Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w86 11/1 p. 20-24
  • Mga Magulang—Paano Ninyo ‘Mapatitibay’ ang Inyong Tahanan?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Mga Magulang—Paano Ninyo ‘Mapatitibay’ ang Inyong Tahanan?
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1986
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • May Karunungang Itakda ang mga Dapat Unahin
  • Ang Pamalo at Saway ay Nagbibigay ng Karunungan
  • Ang Unawa ay Lumilikha ng Empatiya
  • Pagpapatibay sa Kaalaman
  • Sanayin ang Iyong Anak Mula sa Pagkasanggol
    Ang Lihim ng Kaligayahan sa Pamilya
  • Sanayin ang Inyong Anak na Pagyamanin ang Maka-Diyos na Debosyon
    Gumising!—1986
  • Sikaping Maingatan ang Iyong Pamilya Hanggang sa Bagong Sanlibutan ng Diyos
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1992
  • Pagtatayo ng Isang Pamilyang May Matibay na Espirituwalidad
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2001
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1986
w86 11/1 p. 20-24

Mga Magulang​—Paano Ninyo ‘Mapatitibay’ ang Inyong Tahanan?

“Sa karunungan ay natatayo ang sambahayan, at sa pamamagitan ng unawa ay matibay na mapapatatag iyon.”​—KAWIKAAN 24:3.

1. Ano ang isang kailangan upang magkaroon ng isang matatag na pamilya?

ISANG surbey kamakailan ang nagtanong sa mahigit na 550 mga propesyonal na nag-espesyalista sa pagtulong sa mga pamilya kung aling mga ugali ang kanilang nasumpungan na pinakakaraniwan sa matitibay na pamilya. Unang-una sa listahan: komunikasyon at pakikinig. Ang awtor ng surbey, na si Dolores Curran, ang nagpaliwanag kung bakit: “Ang sigla ang nagsisilbing pinaka-gatong sa pagmamalasakit, pagbibigay, pakikibahagi, at pagsasang-ayunan. Kung walang tunay na pakikinig at pakikibahagi ng isa’t isa, hindi tayo magkakakila-kilala. Tayo’y nagiging isang sambahayan ng mga magkakakuwarto na kumikilos imbis na tumutugon sa pangangailangan ng isa’t isa.” Oo, ang malayang pagdaloy ng komunikasyon ang pinaka-buhay ng isang matatag na pamilya.

2, 3. (a) Anong problema ang mapapansin kahit na sa mga ibang tahanang Kristiyano? (b) Ano ang isinisiwalat ng Kawikaan 24:3, 4 na tutulong upang makapagtayo ng isang matatag na pamilya? (c) Anong mga tanong ang kailangang sagutin?

2 Ang kakulangan ng matalik na pagsasamahan ay maaaring humantong sa malungkot na resulta. Halimbawa, isa sa mga sangay ng Watch Tower Society sa Aprika ang tinanong kung bakit ang ibang mga kabataang Kristiyano ay hindi na sumusunod sa moralidad ng Bibliya. “Ang pangunahing kahinaan may kaugnayan sa buong problema,” ayon sa tugon, ay “ang kabiguan ng mga magulang na maging mahuhusay na mga tagapakinig at ang kanilang kawalang-kakayahang makipagkatuwiranan sa kanilang mga anak. Kaya’t maraming mga magulang ang wala talagang matalik na relasyon sa kanilang mga anak.” Kung sa bagay, ito ay isa lamang bahagi ng problema​—bagama’t ang isa na mahalaga. Ang indibiduwal na pagsunod at maka-Diyos na debosyon ng isang kabataan, tulad sa kinakailangan sa bawat isa, ang siyang unang-una. (Roma 14:12; 1 Timoteo 6:6) Isaalang-alang din ang Kawikaan 24:3, 4. Dito’y mababasa: “Sa karunungan ay natatayo ang sambahayan, at sa pamamagitan ng unawa ay matibay na mapapatatag. At sa pamamagitan ng kaalaman ay napupunô ang mga silid ng lahat ng mahal at kanais-nais na mga kayamanan.”

