Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w86 11/1 p. 25-30
  • Mga Problema sa Pamilya Nalulutas sa Tulong ng Payo ng Bibliya

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Mga Problema sa Pamilya Nalulutas sa Tulong ng Payo ng Bibliya
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1986
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Kailangan ang “Damdamin sa Kapuwa”
  • Ipagsanggalang ang Puso ng Iyong Anak
  • Gamitin ang “Praktikal na Karunungan”
  • Umasa kay Jehova
  • Karapatang Mangalaga sa Bata—Isang Timbang na Pangmalas
    Gumising!—1997
  • Karapatang Mangalaga sa Bata—Ang Relihiyon at ang Batas
    Gumising!—1997
  • Mga Nagsosolong Magulang, Maraming Problema
    Gumising!—2002
  • Pagkilos sa Pinakamabuting Kapakanan ng Inyong Anak
    Gumising!—1988
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1986
w86 11/1 p. 25-30

Mga Problema sa Pamilya Nalulutas sa Tulong ng Payo ng Bibliya

1, 2. (a) Ano ang mga ilang dahilan ng pagkakaroon ng watak-watak na mga pamilya? (b) Bakit ang mga problema ng mga nasa watak-watak na pamilya ay dapat na makabahala sa lahat? (1 Corinto 12:26)

“ANG [pinipili ng] mga asawang babae ay diborsiyo, ang mga anak ay ang mawalan ng mana, . . . imbis na tumalikod kay Kristo,” ang isinulat ni Arnobius, isang nag-aangking Kristiyano noong ikaapat na siglo.a Oo, kahit na noon pa ay mahigpit na pananalansang relihiyoso ng mga di-sumasampalataya ang dahilan ng pagkakawatak-watak ng mga pamilya. Sinabi ni Jesus na yaong may “higit na pag-ibig” sa mga miyembro ng pamilya kaysa sa kaniya ay hindi karapat-dapat sa kaniya. Kaya, magkakaroon ng isang “tabak” na magiging sanhi ng pagkakawatak-watak ng ilang mga sambahayan, dahilan sa pagpapakita ng mananampalataya ng mas kaunting pag-ibig sa kaniyang pamilya, “oo, at pati sa kaniyang sariling kaluluwa man.” (Mateo 10:34-37; Lucas 14:26) Ang gayong pagkakawatak-watak ng pamilya ay nagpapatuloy hanggang sa kaarawan natin.

2 Bagama’t gawin ng Kristiyano ang lahat ng magagawa niya upang panatilihin ang pagkakaisa ng pamilya, mayroong mga di-kapananampalatayang asawa na talagang ayaw na “makisama” sa Kristiyano, kaya ang kinahihinatnan ay ang paghihiwalay o diborsiyo. (1 Corinto 7:12-16) Nagkakaroon din ng watak-watak na mga pamilya sapagkat sa panahon ng “katapusan ng sistemang ito ng mga bagay,” mayroong ‘panlalamig’ ng pag-ibig sa Diyos at sa kaniyang mga kautusan, kasali na yaong tungkol sa pag-aasawa. (Mateo 19:6, 9; 24:3, 12) Sa Estados Unidos ang mga nagdidiborsiyo ay dumami pa ng 236 porsiyento sa pagitan lamang ng 1960 at 1980! Yamang mga tatlo sa limang nagdiborsiyong mag-asawa sa Estados Unidos ang may mga anak, ang mga nasa watak-watak na tahanan ay napapaharap sa masalimuot na mga problema. Karaniwan na pagka nakaalam ang mga tao ng katotohanan ng Salita ng Diyos, humuhusay na lalo ang kanilang buhay pampamilya, subalit may mga taong napasangkot sa mga diborsiyo bago naging mga Saksi ni Jehova. Kung minsan kahit na ang isang Kristiyano na hindi nagkakapit ng payo ng Bibliya nang buong sikap sa tahanan ay humahantong sa pakikipagdiborsiyo. (Juan 13:17) Ano ang maaaring gawin ng mga magulang na Kristiyano sa ilalim ng ganitong mga kalagayan upang palakihin ang kanilang mga anak sa pag-ibig kay Jehova?

