Ang Katapatan ni Job—Sino ang Makatutulad Doon?
“Kaniyang titimbangin ako sa hustong timbangan at mababatid ng Diyos ang aking katapatan.”—JOB 31:6.
1. Bakit mabuti na isaalang-alang ang halimbawa ni Job, at anong mga tanong ang bumabangon?
SI Job ay may tiwala sa kaniyang katapatan, kaya’t tinanggap niya ang pagsusuri sa kaniya ng Diyos. Ang kaniyang halimbawa ay nagsisilbing mahusay na pampatibay-loob sa atin ngayon, lalo na ngayong si Satanas na Diyablo ay nagsisikap na sirain ang katapatan ng lahat ng naglilingkod sa Diyos. (1 Pedro 5:8) Sa pagkakilala rito, sinabi ng alagad na si Santiago na “kunan ninyong halimbawa ng pagbabata at pagtitiis ang mga propeta,” lalung-lalo na si Job. (Santiago 5:10, 11) Ngunit sino ang makatutulad sa katapatan ni Job? Tayo kaya? Sa paano nagbigay halimbawa si Job sa pag-iingat ng katapatan para sa atin?
2. (a) Ano ang kahulugan ng pangalang Job? (b) Ano ang matagumpay na naisagawa ng pananatili ni Job sa katapatan?
2 Ang pangalang Job ay nangangahulugang “Isang Kinapopootan,” at ganoon nga siya. Subalit nang ipagkaloob ni Jehova ang kahilingan ni Satanas at alisin ang proteksiyon na nakapalibot kay Job, walang nagawa si Satanas upang sirain ang katapatan ni Job sa Diyos. (Job 1:1–2:10) Sa ganoo’y nagbigay si Job ng kasagutan sa panunuya ni Satanas na ang sinuman ay maitatalikod niya sa paglilingkod sa Diyos. (Kawikaan 27:11) Sa pamamagitan ng kaniyang pananatiling tapat si Job ay, sa katunayan, nagpapahayag sa buong sansinukob, ‘Satanas, ikaw ay pusakal na sinungaling, sapagkat si Jehova ang aking Diyos, at ako’y mananatiling tapat sa kaniya anuman ang dumating!’—Job 27:5.
Yaong mga Katulad ni Job
3. Sino ang may proteksiyon sa langit, at anong mga tanong ang ibinangon tungkol sa kaniya?
3 Makahulugan nga, ang usapin sa pagitan ni Jehova at ni Satanas ay pansansinukob, ang kasangkot dito’y ang dako ng mga espiritu. Naroon sa langit, napalilibutan ng proteksiyon ni Jehova, ang ipinangakong “binhi” na gagamitin ng Diyos sa pagsasakatuparan ng Kaniyang dakilang mga layunin. (Genesis 3:15) Subalit, kung alisin ang ‘nakapalibot na proteksiyon,’ ang isa kayang ito ay tunay na tutulad sa katapatan ni Job? Kaniya kayang ipakikilala na ang isang sakdal na tao, gaya ni Adan noon, ay mananatili sa sakdal na katapatan sa Diyos? (1 Corinto 15:45) Si Satanas ay gumawa ng paghahanda para ang “binhi” na ito ay paraanin sa pinakamahigpit na pagsubok pagka Siya’y naparito sa lupa.
4. (a) Sino ang naging pangunahing tudlaan ng pagkapoot ni Satanas, at paano natin nalalaman na sa kaniya’y inalis ng Diyos ang Kaniyang proteksiyon? (b) Anong kasagutan ang ibinigay ni Jesus tungkol kay Jehova?