3 Subalit paano mo maikakapit ang karunungan, unawa, at kaalaman upang kamtin ang kinakailangang emosyonal na matalik na relasyon, lalo na sa mga adolesente o papasok sa pagkaadulto? Paano mo maiiwasan ang di-sinasadyang paglikha ng mga hadlang sa komunikasyon? (Ihambing ang Kawikaan 14:1, 12.) Higit sa lahat, paano ka makapagtatayo ng isang pamilya na matatag sa tunay na pagsamba? Napakaraming mga bagay ang nangangailangan ng iyong panahon at atensiyon, kaya marahil ay iniisip mo kung saan ka dapat magsimula. Ang unang katangian, ang karunungan, ang tutulong sa iyo na alamin kung ano ang dapat mong unahin.

May Karunungang Itakda ang mga Dapat Unahin

4. Ano ang dapat na unang-unang unahin ng isang pamilyang Kristiyano?

4 “Ang pagkatakot kay Jehova ang pasimula ng karunungan,” ang isinulat ng salmista. (Awit 111:10) Ang iyong sariling kaaya-ayang pagkatakot na di ka makalugod sa Diyos, lakip na ang paglalagay sa unang-unang dako ng pagsamba sa kaniya, ay kailangan. Isang ina ang nagbida kung paano silang mag-asawa ay matagumpay na nakapagpalaki ng kanilang dalawang anak na lalaki upang ang mga ito’y maglingkod kay Jehova: “Pinunô namin ang aming mga buhay ng katotohanan​—dumalo kami sa lahat ng mga kombensiyon, pinaghandaan namin at dinaluhan namin ang mga pulong, at ang paglilingkod sa larangan ay isang regular na bahagi ng aming buhay.” Isinusog ng kaniyang asawang lalaki: “Ang katotohanan ay hindi bahagi ng aming buhay, ito mismo ang aming buhay. Lahat ng bagay ay dito nakasentro.” Ang pagsamba ba kay Jehova ang ginagawa mo rin na unang-unang bagay sa inyong tahanan?

5. Bakit kailangang maging timbang ang mga magulang na Kristiyano?

5 Ang paglabas sa ministeryo sa larangan bilang isang pamilya ay lalong magpapalapit sa inyo sa isa’t isa, gayunman dahil sa pambihirang mga pangangailangan ng mga anak ay kailangan na paglaanan sila ng inyong pribadong panahon at lakas. Kung gayon, kailangan na kayo’y maging timbang at alamin kung gaanong panahon ang inyong magagamit para sa pangangaral o sa mga gawain sa kongregasyon samantalang pinangangalagaan din naman ang espirituwal, emosyonal, at materyal na mga pangangailangan ng ‘inyong sariling sambahayan.’ Kayo’y kailangang “matuto munang magsagawa ng maka-Diyos na debosyon sa [inyong] sariling sambahayan.” (1 Timoteo 5:4, 8) Upang tulungan ang mga ama, lalung-lalo na, na ang mga obligasyon sa pamilya at ang mga tungkulin sa ministeryo ay kailangang maging timbang, ang Setyembre 15, 1959, na labas ng The Watchtower ay nagpapayo: “Bigyan ng hustong pagpapahalaga ang mga intereses ng inyong sariling pamilya. Tunay na hindi naman aasahan ng Diyos na Jehova na gagamitin ng isang lalaki ang lahat ng kaniyang panahon sa gawaing pangkongregasyon, sa pagtulong sa kaniyang mga kapatid at mga kapuwa-tao na magtamo ng kaligtasan, subalit hindi naman tinitingnan ang kaligtasan ng kaniyang sariling sambahayan. Ang asawa at mga anak ng isang lalaki ay isang pangunahing responsabilidad.”