Kailangan ang “Damdamin sa Kapuwa”

3. Anong pagdurusa ang likha ng diborsiyo?

3 Noong kaarawan ni Malakias may mga lalaking Israelita na may kataksilang nakikipagdiborsiyo sa kani-kanilang asawa. Ang “pananangis at pagbubuntong-hininga” ng mga hiniwalayang babaing ito samantalang sila’y dumudulog sa Diyos para humingi ng tulong ay, sa katunayan, “kanilang tinatakpan ng luha ang dambana ni Jehova.” (Malakias 2:13-16) Ang paghihiwalay ng mag-asawa sa ngayon ay masaklap din naman, kahit na mayroong matatag na batayan sa Kasulatan ang gayong paghihiwalay. Bagama’t ang mag-asawa’y nagdurusa, ang mga anak ang kadalasan higit na nagdurusa.

4. (a) Sa paanong ang mga anak ay nagdurusa pagka ang kanilang mga magulang ay nagdiborsiyo? (b) Paano matutulungan ng isang magulang ang kaniyang anak?

4 Kahit na kung dahil sa diborsiyo’y natatapos na ang pag-aabuso, ang buong daigdigan ng isang bata ay waring kung minsan nagkakawatak-watak. Kaya naman, kailangan na ang isang sumasampalatayang magulang ay magpakita ng pambihirang pag-ibig at kaunawaan sa pagharap sa situwasyon. “Ako’y laging nasa gitna. Ang wari ko’y nababahagi ako,” ang paliwanag ng isang kabataan na ang amang Kristiyano ay kumuha ng maka-Kasulatang diborsiyo nang ang bata ay singko anyos. “Kinimkim ko ang aking tunay na mga damdamin. Kaya naman nagkaroon ako ng pakikipagpunyagi laban sa pamamanglaw.” Upang matulungan ang isang anak na paglabanan ang ganiyang matinding emosyon kailangan na ang isang magulang ay may “damdamin sa kapuwa” at maging “malumanay sa kaawaan.” (1 Pedro 3:8) Baka ang bata ay walang imik dahil sa nakadarama ng kasalanan, baka inaakala niya na siya’y isa rin sa masisisi sa pagkakaroon ng gayong diborsiyo. Kailangang matiyagang ipaliwanag ng magulang na mahal niya ang bata at na walang kasalanan ang bata sa nangyaring iyon.

5. Bakit ang isang magulang na Kristiyano ay dapat magsikap na tapusin na ang pakikipag-alitan sa dating asawa?

5 Ang samaan ng loob sa pagitan ng mga magulang ay maaaring maging matindi, lalo na pagka may kasangkot na mga isyu sa relihiyon. Subalit, imbis na “gantihin ng masama ang masama o ng alipusta ang pag-alipusta,” ang sumasampalatayang mga magulang ay titingin sa kapakanan ng anak. (1 Pedro 3:9) Sa kaniyang aklat na Growing Up Divorced, ganito ang sabi ni Linda Francke: “Ang mga magulang na nagkakapootan sa isa’t isa ay lalo lamang nagpapalaki sa mga problema ng mga anak na ito at higit na nakapipinsala. Dahilan sa ayaw niyang saktan ang damdamin ng alinman sa dalawang magulang, ang anak ay baka lumayo sa kapuwa magulang.” Oo, ang “mapapait na paninibugho at pagkakampi-kampi” ay hindi lamang masama kundi maaari pang maging dahilan ng paglayo sa iyo ng iyong anak. (Santiago 3:14, 16) Ang walang pakundangang berbalang pag-atake sa isang di-sumasampalatayang magulang ay maaaring pakadamdamin ng isang anak. (Kawikaan 12:18) Kung ang di-sumasampalatayang dating asawa ay may hangarin na ipagpatuloy ang alitang iyon, “hangga’t magagawa mo (ang sumasampalataya), makipagpayapaan ka sa lahat ng tao.”​—Roma 12:18-21.

Ipagsanggalang ang Puso ng Iyong Anak

6. Pagka natiyak kung kanino mapapapunta ang anak, ano ang maaaring maging isang problema sa mga ibang magulang?

6 Pagkatapos matiyak kung kanino mapapapunta ang anak, baka mayroon pa ring mga suliranin na dapat harapin. “Isa sa mga pangunahing problema,” ang sabi ng isang report na galing sa sangay ng Watchtower Society sa Australia, “ay na waring nagiging maluwag ang magulang na sa kaniya napunta ang pangangalaga ng anak . . . Kahit na ang isang magulang na nasa katotohanan ay maaaring makalimot sa pangunahing dahilan kung bakit niya ibig na mapapunta sa kaniya ang mga anak. Ang pangunahing dahilan ay upang mapalaki sila bilang mga tunay na mananamba kay Jehova.” Para magawa ito ay kailangan ang patuluyang pagsusumikap.​—Efeso 6:4.