4 Si Jesu-Kristo ang napatunayan na sinugong “binhi” galing sa langit. Kaya’t sa kaniya napatuon ang pansin ni Satanas, oo, siya ang pangunahing tudlaan ng pagkapoot ni Satanas. Bilang patotoo na inalis na ni Jehova ang kaniyang nakapalibot na proteksiyon, si Kristo ay sumigaw nang malakas nang siya’y nasa pahirapang tulos: “Diyos ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan?” (Mateo 27:46; Awit 22:1) Bagama’t halatang-halata na inalis ng Diyos ang kaniyang proteksiyon, si Jesus, tulad ni Job, ay “hindi nagkasala o nag-isip man ng di nararapat kung tungkol sa Diyos.” (Job 1:22) Siya’y tumulad kay Job, nanatili sa sakdal na katapatan sa Diyos, at sa ganoo’y pinatunayan na ‘walang gaya niya sa lupa.’ (Job 1:8) Samakatuwid, kahit kay Jesus lamang ay mayroong lubusan at walang hanggang kasagutan ang Diyos na Jehova sa maling paratang ni Satanas na ang Diyos ay hindi makapaglalagay sa lupa ng isang tao na mananatiling tapat sa kaniya sa ilalim ng pinakamahigpit na pagsubok.
5. (a) Ano ang patuloy na ginagawa ni Satanas? (b) Ano ang ginawa ni Satanas nang siya’y paalisin sa langit?
5 Subalit dahil sa kagustuhan ng higit pang kasagutan, patuloy na sinusumbatan ni Satanas ang espirituwal na mga kapatid ni Jesus, na, kasama ni Jesus, bubuo ng “binhi” ng tulad-babaing organisasyon ng Diyos. Sa paglalahad ng tungkol sa pagkatatag ng Kaharian sa langit, sinasabi ng Bibliya tungkol kay Satanas: “Ang tagapagparatang sa ating mga kapatid ay inihagis na, siyang nagpaparatang sa kanila araw at gabi sa harap ng ating Diyos!” Datapuwat, higit pa ang ginagawa ni Satanas kaysa magparatang lamang, siya’y gumagawa ng isang marahas na pag-atake! Ipinaliliwanag ng Bibliya na pagkatapos na siya’y palayasin sa langit, “ang dragon [si Satanas] ay nagalit sa babae, at humayo upang makipagbaka sa mga nalalabi ng kaniyang binhi, na tumutupad ng mga utos ng Diyos at may gawain na magpatotoo kay Jesus.”—Apocalipsis 12:7-12, 17.
6. (a) Sino sa ngayon ang nangunguna sa gawaing pangangaral, at sino ang sumasama sa kanila? (b) Ano ang sinisikap ni Satanas na gawin sa lahat ng mga ito?
6 “Ang mga nalalabi ng binhi [ng babae]” ay yaong pinahirang mga saksi ni Jehova na naririto pa sa lupa ngayon. Sila ang nangunguna sa gawain na “pagpapatotoo kay Jesus,” na hayagang nagbabalita sa buong daigdig na siya ngayon ay nakaluklok na Hari at sa hindi na magtatagal kaniyang wawakasan ang likong sistemang ito ng mga bagay. (Mateo 24:14; Daniel 2:44) Ngunit sila’y hindi nag-iisa! Ngayon isang lubhang karamihan ng mahigit na tatlong milyong katao ang kasama nila at bumubuo ng isang nagkakaisang, pambuong daigdig, na organisasyon ng mga tapat. Lahat nitong mga tapat na ito ay naging tudlaan din ng walang lubay na pag-uusig ni Satanas, at ang kanilang makalangit na Amang si Jehova ay nalulugod sa kanilang katapatan.—2 Timoteo 3:12; Kawikaan 27:11.
7. Bakit tayo makapagtitiwala sa harap ng mga pag-atake ni Satanas?
7 Tunay na isang seryosong bagay na malaman na, gaya ng nangyari kay Job, ang atensiyon ng balakyot na si Satanas ay nakatuon sa atin na mga nagsisikap na manatiling tapat sa Diyos. Gayunman, hindi tayo dapat mabalisa. Bakit? Sapagkat “si Jehova ay lubhang magiliw magmahal at maawain” at “hindi ka niya iiwanan ni pababayaan ka man na lubusan.” (Santiago 5:11; Deuteronomio 31:6) Oo, tayo’y aalalayan ni Jehova. “Sapagkat sa mga nagsisilakad sa katapatan siya ay isang kalasag,” ang sabi ng Bibliya. (Kawikaan 2:7) Subalit, hindi ibig sabihin nito na hindi papayagan ni Jehova na tayo’y subukin. Papayagan niya ito, gaya ng ginawa niya kay Job. “Ngunit tapat ang Diyos, at hindi niya itutulot na kayo’y tuksuhin nang higit sa inyong makakaya, kundi kalakip din ng tukso ay gagawin naman niya ang paraan ng pag-ilag upang ito’y inyong matiis.”—1 Corinto 10:13.