6. Anong panganib ang kailangang iwasan ng mga magulang, at paano magagawa ito?

6 Ang responsabilidad na ito ay hindi naman nakasalig lamang sa maraming oras na ginugol mo sa iyong mga anak kundi sa kung ginamit mong lubusan ang panahong iyon. Nakalulungkot sabihin, ang ibang mga magulang ay totoong bigay na bigay ng pag-aasikaso sa kongregasyon, sa kaniyang trabaho na nagsisilbing hamon sa kaniya, o sa materyal na mga bagay kung kaya’t kahit na kasa-kasama nila ang kanilang mga anak, ang kanilang mga isip naman ay nakapako sa ibang bagay. Pagkatapos lamang na datnan ang pamilya ng isang kasawian natalos nila na mayroon pala silang dapat na unahin. “Ang karunungan na buhat sa itaas ay . . . makatuwiran, handang sumunod.” (Santiago 3:17) Ang ganiyang makalangit na karunungan ay tutulong sa iyo na mabaha-bahagi ang iyong panahon at isaalang-alang din ang wastong emosyonal na pangangailangan upang masunod ang lahat ng pag-uutos ni Jehova.

Ang Pamalo at Saway ay Nagbibigay ng Karunungan

7. Paanong epektibong maikakapit ang Kawikaan 29:15?

7 Ang katatagan sa pagtataguyod ng matuwid na mga simulain, na ipinakikitang may kabaitan, ang nagsasabi sa iyong mga anak na ikaw ay nagmamalasakit sa kanila. Ang kaluwagan sa disiplina ay pinagmumulan ng kawalang-kasiguruhan at pagkahulog sa kasamaan ng kabataan. “Ang pamalo at saway ay nagbibigay ng karunungan.” (Kawikaan 29:15; 22:15) Upang maging epektibo “ang pamalo at saway” ay kailangang may kalakip ito na pag-ibig. Ang disiplina na ikinakapit nang walang katuwiran o sa bugso ng galit ay maaaring makasira ng loob ng isang bata. “Kayong mga ama, huwag ninyong ipamungkahi sa galit ang inyong mga anak, upang huwag manghina ang kanilang kalooban.” (Colosas 3:21) Sa “pamalong” pandisiplina ay kasali ang angkop na pagpaparusa, ngunit ang di-makatuwirang mga kahilingan, pagiging labis na mapamintas, at ang paghiya sa bata, ay isang maling paggamit ng “pamalo” na ito at maaaring sumira ng pagtitiwala ng isang bata sa kaniyang sarili at sa iyo. Siya’y maaaring ‘panghinaan ng loob.’

8. Ipaliwanag kung bakit ang “saway” ay nangangahulugan ng higit pa kaysa basta pagpaparusa lamang.

8 Subalit kapuwa ang “pamalo at saway” ay kinakailangan. Ang saway ay nangangailangan ng higit pa kaysa pagpaparusa lamang; kasali rito ang paghaharap ng mga totoong pangyayari upang makumbinsi ang iba.a Ang salitang Hebreo para sa “saway” ay isinasalin na ‘kontra-argumento.’ (Awit 38:14) Samakatuwid, ang talagang ibig sabihin ng pagsaway ay pagiging handa at paghaharap ng mga katibayan upang makita ng bata ang dahilan sa iyong ikinilos. Ang mga publikasyon ng Watchtower Society ay may materyal, ang iba’y isinulat lalung-lalo na para sa mga kabataan, na makatutulong sa iyo na magharap ng matatag na mga dahilan sa iyong anak kung bakit mali ang isang hakbangin. Iyo bang lubusang ginagamit ang mga iyan?

Ang Unawa ay Lumilikha ng Empatiya

9. Ano ang unawa, at bakit ito mahalaga?

9 Ang unawa ay kailangan din para sa mahusay na komunikasyon. Ang orihinal na salitang Hebreo ay galing sa isang salitang-ugat na ang ibig sabihin ay “unawain ang,” “alamin ang pagkakaiba.” Ang ganitong matalinong pag-unawa ay nagsusuri sa kabila pa roon ng basta nakikita lamang, at samakatuwid ay nahahawig sa pagkaunawa, empatiya, at habag.​—1 Pedro 3:8.

10. Paanong ang masusing pagsusuri sa kabila pa roon ng isang maliwanag na kalagayan o situwasyon ay pumigil ng di-pakakaunawaan noong sinaunang panahon sa Bibliya?