7. (a) Bakit ang isang anak ay dapat turuan na igalang ang di-sumasampalatayang magulang? (b) Paano ka makapangangatuwiran sa isang anak kung ang di-sumasampalatayang magulang ay nakikitaan ng asal na di maka-Kristiyano?

7 Mangyari pa, ang husgado ay malimit na nagbibigay ng mga karapatan upang ang magulang na hindi sa kaniya napapunta ang anak ay makabisita sa anak na iyon. Ang mga ito kaya ay maaaring igalang samantalang ipinagsasanggalang pa rin ang puso ng bata? Oo, at tumpak na ang anak ay magpakita ng kaukulang paggalang sa isang di-sumasampalatayang magulang. Kung sa panahon ng pagdalaw, ang di-sumasampalatayang magulang ay magpakita ng ugaling di maka-Kristiyano, imbis na maghasik ng pagkapoot sa pamamagitan ng paghatol sa magulang na iyon, ang maaaring gawin ng sumasampalatayang magulang ay ipaliwanag sa anak na ang Diyos ay nagtakda ng mga pamantayang asal sa Bibliya at na “bawat isa sa atin ay magsusulit sa Diyos,” ang ultimong Hukom. (Roma 14:12) Subalit, liwanagin sa bata na ang gayong ugali ay hindi dapat gayahin. Maingat na ipakita na bagama’t ang iba ay hindi sumusunod sa mga pamantayang ito, pagsapit ng panahon marami ang nagbabago dahilan sa pagkakita sa isang maka-Kristiyanong uliran na ipinamalas ng bata at ng hiniwalayang magulang. Sa ganitong paraan, maaaring magkaroon din ng kaunting paggalang ang bata sa magulang. Ang di-pagkakasundo tungkol sa relihiyon ng nagdiborsiyong mag-asawa ay hindi dapat makahadlang sa isang magulang na maimpluwensiyahan ang anak sa positibong paraan. Hahayaan ng magulang na Kristiyano “na ang [kaniyang] pagkamakatuwiran ay mahayag sa lahat ng tao.” (Filipos 4:5) Subalit, ano kung sisikapin ng di-sumasampalataya na sirain ang maka-Diyos na pagsasanay?

8. Papaanong dalawang magulang ang naghanda ng kanilang mga anak para sa pagdalaw sa sumasalungat na mga dating asawa?

8 Ang paghahanda para sa mga pagdalaw ang pinaka-susi! Isang inang Kristiyano na ang dating asawa’y naging isang apostata ang nag-uulat ng ganito: “Bago dumating ang pagdalaw ako’y nakikipag-aral sa mga anak ko tungkol sa kung paano mamalasin ni Jehova ang kanilang asal. Pinag-iisipan namin kung papaano kami kikilos sa mga situwasyon. Sasabihin ko kunwari, ‘Kung sabihin ng inyong tatay na ganito at ganoon, paano mo siya sasagutin?’” Ang isa pang babaing Kristiyano na diniborsiyo dahil siya’y naging isang Saksi ay nagsasabi pa: “Bago lumisan [ang aking dalawang tin-edyer] para sa kanilang dulo-ng-sanlinggong pagdalaw sa kanilang tatay, kami ay nananalangin muna at hinihiling na suma-kanila nawa si Jehova at tulungan sila na magpatotoo sa kanilang itay, lalo na sa pamamagitan ng kanilang magandang asal.”

9. Papaano matutularan ng mga magulang na Kristiyano ang halimbawa ng ina ni Moises?

9 Ang isang hindi sumasampalatayang magulang na may mga karapatang dumalaw ay baka magsikap na suyuin ang anak sa pamamagitan ng maraming regalo, magastos na mga paglilibang, at iba pang mga libangan. Alam ni Jochebed, na ina ni Moises, (at si Amram, kung siya’y nabubuhay pa) kung ano ang mapapaharap kay Moises pagka siya’y ipinaampon na sa anak na babae ni Faraon. Kaya walang alinlangan na tinulungan niyang hubugin ang kaniyang mga pagpapahalaga samantalang si Moises ay nasa kaniya pa. (Exodo 2:1-10) Bagaman siya’y nakaharap sa nakakatuksong “mga kayamanan ng Ehipto,” si Moises ay nagpasiya na sumunod sa mga simulain ng Diyos. Kaniyang “pinahalagahan” ang kaniyang espirituwal na mga pribilehiyo bilang mga tunay na kayamanan! (Hebreo 11:23-26) Ang mga magulang na Kristiyano ay dapat ding gumawa ng ganiyang paghahanda sa kanilang mga anak upang maharap ang gayong mga tukso sa pamamagitan ng pagtalakay sa materyal sa Kasulatan na nakapokus sa espirituwal na kayamanan.b Malimit na nakikita ng mga anak ang mababaw na motibo ng magulang na nagtatangka na bilhin ang kanilang pagmamahal.​—Kawikaan 15:16, 17.