Pagka Nasa Ilalim ng Pagsubok
8. Paano tayo makikinabang sa ngayon sa halimbawa ni Job?
8 Ang halimbawa ni Job ng katapatan ang lalo nang mapapakinabangan natin pagka tayo’y nakaharap sa mahihigpit na pagsubok. Napakahigpit ang pinagdaanang hirap ni Job kung kaya’t hiniling niya na sana’y mamatay na siya at mapakanlong sa Sheol, ang karaniwang libingan ng sangkatauhan. (Job 14:13) May mga taong ganiyan din ang nadarama sa ngayon, na sinasabing maaari nilang tularan ni Job nang siya’y naghihirap na mabuti. Marahil kung minsan ay nakadarama rin kayo ng ganiyan. Oo, ang pagbabasa tungkol sa kaniyang mga paghihirap ay maaaring makatulad ng pagtanggap ng pampatibay-loob buhat sa isang kaibigan na dumanas ng pagsubok na higit pang mahigpit kaysa dinaranas natin. Sa pagkaalam na mayroong isa na nakapagtiis, at nakakaunawa, tunay na tumutulong ito sa atin na magtiis.
9. Paano tayo nakikinabang sa pananatiling tapat ng mga iba?
9 Palibhasa’y alam niya ang ating mga pangangailangan, ipinasulat ni Jehova ang aklat ng Job upang tulungan tayo na manatiling tapat gaya ni Job. (Roma 15:4; Santiago 5:10, 11) Batid ng Diyos na kung paanong ang isang bahagi ng katawan ay umaasa sa iba ganoon din na kailangan ng kaniyang tapat na mga lingkod ang isa’t isa. (1 Corinto 12:20, 26) Alalahanin ang kamakailan na mga kombensiyon ng “mga Nag-iingat ng Katapatan” na dinaluhan ng angaw-angaw na mga mambabasa ng magasing ito. Naaalaala pa ng mga nakadalo ang kasarapan na kasa-kasama mo ang napakaraming ang pangunahing layunin sa buhay ay makapanatiling tapat sa Diyos. Anong laking pampatibay-loob sa pag-iinat ng katapatan para sa mga dumalo na malaman na ang maraming libu-libong kasa-kasama nila—samantalang nasa kanilang mga dakong pinaghahanapbuhayan o nasa paaralan sa kanilang sariling mga pamayanan—ay nananatiling tapat din sa ilalim ng mga pagsubok!—1 Pedro 5:9.
10. (a) Paanong ang isang tao’y maaaring mawalan ng tamang pangmalas? (b) Ano ang pinasimulan ni Job na pag-alinlanganan?
10 Subalit baka hindi tayo laging may tamang pangmalas, gaya rin ni Job noon. Ang isang taong dumaranas ng malaking hirap, at nanlulumo ang kaisipan, ay baka magsabi, ‘Oh, bakit ba naman ginagawa ito ng Diyos sa akin? Bakit niya pinahihintulutan ito na mangyari?’ Baka maisip pa niya, ‘Ano ba ang kabuluhan ng paglilingkod ko sa Diyos?’ Palibhasa’y hindi niya natatalos ang pinagmumulan ng kaniyang paghihirap, si Job ay nag-alinlangan sa kasalukuyang pakinabang sa pagiging matuwid, sapagkat ang mabubuti’y waring nagdurusa na gaya rin ng pagdurusa ng mga masasama, kung hindi man nakahihigit. (Job 9:22) Ayon kay Elihu, sinabi ni Job: “Ano ba ang mapapakinabang ko? Ano ba ang makakamit ko higit kaysa kung ako’y nagkasala?” (Job 35:3, An American Translation) Subalit hindi natin mapapayagan na tayo’y madaig ng ating sariling mga suliranin na anupa’t nawawala tayo sa wastong pangmalas at pinag-aalinlanganan natin ang halaga ng paglilingkod sa Diyos.
