ARALIN 38
Pahalagahan ang Regalong Buhay
Napakasarap mabuhay. At kahit may mga problema tayo, puwede pa rin nating ma-enjoy ang buhay. Paano natin maipapakita na pinapahalagahan natin ang regalong buhay? Ano ang pinakamahalagang dahilan kung bakit natin ito gagawin?
1. Bakit dapat nating pahalagahan ang buhay?
Dapat nating pahalagahan ang buhay kasi regalo ito ng mapagmahal nating Ama, si Jehova. Siya ang “bukal ng buhay”—ang lumalang ng lahat ng buhay. (Awit 36:9) “Siya mismo ang nagbibigay sa lahat ng tao ng buhay, hininga, at lahat ng bagay.” (Gawa 17:25, 28) Ibinibigay niya ang lahat ng kailangan natin para patuloy tayong mabuhay. Hindi lang iyan, may mga ginawa pa siya para ma-enjoy natin ito.—Basahin ang Gawa 14:17.
2. Paano natin maipapakita kay Jehova na pinapahalagahan natin ang regalong buhay?
Nasa tiyan ka pa lang ng nanay mo, nagmamalasakit na sa iyo si Jehova. Sa isang panalangin na ipinasulat ni Jehova, sinabi ni David: “Nakita ako ng mga mata mo kahit noong binhi pa lang ako.” (Awit 139:16) Para kay Jehova, napakahalaga ng buhay mo. (Basahin ang Mateo 10:29-31.) Kaya siguradong malulungkot siya kung tatapusin natin ang buhay ng iba o ng sa atin.a (Exodo 20:13) Malulungkot din siya kung isasapanganib natin ang buhay natin o ng iba dahil hindi tayo maingat. Kung iingatan natin ang buhay natin at igagalang ang buhay ng iba, ipinapakita natin na pinapahalagahan natin ang napakagandang regalong buhay.
PAG-ARALAN
Tingnan ang mga puwede mong gawin para maipakitang pinapahalagahan mo ang regalong buhay.
3. Ingatan ang kalusugan mo
Kapag inialay na natin ang buhay natin kay Jehova, gagamitin natin ito para paglingkuran siya. Para itong paghaharap ng katawan natin bilang isang hain sa Diyos. Basahin ang Roma 12:1, 2. Pagkatapos, talakayin ang mga tanong na ito:
Bakit gusto mong ingatan ang kalusugan mo?
Paano mo ito magagawa?
4. Maging palaisip sa kaligtasan mo at ng iba
Sinasabi ng Bibliya na dapat nating iwasan ang mga gawaing puwedeng magsapanganib ng buhay natin at ng iba. Panoorin ang VIDEO. Tingnan ang mga puwedeng gawin para maging ligtas.
Basahin ang Kawikaan 22:3. Pagkatapos, talakayin kung paano ka magiging ligtas, pati na ang iba . . .
sa bahay mo.
sa trabaho mo.
kapag naglalaro ka.
kapag nagmamaneho ka o pasahero ka.
5. Pahalagahan ang buhay ng sanggol na hindi pa naipapanganak
Ipinaliwanag ni David na interesadong-interesado si Jehova sa nangyayari sa isang sanggol na hindi pa naipapanganak. Basahin ang Awit 139:13-17. Pagkatapos, talakayin ang tanong na ito:
Para kay Jehova, kailan nagsisimula ang buhay: kapag nasa tiyan pa lang ang bata o kapag naipanganak na ito?
Naprotektahan ng batas ni Jehova sa sinaunang Israel ang mga nanay at ang sanggol na hindi pa naipapanganak. Basahin ang Exodo 21:22, 23. Pagkatapos, talakayin ang mga tanong na ito:
Ano ang tingin ni Jehova sa isang tao na nakaaksidente at nakapatay ng sanggol na hindi pa naipapanganak?
Ano naman ang tingin niya sa mga sadyang gumawa nito?b
Ano ang nararamdaman mo sa pananaw na ito ng Diyos?
Kahit pinapahalagahan ng isang babaeng buntis ang buhay, baka maisip niya na aborsiyon lang ang magagawa niya. Basahin ang Isaias 41:10. Pagkatapos, talakayin ang mga tanong na ito:
Kung nape-pressure ang isang babae na magpalaglag, kanino siya dapat humingi ng tulong? Bakit?
MAY NAGSASABI: “Puwede namang magpa-abort ang isang babae kung gusto niya—katawan niya ’yon!”
Ano ang nakakumbinsi sa iyo na mahalaga kay Jehova ang buhay ng nanay at ng sanggol sa tiyan nito?
SUMARYO
Itinuturo ng Bibliya na dapat nating mahalin, respetuhin, at ingatan ang regalong buhay—sa atin man ito o sa iba.
Ano ang Natutuhan Mo?
Bakit mahalaga kay Jehova ang buhay ng tao?
Ano ang mararamdaman ni Jehova kapag sinadyang tapusin ng isang tao ang buhay niya o ng iba?
Bakit mo pinapahalagahan ang regalong buhay?
TINGNAN DIN
Paano natin papasalamatan si Jehova sa regalong buhay?
Mapapatawad pa ba ng Diyos ang nakagawa ng aborsiyon? Alamin ang sagot.
“Ano ang Sinasabi ng Bibliya Tungkol sa Aborsiyon?” (Artikulo sa jw.org/tl)
Paano dapat makaapekto ang pananaw ng Diyos sa buhay sa pinipili nating libangan?
“‘Lubhang Mapanganib na mga Isport’—Dapat Mo Bang Subukan Ito?” (Gumising!, Oktubre 8, 2000)
Paano kung gustong magpakamatay ng isang tao? Tingnan ang sinasabi ng Bibliya.
a Nagmamalasakit si Jehova sa mga pusong nasasaktan. (Awit 34:18) Naiintindihan niya ang nararamdaman ng mga gustong magpakamatay, at gusto niya silang tulungan. Para malaman kung paano tinutulungan ni Jehova na malabanan ng isang tao ang kagustuhang magpakamatay, basahin ang artikulong “Gusto Ko Nang Mamatay—Matutulungan Ba Ako ng Bibliya Kapag Naiisip Ko Ito?” na makikita sa seksiyong Tingnan Din ng araling ito.
b Ang mga nagpa-abort ay hindi dapat sobrang makonsensiya. Mapapatawad sila ni Jehova. Para sa iba pang impormasyon, tingnan ang artikulong “Ano ang Sinasabi ng Bibliya Tungkol sa Aborsiyon?” na nasa seksiyong Tingnan Din ng araling ito.