10. Sa isang grabeng situwasyon, ano ang mga ilang salik na dapat isaalang-alang ng isang magulang?

10 Sa ilang grabeng mga kaso, ang gayong mga pagdalaw ay maaaring magharap ng isang malubhang panganib sa anak. Ang isang magulang ay dapat na magpasiya kung ano ang dapat gawin sa ilalim ng mga gayong kalagayan, na kasabay ng panalangin ay sinusuri ang kalubhaan ng panganib, ang legal na kaayusan na maaaring gamitin, at ang posibleng mga kahihinatnan ng pagtangging igalang ang mga karapatan sa pagdalaw.c Iwasan ang padalus-dalos na pagkilos na maglalagay sa alanganin ng iyong pagiging karapat-dapat na maging isang magulang.​—Galacia 6:5; Roma 13:1; Gawa 5:29; 1 Pedro 2:19, 20.

Gamitin ang “Praktikal na Karunungan”

11. Pagka hindi sa isang magulang na Kristiyano napapunta ang anak, ano ang dapat niyang kilalanin?

11 Ano ngayon kung ang Kristiyanong magulang ang may mga karapatan sa pagdalaw? Pagka ang anak ay wala na sa tahanang Kristiyano, ang magulang na iyon ay mayroong limitadong espirituwal na kapangyarihan sa kaniyang anak. (1 Corinto 7:14) Halimbawa, malamang na iginiit ng tapat na patriarkang si Abraham na ang kaniyang anak na si Ismael, tulad ni Isaac, ay mag-asawa ng isang kapuwa niya mananamba. Subalit pagkatapos na si Ismael, na noo’y isa pang tin-edyer, at ang kaniyang inang si Hagar ay paalisin sa sambahayan, hindi nakuha ni Abraham na hadlangan si Hagar sa pagsasaayos na si Ismael ay mag-asawa ng isang babaing Ehipsiyo na maliwanag na hindi nga isang mananamba kay Jehova.​—Genesis 21:14, 21; 24:1-4.

12. (a) Anong positibong pagsisikap ang kailangang gawin ng isang magulang na Kristiyano na hindi siyang pinagkalooban ng karapatan na umampon sa kaniyang anak? (b) Magbigay ng halimbawa kung paanong ang isang magulang na Kristiyano ay maaaring ‘gumamit ng karunungan sa ikapagtatagumpay.’

12 Sa kabila ng maaaring sabihin na limitadong mga pagkakataon, ang isang Kristiyanong magulang na hindi sa kaniya napapunta ang anak niya ay may malaking magagawa upang turuan ang bata ng matimyas na pag-ibig kay Jehova. Para magawa iyan, kailangan ng magulang na “ingatan ang praktikal na karunungan at kakayahang umisip.” (Kawikaan 3:21) Oo, higit pa sa matinding pagsisikap ang kinakailangan. “Kung ang isang talim na bakal ay pumurol at hindi iyon inihasa ng sinuman, kung magkagayo’y kaniyang gagamitin ang kaniyang buong lakas [at bahagya lang ang magiging resulta]. Kaya naman ang paggamit sa karunungan ay pinakikinabangan na magturo.” (Eclesiastes 10:10) Halimbawa, kung minsan ang di-sumasampalataya ay baka magdahilan upang hadlangan ang pagbisita sa bata. Sa halip na gumawa agad ng isyu tungkol dito, ang isang magulang ay baka magtamo ng lalong mabuting mga resulta sa pamamagitan ng pagkakapit sa Kawikaan 25:15: “Sa pamamagitan ng tiyaga ay nahihikayat ang isang pangulo, at ang malumanay na dila ay bumabasag ng buto.” Ang tiyaga at pagkamalumanay, bagama’t hindi madali na ipamalas pagka ang isang tao’y nakaharap sa di-nararapat na mga paghihigpit, ay maaaring magpalambot kahit sa isang tao na ang pagsalansang ay kasintigas ng isang buto. (Ihambing ang 2 Timoteo 2:23-25.) Ang mga argumento ay kalimitan nang maaaring iwasan sa pamamagitan ng iyong pagdating nang nasa oras at pagsunod sa mga mungkahi (na hindi salungat sa Kasulatan) na ibinigay ng magulang na nag-iingat sa anak. Kung ikaw ay nababahala sapagkat ang di-sumasampalatayang magulang ay sinisiraan ka sa iyong anak, alalahanin ang 1 Pedro 2:15: “Sa pamamagitan ng paggawa ng mabuti ay baka mapatahimik mo ang kamangmangan ng walang katuwirang mga lalaki [at mga babae].” Kung ikaw ay magpapakita ng isang magandang halimbawa, makikita ng anak kung sino nga ang tama.​—Kawikaan 20:7.