11. Anong mainam na pagtutuwid ang ginawa ni Elihu kay Job?
11 Si Elihu ang gumawa ng kailangang pagtutuwid kay Job, kaniyang itinuwid ang mga bagay sa pamamagitan ng pagtatawag-pansin sa totoong kataasan ni Jehova kay Job. (Job 35:4, 5) Ipinakita ni Elihu na, anuman ang mangyari, hindi natin dapat isipin na ang Diyos ay walang malasakit at mangangatuwiran tayo na matitikis natin Siya sa inaakalang pang-aapi na ginagawa Niya. “Kung aktuwal na magkakasala ka,” ang tanong ni Elihu kay Job, “ano ang naisasagawa mo laban sa kaniya? At kung ang iyong mga paghihimagsik ay dumami na, ano ang ginagawa mo sa kaniya?” (Job 35:6) Oo, kung titikisin mo ang Diyos sa pamamagitan ng pagtatakwil sa kaniyang mga daan o sa paglilingkod sa kaniya, ang sarili mo lamang ang pinipinsala mo, at hindi ang Diyos.
12. Paano ba naaapektuhan ang Diyos ng ating pananatiling tapat?
12 Sa kabilang dako, ipinakita ni Elihu na hindi naman personal na nakikinabang si Jehova kung matuwid ang ginagawa natin. Mangyari pa, ang Diyos ay nalulugod kung tayo’y mananatiling tapat, gayunman, sa anumang paraan ay hindi siya dumidepende sa ating pagsamba, gaya ng ipinakikita ng tanong ni Elihu kay Job: “Kung talagang nasa matuwid ka, ano ba ang ibinibigay mo sa kaniya, o ano ang tinatanggap niya sa iyong kamay?” (Job 35:7) Ang Diyos ang nagbigay sa atin ng buhay, at dahilan sa kaniya kaya tayo humihinga at kumikilos at nabubuhay. Siya ang may-ari ng lahat! (Gawa 17:25; 1 Cronica 29:14) Samakatuwid ang ating pagkamasama o ang ating pagkamatuwid ay hindi maaaring makaapekto nang personal sa Diyos.—Job 35:8.
Pagka Itinuwid
13. (a) Ano ang ikinilos ni Job sa ginawang pagtutuwid sa kaniya? (b) Ano ang suliranin nating lahat, kasali na ang litaw na mga Kristiyano na gaya ni Pedro?
13 Paano ang ikinilos ni Job nang siya’y ituwid, una muna ni Elihu at pagkatapos ay ni Jehova mismo? Kaniyang tinanggap iyon, nagsisi “sa alabok at mga abo.” (Job 42:6) Oo, si Job ay nagpakumbaba, kinilala niya ang kaniyang pagkakamali. At hindi baga hinahangaan natin ang gayong pagpapakumbaba? Ngunit kumusta naman tayo? Bagama’t tayo marahil ay matitibay na sa ating katapatan tulad ni Job, lahat tayo ay nagkakamali at nadudupilas sa anumang paraan. (Santiago 3:2; Galacia 2:11-14) Ano ang dapat nating gawin pagka ang ating pagkakamali o di kasakdalan ay itinawag-pansin sa atin, kahit na ng isang nakababata na tulad ni Elihu?—Job 32:4.
14. (a) Ano ang karaniwang hilig pagka ang isang tao ay itinuwid? (b) Ano ang isang dahilan ng mga kamalian o maling pasiya, at anong halimbawa ang ipinakita ni Job nang siya’y ituwid?
14 Hindi laging madali na tumanggap ng pagtutuwid. (Hebreo 12:11; Kawikaan 3:11, 12) Ang hilig ay ang ipangatuwiran ang ating sarili. Tulad ni Job, baka hindi natin sinadya ang pagsasabi o paggawa ng isang kamalian. Baka mabuti naman ang ating motibo. Subalit baka tayo’y nagsalita nang walang hustong kaalaman, at kulang ng unawa o ng pandamdam. Baka sa ating mga nasabi ay nahalata na ating ipinagmamataas ang ating lahi o bansa, o mahigpit tayo sa isang bagay na wala namang patotoo sa Kasulatan. Baka itinawag-pansin sa atin na sa ating sinabi ay nahahalata ang ating personal na punto-de-vista at iyon ay nakasakit sa iba sa sukdulang isinasapanganib ang kanilang espirituwalidad. Pagka tayo’y itinuwid, tayo ba’y tutulad kay Job at aaminin na tayo’y ‘nagsalita nang walang unawa’ at “babawiin” ang ating sinabi?—Job 42:3, 6.
