilikha, at ang Pinakadakilang Maylikha, pahahalagahan natin ang kaniyang karapatan na siya lamang ang pag-ukulan ng bukod-tanging debosyon. Hindi tayo mag-aatubili sa kaniyang mga hinihiling, kahit na yaong sa pangmalas natin ay labis na mahigpit. Agad nating tatanggapin ang kaniyang mga kaayusan para sa pananatili ng kapayapaan at pagkakaisa sa kongregasyon at sa loob ng atin-ating mga pamilya.—Tingnan ang Hebreo 13:17; Efeso 6:1-3.
Kung lubusang kinikilala natin siya bilang ang Pinakadakilang Instruktor, tayo’y hindi magdududa o mamimintas sa paraan ng pagtuturo ng uring “tapat at maingat na alipin” ni Jehova na kaniyang ginagamit ngayon. Bagkus, susuportahan natin ang mga gawang pagdisiplina na kung minsan ay kinakailangan sa pagtuturo, at atin ding sisikapin na lubusang makinabang hangga’t maaari sa napakahusay na mga tulong sa pagtuturo na inilalaan ng nakikitang organisasyon ng Diyos.—Mateo 24:45-47.
Oo, bilang kabuuan, kung lubusan nating kinikilala si Jehova bilang ang Pinakadakilang Isa, tayo’y mananabik na samantalahin ang lahat ng pagkakataon upang maglingkod sa kaniya. Ang mga posisyon na may taglay na kapangyarihan, katanyagan, at kayamanan, na gaya ng tinatamasa ng mga pulitiko, mga sikat na artista, o mga mangangalakal, ay walang-wala kung ihahambing sa pribilehiyo na pagiging isang naglilingkod sa Pinakadakilang Isa.
Maraming mga tao ang marahil pumapayag na tanggapin si Jehova bilang kanilang Manlilikha at Maylikha. Ngunit pagdating na sa pagtanggap sa kaniya bilang kanilang Diyos, kanilang Guro, kanilang Hari, at kanilang Panginoon—ito ang tinatanggihan nila. Harinawang huwag tayong gumawa ng ganiyang pagkakamali. Tandaan, kahit na bilang Manlilikha, Maylikha, Diyos, Guro, Hari, o Panginoon, si Jehova ay maharlika, kapita-pitagan, pinakamataas, marangal, mabunyi, at kasindak-sindak—kapit sa kaniya ang lahat na ito at higit pa. Oo, si Jehova ang pinakadakila!
[Mga talababa]
a Makabuluhan na sa Genesis 1:26 (sa Ingles, NW) sa pagtukoy kay Jehova at sa kaniyang “dalubhasang manggagawa” magkasama, ay sinasabi “let us make,” samantalang sa susunod na talata Gen. 1:27ang ginagamit ay ang salitang “create” pagka tumutukoy kay Jehova lamang. Tungkol sa Hebreong salitang ito na isinaling “create” (sa Ingles), ang “A Dictionary of the Hebrew Old Testament in English and German” ni Koehler at Baumgartner, ay nagsasabi: “Sa M[atandang] T[ipan] [ito] ay isang terminong teolohikal na ang kinauukulan ay walang iba kundi ang Diyos lamang.”
b Maraming mga taon na ngayon ang nakalilipas ang mga panganib na ito ay ipinaliwanag ayon sa Kasulatan sa mga labas ng Watchtower ng Hulyo 1, 1942, pahina 205-7; Hulyo 1, 1945, pahina 198-201; Disyembre 1, 1949, pahina 367, at sa labas ng Awake! Hulyo 22, 1950, pahina 13-15.