10 Ang isang halimbawa sa Bibliya na nagpapakita ng kahalagahan ng unawa ay nasusulat sa Josue 22:9-34. Ang mga tribo ni Ruben, Gad, at kalahati ng Manases, na binigyan ng mga manang lupain sa silangan ng Ilog Jordan, ay nagtayo ng isang malaking dambana sa kanilang lupain. Ang mga ibang tribo, na may paniwalang ito’y apostasya, ay nangaghanda upang parusahan ang sa pangmalas ay isang kusang paglabag sa kautusan ng Diyos. (Levitico 17:8, 9) Bago kumilos, sila’y nagsugo ng isang delegasyon upang makipag-usap sa dalawa at kalahating mga tribo. (Kawikaan 13:10) Isiniwalat ng ginawang pag-uusap na ang dambana ay hindi itinayo para paghandugan ng mga hain kundi “bagkus dahilan sa pagkabahala.” Palibhasa’y nakahiwalay sa mga iba pang tribo dahilan sa Ilog Jordan, ang dalawa at kalahating mga tribo ay totoong nabahala na baka ang kanilang hinaharap na mga salinlahi ay mapahiwalay sa pagsamba kay Jehova. Ang dambana ay magsisilbing palaging tagapagpaalala, “isang saksi,” na sila man naman ay bayan ng Diyos. Ang paliwanag na ito’y pumawi ng dilim! Naiba ang pagkakilala sa dati’y inaakala nila na isang pangahas na pagkakasala. Dahilan sa pagiging “mabagal sa pagkagalit,” naunawaan ng ibang tribong ito ang tunay na kalagayan at ito’y lumikha ng pagkakaunawaan.​—Kawikaan 14:29.

11. Paano nagpakita ng pagkamaunawain ang isang magulang?

11 Pagka may bumangong problema tungkol sa iyong anak, ikaw ba’y nagiging maunawain? Halimbawa, isa sa mga anak ng mag-asawang Kristiyano nang umuwi sa tahanan pagkatapos ng klase ay ‘galit na galit sa daigdig.’ “Ayaw niyang sabihin kung bakit siya ganoong galit na galit,” ang sabi ng ama. “Sa primero’y akala ko ay mapaghimagsik lamang siya, subalit pagkatapos napansin ko na siya’y tumahimik nang magtanong ako tungkol sa paaralan. Bueno, kami’y nagkaroon ng matagal na pag-uusap, at napag-alaman ko na dahilan sa siya’y maliit para sa kaniyang edad, siya’y pinag-iinitan ng kaniyang mga kapuwa bata. Nang sabihin ko sa kaniya na naintindihan ko kung gaano kahirap na tiisin ang ganitong trato, binigyan ko siya ng ilang praktikal na mungkahi upang matulungan siya na harapin iyon.” Ang kalooban ng bata ay dagling lumuwag.

12. Bakit ang mga taon ng pagkatin-edyer ay mahirap para sa karamihan ng kabataan, at ano ang kinakailangan sa bahagi ng mga magulang?

12 Ikaw kaya ay magpakita ng ganiyan ding tiyaga sa pakikitungo sa iyong anak? Ang mga kabataan, lalo na ang mga tin-edyer, ay maaaring lubhang maimpluwensiyahan ng mga bagay na gaya baga ng pag-aaral, pisikal na hitsura nila, mga pita ng sekso, at pagkapopular. “Sa lahat ng yugto ng paglaki ng tao, ang pagbibinata o pagdadalaga ang pinakamahirap,” ang sabi ng lathalaing Adolescence. “Ang mga nagbibinata o nagdadalaga, na mapagpintas-sa-sarili at walang karanasan, ay nakadarama na sila’y kinakapos sa isang daigdig na may kompetisyon at walang pakiramdam. Sa halip na tanggapin na sila’y napahiya at bigo, ang kanilang reaksiyon ay matitinding damdamin ng pagkagalit at pagkabalisa.” Ang ganiyang bumabagabag na mga emosyon ay maaaring makaapekto sa iginagawi ng isang bata. (Ihambing ang Eclesiastes 7:7a.) Sa pamamagitan lamang ng pagkakaroon ng malapitang komunikasyon sa iyong anak mauunawaan mo ang tunay na problema at mauunawaan mo ang pinakamagaling na paraan ng pagtulong.