13. Paanong magagawa na kapaki-pakinabang ng isang sumasampalatayang magulang ang kaniyang pagdalaw?

13 Sa panahon ng pagdalaw, sikaping ang Salita ng Diyos ay ilagay sa puso ng bata, kailanma’t posible, sa pamamagitan ng personal na pakikipag-aral sa kaniya ng espirituwal na materyal at pagsasama sa kaniya sa mga pulong ng kongregasyon. Kahit na kung mayroong mahihigpit na mga legal na restriksiyon, ang magulang ay makagagamit ng impormal na paraan ng pagtukoy sa mga gawang paglalang ng Diyos, at sa mga ibang paraan ay matutulungan ang bata na ibigin ang Diyos. (Roma 1:19, 20; Mateo 6:28-30) Kinilala ni Jesus ang mga limitasyon ng kaniyang mga tagapakinig. Kaniyang “sinaysay sa kanila ang salita, ayon sa makakaya ng kanilang pakinig.” (Marcos 4:33, 34) Kaya’t bukod sa pagtalakay sa seryosong espirituwal na mga bagay, gumawa rin ng ibang kapaki-pakinabang na mga gawain, tulad halimbawa ng pagdalaw sa mabubuting mga kaibigan, pati na ang ilan na kasing-edad ng bata. (Kawikaan 13:20) Tamasahin ninyo ang kasiyahan ng paglilibang na magkasama. Ang pagdalaw na iyon ay gawing isang mahalagang okasyon. Ang makatuwirang disiplina ay nagpapakita ng pag-ibig. (Kawikaan 13:24) Subalit, kung minsan, ang mga problema ay maaaring totoong pagkalaki-laki. Kung saan-saan nanggagaling ang mga panggigipit. Papaanong lahat ng ito ay mapagtitiisan?

Umasa kay Jehova

14. Anong mga katiyakan mayroon tayo sa Awit 37:23, 24?

14 Tungkol sa isang tao na ang landasin ng buhay ay “kinalulugdan” ni Jehova, si David ay sumulat: “Bagama’t siya’y mabuwal, hindi siya lubos na mapapahiga, sapagkat inaalalayan ni Jehova ang kaniyang kamay.” (Awit 37:23, 24) Oo, ang isang Kristiyanong nakikipagpunyagi sa mga kagipitan na likha ng isang watak-watak na pamilya ay baka paminsan-minsan “mabuwal” dahil sa mga pagkasiphayo, kabiguan, at mga suliraning legal o may kinalaman sa pananalapi, subalit hindi siya “lubos na mapapahiga” sa espirituwal na paraan. Gaya ng pagkasalin sa pariralang iyan ng The New Berkeley Version: “Pagka siya’y nabuwal, hindi siya bumabagsak at inaalis na.” Bakit? Sapagkat inihahandog ni Jehova ang kaniyang kamay ng pag-alalay sa pamamagitan ng kaniyang banal na espiritu at ng kaniyang maibiging mga mananamba.​—Santiago 1:27.

15, 16. Paano inalalayan ang mga iba na nasa watak-watak na pamilya?