Pagtitiwala sa Diyos, Hindi sa Kayamanan
15. Paano natin nalalaman na hindi sa kaniyang kayamanan nakalagak ang pagtitiwala ni Job?
15 Inilagay ni Bildad sa alanganin ang pinagtitiwalaan ni Job, ipinahiwatig niya na nakalimutan ni Job ang Diyos at na ang kaniyang tiwala’y nakalagak sa iba. (Job 8:13, 14) Gayunman bagama’t pinagpala si Job sa pagkakaroon ng maraming kayamanan, wala rito ang kaniyang pagtitiwala. Siya’y hindi natinag bahagya man sa kaniyang katapatan nang mawala ang lahat niyang ari-arian. (Job 1:21) Sa kaniyang huling pagtatanggol, sinabi ni Job: “Kung ang ginto ang pinaglagakan ko ng aking tiwala, o sa ginto’y sinabi ko, ‘Ikaw ang aking tiwala!’ Kung ako’y nagalak dahilan sa marami ang aking pag-aari, at dahilan sa nakasumpong ng maraming bagay ang aking kamay . . . iyan man ay kasamaan na bibigyan-pansin ng mga hukom, sapagkat itinakwil ko ang tunay na Diyos na nasa itaas.”—Job 31:24-28.
16. (a) Anong pagsusuri ang dapat nating gawin sa ating sarili? (b) Ano ang pangako ng Diyos sa mga nagtitiwala sa kaniya?
16 Kumusta naman tayo? Saan natin inilalagak ang ating tiwala—kay Jehova ba o sa mga kayamanan? Sakaling tayo’y tinimbang sa hustong timbangan, gaya ng ibig mangyari ni Job, matatalos kaya ng Diyos ang ating katapatan sa bagay na ito? Ang pangunahing bagay ba sa ating buhay ay talagang ang mabigyan si Jehova ng isang ulat ng katapatan ng sa gayo’y masagot niya ang mga pangungutya ni Satanas? O wala tayong higit na pinagkakaabalahan kundi ang masapatan ang ating hangarin sa mga kalayawan at ari-arian? Anong buti kung tayo’y makatutulad kay Job at pagagalakin ang puso ni Jehova sa pamamagitan ng pagtitiwala sa Kaniya, at hindi labis na pagpapahalaga sa ating sarili o sa mga kayamanan! Kung tayo’y magtitiwala kay Jehova, na inuuna ang kaniyang mga kapakanan, siya’y nangako na hindi tayo iiwanan o pababayaan.—Mateo 6:31-33; Hebreo 13:5, 6.
Kalinisang-Asal sa Sekso
17. Ano ang mga ipinahiwatig ng mga “mang-aaliw” kay Job, subalit ano ang sinabi ni Job tungkol sa kaniyang kalinisang-asal?
17 Ang mga bulaang tagaaliw kay Job ay hindi naman tuwirang nagparatang sa kaniya ng maling asal sa sekso, ngunit manakanaka ay kanilang ipinahihiwatig na siya’y nakagawa ng isang lihim na pagkakasala at doo’y pinarurusahan siya ng Diyos. Bilang isang taong maykaya, na “ang pinakadakila sa lahat ng taga-Silangan,” tiyak na nagkaroon si Job ng mga pagkakataon sa pakikiapid. (Job 1:3; 24:15) Ang mga ibang lingkod ng Diyos, bago at pagkaraan ng panahon ni Job, ay nangahulog sa tukso at sa pakikiapid. (Genesis 38:15-23; 2 Samuel 11:1-5) Subalit, ipinagtanggol ni Job ang kaniyang sarili laban sa anumang ipinahihiwatig na gayong pagkakasala, na ang sabi: “Ako’y nakipagtipan sa aking mga mata. Kaya paano nga akong titingin sa isang dalaga? Kung ang aking puso ay napadaya sa pang-aakit ng isang babae, at ako’y patuloy na bumakay sa pintuan ng aking kapuwa . . . iyon nga ay kalibugan, at isang kasamaan na pagbibigyan-pansin ng mga hukom.”—Job 31:1, 9-11.