13. (a) Ano ang mga ilang hadlang sa komunikasyon o pakikipagtalastasan? (b) Bakit kailangang patuloy na ikapit ng mga magulang ang Kawikaan 20:5? Magbigay ng halimbawa.

13 Ang pagsasalita tungkol sa kanilang ikinababahala ay mahirap para sa maraming kabataan. Kung gayon, pagka nagsimulang nagsalita na ang iyong anak, iwasan ang di-iniisip na mga pananalita na nakakasakit, tulad halimbawa ng: ‘Iyan ba lamang? Ang akala ko’y importante iyon.’ ‘Ang mahirap sa iyo ay . . . ’ ‘Ano’t nagagawa mo ito sa akin?’ ‘Ngayon, ano ang inaasahan mo? Ikaw ay isang bata lamang anuman ang mangyari.’ (Kawikaan 12:18) Kung minsan ang isang kabataan ay nangangailangan ng kaunting pagsusuri, lalo na kung siya ay may isang problemang sensitibo. “Ang lalaki [o, babae] na may unawa” ay patuloy na magsisikap na ‘igibin’ ang gayong damdamin. (Kawikaan 20:5) Nasumpungan ng isang Kristiyanong mag-asawa na ang kanilang anak na babae ay umuurong ng pakikibahagi sa mga gawain ng pamilya. Ang mga magulang ay nagsuri subalit walang naibunga. Sila’y nagpatuloy ng paggawa ng gayon. “Sa wakas, isang araw ako ay naupo sa gilid ng kama sa tabi niya, ipinatong ko ang aking baraso sa kaniyang balikat, at itinanong kong muli kung ano baga ang problema,” ang sabi ng ina. “Lumuluha na sinabi niya sa akin na kami raw at ang mga iba pa ay lumalayo sa kaniya, kaya naman siya ay lumalayo rin. Ang unang naisip ko ay sabihin, ‘Walang-walang katotohanan iyan,’ ngunit nagpigil ako at nakinig na lamang ako habang ibinubuhos niya ang laman ng kaniyang dibdib.” Siniguro sa kaniya ng mga magulang na siya’y kanilang mahal na mahal at pagkatapos ay talagang ipinadama nila sa kaniya na siya ay maging palagay sa loob ng pamilya. Kaniyang napagtagumpayan ang problema at ngayon ay naglilingkod bilang isang maligayang buong-panahong ebanghelisador.

14. Bakit ang pagkakaroon ng isang pamilya na malapit sa isa’t isa ay hindi sapat?

14 Ang pagtatayo ng isang pamilyang may matalik na relasyon sa isa’t isa ay mahalaga, at kahit mga makasanlibutang pamilya ay nakagawa niyan. Higit pa ang kailangan para magtayo ng isang pamilya na palaisip sa espirituwalidad at nananatiling malapit kay Jehova at nagkakaisa sa kaniyang Salita. Higit pa ang kailangan kaysa pagiging malapit lamang sa iyong mga anak.

Pagpapatibay sa Kaalaman

15. Anong uri ng kaalaman ang mahalaga, at bakit?

15 “Sa pamamagitan ng kaalaman ay napupunô ang mga silid ng lahat ng mahalaga at kanais-nais na mga kayamanan.” (Kawikaan 24:4) At ang mga kayamanang ito ay hindi materyal na mga kayamanan kundi kasali rito ang espirituwal na seguridad, mapagsakripisyong pag-ibig, pagkatakot sa Diyos, at pananampalataya na salig sa kaalaman sa Diyos. Ang mga ito’y lumilikha ng isang mayamang buhay pampamilya. (Kawikaan 2:5; 15:16, 17; 1 Pedro 1:7) Ang kaalamang ito ay magbibigay sa mga anak ng panloob na lakas upang kanilang madaig ang mga taktika ni Satanas, maging iyon mang mga tusong pamamaraan, sapagkat ang Kawikaan 24:5 ay nagsasabi: “Ang pantas ng tao ay malakas, at ang taong may kaalaman ay lumalago ang kapangyarihan.” Kailangang ikintal mo ang gayong kaalaman sa kanilang puso.​—Deuteronomio 6:6, 7; 1 Juan 2:14.