15 Isang babaing Kristiyano, pagkatapos na sa kaniyang mananalansang na dating asawa mapapunta ang kaniyang dalawang kabataang anak, ay nagsabi: “Nang ang mga bagay-bagay ay lubusang alisin sa aking mga kamay, natuto akong talagang umasa kay Jehova. Natuto akong tanggapin ang kaniyang ipinahihintulot at huwag ipabahala sa aking sariling mga kamay ang mga bagay-bagay. Ako’y natututo pa rin hanggang ngayon. Isang may kahirapang aral ito.” Gayunman, kaniyang lubusang ginagamit ang kaniyang mga karapatan sa pagdalaw at nagkakaroon ng kaaliwan hindi lamang buhat sa kaniyang bagong asawang lalaki, na isang tapat na matanda sa kongregasyong Kristiyano, at pati rin buhat sa mga iba pa sa kongregasyon.

16 Isa pang babaing Kristiyano na ang dating asawang apostata ay lumabag sa hatol ng hukuman at kinuha ang kaniyang mga anak upang makasama niya ng mga ilang buwan, ang nagsabi: “Ganiyan na lang ang aking panlulumo na anupa’t akala ko’y ako’y malalagot na. Ang isang bagay na nakahadlang upang huwag masira ang aking isip noong panahong iyon ay ang pagiging abala ko sa ministeryo sa larangan.” Ang kaniyang anak na babae, na pitong taóng gulang ng panahong iyon, ay nanindigang matatag sa panig ni Jehova, anupa’t pinagtiisan niya ang pambubugbog sa kaniya ng kaniyang ama dahil sa tumanggi siyang basahin ang apostatang literatura ng kaniyang ama. Nang siya’y bumalik sa kaniyang ina, siya’y disidido na manatili sa lalong matalik na kaugnayan kay Jehova. Ang mga ito at ang iba pang tapat na mga lingkod ay nakasaksi ng katuparan ng Awit 54:2-7: “Oh Diyos, pakinggan mo ang aking panalangin; . . . narito! ang Diyos ang tumutulong sa akin; si Jehova ay isa sa mga umaalalay sa aking kaluluwa . . . sapagkat kaniyang iniligtas ako sa bawat kapighatian.” Oo, maaasahan natin ang pag-alalay ni Jehova!​—1 Corinto 10:13.

17. Paanong ang mga magulang sa watak-watak na mga pamilya ay makatutulong sa kanilang mga anak, at ano ang maaaring kagantihan nito?

17 Kaya kung isa kang magulang sa isang watak-watak na pamilya, damahin mo ang nadarama ng iyong anak. Patibayin mo ang puso ng isang iyan sa tulong ng Salita ng Diyos. Kung ikaw naman ay mayroon lamang mga karapatan sa pagdalaw, kung magkagayon ay isagawa mo ang “praktikal na karunungan” samantalang ginagamit mo nga ang mga ito nang lubusan. Magtiwala sa bisa ng Salita ng Diyos na inihasik sa isang pusong tumatanggap niyaon. (1 Tesalonica 2:13) Ang pagkakita na umiibig kay Jehova ang iyong anak ay sulit na sulit sa iyong pagpapagal.

[Mga talababa]

a Against the Heathen, Book II, 5.

b Tingnan “Ang Pinakadakilang Pagkakataon ng Kabataan” sa aming labas ng Gumising! Mayo 8, 1986, at gayundin “Paano Mo Minamalas ang Materyal na mga Ari-arian?” sa aklat na Ang Iyong Kabataan​—Pagkakamit ng Pinakamainam Dito, lathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.

c Ang Uniform Marriage and Divorce Act sa Estados Unidos ay nagsasabi: “Ang isang magulang na hindi pinagkalooban ng karapatan na umampon sa anak ay may makatuwirang mga karapatan sa pagdalaw maliban sa mapatunayan ng hukuman, pagkatapos ng isang paglilitis, na dahil sa pagdalaw na iyon ay mapapasa-panganib ang pisikal na kalusugan ng bata o mapipigil ang kaniyang emosyonal na pag-unlad.”

Natatandaan Mo Ba?

◻ Papaanong ang magulang na Kristiyano na binigyan ng karapatang umampon sa kaniyang anak ay makapagsasanggalang sa puso ng anak?

◻ Papaanong ang “praktikal na karunungan” ay tutulong sa isang sumasampalatayang magulang na mayroon lamang mga karapatan sa pagdalaw?

◻ Anong katiyakan ang ibinibigay ng Awit 37:23, 24, at papaano tinutupad ni Jehova ang pangakong ito?

[Larawan sa pahina 28]

Gamitin ang mga karapatan sa pagdalaw upang ikintal ang katotohanan sa puso ng iyong anak, at lakipan ito ng kapaki-pakinabang na mga gawain

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share