18. Bakit napakahirap na manatili sa kalinisang-asal sa sekso, gayunman ay bakit tayo’y liligaya kung mananatili tayo rito?
18 Marahil ang pinakamatagumpay na paraan ni Satanas sa pagsira sa katapatan ng mga lingkod ng Diyos ay ang panghihikayat sa kanila na mangalunya. (Bilang, kabanata 25) Matutularan mo kaya ang katapatan ni Job sa pamamagitan ng hindi pagpapadala sa lahat ng panghihikayat upang makiapid? Ito nga’y isang hamon, lalo na sa haling-sa-seksong daigdig na ito na kung saan palasak ang imoralidad. Ngunit isip-isipin kung gaanong kabuti, pagka ikaw ay nagusulit na, na makapagsabi ka nang may pagtitiwala gaya ni Job: “Mababatid ng Diyos ang aking katapatan”!—Job 31:6.
Ano ang Tutulong sa Atin
19. Ano ang kailangan na tutulong sa atin na manatiling tapat?
19 Hindi madali na tularan ang katapatan ni Job, yamang si Satanas ay puspusang nagsisikap din ngayon na sirain ang ating katapatan gaya ng sinikap niyang gawin kay Job. Kung gayon, kailangan na isakbat natin ang hustong kasuotang baluti buhat sa Diyos. (Efeso 6:10-18) Kasangkot dito ang pagiging palaisip sa Diyos, gaya ni Job, na laging nag-iisip na palugdan Siya sa anumang gawin natin o ng ating pamilya. (Job 1:5) Kaya, ang pag-aaral ng Bibliya, ang regular na pakikisama sa mga kapananampalataya, at ang pangmadlang pagpapahayag ng ating pananampalataya ay kailangan.—2 Timoteo 2:15; Hebreo 10:25; Roma 10:10.
20. (a) Anong pag-asa ang aalalay sa atin sa panahon ng pagsubok? (b) Anong gantimpala para sa mga tapat na binanggit ng salmista ang maaaring tanggapin natin?
20 Ngunit ang lalo nang aalalay sa atin sa sandali ng pagsubok ay yaong umalalay kay Job—ang kaniyang pagtitiwala na ang buhay na ito’y hindi siyang lahat-lahat. “Kung ang isang malakas na tao ay mamatay mabubuhay pa kaya siya?” ang tanong ni Job. At ang sagot niya: “Ikaw ay tatawag, at ako mismo ay sasagot sa iyo.” (Job 14:13-15) Ang pagkakaroon ng ganoon ding lubos na pagtitiwala na bubuhayin-muli ni Jehova ang kaniyang tapat na mga lingkod ay tutulong din sa atin na harapin ang anumang pagsubok na ipadaranas ni Satanas. (Hebreo 6:10) Noong sinaunang panahon ay sumulat ang salmista ng Bibliya: “Sa ganang akin, dahilan sa aking pagtatapat ay inalalayan mo ako, at iyong ilalagay ako sa harap ng iyong mukha magpakailanman.” (Awit 41:12) Harinawang iyan ang maging maligayang hinaharap ng bawat isa sa atin—ang tayo’y alalayan ni Jehova at ingatan tayo magpakailanman dahil sa pagiging kaniyang tapat na mga lingkod!
Masasagot Mo Ba?
◻ Sino ang nagpatunay na sila’y gaya ni Job, at anong mga paghahambing ang magagawa tungkol sa kanila at kay Job?
◻ Ano ang matututuhan natin buhat sa paraan na ikinilos ni Job nang siya’y nasa pagsubok?
◻ Paano tumugon si Job sa pagtutuwid sa kaniya, at ano ang matututuhan natin mula rito?
◻ Anong magandang halimbawa ang ipinakita ni Job tungkol sa kayamanan at kalinisang-asal sa sekso?
◻ Ano ang tutulong sa atin na manatiling tapat gaya ni Job?
[Larawan sa pahina 17]
Ikaw ba, gaya ni Job, ay nag-alinlangan din noon sa mapapakinabang ngayon sa pananatiling tapat?