16. (a) Ano ang kailangan upang ang kaalaman sa Diyos ay maikintal sa puso ng iyong anak? (b) Upang talagang makinabang ang mga anak, ano ang kinakailangan?

16 Isa sa pinakamainam na tulong para maikintal ang Salita ng Diyos sa puso ng iyong mga anak ay ang pagdaraos ng isang regular na pampamilyang pag-aaral na tumutulong sa kanila upang gawing kanilang sarili ang katotohanan. “Ang pampamilyang pag-aaral ang nagtatayo ng tamang kapaligiran, upang ang isip ng iyong anak ay tumanggap ng turo,” ang paliwanag ng isang matagumpay na magulang na may apat na anak. Kaniyang sinabi pa: “Pagka iyong sinimulan na ituwid ang mga anak, ikaw ay kusang nagkakaroon ng isang ‘nagagalit na mga tagapakinig.’ Ngunit kung iyong tatalakayin ang materyal sa panahon na walang nagagalit, tulad kung may pampamilyang pag-aaral, lalong malaki ang tsansa na makalusot ang mga punto na ibig mong ipaalam sa kanila.” Subalit upang talagang makinabang ang mga anak, kailangang tularan mo si apostol Pablo, na sumulat: “Nananabik akong makita ko kayo, upang ako’y makapamahagi sa inyo ng kaloob na ukol sa espiritu upang kayo’y tumibay.” (Roma 1:11) Ang kaloob o regalo ay lalo nang pinahahalagahan pagka iyon ay isang bagay na magagamit ng niregaluhan at na talagang may halaga sa kaniya. Palabasin mo buhat sa materyal ang isang bagay na pumupukaw sa bata.

17. (a) Ano ang tutulong upang ang isang pampamilyang pag-aaral ay maging kapuwa interesante at nakapagtuturo? (b) Ikaw ba ay may karagdagang maimumungkahi?

17 Titiyakin ng mga magulang na lahat sa pamilya ay nakakaalam ng oras ng pag-aaral, pati na kung anong materyal ang pag-aaralan. Ang mga iba’y gumagamit ng biswal na mga pantulong, tulad halimbawa ng mga mapa at mga tsart, upang lalong magliwanag ang materyal. Ang ibang mga magulang naman ay nagsisilbi ng mga inumin o pampalamig bago o pagkatapos ng pag-aaral. Pagkatapos ng pag-aaral maaari nilang pag-usapan ang mga problema sa araw na iyon o sa loob ng sanlinggo. (Tingnan ang kalakip na kahon para sa karagdagang mga mungkahi.) Higit sa lahat, gawing regular ang pag-aaral na ito! Maraming mga magulang ang kailangang magpagal upang makapaglaan ng pagkain at tirahan para sa kanilang mga anak, ngunit lalo pang mahalaga na sila’y paglaanan ng “dalisay na gatas ng salita, upang sa pamamagitan nito [ang ating mga anak] ay lumaki tungo sa kaligtasan.”​—1 Pedro 2:2; Juan 17:3.

18. Ano ang tutulong upang ‘mapatibay’ ang iyong tahanan?

18 Ang pagtatayo ng isang pamilyang matatag ang espirituwalidad ay nangangailangan ng kasanayan at panahon. Maging disidido na paunlarin ang kinakailangang mga kasanayan sa komunikasyon upang manatiling may malapit na kaugnayan sa iyong mga anak. Huwag payagan ang anuman upang makahadlang sa iyo sa paggugol ng kinakailangang panahon para palakasin ang iyong pamilya sa pamamagitan ng karunungan, unawa, at kaalaman. Ipanalangin mo ang iyong mga anak at manalangin kang kasama nila, sa pagkaalam na tanging si Jehova ang magdadala sa iyo ng tagumpay sa iyong pagsisikap na ‘mapatibay’ ang iyong tahanan.​—Awit 127:1.

[Talababa]

a Ayon sa The Hebrew and English Lexicon, ni John Parkhurst, ang salita para sa “saway” ay galing sa isang pandiwa na ang ibig sabihin ay ‘ipakitang malinaw, ipaliwanag sa pamamagitan ng mga katibayan, itanghal, ipakita sa pamamagitan ng ebidensiya o kapani-paniwalang mga dahilan o argumento.’ Ang Old Testament Word Studies, ni William Wilson, ay nagsasabi tungkol sa pandiwa ring iyan: “patunayan.”

Natatandaan Mo Ba?

◻ Paanong ang isang tahanan ay pinatitibay ng karunungan, at ano ang makatutulong sa mga anak upang mapaunlad ito?

◻ Bakit ang unawa ay tumutulong upang lumikha ng mabuting komunikasyon sa pamilya?

◻ Bakit mahalaga ang kaalaman sa Diyos?

◻ Paanong ang isang pampamilyang pag-aaral ay magagawang interesante at nakapagtuturo?

[Kahon sa pahina 23]

ISANG EPEKTIBONG PAMPAMILYANG PAG-AARAL

Paano dapat na idaos ang isang pag-aaral?

Magkaroon ng isang maalwan, subalit kapita-pitagan, na kapaligiran. Iwasan ang mekanikal, labis na pormal na pag-aaral. Magharap ng mga karagdagang tanong at gumamit ng mga ilustrasyon upang himukin ang mga naroroon na mag-isip at tulungan ang lahat na makibahagi. Gawing simple ang materyal kung kinakailangan. Mas mabuti na huwag gamitin ang oras ng pag-aaral upang kagalitan ang mga anak. Baka kung kinakailangang pangaralan sila ay maaaring gawin iyon nang sarilinan.

Ano ang dapat na pag-aralan?

Piliin ang materyal ayon sa pangangailangan ng pamilya. Ibagay ang pag-aaral sa mga kalagayan. Marahil ang paghahanda ng lingguhang leksiyon sa Ang Bantayan. Baka kailangang pag-usapan ang espisipikong mga suliranin o mga problema, tulad halimbawa ng mga problema na napapaharap sa mga kabataan sa paaralan, ng pakikipag-date, mga extracurricular na aktibidades, sports, at mga hilig sa imoralidad. Gamitin ang mga artikulo o mga publikasyon na may kinalaman sa mga ito. Maaaring hati-hatiin ang panahon ng pag-aaral upang masaklaw ang iba’t ibang paksa.

Kailan dapat ito ganapin at gaanong kahaba?

Ang mga ulo ng pamilya ang maaaring magpasiya nito pagkatapos na talakayin ang mga iskedyul ng mga miyembro ng pamilya at pagkatapos isaalang-alang ang kanilang mga limitasyon. Kailangang isaalang-alang ang mga edad at ang haba ng atensiyon na maaaring ibigay ng mga anak. Baka ibig na magkaroon ng pinaikling sesyon ng kung ilang mga beses sa loob ng isang linggo kung ang mga anak ay napakabata. Ang iba ay mayroong gayong mga sesyon doon sa mesang kainan karakaraka pagkatapos ng pagkain. Ang mahalaga rito ay hindi ang haba kundi ang kaurian ng panahon na ginugugol sa gayong pag-aaral.

Paano mo matitiyak na narating mo ang puso ng bata?

Himukin ang anak na sumagot sa sariling pananalita niya. Mataktikang gumamit ng mga tanong na nagpapalabas ng kaniyang punto de vista upang alamin kung ano ang talagang nadarama ng bata tungkol sa bagay na iyon. Maaari mong itanong: “Ano ba ang palagay ng mga bata sa paaralan tungkol sa bagay na ito? Sa palagay mo kaya’y mayroon silang puntong idiniriin?” O, “Paano mo ipaliliwanag sa isang kaklase kung bakit tayo hindi nagkakasala ng pakikiapid? Sa palagay mo kaya’y talagang sa ikabubuti mo ito? Bakit?” Pakaingat na huwag kikilos nang labis sa mga isinagot sa mga tanong na para alamin ang punto de vista, upang ang batang iyon ay malayang magpahayag ng taimtim na niloloob niya. Magbigay ng panahon upang bawat isa ay makapagsalita, upang tiyakin na kaniyang nauunawaan nang tama ang importanteng mga punto.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share